Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Bakit Ganito ang Nadarama Ko?
“Para bang may naglalaban sa kalooban ko. Hindi ko alam kung saan ako hihingi ng tulong.”—Bob.
MARAMING kabataan ang nakararanas ng katulad na paghihirap sa isipan. Di-tulad ng kanilang mga kaedad na waring haling na haling sa kanilang di-kasekso, sila naman ay higit at higit na naaakit sa kanilang kasekso mismo. Para sa marami, ito’y isang kalunus-lunos na katotohanan.
Ganito ang sabi ng isang babae tungkol sa kaniyang anak na babae: “Nahulog talaga ang katawan niya, hindi siya makakain o makatulog, at nanlumo siya at naging sumpungin. Nagtangka pa nga siyang magpatiwakal.” Ang pangunahing sanhi ng kabalisahang ito? “Siya’y may damdamin ng isang Tomboy.” Para sa ilan hindi madali na daigin ang gayong pagkahilig. “Nang ako’y bata pa,” ang pagtatapat ng isang kabataang lalaki na tatawagin natin sa pangalang Mark, “nagkaroon ako ng homoseksuwal na karanasan sa ilang kaibigan ko. Ipinagpatuloy ko ito hanggang sa aking pagbibinata hanggang ako’y nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Subalit kung minsan mayroon pa rin akong maling damdamin na nananatili sa kalooban ko.”
Ano ang dahilan kung bakit ang isang kabataan ay naaakit sa kaniyang kasekso? At ano ang dapat na gawin ng isang kabataan kung siya’y binabagabag ng gayong damdamin?
Likas o Pinalalagong Hilig?
Sa panahon ngayon palasak na sabihin na ang mga homoseksuwal ay isinilang nang gayon at na ang seksuwal na kagawian ay hindi mababago. Halimbawa, ang magasing Time ay nakabibiglang nagpahayag nang ganito: “Sinasabi ng isang bagong pagsusuri na may pagkakaiba sa kayarian ng utak ng homoseksuwal at heteroseksuwal na mga lalaki.” Gayunman, ang pagsusuri na ito ay ginawa sa mga utak ng mga lalaki na namatay dahil sa AIDS. Tiyak na hindi nito pinatutunayan ang punto!
Ang isa pang teoriya ay nagsasangkot ng mga hormone. Sinabi ng mga siyentipiko na ang mga daga na sinusuri sa laboratoryo na inalisan ng mga hormone ng lalaki ay nagpapamalas ng mga paggawing “pambabae” sa pakikipagtalik. Kanilang hininuha na ang mga homoseksuwal ay maaaring katulad na mga biktima ng biyolohikal na pagkakamali—pagkalantad sa napakarami o napakakaunting mga hormone ng lalaki bago isilang. Gayunman, maraming siyentipiko ang nag-aakala na ang kakaibang paggawi sa gitna ng mga daga ay wala kundi reflex (kusa at katutubong pagtugon ng nerbiyo)—hindi talaga ‘homoseksuwalidad.’ Bukod pa rito, ang mga tao ay hindi daga. Ganito ang pangangatuwiran ng The Harvard Medical School Mental Health Letter: “Talagang walang katiyakan na ang mga hormone bago ang pagsilang ay nakaiimpluwensiya . . . sa seksuwalidad ng tao sa katulad na paraan na inorganisa ng mga ito ang reflexes na nasasangkot sa paggawi sa pakikipagtalik ng mga daga.”
Higit na pansin ang ibinigay rin sa mga pagsusuri sa henetiko. Sa gitna na mga homoseksuwal na lalaki at babae na may kakambal, halos kalahati sa kanilang mga kakambal ay homoseksuwal din. Yamang ang monozygotic (mula sa iisang itlog) [magkamukha] na kambal ay henetikong nadoble, waring makatuwiran na ipasiya na ang ilang misteryosong gene ang sanhi ng kakaibang paggawi. Gayunman, pansinin na ang kalahati sa mga anak na kambal ay hindi homoseksuwal. Kung ang katangiang ito ay talagang henetikong nakaprograma, hindi ba lahat ng mga kambal ay magtataglay nito? Totoo, ang mga gene at hormone ay maaaring may ilang bahaging ginagampanan. Magkagayon man, iniulat ng Scientific American ang mga natuklasan sa ilan na ang katibayan ay “matinding nagsasabi na may malaking nagagawa ang kapaligiran sa seksuwal na paggawi.”
Ang mga Salik Pangkapaligiran
Isaalang-alang ang kapaligiran ng sinaunang Gresya. Dahil sa pinasisigla ng erotikong mga kuwento tungkol sa ilan sa kanilang maalamat na mga diyos, ang mga isinulat ng mga pilosopong gaya ni Plato, at ang kulturang himnasyo kung saan ang mga kabataan ay nagtatanghal nang nakahubad, ang homoseksuwalidad ang naging kausuhan sa gitna ng lipunan ng mayayaman na nagsasalita ng Griego. Ayon sa aklat na Love in Ancient Greece, “itinuturing na kahiya-hiya sa Creta para sa isang isinilang na mariwasang batang lalaki na hindi magkaroon ng [lalaking] mangingibig.” Walang misteryosong gene o hormone ang sanhi ng gayong kabulukan. Ito’y naging palasak dahil sa pinahintulutan ito ng Griegong kultura, oo, hinikayat ito! Mainam na ipinakikita nito kung gaano kalakas ang bahaging ginagampanan ng kapaligiran.
Walang alinlangan ang pagdagsa ng propagandang umaayon sa homoseksuwalidad ay malaki ang nagawa upang palaganapin ang pangmalas na ito sa ngayon. Ang mga pagtukoy sa homoseksuwalidad ay naglipana sa TV, mga pelikula, musika, at mga magasin. Ang cable television ang nagpangyari sa mga kabataan na madaling makapanood ng pornograpyang hard-core. Ang panlalaki’t pambabae (unisex) na mga istilo ng pananamit at pag-aayos ay nauso. Ipinalalagay rin ng ilang dalubhasa na ang propagandang laban sa lalaki na pinauunlad ng mga may pagkiling sa mga babae ang sanhi ng pagdami ng mga tomboy. Ang mga kabataan din ay nalalantad sa masamang impluwensiya sa pamamagitan ng pakikisama sa mga kaklase na lantarang nagtataguyod ng homoseksuwal na istilo ng buhay.—1 Corinto 15:33.
Ama at Anak na Lalaki
Kung minsan, ang may diperensiyang kapaligirang pampamilya rin ang waring may malaking bahaging ginagampanan, lalo na sa kalalakihan.a Ang ama ay may mahalagang ambag sa emosyonal na paglaki ng isang bata. (Efeso 6:4) Ganito ang sabi ng aklat na Pinaliligaya ang Inyong Buhay Pampamilya: “Ang impluwensiya ng mga katangiang panlalaki ng ama ay makagagawa ng mahalagang kontribusyon sa pagkakaroon ng lubusan, timbang na personalidad.”b Ang batang lalaki ay nangangailangan din ng pagtanggap, pag-ibig, at pagsang-ayon mula sa kaniyang ama. (Ihambing ang Lucas 3:22.) Ano ang maaaring ibunga kapag ang ama ay nagkulang sa pagbibigay sa kaniyang anak ng kinakailangang atensiyon na ito? Emosyonal na kaligaligan. Ang manunulat sa pangkaisipang-kalusugan na si Joseph Nicolosi ay nagsasabi na ang homoseksuwalidad sa lalaki ay “halos laging resulta ng mga problema sa mga ugnayan sa pamilya, lalo na sa pagitan ng ama at anak na lalaki.”
Maaari naman na ang ina ay walang kamalayang nagpapalala sa situwasyon sa pamamagitan ng paghamak sa kaniyang asawa o sa pagiging labis na mapanibughuin sa kaniyang anak na lalaki. Isang pagsusuri sa mga binabae ay may ganitong obserbasyon: “Ang ilang magulang ay naghahangad na magkaanak ng babae sa halip na lalaki at unti-unting hinihimok ang kanilang anak na lalaki na magbihis gaya ng isang batang babae o binibihisan siya sa gayong paraan.”
Hindi ibig sabihin nito na ang maling seksuwal na damdamin ay kusang maisisisi sa mga magulang ng isang tao. Maraming lalaki na lumaki na may inang mapanibughuin at pabaya, laging wala, o mapang-abusong mga ama ang nagkaroon pa rin ng panlalaking mga katangian. Higit pa, hindi lahat na may homoseksuwal na hilig ay nanggaling sa mga pamilyang may diperensiya. Subalit, lumilitaw na ang ilang batang lalaki ay nasaktan sa talagang pantanging paraan. “Bilang resulta ng kaniyang maagang pagkadama ng di-pagtanggap ng ama . . . ,” sabi ni Dr. Nicolosi, “ang homoseksuwal ay nagtataglay ng damdamin ng kahinaan at kawalang-kaya may kinalaman sa mga katangian na may kaugnayan sa pagkalalaki, iyon ay, kapangyarihan, paggiit, at lakas. Siya ay naaakit sa lakas ng lalaki na binubuyo ng walang malay na pagpupunyagi sa kaniya mismong pagkalalaki.”
Isang kabataang Kristiyano na nagngangalang Peter ang sumulat nang ganito: “Ang aking ama ay isang alkoholiko at laging binubugbog ang aking ina at, kung minsan, pati kaming mga anak. Nang ako’y 12 taóng gulang, siya’y lumayas. Talagang nadama ko ang kawalan ng isang ama. Lagi kong inaasam-asam ang isang tao na magtatakip sa kakulangang ito na nadarama ko araw-araw. Nang sa wakas ay nagkaroon ako ng kaibigang Kristiyanong lalaki na inakala kong makapagtatakip sa pangangailangang iyon, nagsimula akong tubuan ng seksuwal na damdamin sa kaniya.”
Kapansin-pansin, ang malaking bilang ng mga homoseksuwal ay mga biktima ng seksuwal na pagsasamantala sa kanilang pagkabata.c Ang gayong seksuwal na pagsasamantala ay maaaring magdulot ng namamalaging pisikal at emosyonal na pinsala. Para sa ilan ito ay maaaring lumikha ng tinatawag ng isang manunulat na “baluktot na seksuwal na pagkakakilanlan.” Ito’y maliwanag na nangyari sa sinaunang Sodoma, kung saan ang mga batang lalaki ay nakitaan ng hayok na pagnanasa sa lisyang mga ugnayan. (Genesis 19:4, 5) Maliwanag, sila’y bunga ng pagsasamantala ng adulto.
Ang Usapin sa Moral
Ang mga siyentipiko ay maaaring hindi kailanman nagkakaisa kung gaano kalaking bahagi ang ginagampanan ng likas at pinalalagong hilig sa pagkaakit sa kasekso. Subalit isang bagay ang maliwanag: Ang lahat ng tao ay isinilang na nakahilig na sumailalim sa masamang pag-iisip at mga hilig.—Roma 3:23.
Ang isang kabataan na nagnanais na paluguran ang Diyos ang sa gayo’y dapat na sumunod sa Kaniyang mga pamantayan sa moral at umiwas sa imoral na paggawi, bagaman ang paggawa ng gayon ay maaaring may matinding kahirapan. Totoo, ang ilang indibiduwal ay maaaring higit na nakahilig sa homoseksuwalidad, kung paano ang ilang indibiduwal ay, ayon sa Bibliya, ‘mas magagalitin.’ (Tito 1:7) Subalit hinahatulan pa rin ng Bibliya ang pagpapamalas ng di-makatuwirang galit. (Efeso 4:31) Gayundin naman, hindi maaaring ikatuwiran ng isang Kristiyano ang imoral na paggawi sa pagsasabing siya’y ‘isinilang nang gayon.’ Ang mga nagsasamantala sa bata ay namamanhik sa gayunding kahabag-habag na pangangatuwiran kapag sinasabi nila na ang kanilang pagnanasa sa mga bata ay “likas.” Subalit maikakaila ba ng sinuman na ang kanilang hilig sa sekso ay buktot? Gayundin ang pagnanasa para sa isang kasekso.
Ang mga kabataan na nasusumpungan ang kanilang sarili na naaakit sa kasekso sa gayon ay dapat na umiwas na mapadala sa kanilang damdamin. Bakit, kung gayon, tahasang hinahatulan ng Bibliya ang homoseksuwalidad? Ang paraan ba ng pamumuhay na iyon ay talagang napakasama at buktot? Kung gayon nga, ano ang magagawa ng isang kabataan upang maiwasan ito? Ang mga katanungang ito ang tatalakayin sa susunod na labas ng Gumising!
[Mga talababa]
a Halos kakaunting pananaliksik ang nagawa tungkol sa unti-unting pagiging homoseksuwal ng babae. Kaya, walang alinlangan ang impluwensiya ng pamilya ay may bahaging ginagampanan din naman.
b Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
c Ang pagsasamantala sa bata ay waring isang salik sa paglago ng homoseksuwalidad sa sinaunang Gresya. Ang matatandang nang-aakit sa mga batang lalaki ay karaniwang tinataguriang “mga lobo”—ang “larawan ng kasakiman at pangahas na kabangisan.” Ang kanilang batang mga biktima ay tinatawag na “mga tupa.”