Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 5/8 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Mataas na Kabayaran sa Pagnanakaw ng Sasakyan
  • Laging Kumakain Nang Hindi Nagbabayad
  • Tanungin ang Inyong Dentista
  • Nalalasong mga Naglalakbay
  • Mga Pagkakasala ng Katoliko
  • Mga Baril sa Amerika
  • Sinasalakay na mga Mag-asawa sa India
  • Radyong Laban sa Lamok?
  • Mas Maraming Tao ang Tumatanda
  • Pagkain at Kalusugan sa Britanya
  • Pagnipis ng Ozone
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1991
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1991
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1991
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—2003
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 5/8 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Ang Mataas na Kabayaran sa Pagnanakaw ng Sasakyan

Ayon sa pinakahuling bilang na inilabas ng Statistics Canada, 146,846 na sasakyan ang ninakaw sa Canada noong 1992, isang mataas na rekord. Ito’y umabot sa katumbasang 8.4 sa bawat 1,000 sasakyan, samantalang ang katumbasan sa Estados Unidos ay halos 8.3, sabi ng pahayagang The Vancouver Sun. Ang mga sasakyang ninakaw ay bihirang isauli sa kanilang dating kalagayan, at sinabi ng ulat na “ang mga kalugihan mula sa pagnanakaw ng mga kotse, ari-arian mula sa kotse, at mula sa bandalismo sa sasakyan ay umabot sa $1.6 na bilyon noong 1992.” Ang mga kalugihang ito ay humigit-kumulang 30 ulit na mas malaki kaysa pandaraya at pagnanakaw sa credit-card at halos 500 ulit na mas malaki kaysa naiwala sa mga nakawan sa bangko. Ang joyriding ay nabanggit na pinakakaraniwang dahilan ng mga nakawan ng sasakyan. “Ang mga kabataan na ang edad ay 12 hanggang 17 ang bumubuo sa halos kalahati ng mga ipinagsakdal sa pagnanakaw ng kotse,” sabi pa ng Sun.

Laging Kumakain Nang Hindi Nagbabayad

Isang taga-New York ang labas-pasok sa kulungan nang mahigit na 31 ulit dahil sa iisang kasalanan: di-pagbabayad ng pagkain. Ang 36-na-taóng-gulang na lalaki ay papasok sa isang restauran, oorder ng pampaganang alak at masarap na pagkain, at magtatapos sa isang tasa ng matapang na kape. Kapag dumating na ang bayarin, ipinaaalam niya sa serbidor na wala siyang pera at maghihintay na lamang na arestuhin. Bakit niya ginagawa iyon? “Napakahirap ng buhay sa labas ng bilangguan,” ang sabi ng lalaking walang tahanan. May kaayusan sa loob ng bilangguan, kumakain ka sa oras, at masarap ang pagkain, ang pangangatuwiran niya. Maliban pa, ayaw niyang magnakaw o manakit ng mga tao; ibig lamang niyang kumaing mabuti at magkaroon ng malinis na kama at mapayapang lugar para tulugan. Kaya siya’y laging umaaming nagkasala sa korte at nagnanais na lubusang mabilanggo. Ang pagkulong sa kaniya ay nagkahalaga sa mga nagbabayad ng buwis ng $162 sa isang araw. Sa katunayan, ang pinakahuli niyang kinain na $51.31 ay nagkahalaga sa kanila ng $14,580 upang siya’y makulong ng 90-araw para sa kaniyang sentensiya. Napagugol niya ang mga taga-New York ng mahigit na $250,000 sa nakalipas na limang taon. “Nakita ng mga abugado ng Legal Aid,” sabi ng The New York Times, “ang maliit subalit lumalaking bilang ng mga tao na nakagagawa ng di-gaanong mabigat na mga kasalanan na may layuning magpakulong” para sa “kanlungan mula sa karukhaan o gutom.”

Tanungin ang Inyong Dentista

Ang kamakailang pagtantiya sa posibilidad ng paglilipat ng virus ng AIDS sa dental na mga pamamaraan ay nagpapangyaring nerbiyusin ang mga tao. Isiniwalat ng isang pagsusuri na isinagawa ng American Dental Hygienists’ Association na 83 porsiyento ng mga pasyente sa ngipin ay nag-aalala sa pagkakaroon ng nakahahawang sakit samantalang ginagamot ang ngipin. Ayon sa magasing American Health, dapat tiyakin ng mga pasyente na ang tauhan sa paggamot ng ngipin ay hindi lamang nakasuot ng mga guwantes at maskara kundi pinapalitan din naman nila ang mga ito sa bawat sumusunod na pasyente. Ang mga instrumentong ginagamit muli ay dapat na initin-pakuluan pagkatapos ng bawat pasyente. Sinasabi ng American Health na ang “di-pagpapakulo na mga paraan, gaya ng paglilinis ng kagamitan sa pamamagitan ng alkohol, ay hindi sapat.” Sinasabi pa ng magasin na “kung ang iyong dentista ay hindi handang tumugon sa iyong mga kahilingan, maghanap ng ibang dentista.”

Nalalasong mga Naglalakbay

Sa pagitan ng 20 at 50 porsiyento ng apat na bilyong tao na naglalakbay sa bawat taon ay pinahihirapan ng diarrhea, karaniwan nang dahil sa maruming pagkain o tubig, ang pagtaya ng WHO (World Health Organization). Ang pagkahapo sa paglalakbay, jet lag, o ang pagbabago sa pagkain at klima ay maaaring makaragdag sa problema sa pamamagitan ng pagpapahina sa resistensiya ng naglalakbay. Upang mabawasan ang malamang na pagkakaroon ng diarrhea, iminumungkahi ng WHO ang sumusunod: Tiyakin na ang pagkain ay naluto nang husto at mainit pa rin kapag inihain. Kung ang inuming tubig ay hindi ligtas, pakuluan ito o disimpektahin ito nang subok nang mga tabletas na mabibili sa mga botika. Iwasan ang hilaw na mga pagkain maliban sa prutas o gulay na maaaring balatan o talupan. “Tandaan ang kasabihan,” sabi ng WHO, “Lutuin ito, talupan ito o huwag kainin ito.”

Mga Pagkakasala ng Katoliko

Ayon sa The New York Times, hinihimok ni Papa John Paul II ang mga Katoliko na magsisi sa kanilang mga pagkakasalang nagawa laban sa sangkatauhan sa nakalipas na 2,000 taon. Sinabi ng papa na ang simbahan ay dapat na “higit na maging palaisip sa pagiging makasalanan ng kaniyang mga anak.” Maliwanag na ang mga pagkakasalang ito ay may kaugnayan sa bahaging ginampanan ng mga Katoliko sa panahon ng kahindik-hindik na Kastilang Inkisisyon at ng Nazi Holocaust. Sinasabi ng Times na “ang usapin ng pagsisisi para sa mga pagkakamali ng Katoliko ay maselan sapagkat nagpapahiwatig ito ng pagkakamali sa paghaharap ng simbahan sa katotohanan nito.” Sinabi pa ng pahayagan na inaakala ng ilang kardinal na “mas mahalagang suriin ang makabagong etikal na mga kabiguan.”

Mga Baril sa Amerika

Ayon sa kamakailang ulat, may halos 200 milyong armas ang nakakalat sa gitna ng taong-bayan sa Estados Unidos. Sa katamtaman, may nababaril sa bawat dalawang minuto. Sa bawat 14 na minuto ay may namamatay dahil sa pagkabaril. Sa bawat anim na oras isang bata o isang tin-edyer ang nagpapatiwakal sa pamamagitan ng baril. Sinasabi ng ulat na sa anumang araw, ang mga batang Amerikano ay nagdadala sa paaralan ng halos 270,000 armas. Ipinaliliwanag ng magasing Redbook na “sa pagitan ng 1979 at 1991, halos 50,000 bata ang napatay sa baril​—halos katumbas ng bilang ng lahat ng mga Amerikanong napatay sa Digmaan sa Vietnam.”

Sinasalakay na mga Mag-asawa sa India

Sa India, ang pag-aasawa “ay sinasalakay sa mabilis na nagiging ‘ako-muna’ na lipunan,” sabi ng magasing India Today. Mas marami at mas batang mga mag-asawa ang humuhugos sa mga korte na nag-aayos ng kanilang gusot. Ang tagapayo na si Dr. Narayana Reddy ay nag-uulat na “ang bilang ng mga tao na pumunta para sa propesyonal na pagpapayo sa unang mga taon ng kanilang pag-aasawa ay nadoble sa nakaraang limang taon,” ayon sa India Today. Ang ilang mag-asawa ay humingi ng propesyonal na tulong sa loob ng ilang araw pagkatapos ng kanilang kasal. Para sa kalakhang bahagi, walang bagong bagay tungkol sa mga salik na nagdudulot ng gulo sa mga pag-aasawa sa India: pangangalunya, alkoholismo, mga pag-aaway sa pera at ari-arian, mga problema sa biyenan, at mga usapin sa sekso. Ang kaigtingan “ang naging nasa lahat ng dako, di-nakikita at masamang impluwensiyang estranghero sa tahanan ng mga Indian.”

Radyong Laban sa Lamok?

Sinasabing isang istasyon ng radyo sa Poland ang nagpakilala sa isang bagong paraan upang supilin ang matagal nang pesteng lamok. Ang Pranses na magasing Terre Sauvage ay nag-uulat na nang nakaraang panahon ng pangingitlog ng mga lamok sa Poland, libu-libong nakikinig sa radyo ang nakalipol sa nakasusuyang insektong ito nang hindi gumagamit ng mga pestisidyo. Basta kanilang ipinihit ang kanilang mga radyo sa istasyon na tinaguriang Radio Zet. Ayon sa Terre Sauvage, isinasahimpapawid ng istasyon ng radyo ang tuluy-tuloy na signal na, bagaman di-naririnig ng mga tao, naririnig ng mga lamok. Ang brodkast ay elektronikong panghuhuwad ng napakatinis na tunog na inilalabas ng mga paniki na kumakain ng mga lamok​—sapat upang itaboy ang lamok sa layong maririnig ang signal.

Mas Maraming Tao ang Tumatanda

Ang pamilya ng sangkatauhan ay tumatanda na. Ipinaliliwanag ng World Health, isang babasahin ng World Health Organization na “bawat buwan, ang kasalukuyang kabuuang bilang sa mundo na 360 milyon katao na edad 65 at mahigit pa ay nadagdagan ng 800 000 indibiduwal.” Sa loob ng susunod na 30 taon, ang bilang ng matatanda na ay inaasahang aabot sa tinatayang 850 milyon. Ang Europa at Hilagang Amerika ay nakararanas ng biglang paglaki sa porsiyento ng matatanda dahil sa “patuloy na pagbaba ng pag-aanak at nadaragdagang haba ng buhay” sa mga bansang iyon, sabi ng World Health. Sinasabi ng magasin na “ang Sweden sa ngayon ang may ‘pinakamatandang’ populasyon sa daigdig, na may mahigit na 18% mamamayan nito na may edad na 65 o mahigit pa.”

Pagkain at Kalusugan sa Britanya

“Ang mga taga-Britanya ay kabilang sa pinakadi-malusog sa Europa,” sabi ng magasing The Economist sa Britanya. Isiniwalat ng kamakailang pagsusuri na halos kalahati ng populasyon ng adulto sa Britanya ay “labis ang timbang ayon sa pamantayang kahilingan o napakataba​—na siyang nagpapaliwanag kung bakit ang mga taga-Britanya, kasunod ng mga Czech, ay mas malamang na magkaroon ng sakit sa puso kaysa anumang bansa,” sabi ng The Economist. Ang Committee on the Medical Aspects of Food Policy ng pamahalaan ay gumawa ng maraming mungkahi upang pasulungin ang kalagayan. Kabilang sa mga mungkahi nito ang higit na pagkain ng “isda, tinapay, gulay at mga patatas” at pagbawas sa pagkain ng asin, asukal, at taba.

Pagnipis ng Ozone

Ang OMM (World Meteorological Organization) sa Geneva, Switzerland, ay humuhula na sa kabila ng pagsisikap na bawasan ang pinsala sa suson ng ozone ng lupa, ang pagnipis ng nagsasanggalang na suson ay patuloy na bibilis sa paano man hanggang sa dulo ng ika-20 siglo. Ayon sa balitang paglilingkod ng France-Presse, ang mga konklusyon ng OMM ay salig sa mga obserbasyon ng 266 na siyentipiko sa loob ng nakaraang apat na taon sa 29 na iba’t ibang bansa. Ang mga paraang isinagawa sa gayon upang higit na bawasan ang paglalabas ng bagay na nakasisira sa ozone mula sa industriya ay nagsisimulang magkaroon ng hinahangad na epekto. Subalit isiniwalat ng ulat ng OMM na may “pangglobo at patuloy na pagnipis” sa kabuuan ng stratosphere na suson ng ozone ng lupa at nagbabala na ang pinakakritikal na yugto “ay nasa unahan natin.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share