Kung Bakit Hindi Natakot na Magsiwalat
BILANG paggunita, masasabing ang banggaan sa pagitan ng mga Saksi ni Jehova at ng Nazismo, o Pambansang Sosyalismo, ay hindi maiiwasan. Bakit? Dahil sa mahigpit na mga kahilingan ng mga Nazi na salungat sa tatlong mahahalagang salig-Bibliyang paniniwala ng mga Saksi. Ang mga ito ay: (1) Ang Diyos na Jehova ang Kataas-taasang Soberano. (2) Ang tunay na mga Kristiyano ay neutral sa pulitika. (3) Bubuhaying-muli ng Diyos ang mga nagtapat sa kaniya hanggang sa kamatayan.
Ang salig-Bibliyang mga paniniwalang ito ang tumitiyak sa matatag na paninindigan ng mga Saksi ni Jehova laban sa di-maka-Diyos na mga kahilingan ng mga Nazi. Kaya, may tibay-loob na isiniwalat at inilantad nila ang kabuktutan ng Nazismo.
Ang mga Saksi ni Jehova ay tumangging pumuri kay Hitler. Sila’y tumanggi sapagkat ipinalalagay nila ang kanilang kaligtasan sa Diyos at inialay na nila ang kanilang buhay sa kaniya lamang. Ganito ang sabi ng Bibliya tungkol kay Jehova: “Ikaw lamang ang Kataas-taasan sa buong lupa.”—Awit 83:18.
Sa katunayan, ang “Heil Hitler” ay nangangahulugang ang kaligtasan ay sa pamamagitan ni Hitler. Kaya ang mga Saksi ay hindi maaaring maging tapat sa Diyos at kasabay nito’y pumuri sa sinumang tao. Ang kanilang buhay gayundin ang kanilang katapatan at pagkamatapat ay nauukol sa Diyos.
Ang mga Saksi ni Jehova ay may malinaw na mga pamarisan sa pagtangging sumunod sa masamang mga kahilingan ni Hitler. Halimbawa, nang pag-utusan ang unang-siglong mga apostol ni Jesus na tumigil sa paghahayag ng mabuting balita tungkol kay Kristo, sila’y tumanggi. Anila: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.” Sinasabi ng Bibliya na dahil sa kanilang matatag na paninindigan, “pinaghahampas sila [ng mga awtoridad], at inutusan silang tumigil na sa pagsasalita salig sa pangalan ni Jesus.” Subalit, ang mga apostol ay tumangging sundin ang utos na iyon na lumalabag sa Diyos. “Nagpatuloy sila nang walang humpay sa pagtuturo at pagpapahayag ng mabuting balita.”—Gawa 5:29, 40-42.
Maraming sinaunang Kristiyano ang namatay sapagkat sinunod nila ang Diyos sa halip na mga tao. Sa katunayan, marami ang namatay sa Romanong mga arena sapagkat sila’y tumangging purihin si Cesar sa pamamagitan ng pag-uukol ng gawa ng pagsamba sa kaniya. Subalit sa mga taong iyon isang karangalan at isang tagumpay na maging tapat sa Diyos hanggang sa kamatayan, kahawig ng isang magiting na sundalong handang mamatay alang-alang sa kaniyang bayan.
Dahil sa isang pamahalaan lamang ang itinataguyod ng mga Saksi ni Jehova, ang Kaharian ng Diyos, sila’y itinuturing ng ilan bilang mga subersibo. Subalit hindi totoo iyan. Bilang pagtulad sa mga apostol ni Jesus, “sila ay hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:16) Sila’y neutral sa pulitika. Dahil sa kanilang katapatan sa Diyos, sinusunod nila ang mga batas ng kani-kanilang mga pamahalaan ng tao. Oo, sila’y huwaran sa kanilang ‘pagpapasakop sa nakatataas na mga awtoridad.’ (Roma 13:1) Hindi sila kailanman nagtaguyod ng paghihimagsik laban sa anumang pamahalaan ng tao!
Gayunman, may isang guhit o linya na hindi maaaring tawirin sa ilalim ng anumang kalagayan. Ito ang guhit sa pagitan ng tungkulin ng mga Saksi ni Jehova sa tao at ang kanilang tungkulin sa Diyos. Ibinibigay nila kay Cesar, o sa mga awtoridad ng pamahalaan, kung ano ang nauukol kay Cesar ngunit sa Diyos ang mga bagay na nauukol sa Kaniya. (Mateo 22:21) Kung hihilingin sa kanila ng sinuman ang mga bagay na nauukol sa Diyos, ang pagsisikap na iyan ay mabibigo.
Ano kung ang isang Saksi ay pagbantaan ng kamatayan? Buweno, ang mga Saksi ni Jehova ay may matibay na pagtitiwala sa kakayahan ng Diyos na ibalik sila sa buhay. (Gawa 24:15) Kaya ang mga Saksi ay may katulad na saloobin na gaya ng tatlong kabataang Hebreo sa sinaunang Babilonya. Nang pagbantaan ng kamatayan sa isang maapoy na hurno, sinabi nila kay Haring Nabocodonosor: “Kung magkagayon, ang aming Diyos na aming pinaglilingkuran ay makapagliligtas sa amin. . . . Talastasin mo, O hari, na hindi kami maglilingkod sa iyong mga diyos, ni magsisisamba man kami sa larawang ginto na iyong itinayo.”—Daniel 3:17, 18.
Sa gayon, gaya ng nabanggit kanina, nang magsimulang umakyat si Hitler sa kaniyang pedestal na gaya ng isang sariling-hirang na diyos, hindi maiiwasan ang labanan ng mga ideolohiya. Nakaharap ng Third Reich ang munting grupo ng mga Saksi ni Jehova na sumumpa ng katapatan sa tunay na Diyos, ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, si Jehova. Subalit, bago pa man magsimula ang labanan, napagpasiyahan na ang kalalabasan.
[Kahon sa pahina 5]
Tapat Hanggang Kamatayan
SI Wolfgang Kusserow ay isa sa mga pinatay dahil nanatili siyang tapat sa Diyos at tumangging itaguyod ang Nazismo. Bago siya pugutan ng ulo noong Marso 28, 1942, siya’y sumulat sa kaniyang mga magulang at mga kapatid: “Ngayon, bilang ang inyong ikatlong anak at kapatid, iiwan ko na kayo bukas ng umaga. Huwag kayong malungkot, sapagkat darating ang panahon na muli tayong magkakasama. . . . Anong laki ng ating kagalakan sa panahong iyon, kapag tayo’y magsama-samang muli! . . . Ngayon tayo’y pinaghiwalay, at bawat isa sa atin ay kailangang tumayong matatag sa pagsubok; pagkatapos tayo’y gagantimpalaan.”
Di-nagtagal bago ang pagbitay sa kaniya noong Enero 8, 1941, isinulat ni Johannes Harms ang huling liham sa kaniyang ama: “Ang aking sentensiyang kamatayan ay ipinahayag na at ako’y nakatanikala araw at gabi—ang mga marka (sa papel) ay mula sa mga posas . . . Mahal kong tatay, sa espiritu’y nagsusumamo ako sa inyo, manatili kayong tapat, kung paanong ako’y nagsikap na manatiling tapat, kung magkagayon tayo ay muling magkikita. Iisipin ko kayo hanggang sa wakas.”