Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 8/22 p. 7-12
  • Ibinunyag ang mga Kabuktutan ng Nazismo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ibinunyag ang mga Kabuktutan ng Nazismo
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Pagsamo Para sa Pang-unawa
  • Nagsimula ang Pagsalakay
  • Ang Matatag na Paninindigan ng mga Saksi
  • Ibinunyag ng mga Saksi ang mga Kabuktutan ng Nazi
  • Ibinunyag ang mga Kakilabutan ng mga Kampo
  • Binigo ng mga Saksi ang mga Nazi
  • Tagumpay sa Barbarismo
  • Mga Saksi ni Jehova—May Lakas ng Loob sa Harap ng Banta ng Nazi
    Gumising!—1998
  • Nagtagumpay Laban sa Pag-uusig ng Nazi ang Malalakas-ang-Loob na mga Tagapag-ingat ng Katapatan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • Mga Pagsalakay ng Nazi-Fascista sa mga Saksi
    Gumising!—1985
  • Ang Holocaust—Mga Biktima o mga Martir?
    Gumising!—1989
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 8/22 p. 7-12

Ibinunyag ang mga Kabuktutan ng Nazismo

NOONG dekada ng 1920, habang ang Alemanya ay nagpupunyaging makabangon mula sa pagkatalo nito sa Digmaang Pandaigdig I, ang mga Saksi ni Jehova ay abalang namamahagi ng napakaraming literatura sa Bibliya. Hindi lamang ito nag-alok ng kaaliwan at pag-asa sa mga Aleman kundi nagbabala rin ito sa kanila tungkol sa lumalakas na kapangyarihan ng militarismo. Sa pagitan ng 1919 at 1933, ang mga Saksi ay naghatid ng katamtamang walong aklat, bukleta, o mga magasin sa bawat isa sa humigit-kumulang 15 milyong pamilya sa Alemanya.

Kadalasang itinawag-pansin ng mga magasing The Golden Age at Consolation sa mga tao ang militaristikong mga pagkilos sa Alemanya. Noong 1929, mahigit na tatlong taon bago naging makapangyarihan si Hitler, ang edisyong Aleman ng The Golden Age ay buong tapang na nagsabi: “Ang Pambansang Sosyalismo ay . . . isang kilusan na tuwirang kumikilos . . . sa paglilingkod sa kaaway ng tao, ang Diyablo.”

Bago lumuklok sa kapangyarihan si Hitler, ang The Golden Age ng Enero 4, 1933, ay nagsabi: “Unti-unting lumilitaw sa unahan ang mapanganib na lungos ng kilusan ng Pambansang Sosyalista. Wari ngang hindi kapani-paniwala na isang pulitikal na partido na lubhang hindi mahalaga ang pinagmulan, lubhang naiiba sa mga patakaran nito, ay maaaring, sa loob lamang ng ilang taon, lumaki nang husto anupat masapawan nito ang kayarian ng isang pambansang pamahalaan. Subalit nagawa ni Adolf Hitler at ng kaniyang pambansang partido sosyalista (ang mga Nazi) ang pambihirang bagay na ito.”

Isang Pagsamo Para sa Pang-unawa

Si Hitler ay naging punong ministro ng Alemanya noong Enero 30, 1933, at pagkaraan ng dalawang buwan, noong Abril 4, 1933, ang tanggapang sangay ng mga Saksi ni Jehova sa Magdeburg ay sinamsam. Subalit, ang utos ay napawalang-bisa noong Abril 28, 1933, at ang pag-aari ay ibinalik. Ano ang susunod na mangyayari?

Sa kabila ng maliwanag na pagkapoot ng rehimen ni Hitler, ang mga Saksi ni Jehova ay nagsaayos ng isang kombensiyon sa Berlin, Alemanya, noong Hunyo 25, 1933. Mga 7,000 katao ang nagtipon. Hayagang ipinahayag ng mga Saksi ang kanilang mga hangarin: “Ang aming organisasyon ay hindi pulitikal. Iginigiit lamang namin ang pagtuturo ng Salita ng Diyos na Jehova sa mga tao, at gawin iyon nang walang sagabal.”

Sa gayon ang mga Saksi ni Jehova ay gumawa ng taimtim na pagsisikap na banggitin ang kanilang kaso. Ano ang mga resulta?

Nagsimula ang Pagsalakay

Ang matatag na neutral na katayuan ng mga Saksi, pati na ang kanilang katapatan sa Kaharian ng Diyos, ay hindi kanais-nais sa pamahalaan ni Hitler. Walang balak ang mga Nazi na pahintulutan ang anumang pagtanggi na itaguyod ang kanilang ideolohiya.

Karaka-raka pagkatapos ng kombensiyon sa Berlin, muling sinamsam ng mga Nazi ang tanggapang sangay sa Magdeburg, noong Hunyo 28, 1933. Kanilang pinatigil ang mga pulong ng Saksi at gumawa ng mga pag-aresto. Di-nagtagal ang mga Saksi ay pinaalis sa kani-kanilang mga trabaho. Sila’y dumanas ng mga pagsalakay sa kanilang mga tahanan, mga pambubugbog, at mga pagdakip. Maaga noong 1934 sinamsam ng mga Nazi mula sa mga Saksi ang 65 tonelada ng mga literatura sa Bibliya at sinunog ito sa labas ng Magdeburg.

Ang Matatag na Paninindigan ng mga Saksi

Sa kabila ng panimulang mga pagsalakay na ito, ang mga Saksi ni Jehova ay nanindigang matatag at hayagang binatikos ang pang-aapi at kawalan ng katarungan. Ang labas noong Nobyembre 1, 1933, ng The Watchtower ay nagtampok sa artikulong “Fear Them Not.” Ito’y inihanda lalo na para sa mga Saksing Aleman, pinapayuhan silang magpakatibay-loob sa harap ng tumitinding panggigipit.

Noong Pebrero 9, 1934, si J. F. Rutherford, ang presidente ng Samahang Watch Tower, ay nagpadala ng isang liham ng pagtutol kay Hitler na nagsasabi: “Maaaring matagumpay na labanan mo ang sinuman at lahat ng tao, ngunit hindi mo matagumpay na malalabanan ang Diyos na Jehova. . . . Sa pangalan ng Diyos na Jehova at ng Kaniyang pinahirang Hari, si Kristo Jesus, hinihiling ko na ipag-utos mo sa lahat ng mga opisyal at mga lingkod ng iyong pamahalaan na payagan ang mga Saksi ni Jehova sa Alemanya na mapayapang magtipon nang walang hadlang sa pagsamba sa Diyos.”

Itinakda ni Rutherford ang Marso 24, 1934, bilang ang huling araw. Sinabi niya na kung sa panahong iyon ay hindi darating ang tulong sa mga Saksi sa Alemanya, ang mga katotohanan tungkol sa pag-uusig ay ilalathala sa buong Alemanya at sa buong daigdig. Sinagot ng mga Nazi ang kahilingan ni Rutherford sa pamamagitan ng higit pang mga pang-aabuso, ipinadadala ang marami sa mga Saksi ni Jehova sa mga kampong piitan na katatayo lamang. Kaya nga, kabilang sila sa unang mga bilanggo sa mga kampong ito.

Ibinunyag ng mga Saksi ang mga Kabuktutan ng Nazi

Gaya ng ipinangako ng mga Saksi ni Jehova, sinimulan nilang ibunyag ang mga kabuktutang nangyayari sa Alemanya. Ang mga Saksi sa buong globo ay paulit-ulit na nagpadala ng mga protesta sa pamahalaan ni Hitler.

Noong Oktubre 7, 1934, lahat ng kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Alemanya ay nagtipon upang pakinggan ang isang liham na binasa na ipinadala sa mga opisyal ng pamahalaan ni Hitler. Sabi nito: “May maliwanag na pagkakasalungatan ang batas ninyo at ang batas ng Diyos . . . Samakatuwid ito’y magsisilbing pahiwatig sa inyo na anuman ang halaga ay susunod kami sa mga utos ng Diyos, magtitipon kaming sama-sama para sa pag-aaral ng Kaniyang Salita, at Siya’y sasambahin at paglilingkuran namin gaya ng iniutos Niya.”

Noong araw ring iyon, ang mga Saksi ni Jehova sa 49 na iba pang bansa ay nagtipon sa pantanging asamblea at nagpadala ng sumusunod na telegrama kay Hitler: “Ang masamang pagtrato mo sa mga Saksi ni Jehova ay nakasisindak sa lahat ng mabubuting tao sa lupa at nakasisirang-puri sa pangalan ng Diyos. Itigil mo na ang pag-uusig pa sa mga saksi ni Jehova; kung hindi’y pupuksain ka ng Diyos at ang iyong pambansang partido.”

Ang mga Nazi ay tumugon halos karaka-raka sa pamamagitan ng pagpapatindi ng kanilang pag-uusig. Si Hitler mismo ay sumigaw: “Ang grupong ito ay lilipulin sa Alemanya!” Subalit habang tumitindi ang pagsalansang, lalo namang tumatatag ang mga Saksi sa kanilang determinasyon.

Noong 1935, inilantad ng The Golden Age ang tulad-Inkisisyong mga paraan ng pagpapahirap ng rehimeng Nazi at ang sistema ng paniniktik nito. Isiniwalat din nito na layon ng organisasyong Hitler Youth na alisin sa mga kabataang Aleman ang kanilang paniniwala sa Diyos. Nang sumunod na taon isang pambuong bansang kampanyang Gestapo ang nagbunga ng mga pag-aresto sa libu-libong Saksi. Di-nagtagal, noong Disyembre 12, 1936, ang mga Saksi ay tumugon sa pamamagitan ng kanilang sariling kampanya, ipinamamahagi sa buong Alemanya ang sampu-sampung libong kopya ng isang resolusyon na tumututol sa pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova.

Noong Hunyo 20, 1937, ang mga Saksing malaya pa ay namahagi ng isa pang mensahe na totoong detalyado tungkol sa pag-uusig. Binanggit nito ang mga pangalan ng mga opisyal at ang mga petsa at mga lugar. Ang Gestapo ay nangilabot sa pagbubunyag na ito at sa kakayahan ng mga Saksi na isagawa ito.

Ang pag-ibig sa kapuwa ang nag-udyok sa mga Saksi na babalaan ang mga tao sa Alemanya na huwag padaya sa kahanga-hangang pangitain ng isang maluwalhating sanlibong-taóng pamamahala ng Third Reich. “Dapat nating sabihin ang katotohanan at magbigay ng babala,” sabi ng bukletang Face the Facts, inilathala noong 1938. “Kinikilala namin ang totalitaryong pamahalaan . . . bilang produkto ni Satanas na iniluwal bilang kahalili ng kaharian ng Diyos.” Ang mga Saksi ni Jehova ay kabilang sa unang mga tudlaan ng pagmamalupit ng Nazi, at kanila rin namang hayagang pinulaan ang mga kabuktutan laban sa mga Judio, mga Polako, sa mga may kapansanan, at sa iba pa.

Ang resolusyong “Warning!,” pinagtibay sa isang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova noong 1938 sa Seattle, Washington, E.U.A., ay nagsabi: “Ang mga Pasista at mga Nazi, radikal na pulitikal na mga organisasyon, ay may kasamaang nanakop ng maraming bansa sa Europa . . . Lahat ng tao ay susupilin, aalisin ang lahat ng kanilang mga kalayaan, at ang lahat ay pipiliting sumuko sa pamamahala ng isang di-makatuwirang diktador at kung magkagayon ang dating Inkisisyon ay lubusang mabubuhay na muli.”

Si Rutherford ay regular na nagbobrodkast sa radyo, nagpapahayag ng mapuwersang mga lektyur tungkol sa satanikong kalikasan ng Nazismo. Ang mga lektyur ay muling ibinobrodkast sa buong globo at inililimbag para ipamahagi nang milyun-milyon. Noong Oktubre 2, 1938, ipinahayag niya ang paksang “Pasismo o Kalayaan,” na doo’y binatikos niya si Hitler sa tiyak na mga kataga.

“Sa Alemanya ang karaniwang mga tao ay maibigin sa kapayapaan,” sabi ni Rutherford. “Inilagay ng Diyablo sa pamamahala ang kaniyang kinatawang si Hitler, isang lalaking di-matino ang pag-iisip, malupit, may masamang hangarin at walang-awa . . . May kalupitang pinag-uusig niya ang mga Judio sapagkat sila’y dating tipang bayan ni Jehova at nagtataglay ng pangalan ni Jehova, at sapagkat si Kristo Jesus ay isang Judio.”

Habang tumitindi ang mabagsik na galit ng Nazi laban sa mga Saksi ni Jehova, ang mga pagbatikos ng mga Saksi ay lalo pang naging nakasasakit. Ang Mayo 15, 1940, na labas ng Consolation ay nagsabi: “Si Hitler ang tamang-tamang anak ng Diyablo anupat ang mga talumpati at mga pasiyang ito ay dumadaloy sa kaniya na parang tubig sa isang mahusay ang pagkakagawang imburnal.”

Ibinunyag ang mga Kakilabutan ng mga Kampo

Bagaman walang kaalam-alam ang publiko tungkol sa pag-iral ng mga kampong piitan hanggang noong 1945, ang detalyadong paglalarawan ng mga ito ay madalas lumitaw sa mga publikasyon ng Watch Tower noong dekada ng 1930. Halimbawa, noong 1937 ay binanggit ng Consolation ang tungkol sa mga eksperimento sa lasong gas sa Dachau. Noong 1940, binanggit ng mga publikasyon ng Saksi ang 20 pangalan ng iba’t ibang kampo at iniulat ang kanilang kakila-kilabot na mga kalagayan.

Bakit alam na alam ng mga Saksi ni Jehova ang mga kampong piitan? Nang magsimula ang Digmaang Pandaigdig II noong 1939, mayroon nang 6,000 Saksi na nakakulong sa mga kampo at mga piitan. Tinataya ng Alemang mananalaysay na si Detlef Garbe na noong panahong iyon, sa pagitan ng 5 at 10 porsiyento ng kabuuang bilanggo sa kampo ay binubuo ng mga Saksi!

Sa isang seminar tungkol sa mga Saksi at ang Holocaust, sinabi ni Garbe: “Sa 25,000 katao na umamin na mga Saksi ni Jehova sa pasimula ng Third Reich, halos 10,000 ang ibinilanggo sa iba’t ibang haba ng panahon. Sa mga ito, mahigit na 2,000 ang tinanggap sa mga kampong piitan. Ito’y nangangahulugan na sa lahat ng relihiyosong mga grupo, maliban sa mga Judio, ang mga Saksi ni Jehova ay pinag-usig nang husto ng SS.”

Noong Hunyo 1940, ang Consolation ay nagsabi: “May 3,500,000 Judio sa Poland nang simulan ng Alemanya ang Blitzkrieg nito . . . , at kung tama ang mga ulat na dumating sa Kanluraning daigdig ang kanilang pagkalipol ay nangyayari na.” Noong 1943, ganito ang sabi ng Consolation: “Ang buong mga bayan gaya ng mga Griego, Polako at mga Serb ay sistematikong nililipol.” Noong 1946, kinilala ng The Golden Age at ng Consolation ang 60 iba’t ibang bilangguan at mga kampong piitan.

Binigo ng mga Saksi ang mga Nazi

Bagaman sinikap ng mga Nazi na pahintuin ang sirkulasyon ng literatura ng Watch Tower, isang opisyal ng Berlin ang umamin: “Mahirap masumpungan ang mga lihim na dako sa Alemanya kung saan inililimbag pa rin ang mga literatura ng mga Estudyante ng Bibliya; walang isa man ang nagdadala ng mga pangalan at mga direksiyon at walang isa man ang nagkakanulo sa iba.”

Sa kabila ng kanilang galit na galit na mga pagsisikap, hindi kailanman nahuli ng Gestapo ang kalahati ng kabuuang bilang ng mga Saksi sa Alemanya sa anumang panahon. Isip-isipin ang kabiguan ng masalimuot na sistema ng paniniktik ng Nazi​—hindi nito matipon at mapatahimik ang maliit na hukbong ito o mapatigil ang daloy ng literatura. Ang literatura ay naipasasakamay sa mga lansangan at nakapapasok maging sa nababakuran ng barbed-wire na mga kampong piitan!

Tagumpay sa Barbarismo

Ang mga Nazi, na itinuturing na mga dalubhasa sa pagsira sa kalooban ng tao, ay nagsikap nang husto na ipalabag sa mga Saksi ni Jehova ang kanilang Kristiyanong neutralidad, subalit sila’y kahabag-habag na nabigo. Ang aklat na The Theory and Practice of Hell ay nagsabi: “Sa sikolohikal na paraan, hindi matatakasan ng isa ang impresyon na ang SS ay hindi kailanman naging kapantay ng hamon sa kanila ng mga Saksi ni Jehova.”

Tunay, ang mga Saksi, na inaalalayan ng espiritu ng Diyos, ay nagwagi sa labanan. Inilarawan ng mananalaysay na si Christine King, chancellor ng Staffordshire University sa Inglatera, ang mga magkalaban sa digmaan: “Ang isang panig [ang mga Nazi] ay napakalaki, makapangyarihan, tila hindi magagapi. Ang kabilang panig naman [ang mga Saksi] ay ubod ng liit . . . taglay lamang ang kanilang pananampalataya, walang ibang sandata . . . Tinalo ng mga Saksi ni Jehova sa moral na paraan ang lakas ng kapangyarihang Gestapo na iyon.”

Ang mga Saksi ni Jehova ay isang maliit, mapayapang dako sa loob ng lupain ng Nazi. Gayunman, sila’y nakipagbaka at nagwagi sa isang digmaan sa kanilang sariling paraan​—isang pakikipagbaka para sa karapatang sumamba sa kanilang Diyos, isang pakikipagbaka upang ibigin ang kanilang kapuwa, at isang pakikipagbaka upang sabihin ang katotohanan.

[Kahon sa pahina 9]

Ibinunyag ng mga Saksi ang Pag-iral ng mga Kampo

BAGAMAN ang mga pangalang Auschwitz, Buchenwald, Dachau, at Sachsenhausen ay nakilala lamang ng mga tao pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, ito’y kilalang-kilala ng mga mambabasa ng The Golden Age at ng Consolation. Ibinunyag ng mga ulat ng mga Saksi ni Jehova, taglay ang malaking panganib na ipinuslit mula sa mga kampo at inilathala sa literatura ng Watch Tower, ang layon na pagpatay ng Third Reich.

Noong 1933, inilathala ng The Golden Age ang una sa maraming ulat ng pag-iral ng mga kampong piitan sa Alemanya. Noong 1938, inilathala ng mga Saksi ni Jehova ang aklat na Crusade Against Christianity, sa wikang Pranses, Aleman, at Polako. Detalyado ang mga dokumento nito tungkol sa malupit na mga pagsalakay ng Nazi sa mga Saksi at naglakip ng mga guhit ng mga kampong piitan sa Sachsenhausen at Esterwegen.

Ang nagwagi ng gantimpalang Nobel na si Dr. Thomas Mann ay sumulat: “Nabasa ko ang inyong aklat at ang kakila-kilabot na mga dokumento nito taglay ang pinakamatinding damdamin. Hindi ko mailarawan ang pinaghalong damdamin ng pagkasuklam at pagkamuhi na pumuno sa aking puso habang binabasa ko ang mga ulat na ito ng paghamak sa tao at ng kasuklam-suklam na kalupitan. . . . Ang pananahimik ay magsisilbi lamang sa moral na pagwawalang-bahala ng daigdig . . . Nagawa ninyo ang inyong tungkulin sa paglalathala ng aklat na ito at pagdadala ng mga katotohanang ito sa pansin ng publiko.”​—Amin ang italiko.

[Kahon sa pahina 10]

Kabilang ang mga Saksi sa Unang Ipiniit sa mga Kampo

SI Madame Geneviève de Gaulle, pamangkin ng dating pangulo ng Pransiya na si Charles de Gaulle, ay isang miyembro ng French Resistance. Nang siya’y mabihag at nang maglao’y makulong sa piitang kampo ng Ravensbrück noong 1944, nakilala niya ang mga Saksi ni Jehova. Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, si Madame de Gaulle ay naglektyur sa buong Switzerland at madalas na banggitin ang tungkol sa katapatan at lakas-loob ng mga Saksi. Sa isang panayam noong Mayo 20, 1994, ganito ang sabi niya tungkol sa kanila:

“Kabilang sila sa unang mga ipiniit sa kampo. Marami ang nangamatay na . . . Nakilala namin sila sa pamamagitan ng kanilang pagkakakilanlang insigniya. . . . Lubusang ipinagbabawal sa kanila ang pakikipag-usap tungkol sa kanilang mga paniniwala o magkaroon ng anumang relihiyosong mga aklat, at lalo na ang Bibliya, na itinuturing na sukdulang aklat tungkol sa sedisyon. . . . May nakikilala akong [isa sa mga Saksi ni Jehova], at nasabi sa akin na may mga iba pa, na pinatay dahil sa pagkakaroon ng ilang pahina ng mga teksto sa Bibliya. . . .

“Ang labis na hinahangaan ko sa kanila ay na maaari sana silang makalabas anumang oras sa pamamagitan lamang ng pagpirma na itinatakwil nila ang kanilang pananampalataya. Sa katapusan, ang mga babaing ito, na para bang napakahina at pagod na pagod, ay mas malakas kaysa mga SS, na may kapangyarihan at lahat ng bagay na magagamit nila. Taglay ng [mga Saksi ni Jehova] ang kanilang lakas, at ang tibay ng loob nila na hindi magapi ninuman.”

[Kahon sa pahina 11]

Paggawi ng mga Saksi sa mga Kampo

DAHIL sa pag-ibig sa kapuwa​—kasama sa selda, kasama sa kuwartel, kasama sa kampo​—ibinahagi ng mga Saksi hindi lamang ang kanilang espirituwal na pagkain kundi rin naman ang anumang materyal na pagkaing mayroon sila.

Ganito ang sabi ng isang Judio na nakaligtas sa kampong piitan ng Buchenwald: “Doon ay nakilala ko ang Bibelforscher. Palagi silang nagpapatotoo tungkol sa kanilang mga paniniwala. Sa katunayan, walang makapigil sa kanila sa pagsasalita tungkol sa kanilang Diyos. Sila’y totoong matulungin sa ibang bilanggo. Nang ipadala ng pogrom (organisadong pagpatay) ang maraming Judio sa kampo noong Nobyembre 10, 1938, ang mga ‘Jehovah’s schwein (mga baboy ni Jehova)’, gaya ng tawag sa kanila ng mga bantay, ay naglibot at ibinahagi ang kanilang rasyon na tinapay sa mga may edad na at gutom na gutom na mga Judio, kahit na sila’y hindi kumain sa loob ng apat na araw.”

Sa katulad na paraan, ganito ang sabi ng isang babaing Judio na nabilanggo sa kampo sa Lichtenburg tungkol sa mga Saksi: “Sila’y matatapang na tao, na matiising binatá ang kanilang matinding kalagayan. Bagaman ang mga bilanggong gentil ay pinagbabawalang makipag-usap sa amin, hindi sinusunod ng mga babaing ito ang utos na ito. Sila’y nanalangin para sa amin na para bang kami’y kapamilya nila, at nakiusap sa amin na manindigan.”

[Kahon sa pahina 12]

Inihula ang mga Pagsisikap na Ikaila ang Holocaust

SA LABAS nito noong Setyembre 26, 1945, binanggit ng Consolation na ang mga pagsisikap ay maaaring gawin sa hinaharap upang baguhin ang kasaysayan at ikaila ang nangyari. Ang artikulong “Has Nazism Been Destroyed?” ay nagsabi:

“Inaakala ng mga propagandista na ang mga tao ay madaling makalimot. Balak nila na burahin ang nakalipas na kasaysayan, ipinakikilala ang kanilang mga sarili na para bang modernong tagapagpala, itinatago ang kanilang rekord ng pagkasangkot.”

Ang magasin ay nagbigay ng maliwanag na babalang ito: “Hanggang sa ipaglaban ni Jehova ang Armagedon, patuloy na itataas ng Nazismo ang pangit na ulo nito.”

[Mga dayagram sa pahina 11]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Ang mga guhit na ito ng mga kampong piitan ay lumitaw sa mga publikasyon ng mga Saksi noong 1937

[Larawan sa pahina 7]

Ang 150 manggagawa sa tanggapang sangay ng mga Saksi ni Jehova sa Magdeburg noong 1931

[Mga larawan sa pahina 8]

Ibinunyag ng mga publikasyon ng mga Saksi ni Jehova ang pakikipagsabuwatan ng simbahan sa Nazismo

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share