Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 11/8 p. 17-18
  • Ang Paghahanap ng Isang Binatilyo ng mga Kasagutan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Paghahanap ng Isang Binatilyo ng mga Kasagutan
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Klitseng Ginto at Isang Propeta
  • Nanatili ang Iglesya Kaysa Propeta Nito
  • Ang Iglesya ng Mormon—Isa Bang Pagsasauli ng Lahat ng Bagay?
    Gumising!—1995
  • Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2013
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1996
  • Siya ay Nagprotekta, Naglaan, at Nagtiyaga
    Tularan ang Kanilang Pananampalataya
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 11/8 p. 17-18

Ang Paghahanap ng Isang Binatilyo ng mga Kasagutan

ANG araw sa umaga ay sumikat nang maliwanag, tumatagos sa mga punungkahoy sa isang batang lalaking nakaluhod at taimtim na nananalangin. Ang katorse-anyos na si Joseph ay nalilito sa relihiyosong kaguluhan noong kaniyang panahon. Ang tradisyonal na mga relihiyon ay dumaranas ng pagkakabaha-bahagi. Nasa lahat ng dako ang bagong mga sekta. Aling grupo ang dapat niyang aniban? Nakaluhod sa panalangin, siya’y nagtanong: “Alin sa lahat ng mga pangkat na ito ang tama; o, ang lahat bang ito ay mali? Kung ang isa man dito ay tama, alin dito, at paano ko malalaman ito?”

Gayon inilarawan ni Joseph Smith ang maaga niyang espirituwal na krisis. Hindi kataka-taka na siya’y nalito. Ito’y ang lalawigan sa hilagang-silangang bahagi ng Amerika noong maagang ika-19 na siglo, isang rehiyon na naglalagablab sa relihiyosong kaalaban.a Lubhang kailangan ang pag-asa. Maraming magsasaka ang nakikipagpunyagi sa mahirap na buhay na gaya ng mabatong lupa na inaararo nila. Naghahangad ng mas mabuting bagay, sila’y naakit ng mga kuwento tungkol sa nakabaong kayamanan ng mga Indian. Kaya sinuyod nila nang husto ang mga burol, nasasangkapan ng mga batong madyik na gamit ng mga tagakita (seer), mga orasyon, at mga tungkod sa panghuhula. Binabanggit ng lokal na mga alamat ang tungkol sa isang dakilang sibilisasyon ng mga Indian na naglaho sa isang kakila-kilabot na digmaan sa isang lugar sa Estado ng New York.

Ginatungan ng kilalang mga mangangaral noong panahong iyon ang mga apoy ng pagbabakasakali, sinasabing ang mga Amerikanong Indian ay galing sa nawawalang sampung tribo ng Israel. Noong 1823, halimbawa, si Ethan Smith ay sumulat ng aklat na View of the Hebrews; or the Tribes of Israel in America.

Mga Klitseng Ginto at Isang Propeta

Pinalaki sa saganang kapaligirang ito ng mga kuwentong-bayan at relihiyosong sigasig ang kabataang si Joseph Smith. Ang kaniyang pamilya ay narahuyo rin sa labis na katuwaan. Isinulat ng ina ni Joseph ang tungkol sa kanilang nararanasang pagpapagaling, mga himala, at mga pangitain. Subalit nang siya at ang ilan sa mga bata ay umanib sa iglesya, si Joseph ay hindi sumunod. Nang maglaon, sa kuwento ng kaniyang buhay, isinulat niya ang tungkol sa kaniyang paghingi ng tulong sa pamamagitan ng panalangin at ang sagot na kaniyang tinanggap.

Sinabi ni Joseph ang tungkol sa isang pangitain na doo’y pinagbawalan siya ng Diyos na umanib sa alinmang sekta dahil ang mga ito ay pawang mali. Pagkatapos, isang araw noong taglagas ng 1823, sinabi ng 17-anyos na si Smith sa kaniyang pamilya na isang anghel na nagngangalang Moroni ang nagpakita sa kaniya ng isang kalipunan ng sinaunang mga klitseng ginto. Pagkalipas ng apat na taon sinabi niyang ibinigay sa kaniya ang mga klitse at ang pantanging banal na kapangyarihan na isalin ang mga ito, na nangangailangan ng paggamit ng isang pantanging bato na tinatawag na “isang bato ng tagakita” at isang pares ng madyik na salamin sa mata na yari sa pilak​—dalawang makinis na brilyanteng may tatlong-kanto na nakaenggaste sa kristal. Nangangahulugan ito ng kagyat na kamatayan para sa iba na makita ang mga klitse noong panahong iyon, babala ni Smith.

Idinikta ni Smith, na nakababasa ngunit hindi gaanong nakasusulat, ang “salin” ng mga klitse sa ilang eskriba. Nakaupo sa likod ng isang kurtina, inilahad niya ang kuwento na sinasabing tinipon ng isang lalaking Hebreo na nagngangalang Mormon. Ang mga klitse ay may nakaukit na “binagong Ehipsiyong” sulat, sabi ni Smith, na di-gaanong maligoy na gaya ng Hebreo. Si Mormon at ang kaniyang anak na si Moroni ay inilarawan na kabilang sa huling mga nakaligtas ng isang bayan na tinatawag na bayang Nephite, maputing-balat na mga inapo ng mga Hebreo na sinasabing nandayuhan sa Amerika noong mga 600 B.C.E. upang matakasan ang pagkapuksa ng Jerusalem.

Ang ulat ay nagsasaad na si Jesus ay nagpakita sa bansang ito sa Amerika pagkatapos ng kaniyang kamatayan at pagkabuhay-muli at pumili ng 12 apostol na Nephite. Ang mga Lamanite, isang bayan na galing din sa mga Hebreo, ay mapaghimagsik at mapandigma kung kaya sinumpa ng Diyos na magtaglay ng maitim na kulay ng balat. Pangunahin nang inilarawan ng ulat ni Mormon ang nagaganap na mga digmaan sa pagitan ng dalawang bansang ito. Ang mga Nephite ay naging balakyot at sa wakas ay nilipol ng mga Lamanite, na siyang mga ninuno ng mga Amerikanong Indian.

Ayon kay Smith, ibinigay sa kaniya ng anak ni Mormon, ang espiritu ngayon ni Moroni, ang ulat na nasa mga klitseng ginto at ang atas na hahantong sa pagsasauli ng iglesya ni Kristo. Di-nagtagal si Smith ay nagkaroon ng mga tagasunod. Isang mayamang mananampalataya ang gumastos sa paglalathala ng manuskrito ni Smith na tinatawag na The Book of Mormon. Ito’y nailathala noong tagsibol ng 1830. Pagkaraan ng dalawang linggo, ipinahayag ni Joseph Smith ang kaniyang opisyal na titulo: “Tagakita, Isang Tagasalin, Isang Propeta, Isang Apostol ni Jesu-Kristo.” Noong Abril 6, 1830, ang Iglesya ng Mormon, o The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, ay isinilang.b

Si Smith ay may dominanteng bikas na nagpangyaring matamo niya ang debosyon ng maraming kumberte. Subalit ang kaniyang naiibang relihiyon ay nagkaroon din ng mga kaaway. Ang bagong relihiyon ay niligalig; ang mga miyembro nito ay tumakas mula sa New York hanggang sa Ohio at pagkatapos hanggang sa Missouri sa paghahanap ng Bagong Jerusalem nito. Bilang propeta, si Smith ay bumigkas ng sunud-sunod na kapahayagan, ipinahahayag ang kalooban ng Diyos sa mga bagay na mula sa mga abuloy na salapi hanggang sa banal na utos na kumuha ng maraming asawa. Ang huling-banggit na kapahayagang ito ay lalo nang lumikha ng maraming pag-uusig. Dahil sa pinaghihinalaan at kinakalaban sa lahat ng dako, ang mga Mormon ay gumamit ng mga sandata upang ipagtanggol ang kanilang mga sarili.

Ang intriga at ang kaguluhan na naging tanda ng maagang mga taon ng buhay ni Joseph Smith ay hindi kailanman kumalma. Ang mga bayang malapit sa hangganan ng lupaing di-pinaninirahanan, na dinagsa ng mga tagasunod ni Smith, ay tumanggi nang husto. Ayaw nila ng ibang sagradong aklat o ng nagpapahayag-ng-sarili na propeta. Pagkatapos, noong 1839, sa pangamba ng lokal na mamamayan, ang mga Mormon ay nagtatag ng isang lumalagong kolonya na may sariling mga gilingan, pagawaan, pamantasan, at milisya, sa Nauvoo, Illinois. Nang sumiklab ang mga pagkakapootan, si Smith ay dinakip at ibinilanggo sa Carthage, Illinois. Doon, noong Hunyo 27, 1844, nilusob ng mang-uumog ang bilangguan at siya’y binaril at napatay.

Nanatili ang Iglesya Kaysa Propeta Nito

Ang kuwento ay hindi natatapos sa pagkamatay ni Joseph Smith. Si Brigham Young, pangulo ng Konseho ng Labindalawang Apostol, ay agad na nanungkulan sa pagkapinuno at inakay ang maraming mananampalataya sa isang mapanganib na paglalakbay tungo sa libis ng Great Salt Lake sa Utah, na kinaroroonan ng punung-tanggapan ng mga Mormon hanggang sa ngayon.c

Ang iglesyang itinatag ni Joseph Smith ay patuloy na umaakit ng mga kumberte, na, ayon sa mga aklat ng LDS, may mga siyam na milyong miyembro sa buong daigdig. Ito’y kumalat sa ibayo pa ng dakong pinagmulan nito sa Estado ng New York hanggang sa mga lugar na kasinlayo ng Italya, Pilipinas, Uruguay, at Zaire. Sa kabila ng patuloy na pagsasalungatan, ang kapansin-pansing Iglesya ng Mormon ay umunlad. Tunay, ito ba ang pagsasauli ng tunay na Kristiyanismo na pinakahihintay ng mga tao ng pananampalataya?

[Mga talababa]

a Nang maglaon binansagan ng mga mananalaysay ang lugar na ito sa gawing kanluran ng Estado ng New York ang natupok na distrito dahil sa mga daluyong ng panandaliang relihiyosong pagsasauli na nangyari sa rehiyon noong mga unang taon ng dekada ng 1800.

b Dating tinatawag na The Church of Christ, noong Abril 26, 1838, ito ay naging The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, o LDS. Bagaman ang LDS ang tawag na mas gusto ng mga miyembro nito, ang pangalang Mormon (hango sa The Book of Mormon) ay ginagamit din sa seryeng ito ng mga artikulo, yamang ito ay mas pamilyar na kataga sa maraming mambabasa.

c May iba’t ibang grupo na humiwalay sa LDS, na tinatawag din ang kanilang mga sarili na Mormon. Pangunahin na sa mga ito ang Reorganized Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, na ang punung-tanggapan ay nasa Independence, Missouri.

[Picture Credit Line sa pahina 17]

Larawan: Sa kagandahang-loob ng Jesus Christ of Latter-Day Saints/Dictionary of American Portraits/Dover

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share