Pagmamasid sa Daigdig
Mga Dayuhang Sumusuong sa Kamatayan
Taun-taon ay libu-libong ilegal na mga dayuhan ang nagsasapanganib ng kanilang buhay sa paghahanap ng trabaho at mas maiging kalagayan ng buhay sa Timog Aprika. Daan-daan ang sinasabing nakain na ng buwaya habang lumalangoy patawid sa Limpopo River. Ang iba naman ay natapakan ng mga elepante o napatay ng mga leon habang naglalakad sa Kruger National Park. Kamakailan lamang ay binaril ng mga opisyales sa park ang limang leon na naging mangangain ng tao. “Nang suriin ang pinatay na limang leon,” ulat ng pahayagang The Star sa Johannesburg, “natuklasan ang mga labí ng tao sa mga sistema ng panunaw ng mga hayop.” Hindi alam ang eksaktong bilang ng mga ilegal na dayuhan na napatay na ng mababangis na hayop. “Natuklasan ng mga regular na nagpapatrolya ang mga bakas ng tao na sa di-maipaliwanag na dahilan ay nawala na lamang at sukat,” sabi ng pahayagan. “Ang isang nasa gulang na lalaking [leon] ay nakauubos ng 70 kilo [150 libra] ng karne sa isang kainan. Bihirang-bihirang mangyari na may matira pa sa kinaing tao, lalo na kapag dumating na ang mga hyena at jackal para kanin ang natira ng leon.”
Malungkot na Kalagayan ng mga Bata sa Digmaan
Ang mga organisasyong Terre des Hommes ay nangangalaga sa mga batang nangangailangan. Ayon kay Petra Boxler, tagapangulo ng organisasyong iyon sa Alemanya, “mga dalawang milyong bata ang namatay sa nakaraang sampung taon sa mga digmaan, paglalabu-labo, at mga pagbabakbakan sa lansangan.” Bukod pa sa riyan, pag-uulat ng Süddeutsche Zeitung, anim na milyong bata pa ang dumanas ng malubhang pinsala sa katawan, at sampung milyon naman ang nagkaroon ng malalim na pilat sa kanilang kalooban. Ipinaghihinagpis ni Boxler na para sa mga bata, ang digmaan ay lalo pang sumamâ. Sa ilang lupain ang mga bata’y pilit na sinasanay na maging mga mamamatay-tao, at sa ibang bansa naman sila’y “ginagamit na mga buháy na tagahanap ng mga nakabaong bomba.”
Nakatuklas ng mga “Bagong” Hayop
“Ilang dekada pa lamang ang nakalilipas, lahat ay naniniwala na karamihan sa mga mamal ng daigdig—mabalahibo, warm-blooded, naggagatas na mga kinapal—ay kilala na. Hindi na ngayon,” sabi ng U.S.News & World Report. “Sa pagitan ng 1983 at 1993 na edisyon ng Mammal Species of the World, 459 pa ang napadagdag. Sa nakalipas na apat na taon, marami pa ang natuklasan ng mga biyologo—mga rodent, paniki, usa, antelope, bakang ligaw, at maging mga unggoy.” Hinuhulaan na ang 4,600 uri ng mamal na kilala ngayon ay aabot sa halos 8,000. Ang ilang “ ‘pagtuklas’ sa mamal ay ginagawa sa mga museo, kapag tinitingnang mabuti ng mga siyentipiko ang mga ispesimen na nakuha mga ilang taon na ang nakalilipas.” Karagdagan pa, “maraming bagong kaurian ang sumusuporta sa buhay ng isang komunidad ng mga parasito at iba pang mumunting kinapal na hindi rin kilala sa siyensiya,” sabi ng artikulo, at “1 sa bawat 3 bagong sinasabing mamal ay isang hayop na ngayon lamang nakita ng isang siyentipiko.” Karamihan sa mga bagong tuklas na ito ay nakikita sa mga kagubatan ng tropiko at sa mga nakabukod na rehiyon sa daigdig. Sabi ng dalubhasa sa mga mamal na si George Schaller: “Nagtataka ako kung bakit gayon na lamang ang interes ng mga tao sa posibleng pagkakaroon ng baktirya sa Mars samantalang ang atin mismong planeta ay namumutiktik sa mga di pa natutuklasang uri.”
Delikado ang Lagay ng Relihiyon
“Habang tayo’y papalapit sa dulo ng siglong ito at ng milenyong ito, nadaramang ito’y hindi lamang basta isang makasagisag na pagsisimula, may pambihirang pagbabagong nagaganap,” sabi ni Konrad Raiser, kalihim panlahat ng World Council of Churches. “Ang problema ay na hindi natin maunawaan kung saang direksiyon tayo inaakay ng pagbabagong ito. Kaya naman tayo’y tila napipigilan sa aktibong pagtahak sa landas ng pagbabago sa halip na basta tugunin [iyon] at kumilos ukol doon.” Itinala ni Dr. Raiser ang “pag-iral ng maraming relihiyon” bilang isang isyu na kailangang harapin. Sinipi ng ENI Bulletin ang kaniyang sinabi na ang Sangkakristiyanuhan “ay nananatili pa ring higit na bahagi ng problema kaysa bahagi ng solusyon.” Idinagdag pa niya: “Malayo pa ring mangyari na tayo’y mamuhay na magkakasama bilang mga kapuwa-tao anupat hindi iniisip na ang iba, yaong hindi natin katulad ang relihiyosong paninindigan at gawain, ay panganib kundi sa halip . . . isang posibleng mapagkukunan ng kapakinabangan.”
Tapos Na ba ang Milenyo?
Ayon sa mga iskolar, “ang totoo’y ilang taon nang naganap ang milenyo. Pasensiya na lamang, pero lahat tayo’y hindi nakaunawa nito,” sabi ng magasing Newsweek. Ang dahilan? Ang ating kalendaryo ay “ibinatay sa maling basehan ng paghahati ng panahon,” na di-umano’y salig sa kapanganakan ng Kristo. Subalit, ayon sa artikulo, ang modernong mga iskolar ay naniniwala na si Jesus sa totoo ay ilang taon nang ipinanganak “bago kay Kristo.” Ayon sa Newsweek, iyan “ay nangangahulugan na tayo’y nasa ikatlong milenyo na.” Ang pagkakamali ay mula kay Dionysius the Short, na, noong 525 C.E., ay inatasan ni Pope John I na gumawa ng isang pamantayang liturhikong kalendaryo. Ipinasiya ni Dionysius na gamitin ang kapanganakan ni Jesus bilang basehan pero nagkamali siya sa pagtantiya nito. “Tiyak na hindi kailanman malalaman ng mga istoryador ang eksaktong kapanganakan ni Jesus,” sabi ng Newsweek. “Maging ang petsa ng Pasko, na pagdiriwang ng kaniyang kapanganakan, ay di-makatuwiran. Naniniwala ang mga iskolar na pinili ng simbahan ang Disyembre 25 upang itapat—at binale-wala naman ang epekto nito sa relihiyon—sa paganong pagdiriwang ng pantaglamig na solstiyo.” Ipinahihiwatig ng kronolohiya ng Bibliya na si Jesus ay ipinanganak noong taóng 2 B.C.E.
Kasali Na Ngayon ang mga Pusa
Ilang dekada nang itinuturing na isang krimen sa New York State na iwan ang lugar ng aksidente na nagsasangkot sa isang baka, kabayo, o aso, nang hindi hinahanap ang may-ari ng hayop o ipinagbibigay-alam man lamang sa tagaroong pulis ang nangyari. Hindi kasali rito ang pusa. Gayunman, ang bagay na iyan ay isinaalang-alang ngayon ng isang bagong panukalang-batas na puspusang pinagtibay at nilagdaan tungo sa pagiging batas. Kilala bilang panukalang-batas na “Flat Cat (Tihayang Pusa),” ang batas na ito’y nagpapangyari na gawing isang krimen na iwan ang lugar ng aksidente na puminsala sa isang pusa, nang hindi man lamang inirereport sa pulis ang pinsala. Ang di-pagrereport ay magbubunga ng multang $100 para sa may kagagawan ng “hit-and-run na pagkapahamak” ng mga pusa. “Para sa mahihilig sa pusa, ito’y nangangahulugan ng maningning na pag-asang magwawakas na ang nakikitang diskriminasyon sa mga kaurian,” komento ng The New York Times.
“Epidemya ng Labis na Katabaan”
“Isang lumalaganap na epidemya ng labis na katabaan ang nagsasapanganib sa kalusugan ng milyun-milyon sa buong daigdig,” pag-uulat ng The Journal of the American Medical Association, na tinutukoy ang isang babalang pinalabas ng World Health Organization. “Ang mga eksperto sa nutrisyon at kalusugan mula sa 25 bansa ay nagsabi na ang paglaganap ng labis na katabaan sa mga adulto ay umaabot sa 25% sa ilang bansa sa kanlurang Europa at sa mga lupain sa Amerika. Ang bilang ay tumaas hanggang 40% sa mga kababaihan sa silangang Europa at sa mga bansa sa Mediteraneo at sa mga kababaihang itim sa Estados Unidos. Pinakamalaganap ang sobrang katabaan sa Melanesia, Micronesia, at Polynesia—na umaabot ng hanggang 70% sa ilang lugar.” Nagbabala ang mga eksperto na kung ang kalakaran ay di-babaguhin tungo sa pagkain ng di-gaanong mamantika at tungo sa mas aktibong istilo ng buhay, maraming bansa ang mapapaharap sa napakaraming bilang ng mga taong may sakit sa puso, sa palahingahan, istrok, sakit sa apdo, kanser, may diabetes mellitus, at mga sakit sa kalamnan at mga buto. “Ang sobrang katabaan ‘ay kailangang ituring na isa sa pinakapinababayaang problema sa kalusugan ng mga tao sa ating panahon, na may masamang epekto sa kalusugan [na] napatunayang kasinlubha ng paninigarilyo,’ sabi ng mga eksperto.”
Ligáw na Debosyon Ba?
Noong Hunyo 1, 1997, isang hugis—malamang na dahil sa halumigmig—ang lumitaw sa pader ng isa sa mga istasyon ng Mexico City Metro. Para sa maraming debotong Katoliko, ito’y isang kahima-himalang pagpapakita ng Birhen ng Guadalupe—ang pangalang ibinigay kay Birheng Maria sa Mexico. “Hindi itinuring ng Simbahang Katoliko na ang pagpapakitang ito ng Birhen sa Metro ay isang mapaniniwalaang himala kundi isa lamang likas na pormasyon na resulta ng pagkakasalà ng tubig sa mga pader ng istasyon,” sabi ng pahayagang El Universal. Gayunman, marami pa rin ang humihinto sa harap nito upang sumamba, at ang imahen ay “pinupuntahan ng mahigit na isang libo sa bawat oras.” Isang maliit na nitso ang itinayo para sa imahen at pinasinayaan naman ng isang Katolikong pari.
Pakinabang sa Pagkasugapa
Ayon sa organisasyon ng Nagkakaisang mga Bansa, tinatayang mga 340 milyon ang sugapa sa droga sa buong daigdig. Gaya ng iniulat sa Jornal da Tarde, “nangunguna ang pagdepende sa mga drogang pampahinahon at pampakalma, na 227.5 milyon ang gumagamit, o halos 4 na porsiyento ng populasyon ng daigdig. Sumunod ay ang marihuwana, na 141 milyon ang sugapa, na lahat-lahat ay 2.5 porsiyento ng populasyon ng globo.” Tinataya rin na 5 hanggang 10 porsiyento lamang ng lahat ng bawal na gamot ang nasasamsam ng mga pulis. Ang kinikita sa pagtitinda ng mga droga ay umaabot hanggang $400 bilyon bawat taon. Sa ilang kaso, ang mga dealer ay kumikita ng hanggang 300 porsiyento—“kinikita na hindi kailanman makukuha sa ibang uri ng negosyo,” sabi ng pahayagan.