Mula sa Aming mga Mambabasa
Ebolusyon Laban sa Paglalang Ang seryeng “Paano Tayo Umiral? Sa Aksidente ba o Disenyo?” (Mayo 8, 1997) ay iniharap nang maliwanag, simple, at may ganap na lohika. Nakapananabik makita ang maraming pahina ng siyentipikong ebidensiya ng paglalang. Nakakakumbinsi ang mga ilustrasyon. Lalo akong nasiyahan sa muling pagbasa ng tungkol sa selula at sa lahat ng bahagi nito. Ang pagbubulay-bulay sa gawain ng mga mitochondrion at Golgi body ay ngayon ko lang nagawa mula noong nag-aral ako, at tuwang-tuwa ako rito.
J. S., Estados Unidos
Bilang isang biology major at isang malaon nang agnostiko, nais kong pasalamatan kayo dahil sa mga artikulo. Bagaman ang mga artikulo ay nagkaroon ng ilang labis na pagpapasimple . . ., naakay pa rin nito ang pansin sa isang tunay na suliranin tungkol sa umiiral na teoriya ng unti-unting pagbabago: ang halos pandaigdig na palagay ng larangan ng siyensiya hinggil sa kahigitan ng ebolusyon sa pamamagitan ng takbo ng kalikasan, sa kabila ng maraming problema sa pagpapatunay. Dapat na patuluyang sumailalim ang siyensiya sa mga pagsubok ng mga nag-aalinlangan upang talaga ngang matawag itong siyensiya. Sa pagtutuon ng pansin sa mga depekto ng teoriyang Neo-Darwin, hindi lamang ninyo inihaharap ang isang argumento para sa pananampalataya kay Jehova kundi gumagawa rin kayo ng isang paglilingkod para sa kinabukasan ng pagsusuri sa siyensiya. Salamat.
A. S., Estados Unidos
Pandarayuhan Pinahalagahan ko nang husto ang artikulong “Pag-isipan ang Halaga ng Pandarayuhan!” (Mayo 8, 1997) Nararanasan ko ang karamihan sa inyong isinulat. Palibhasa’y nandayuhan ako mula Aprika tungo sa Europa, palagi akong napapaharap sa masasakit na pakikitungo may kinalaman sa lahi, wika, kulay at, higit sa lahat, masamang palagay. Pinasamâ ng popular na media sa mga tao ang larawan ng mga Aprikano at ng mga dayuhan sa pangkalahatan.
P. A., Alemanya
Libangan Salamat po sa artikulong “Ano Na ang Nangyari sa Libangan?” (Mayo 22, 1997) Ako po’y 12 taóng gulang, at kapag bakasyon namin sa paaralan, ako po’y palagi na lamang nanonood ng TV. Nakatulong po sa akin ang artikulo na makitang may iba pa palang mga bagay na mapaglilibangan ko.
J. L., Inglatera
Pangangaral sa mga Liblib na Dako sa Aprika Nais kong pasalamatan kayo sa artikulong “Kung Ano ang Hinahabol ng Labuyo sa Ulanan . . .” (Mayo 22, 1997) Pinahahalagahan ko ang pagmamalasakit at pagbabata ng ating mga kapatid sa Nigeria. Kahit na mapaharap sila sa mga ahas, buwaya, at mga linta, ang pag-ibig nila sa mga tao ang nag-udyok sa kanila na magpatuloy. Sa susunod kapag lumabas ako upang mangaral at ako’y mainitan o mapagod, iisipin ko ang ating mahal na mga kapatid sa Nigeria.
S. S., Estados Unidos
Seksuwalidad—Nagbabagong Saloobin Nais kong ipaabot ang aking taimtim na pasasalamat sa seryeng “Seksuwalidad—Ang Kahulugan ng Nagbabagong Saloobin.” (Hunyo 8, 1997) Iyon ay isang malaking pampatibay sa aking pananampalataya. Kamakailan ay sinabihan ako [isang babae] ng isang lalaki sa aming komunidad na ako’y ‘may kapansanan sa pisikal’ sapagkat ako’y birhen pa gayong 19 na. Natutuwa ako’t naipaalam ko sa kaniya na ako’y malusog sa paningin ni Jehova kapuwa sa pisikal at espirituwal na paraan.
W. M. C. C., Zimbabwe
Ang inyong pagtukoy sa “handalapak na mga gene” na nasa pahina 10 ay mali. Bilang nasa ikaapat na taon sa biological science, masasabi ko sa inyo na ang “handalapak na mga gene” ay tumutukoy sa mga gene sa isang chromosome na kumikilos sa loob ng isa pang chromosome o lumilipat sa bagong chromosome. Walang kinalaman dito ang paggawi.
L. P., Canada
Ang pagsasabi na tayo’y nilalang ng Diyos na hindi taglay ang “handalapak na mga gene” sa totoo ay isang pagtukoy sa talumpati ng obispong Anglikano ng Edinburgh, Scotland, na ang isang bahagi nito ay sinipi sa pahina 4 ng isyung iyon ng “Gumising!” Sinabi ng obispo na ‘binigyan tayo ng Diyos ng handalapak na mga gene’—maliwanag na isang pagtatangka upang pagpaumanhinan ang imoral na paggawi. Inilantad ng aming artikulo ang kamalian ng pag-aangking iyan.—ED.