Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 2/22 p. 26-27
  • Ang Mahal Kong Kaibigan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Mahal Kong Kaibigan
  • Gumising!—1996
  • Kaparehong Materyal
  • Ginanti ang Paghahanap ng Katotohanan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Kaligayahan ang Humalili sa Panlulumo
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Sabihin Mo sa Kanila na Mahal Mo Sila
    Mga Karanasan ng mga Saksi ni Jehova
  • Pananatiling Malapit sa Organisasyon ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 2/22 p. 26-27

Ang Mahal Kong Kaibigan

Sinu-sino ang iyong mga kaibigan? Sila ba’y yaon lamang mga kaedad mo? Basahin ang kuwento ng isang kabataan tungkol sa isa sa kaniyang mga kaibigan na halos pitong dekada ang tanda sa kaniya.

ANG aming pamilya ay lumipat sa Aberdeen, Scotland, mga siyam na taon na ang nakalipas, nang ako’y anim na taon lamang. Ito’y isang nakatatakot na panahon para sa akin sapagkat kailangang magsimula na naman ako sa isang bagong paaralan at kailangang magkaroon na naman ako ng bagong mga kaibigan. Subalit may isang bagay na nagpangyaring magiliw na mapakibagayan ko ang aking bagong kalagayan. Isang may edad nang babae, na nakilala ng mga magulang ko noon, ay nakatira malapit sa aming bahay. Ako ay wastong ipinakilala at di-nagtagal ako’y nagulat na masumpungan na siya’y kawili-wili. Masayahin siya, at elegante siya kung manamit.

Ang bahay na aming tinitirhan ay inuupahan, kaya kami’y lumipat sa isang permanenteng tirahan mga isang milya ang layo mula kay Tiya Louie. Ginagamit ko ang katagang “tiya” bilang paggalang at bilang isang katawagan ng pagmamahal. Ako’y nalungkot nang kailangan naming lumipat, sapagkat kami ng kuya ko ay nagsimulang regular na dumalaw sa kaniya.

Subalit, ang paaralang pinasukan ko ay malapit lamang sa bahay ni Tiya Louie. Kaya tuwing Biyernes pagkatapos ng klase at bago ako magtungo sa aking pag-eensayo para sa Scottish Country Dancing sa paaralan sa gabi, ako’y nagtutungo sa bahay ni Tiya para magmeryenda. Ito ang naging rutina ko. Dadalhin ko ang aking mga aklat ng kuwento, at babasahin niya ito sa akin samantalang kinakain ko ang mga cucumber sandwich at iniinom ang isang baso ng malamig na gatas.

Natatandaan ko pa na para bang napakabagal lumipas ng mga Biyernes habang hinihintay ko na may pananabik ang bell ng 3:30 n.h., na isang hudyat na magmadali tungo kina Tiya Louie. Noong panahong ito una kong natutuhan kung gaano kawili-wili at kasiya-siya ang mga taong may edad. Sa katunayan, hindi ko siya itinuturing na matanda. Sa aking isipan siya ay bata pa. Nakapagmamaneho siya, at napananatili niya ang mabangong-amoy na tahanan at isang halamanan​—ano pa nga ba ang mahihiling ng isang bata?

Lumipas ang tatlong taon, at ako’y nasa huling taon ng paaralang primarya. Ito ang panahon nang magpasiya si Tiya Louie na ang kaniyang hardin ay nagbibigay sa kaniya ng maraming trabaho at na ang isang apartment na walang ikalawang palapag ay isang mas praktikal na mapagpipilian. Nang panahong iyon ay hindi ko maunawaan ang idea ng pagtanda. Nainis ako na ang kaniyang apartment ay nasa ibang bahagi ng bayan. Ang mga Biyernes ay hindi na kasiya-siya na tulad ng dati para sa akin.

Noong 1990 ang paglipat ko sa mataas na paaralan ay nalalapit na. Ano ang gagawin ko sa gayong malaking paaralan? Paano ko mapagtatagumpayan ito? Ako’y pupunta sa isang naiibang paaralan mula sa aking mga kaibigan, yamang ang aming pamilya ay nakatira sa ibang lugar. Ngunit minsan pa si Tiya Louie ay naroon sapagkat ang apartment na nilipatan niya ay katabi ng aking mataas na paaralan! Tinanong ko siya kung maaari ba akong magtungo sa kaniyang apartment sa tanghali upang kanin ang aking baon. Sa gayon isa pang mahalagang rutina ang naitatag.

Ako’y naniniwala na ito ang panahon nang ang aming kaugnayan ay nagbago mula sa isang ugnayan ng isang bata at nasa hustong gulang tungo sa isang pagtatamasa ng kasiyahan sa pakikisama sa isa’t isa. Ito’y makikita sa maraming paraan, subalit ang isang partikular na paraan ay nang kami’y magsimulang magbasa na magkasama ng klasikáng mga akda​—Jane Eyre, Villette, Pride and Prejudice, at The Woman in White​—sa halip ng aking mga aklat ng kuwento. Ang aking panlasa sa binabasang mga akda ay sumulong.

Tinuruan ako ni Tiya Louie na ang pag-ibig sa mga tao ay isang kasanayan at isang sining. Kung hindi dahil sa kaniya, marahil ay hindi ko natalos iyan hanggang nang ako’y magkaedad. Tinuruan niya akong makinig, at hindi kailanman natutuhan iyan ng maraming tao sa napakaabalang daigdig na ito, matanda man o bata. Habang ako’y nakabaluktot sa sopá niya, inilalahad niya sa akin ang mga kuwento ng kaniyang buhay at mga karanasan niya. Napamahal siya sa akin dahil sa kapansin-pansing kaalaman na taglay ng babaing ito.

Maraming tinalikuran si Tiya Louie​—pag-aasawa, mga anak, isang karera​—upang pangalagaan ang kaniyang mga magulang at ang kaniyang tiya dahil sa traumatikong mga karamdaman. Ito’y nagpangyari sa kaniyang nakababatang kapatid na lalaki na manatili sa buong-panahong ministeryo.

Sa nakalipas na dalawang taon, humihina na ang kalusugan ni Tiya Louie, at nakikita ko ang pagkasiphayo, kahirapan, at kirot na dala ng pagtanda. Kamakailan, sa gulang na 84, kailangang ihinto niya ang pagmamaneho, at ito’y nakapagpahirap sa kaniya nang husto. Sanáy siya sa napakaaktibong buhay, at talagang nakasisiphayo na ngayo’y hindi siya makaalis ng kaniyang bahay. Kailangan niyang paglabanan ang damdamin na siya’y nakaaabala sa mga tao. Gaano man kadalas naming sabihin sa kaniya na mahal namin siya at na gagawin namin ang lahat para sa kaniya, siya’y nakadarama pa rin ng pagkakasala.

Ang gumagawa pa nga ritong masahol ay na mahirap para sa kaniya na paliguan at bihisan ang kaniyang sarili. Kahit na ginawa niya ito sa iba, isang pagsubok ngayon na masumpungan ang kaniyang sarili na nangangailangan ng gayong tulong. Ito’y nagtuturo sa akin na kahit na hindi magawa ng mga tao ang lahat ng bagay para sa kanilang sarili, karapat-dapat pa rin sila sa ating paggalang.

Gayunman, higit sa lahat, ang karanasang ito ay tumulong sa akin na maunawaan kung ano ang katulad ng pagtanda. Ang lahat ng bagay na hindi na magawa ni Tiya Louie ay nakapagpapaiyak sa akin. Higit sa lahat, kapag nakikita ko siyang nasisiphayo o nasa matinding kirot, nais kong umiyak nang umiyak. Ang ikinalulungkot ko lalo na ay na lahat ng kaniyang karunungan ay maaaring hindi na tamasahin at pahalagahan ng ibang batang mas bata sa akin.

Kung minsan ako’y nagtatanong kung sapat ba ang nagawa ko para sa kaniya. Nasisiyahan ba siya at minamahal ba niya ako na gaya ng pagmamahal ko sa kaniya? Subalit kapag ako’y nagtutungo sa kaniya upang mananghali at niyayapos ko siya, naglalaho ang lahat ng mga alinlangan.

Isang karangalan para sa akin na magkaroon ng gayong kaibigan. Tinuruan niya ako ng maraming maiinam na mga katangian​—higit sa lahat tinuruan niya ako tungkol sa pag-ibig. Hindi ko ipagpapalit ang kaniyang pakikipagkaibigan sa sandaang kaibigan na kaedad ko. Bagaman malapit na akong magtapos sa pag-aaral at hindi na ako manananghali sa kaniyang apartment, hinding-hindi ko ihihinto ang pagmamahal, pagdalaw, at pagtulong sa mahal kong kaibigan. Tinuruan niya ako na ang buhay ay maaaring maging maligaya at kasiya-siya kung iniisip mo ang iba bago ang iyong sarili.​—Isinulat.

[Larawan sa pahina 26]

Kasama si Tiya Louie

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share