Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 3/8 p. 24-26
  • Isang Sinaunang Tradisyon ng Amerikanong Indian

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Sinaunang Tradisyon ng Amerikanong Indian
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagdalaw sa isang Lugar na Itinakda sa mga Amerikanong Indian
  • Pagtitipon ng mga Gagamitin
  • Ang Proseso
  • Ang Natatanging Proseso ng Paghuhurno
  • Luwad
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Isa sa Pantanging Sining ng Madagascar
    Gumising!—1991
  • Hurno
    Glosari
  • Gumising!—Nakatulong Para Mailigtas ang Hindi Pa Naisisilang na Sanggol
    Gumising!—2010
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 3/8 p. 24-26

Isang Sinaunang Tradisyon ng Amerikanong Indian

SAAN ka man magpunta sa daigdig, masusumpungan mo na ang bawat lugar ay may sarili nitong tradisyunal na anyo ng sining. Ang mga pinta, pigurin, mga ukit na kahoy, mga palayok, o iba pang bagay ay karaniwang matatagpuan sa mga tindahan ng regalo at ng kakaibang mga palamuti. Nakabili ka na ba ng anuman sa mga ito para ipalamuti sa inyong tahanan? Kung gayon, bakit hindi suriin at tingnan kung saan talaga ginawa ang binili mo. Huwag kang mabigla kung masumpungan mo na ito’y ginawa sa ibang bansa.

a loob ng mga dantaon iniukit ng mga artisano ang kanilang mga inisyal sa ilalim ng kanilang mga kalakal upang ipakita kung kaninong mga likha ito. Gayunman, sa ngayon malamang na makita mo ang isang sticker o isang tatak na nagpapakita na ang bagay ay maramihang ginawa, hindi yari sa kamay. Ang maramihang gawa na ito na may kahawig ay nagiging mas kilala, at mas mahirap nang makasumpong ng tradisyunal na gawang sining na yari sa kamay. Gayunman, maaari pa rin kayang matagpuan ang tradisyunal, lokal na ginagawang mga bagay?

Pagdalaw sa isang Lugar na Itinakda sa mga Amerikanong Indian

Maaari namang matagpuan ang mga ito, natuklasan namin, nang kami’y dumalaw sa ilang kaibigan naming Amerikanong Indian na gumagawa pa rin ng sarili nilang tradisyunal na gawang sining. Sila’y kabilang sa tribong Indian ng Santa Clara Pueblo, kilala lalo na dahil sa kanilang napakakinis na itim na palayok​—isa sa pinakamagandang palayok sa daigdig. Ang kanilang tradisyunal na mga kalakal ay malayung-malayo ang pagkakaiba sa mga kalakal na maramihan ang gawa na masusumpungan sa maraming tindahan sa timog-kanluran ng Estados Unidos.

Ang mga kaibigan namin, sina Joe at Anita, ay maraming taon nang gumagawa ng palayok sa tradisyunal na paraan. Si Anita ay nagsimulang gumawa ng palayok kasama ng kaniyang ina nang siya’y anim na taóng gulang. Isa sa ginawa ni Anita ay nasa Smithsonian Institution sa Washington, D.C., na nakatanghal sa American Indian Arts.

Dumating kami sa bahay nina Joe at Anita habang sila’y naghahandang magpasimula sa bagong grupo ng palayok. Kaya ngayon kami mismo ang makakakita kung paano ito gawin. Nakagawa na rin kami mismo ng mga palayok noon. Subalit ginawa namin ito sa makabagong paraan na may pangmolde, slip o luwad na panghulma at pampalamuti, at malaking hurno. Ang aming masasaksihan ay ang sinaunang pamamaraan, na naipasa sa sali’t saling lahi. Walang makabagong teknolohiya sa paggawa nito. Ang lahat ay ginagawa nang hindi gumagamit ng yari nang mga bahagi.

Pagtitipon ng mga Gagamitin

Una, kailangang tipunin nina Joe at Anita ang mga gagamitin. Kaya sumakay kami sa kanilang pickup na trak patungo sa isang dalisdis ng burol kung saan kanilang masusumpungan ang luwad. Dahil sa matatagpuan sa lugar na itinakda sa mga Amerikanong Indian (reservation), ang luwad ay makukuha lamang ng mga miyembro ng tribo, na may bilang na halos 2,400 sa Santa Clara Pueblo. Karamihan sa kanila ay gumagawa ng palayok sa tradisyunal na paraan na noong panahon pa ng 1500. Nang dumating kami sa dalisdis ng burol, kinuha ni Joe ang kaniyang piko at piniko ang isang bitak ng luwad.

Ang bitak ay umaabot nang pahiga sa ilalim ng burol. Kailangang humiga si Joe nang patagilid at magpiko sa kahabaan nito, naglalabas ng tipak-tipak na luwad na kasinlaki ng ladrilyo. Ito’y maaaring maging mapanganib, sapagkat habang pumapaloob ka, mas malamang na maguhuan ang isa. Pagkatapos na makakuha si Joe sa pagitan ng 60 at 70 kilo ng tinagurian niyang napakahusay na uri ng luwad, handa na kaming umalis. Subalit ipinagtataka ko kung bakit hindi pa sila kumuha ng ilang daang libra ng luwad nang minsanan sa gayo’y hindi na sila magpabalik-balik. Sabi ni Anita sa amin: “Hindi iyan ang paraan ng mga Indian.” Kinukuha lamang nila mula sa lupa kung ano ang gagamitin nila sa panahong iyon. Marami ang masasayang kung ang luwad ay basta itatabi lamang at titigas ang mga ito.

Sumunod, nagtungo kami sa kabilang ibayo ng burol upang kumuha ng puting buhangin. Ito’y mas madali​—magpapala ka lamang ng isa o dalawang timbang punô. Pagkatapos ay bumalik na kami sa kanilang bahay.

Ang Proseso

Ang luwad ay ibinababad muna sa tubig sa loob ng ilang araw. Pagkatapos ito ay sinasala nang tatlo o apat na ulit. Ang buhangin ay sinasala rin nang ilang ulit. Pagkatapos niyan, paghahaluin ni Joe ang dalawang ito nang magkasama sa tamang dami. Hindi sinusukat ang dami ng alinman sa dalawang ito. Mahalaga ang karanasan dito. Dapat na mayroong tiyak na dami ng buhangin sa luwad upang mapanatili ng palayok ang hugis nito kapag inihurno na. Ang pagiging labis o kulang ay makapagpapaputok o makapagpapalamat sa palayok. Sinabi sa amin ni Anita na nang siya’y unang gumawa ng palayok sa sarili niya, dinadala niya ang luwad sa kaniyang ina upang mahipo ito ng kaniyang ina at maipaalam sa kaniya kung may sapat na dami na ito ng buhangin. Di-nagtagal siya na mismo ang nakaaalam.

Sa pamamagitan ng paggamit ng kaniyang mga paa, minasa ni Joe ang luwad at buhangin nang magkasama hanggang sa tamang-tama na ang pagkakahalo nito. Ngayon ay handa na ang mga ito na gawing palayok. Walang hulmahan ang ginamit. Ang bawat piraso ay bukud-tangi at hinugis ng mga kamay. Maraming oras ang ginugugol ni Anita sa paghuhugis ng kaniyang palayok bago ito itabi upang patuyuin. Kapag bahagya na itong tuyo at tumigas na nang kaunti na tila kasintigas ng katad, maaari na itong ukaban o ukitan sa kamay ng mga disenyo o mga guhit. Pagkatapos ay patutuyuin ito nang husto, na maaaring tumagal nang isang linggo, depende sa halumigmig. Handa na ito ngayong iliha. Ito ang nagpapakinis sa luwad at handa na ito ngayong pakintabin.

Ang pagpapakintab ay ginagawa sa kamay sa pamamagitan ng makikinis na bato sa ilog. Kailangan itong gawin nang tama. Ang labis o kulang na pagpapakintab ay hindi makapagpapakinang sa palayok pagkatapos na ihurno ito. Hindi ito pinipintahan. Ang pagpapakintab ang nagbibigay ng magandang kinang nito.

Ang Natatanging Proseso ng Paghuhurno

Ngayon ang panghuling hakbang na: ang paghuhurno ng palayok. Upang magawa ito, sila’y gumawa ng hurno sa kanilang bakuran. Walang pugon ang ginagamit dito! Ang isang hurno ay ginagawa sa pamamagitan ng pagtatalaksan ng mga kahoy na panggatong nang pataas at pagpapatong pa ng mga kahoy sa itaas ng talaksan ng mga piraso ng kahoy, ginagawang parang hurno na may bukas na dulo para sa pagpapasok ng palayok. Pagkatapos ay sinisindihan ito. Dahil sa karanasan nalalaman nila kung nasa tama nang temperatura ang apoy para ipasok ang palayok.

Kapag inihurno na ang palayok, ang tunay na kulay nito ay pula. Pagkatapos, sa eksaktong panahon, gagawin ni Joe ang di-pangkaraniwang hakbang. Magbubunton siya ng dumi ng kabayo sa apoy! Ito ang nagpapaitim sa palayok. Kapag nabawasan na ang oksiheno, ang pulang iron oxide sa luwad ay nagiging itim na iron oxide. Mangyari pa, masasabi mo sa amoy pa lamang kung may naghuhurno ng itim na palayok sa paligid!

Ang tapos nang produkto ay isang bagay na maipagmamalaki, at maraming tao sa buong mundo ang nasisiyahan sa kagandahan nito. Dati-rati, ang gayong palayok ay ginagamit sa praktikal na mga layunin, gaya ng pag-iimbak ng iba’t ibang sangkap sa bahay. Sa ilang bahagi ng daigdig, ganito pa rin ang gamit nito. Subalit ang isang magandang palayok ay magagamit bilang palamuti sa ating mga tahanan at upang may pagmamalaking masabi na nakadalaw tayo sa Santa Clara Pueblo, kung saan ang sinaunang mga tradisyon ng Amerikanong Indian ay isinasagawa pa rin.​—Inilahad.

[Mga larawan sa pahina 25]

Kasinlaki ng ladrilyo na mga tipak ng luwad ang nahuhukay

Ang luwad ay inihuhugis sa kamay

Ang palayok ay inihuhurno sa tradisyunal na pugon

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share