Ang Walang-Tinik na “Yucca”—Isang Pambihirang Halaman na Madaling Bumagay
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA COSTA RICA
HERBACEOUS, parang sabon, masarap, at masustansiya. Lahat ng ito’y taglay ng pambihirang halamang ito at marami pa! Kilalang-kilala ito ng mga taga-Sentral Amerika ngunit hindi bilang walang-tinik na yucca. Kung gagamitin mo sa Sentral Amerika ang terminong iyan, malamang na marami ang magalang na tititig sa iyo na wari’y nagtatanong. Gayunman, kapag binanggit mo ang itabo, izote, o daguillo, biglang sisilay ang isang ngiti na nagpapakitang nauunawaan nila ang ibig mong sabihin, yamang ang halamang iyan ay kilalang-kilala sa Costa Rica, Guatemala, Honduras, at Nicaragua. Natitikman ng mga taga-Costa Rica at iba pang taga-Sentral Amerika ang mga bulaklak nito sa paggawa ng iba’t ibang putahe.
Miyembro ng Kilalang Pamilya
Sa paraang wari’y naghahatakan, nauri na ng mga taxonomista ang walang-tinik na yucca bilang isang miyembro ng pamilya ng Liliaceae at kamakailan lamang ay inuri naman ito bilang miyembro ng pamilya ng Agavaceae. Ang pangalawang kategorya ng uka-ukang mga halaman ay binubuo ng mga 550 uri mula sa grupo ng mga Liliales (liryo). Kinilala ng mga botaniko ang siyentipikong pangalan nito bilang Yucca elephantipes.
Tinatayang may 40 uri sa grupo ng Yucca, na sa kalakhang bahagi ay matatagpuan sa Hilagang Amerika, Mexico, at Sentral at Timog Amerika. Kabilang sa mga kilalang kamag-anak nito ay ang higanteng puno ng Joshua (Yucca brevifolia) at ang mas maliit na bayonetang Kastila (Yucca aloifolia). Tunay ngang isang malaking pamilya!
Anu-ano ang mapagkakakilanlang katangian ng maraming-gamit na halamang ito? Sa hitsura nito na hindi naman elegante ngunit pambihira, umaabot hanggang mga isang metro ang matitigas at pahabang dahon nito palayo sa puno. Ang siksik, matigas na puno, na magaspang sa kamay at kulay abuhing kape, ay nakakatulad ng unahang paa ng elepante—kaya naman, ang siyentipikong pangalan nito ay elephantipes.
Sa unang tingin, ang walang-tinik na yucca, na umaabot sa taas na mula 15 hanggang 25 talampakan, ay madaling mapagkamalang isang punungkahoy. Kung panahon ng tag-araw sa Costa Rica, lalo na kung mga buwan ng Pebrero at Marso, daan-daang hugis-kampana at kulay-gatas na mga bulaklak ang nakakorona sa halamang itabo. Habang itinitinda sa mga palengke at ng mga tindero sa kalye, ang mga ito’y waring sabay-sabay na nasa lahat ng dako! Ibang-iba naman sa matitigas at parang-bayonetang mga dahon nito, ang malalambot at maseselan na bulaklak na ito ay kumpul-kumpol na namumukadkad, na nakaipon sa pinakasentro ng halaman, na nakatayong tuwid na tuwid.
Ang itabo ang isa sa paboritong uri ng yucca ng mga hardinero at gayundin ng mga landscaper, dahil sa ito’y bumabagay sa iba’t ibang kalagayan ng klima at lupa at nagbibigay ng kaakit-akit at pantropikong anyo. Palibhasa’y ginagamit bilang natural na pambakod sa mga hangganan sa Costa Rica, hindi nga kataka-taka na managana ang madaling dumaming halamang ito na itabo sa halos lahat ng rehiyon sa bansa.
Natural lamang na samantalahin ng mga tagaroon ang maraming gamit ng halamang ito. Halimbawa, ang mga hilatsang nakukuha sa mga dahon ay ginagawang pansapin, sinturon, at napsak. Gayundin, kung iinitin ang mga dahon hanggang sa lumambot, magagamit ito ng mga hardinero na panali ng mga ani. Waring walang katapusan ang nagagawa ng halamang ito!
Masarap Kainin!
Si Frances Perry, awtor ng Flowers of the World, ay sumulat: “Ang mga buko ng bulaklak ng mga uring Yucca ay kinakain ng mga Indian, at ang bunga at mga ugat ay may sangkap na parang sabon kung kaya maaaring gamitin sa paglalaba ng damit.” Gamit na gamit ng mga taga-Sentral Amerika ang mga katangian ng yucca sa pagluluto at paglilinis. Gustung-gusto nila ang maasim-asim ngunit matapang na lasa nito. Ang mga bulaklak ay ginagawang malamig na ensalada o niluluto na may sahog na itlog at patatas, na paborito ng mga taga-Costa Rica at iba pang taga-Sentral Amerika. Ang yucca ay masustansiya sapagkat ang mga ito’y mayaman sa bitamina at mineral, gaya ng kalsiyum, iron, thiamine, phosphorus, at riboflavin.
Kapuri-puri rin ang nakapagpapagaling na sangkap ng yucca; ang tonikong ginawa sa pamamagitan ng pagpapakulo at pagbababad dito ng mga bulaklak ay nakagiginhawa sa tiyan. Ang mga dahon ay maaaring igamot sa mga sakit na albuminuria at colitis at maaari ring gamitin bilang diuretic. At ang herbaceous, parang sabon, masarap, at masustansiyang halamang ito ay isa lamang sa mga nilalang sa lupa na ikinasisiya ng ating panlasa!
[Larawan sa pahina 26]
Ang mga bulaklak ng yucca na may sahog na itlog at patatas, paboritong pagkain sa Sentral Amerika
[Larawan sa pahina 27]
Ang mga yucca na tumutubo sa lalawigan ay nakakatulad ng mga punungkahoy