Ang Maulang Gubat ng Amason—Nababalot ng Alamat
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA BRAZIL
HINDI makapaniwala sa kanilang nakikita ang mga Indiang Irimarai na nakatira sa baybayin ng Napo River ng Peru! Dalawang barkong may layag na hugis kudrado, na di-gaya ng kanilang sariling makikitid na bangka, ang naglalayag papalapit sa kanilang nayon. Natatanaw nila ang nakasakay na mga mandirigmang nakabalbas—na kakaiba sa iba pang tribo na nakita na nila. Palibhasa’y nalito, nagpulasan ang mga Indian upang magtago at magmasid habang ang mapuputing dayuhan naman ay nagtalunan sa pampang, inubos ang suplay na pagkain ng nayon, at muling naglayag papalayo—na masiglang-masigla dahil sa iniisip na nagawang kasaysayan bilang ang kauna-unahang ekspedisyon na nagtiyagang makarating sa kabuuan ng maulang gubat, mula sa Kabundukan ng Andes hanggang sa Karagatang Atlantiko.
Nang taóng iyon, 1542, sunud-sunod na mga tribo ng Indian ang dumanas ng gayunding pagkasindak habang ang mga manggagalugad na Europeong iyon, na ipinagpaparangalan ang mga pana at baril, ay patuloy sa pagpupumilit na mapasok pang higit ang tropikong kagubatan ng Timog Amerika.
Di-nagluwat at natuklasan ni Francisco de Orellana, ang kapitang Kastila na pinuno ng mga manlulupig na mas mabilis na nakarating ang balita tungkol sa pagnanakaw at pamamaril ng kaniyang pangkat kaysa sa kanilang dalawang barko. Ang mga tribo ng Indian ay naroroon sa dulo ng sapa (malapit sa lunsod ng Manaus sa Brazil sa ngayon) na may nakahandang mga pana habang hinihintay ang mahigit na 50 mananalakay.
At napakagagaling magpatama ng mga Indian na iyon, ang pag-amin ng isang miyembro ng pangkat na si Gaspar de Carvajal. Nagsasalita siya ayon sa naranasan niya, sapagkat tumarak sa pagitan ng kaniyang mga tadyang ang isa sa mga palaso ng mga Indian. “Kundi dahil sa aking makapal na abito,” nagmamadaling pagsulat ng sugatang prayle, “tiyak na patay na ako.”
‘Nakikihamok ang mga Babae na Parang Sampung Lalaki’
Nagpatuloy pa si Carvajal sa paglalarawan ng puwersang nagtutulak sa likod ng matatapang na Indian na iyon. ‘Nakita namin ang mga babaing nakikihamok sa unahan ng mga lalaki bilang mga babaing kapitan. Ang mga babaing ito ay mapuputi at matatangkad, na ang mahahabang buhok ay nakatrintas at nakapulupot sa kanilang ulo. Sila’y matitipuno at, habang hawak ang kanilang mga pana, sila’y nakikihamok na parang sampung lalaki.’
Kung ang tingin ng mga manggagalugad sa mga mandirigmang babae ay totoo o, wika nga ng isang nagsabi, “isa lamang malikmata dahil sa jungle fever” ay walang sinumang nakaaalam. Subalit ayon sa ilang ulat sa paanuman, nang sumapit sina Orellana at Carvajal sa bukana ng napakalaking ilog at maglayag patungong Karagatang Atlantiko, naniniwala silang nakita nga nila ang Bagong Daigdig na bersiyon ng mga Amasona, ang mababangis na mandirigmang babae na inilalarawan sa mitolohiyang Griego.a
Iningatan ng prayleng si Carvajal ang kuwento ng mga Amasonang Amerikana para sa mga susunod pang angkan sa pamamagitan ng paglalakip nito sa naging ulat ng walong-buwan-ang-haba na ekspedisyon ni Orellana na kaniya mismong nasaksihan. Sa bahagi naman ni kapitan Orellana, siya’y naglayag patungong Espanya, na doo’y nagbigay siya ng isang maliwanag na ulat ng kaniyang paglalakbay sa may pagkaromantikong tawag niya na Río de las Amazonas, o Ilog Amason. Di-nagtagal, isinulat ng ika-16-na-siglong mga kartograpo ang isang bagong pangalan sa tapat ng nagsisimulang mapa ng Timog Amerika—ang Amason. Sa gayon nabalutan ng alamat ang kagubatan ng Amason, ngunit ngayon ang kagubatang iyan ay sinasalot ng mga katotohanan.
[Talababa]
a Ang salitang mga “Amasona” ay malamang na nagmula sa salitang Griego na a, na ang ibig sabihin ay “wala,” at ma·zosʹ, na ang ibig sabihin naman ay “dibdib.” Ayon sa alamat, inaalis ng mga Amasona ang kanang dibdib upang maging mas madali ang paggamit ng pana.
[Picture Credit Line sa pahina 3]
Larawan sa itaas: The Complete Encyclopedia of Illustration/J. G. Heck