Isang Pangglobong Nayon Subalit Nababahagi Pa Rin
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA NIGERIA
NAKARINIG ka na ba ng mga kuwento tungkol sa isang lahi ng tao na walang bibig at sa gayo’y hindi makakain ni makainom? Sinasabing sila’y nabuhay sa pamamagitan ng pag-amoy, karaniwan ng mga mansanas. Ang masamang amoy ay papatay sa kanila.
May mga kuwento rin tungkol sa mga tao sa Kanlurang Aprika na nangangalakal ng ginto. Isang kapitan ng barkong Portuges nang panahong iyon ang nag-ulat: “Dalawang daang liga lampas pa [sa] kaharian ng [Mali], masusumpungan ng isa ang isang bansa na ang mga naninirahan ay may mga ulo at ngipin ng mga aso at mga buntot na parang aso. Ito ang mga Itim na tumatangging makipag-usap sapagkat ayaw nilang makita ang ibang tao.” Iyon ang ilang kakatuwang idea na pinaniwalaan maraming taon na ang nakalipas, bago pa ang panahon ng paglalakbay at pagtuklas.
Nagsasama-sama ang mga Tao
Ang mga kuwentong iyon ay seryosong pinaniwalaan sa loob ng mga dantaon. Subalit habang gumagawa ng mapa ng planeta ang mga manggagalugad, wala silang nasumpungang mga taong walang bibig na umaamoy ng mga mansanas, walang mga taong may ulo ng aso. Sa ngayon kaunti lamang na misteryo ang natitira tungkol sa mga nakatira sa gawi pa roon ng ating mga hangganan. Ang daigdig ay naging isang pangglobong nayon. Ang telebisyon ay naghahatid ng impormasyon tungkol sa banyagang mga lupain at mga tao sa ating mga sala. Ginagawang posible ng paglalakbay sa himpapawid na dalawin ang mga bansang iyon sa loob lamang ng ilang oras; milyun-milyong tao ang gumagawa nito sa bawat taon. Ang iba ay lumilipat dahil sa pangkabuhayan o pulitikal na mga kadahilanan. Ganito ang sabi ng ulat ng United Nations Population Fund: “Higit kailanman sa kasaysayan—at tiyak na darami pa—nilisan ng mga tao sa buong daigdig ang kanilang lupang tinubuan at nandarayuhan sa paghahanap ng mas mabuting buhay.” Halos 100 milyon katao ang nakatira sa labas ng kanilang bansa kung saan sila isinilang.
Parami nang paraming bansa ang umaasa sa isa’t isa sa kabuhayan. Isang pangglobong network ng komunikasyon, tulad ng dambuhalang sentrong sistema nerbiyosa, ang nag-uugnay sa bawat bansa sa lupa. Habang ang mga idea, impormasyon, at teknolohiya ay nagpapalitan, ang mga kultura ay nagsasama at nakikibagay sa isa’t isa. Sa buong daigdig ang mga tao ay nagdaramit nang magkatulad higit kailanman. Maraming bagay sa mga lunsod ng daigdig ang magkakatulad—pulisya, maluluhong otel, trapiko, mga tindahan, mga bangko, polusyon. Kaya nga, habang ang mga tao’y nagsasama-sama, nakikita natin ang inilalarawan ng ilan bilang isang pagsasama ng kulturang pandaigdig.
Kung Bakit ang mga Tao ay Nananatiling Nababahagi
Subalit bagaman ang mga tao at mga kultura ay nagsasanib, malinaw na hindi itinuturing ng lahat ang isa’t isa bilang mga kapatid. “Mabilis na sinisisi ng lahat ang dayuhan,” sulat ng isang dramaturgong Griego mahigit nang 2,000 taon ang nakalipas. Nakalulungkot nga, totoo rin ito sa ngayon. Ang katibayan ay hindi na lalayo pa sa mga ulat ng pahayagan tungkol sa pagkapanatiko, pagkapoot sa mga dayuhan, “paglipol ng lahi,” alitan ng lahi, relihiyosong mga kaguluhan, walang-awang pagpatay sa mga sibilyan, lansakang pagpaslang, mga kampong piitan kung saan hinahalay ang mga babae, pagpapahirap, o paglipol ng lahi.
Mangyari pa, karamihan sa atin ay kaunti o walang gaanong magagawa upang baguhin ang takbo ng mga alitan ng lahi. Maaaring hindi pa nga tayo tuwirang apektado ng mga ito. Subalit, para sa marami sa atin, ang mga problema ay nanggagaling sa kakulangan ng komunikasyon sa mga dayuhan na ating nakakausap—mga kapitbahay, kasama sa trabaho, o mga kaeskuwela.
Hindi ba kakatuwa na ang mga tao mula sa magkakaibang etnikong pangkat ay kadalasang nahihirapang magtiwala at magpahalaga sa isa’t isa? Tutal, ang ating planeta ay isang planeta ng napakalaking pagkakaiba, walang-katapusang pagkakasari-sari. Karamihan sa atin ay nagpapahalaga sa saganang pagkasari-sari ng pagkain, musika, at kulay gayundin ng maraming uri ng halaman, ibon, at mga hayop. Subalit sa paano man hindi kalakip sa ating pagpapahalaga sa pagkakasari-sari ang mga taong hindi nag-iisip at kumikilos na gaya natin.
Sa halip na hanapin ang positibong mga aspekto ng pagkakaiba sa gitna ng mga tao, marami ang tila nagtututok ng pansin sa mga pagkakaiba at pagkatapos ay ginagawa ang mga ito na punto ng pag-aaway. Bakit nga ganito? Anong pakinabang mayroon sa pagsisikap na abutin ang mga taong ang kultura ay naiiba sa ating sariling kultura? Paano natin magigiba ang mga pader ng komunikasyon at halinhan ito ng mga tulay? Sisikaping sagutin ng susunod na mga artikulo ang mga tanong na iyon.