Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 9/22 p. 4-8
  • Itinadhana ba Tayo ng Ating mga “Gene”?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Itinadhana ba Tayo ng Ating mga “Gene”?
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ano Naman ang Tungkol sa Kataksilan at Homoseksuwalidad?
  • Mga Gene Para sa Alkoholismo at Kriminalidad
  • Kung Paanong Ikaw ay Nagiging “Ikaw”
    Gumising!—1995
  • Ang Genetikong Pagbabago—Dakilang Pangako na May Lumalaking Pagkabahala
    Gumising!—1989
  • Sino ang Dapat Sisihin—Ikaw o ang Iyong mga “Gene”?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2002
  • Ang Paghahanap Para sa Isang Sakdal na Lipunan
    Gumising!—2000
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 9/22 p. 4-8

Itinadhana ba Tayo ng Ating mga “Gene”?

“DATI-RATI’Y inaakala natin na ang ating kapalaran ay inuugitan ng mga bituin. Ngayo’y nalalaman na natin, nang malawakan, ang ating kapalaran ay nasa ating mga gene.” Gayon ang sabi ni James Watson, na sinipi sa pasimula ng aklat na Exploding the Gene Myth, nina Ruth Hubbard at Elijah Wald. Gayunman, sa ibaba mismo ng pagsipi kay Watson, sina R. C. Lewontin, Steven Rose, at Leon J. Kamin ay sinipi na nagsasabing: “Wala kaming maisip na anumang mahalagang sosyal na paggawi ng tao na nasa ating mga gene sa paraang hindi ito maaaring hubugin ng sosyal na mga kalagayan.”

Binubuod ng pabalat ng aklat na iyon ang ilan sa nilalaman nito at nagsisimula sa pamamagitan ng mahalagang tanong, “Henetiko ba ang paggawi ng tao?” Sa ibang salita, ang paggawi ba ng tao ay lubusang tinitiyak ng mga gene na naghahatid ng namamanang biyolohikal na mga katangian at kaugalian ng mga organismo? Ang isang imoral na paggawi ba ay dapat na maging kanais-nais dahil sa ito’y henetiko? Ang mga kriminal ba ay dapat pakitunguhan bilang mga biktima ng kanilang kodigong henetiko (genetic code), na maaaring magsabi na sila’y wala sa sarili dahil sa isang kinagawiang henetiko?

Hindi maikakaila na maraming kapaki-pakinabang na mga tuklas sa siglong ito ang nagawa ng mga siyentipiko. Kabilang sa mga tuklas na ito ay ang kahanga-hangang DNA, ang tinatawag na blueprint o plano ng ating henetikong kayarian. Ang impormasyong taglay ng kodigong henetiko ay ipinagtataka ng mga siyentipiko at ng karaniwang tao. Ano nga ba ang natuklasan ng pananaliksik sa larangan ng genetics? Paano ginagamit ang mga tuklas upang alalayan ang modernong doktrina ng patiunang pagpoprograma o pagtatadhana?

Ano Naman ang Tungkol sa Kataksilan at Homoseksuwalidad?

Ayon sa isang artikulong inilathala sa The Australian, iginigiit ng ilang henetikong pananaliksik na ang “kataksilan ay malamang na nasa ating mga gene. . . . Lumilitaw na ang ating mandarayang puso ay itinadhanang maging gayon.” Isip-isipin lamang ang kaguluhang maaaring gawin ng saloobing ito sa mga pag-aasawa at mga pamilya sa pamamagitan ng paglikha ng isang butas para sa sinuman na nagnanais idahilan na siya’y nawawala sa sarili para sa isang handalapak na istilo ng buhay!

Tungkol naman sa homoseksuwalidad, ganito ang ulong-balita ng magasing Newsweek “Isinilang o Kinalakhan?” Ganito ang sabi ng artikulo: “Sinisikap unawain ng siyensiya at saykayatri ang bagong pananaliksik na nagsasabing ang homoseksuwalidad ay maaaring may kinalaman sa gene, hindi sa pagpapalaki ng mga magulang. . . . Sa pamayanang homoseksuwal mismo, tinatanggap ng marami ang pahiwatig na ang homoseksuwalidad ay nagsisimula sa mga chromosome.”

Saka sinisipi ng artikulo si Dr. Richard Pillard, na nagsabi: “Isang henetikong bahagi sa seksuwal na kaisipan ay nagsasabi, ‘Hindi ito isang depekto, at hindi mo kasalanan ito.’” Lalo pang pinagtitibay ang katuwirang ito na “walang kasalanan,” si Frederick Whitam na isang mananaliksik tungkol sa homoseksuwalidad, ay nagsasabi na “nariyan ang ugali ng tao, na makadama ng ginhawa, kapag sinabihang ang homoseksuwalidad ay biyolohikal. Pinagagaan nito ang pagkadama ng pagkakasala ng mga pamilya at ng mga homoseksuwal. Nangangahulugan din ito na hindi na kailangang mag-alala ang lipunan tungkol sa mga bagay na gaya ng homoseksuwal na mga guro.”

Kung minsan, ang tinatawag na mga katibayan na ang homoseksuwal na mga hilig ay tinitiyak ng mga gene ay iniharap ng media bilang makatotohanan at di-matututulan sa halip na bilang isang posibilidad at walang tiyak na resulta.

Ang magasing New Statesman & Society ay hindi gaanong nagpahalaga sa ilang kahanga-hangang pananalitang ginamit sa pag-uulat ng tuklas: “Maaaring hindi napansin ng nanggigilalas na mambabasa ang pagiging mababaw ng matibay na pisikal na katibayan​—o, tunay, ang lubusang hindi pagkakaroon ng saligan para sa di-pangkaraniwan [kapansin-pansin] na siyentipikong pag-aangkin na ang kahandalapakan ‘ay nailagay sa kodigo ng mga gene ng lalaki at nakaprograma sa utak ng lalaki.’” Sa kanilang aklat na Cracking the Code, sinabi pa nina David Suzuki at Joseph Levine ang kanilang ikinababahala tungkol sa kasalukuyang henetikong pananaliksik: “Bagaman posibleng mangatuwiran na ang mga gene ay nakaiimpluwensiya sa paggawi sa isang panlahatang diwa, ibang bagay naman ang ipakita na aktuwal na sinusupil ng isang espesipikong gene​—o mga pares ng gene, o maraming gene​—ang espesipikong mga detalye ng mga pagtugon ng isang hayop sa kapaligiran nito. Sa puntong ito, makatuwirang itanong kung mayroon bang sinumang nakasumpong, sa diwang molekular na paghanap at pagbago, ng anumang hibla ng DNA na masasabing patiunang nakaaapekto sa espesipikong mga paggawi.”

Mga Gene Para sa Alkoholismo at Kriminalidad

Nakaakit sa maraming henetikong mananaliksik sa nakalipas na mga taon ang pagsusuri tungkol sa alkoholismo. Sinasabi ng ilan na ipinakita ng mga pagsusuri na ang pagkakaroon o ang kawalan ng ilang gene ang siyang may pananagutan sa alkoholismo. Halimbawa, iniulat ng The New England Journal of Medicine noong 1988 na “noong nakalipas na dekada, tatlong magkakaibang imbestigasyon ay nakagawa ng di-matututulang katibayan na ang alkoholismo ay isang namamanang kaugalian.”

Subalit, hinahamon ngayon ng ilang espesyalista sa larangan ng pagkasugapa ang palagay na ang alkoholismo ay lubhang naiimpluwensiyahan ng biyolohikal na mga salik. Ganito ang sabi ng isang ulat sa The Boston Globe ng Abril 9, 1996: “Walang makitang gene para sa alkoholismo, at kinikilala ng ilang siyentipiko na malamang na ang kanilang masumpungan ay isang henetikong kahinaan na nagpapangyari sa ilang tao na uminom nang labis nang hindi nalalango​—isang kaugalian na maaaring magtadhana sa kanila sa alkoholismo.”

Iniulat ng The New York Times ang tungkol sa isang komperensiya sa University of Maryland na pinamagatang “Ang Kahulugan at Kahalagahan ng Pananaliksik sa Genetics at Kriminal na Paggawi.” Ang ideya tungkol sa isang kriminal na gene ay totoong simple. Maraming komentarista ang tila ba sabik na tumangkilik sa kausuhang ito. Isang manunulat sa siyensiya sa The New York Times Magazine ay nagsabi na ang kasamaan ay maaaring “ilagay sa mga likaw ng mga chromosome na ipinapasa sa atin ng ating mga magulang sa paglilihi.” Isang artikulo sa The New York Times ang nag-ulat na ang laging pagtalakay tungkol sa mga gene para sa kriminalidad ay lumilikha ng impresyon na ang krimen ay may “isang karaniwang pinagmulan​—isang abnormalidad ng utak.”

Si Jerome Kagan, isang sikologo sa Harvard, ay humuhula na darating ang panahon na maipakikilala ng henetikong mga pagsusuri ang mga batang may marahas na paggawi. Iminumungkahi ng ilang tao na maaaring may pag-asa para supilin ang krimen sa pamamagitan ng biyolohikal na pagbabago sa halip na sa pamamagitan ng sosyal na pagbabago.

Ang wikang ginamit sa mga ulat sa mga espekulasyong ito tungkol sa henetikong saligan para sa paggawi, ay kadalasang malabo at di-tiyak. Ang aklat na Exploding the Gene Myth ay nagsasabi tungkol sa pagsusuri ni Lincoln Eaves, isang behavioral geneticist, na nagsabing nasumpungan niya ang katibayan ng isang henetikong sanhi ng panlulumo. Pagkatapos tanungin ang mga babaing itinuturing na malamang na manlumo, “sinabi [ni Eaves] na ang nanlulumong pangmalas at gawi [ng mga babae] ay malamang na pangyarihin ng gayong pasumalang mga problema.” Ang “pasumalang mga problema”? Ang mga babaing sinuri ay “hinalay, sinalakay, o inalis sa kanilang trabaho.” Kaya ang panlulumo ba ang dahilan ng traumatikong mga pangyayaring ito? “Anong klase ng pangangatuwiran iyan?” ang sabi pa ng aklat. “Ang mga babae ay hinalay, sinalakay, o inalis sa kanilang trabaho, at nanlumo sila. Mientras mas traumatiko ang mga pangyayaring naranasan nila, mas malala ang panlulumo. . . . Maaaring makabubuting tingnan ang isang henetikong kawing kung nasumpungan niya [ni Eaves] na ang panlulumo ay hindi nauugnay sa anumang karanasan sa buhay.”

Sinasabi ng publikasyon ding iyon na ang mga kuwentong ito ay “karaniwan sa pinakabagong pag-uulat tungkol sa genetics [sa paggawi], kapuwa sa mass media at sa siyentipikong mga babasahin. Ang mga ito’y naglalaman ng halu-halong kawili-wiling mga katotohanan, walang suportang mga sapantaha, at walang saligang mga pagpapakalabis tungkol sa kahalagahan ng mga gene sa ating buhay. Isang kapansin-pansing bagay tungkol sa karamihan ng mga akdang ito ay ang kalabuan nito.” Ito’y nagpapatuloy: “May malaking pagkakaiba sa pagitan ng pag-ugnay sa mga gene sa mga kalagayan na sumusunod sa turo ni Mendel na paraan ng pagmamana at ng paggamit ng haka-hakang henetikong ‘mga hilig’ upang ipaliwanag ang masalimuot na mga kalagayan na gaya ng kanser o alta presyon. Ang mga siyentipiko ay lumulukso pa sa konklusyon nang kanilang sabihin na ang henetikong pananaliksik ay makatutulong upang ipaliwanag ang mga paggawi ng tao.”

Subalit, dahil sa lahat ng nabanggit, ang madalas ibangong mga tanong ay nananatili: Bakit nasusumpungan natin kung minsan ang nagbagong parisán sa paggawi na lumilitaw sa ating buhay? At paano natin masusupil ang gayong mga kalagayan? Paano natin makakamit at mapananatili ang pagsupil sa ating buhay? Ang susunod na artikulo ay maaaring makatulong sa pagbibigay ng ilang kasagutan sa mga katanungang ito.

[Kahon/Larawan sa pahina 6]

“Gene Therapy”​—Natupad ba ang mga Inaasahan?

Kumusta naman ang tungkol sa gene therapy​—ang pagtuturok sa mga pasyente ng nagwawastong mga gene upang gamutin sila sa henetikong mga karamdaman mula sa pagsilang? Ang mga siyentipiko ay may mataas na inaasahan mga ilang taon ang nakalipas. “Dumating na ba ang panahon para sa gene therapy?” ang tanong ng The Economist ng Disyembre 16, 1995, na ang sabi: “Batay sa mga pahayag sa publiko ng mga nagsasagawa nito, at sa maraming pagsaklaw dito ng pamahayagan, maaaring gayon nga ang isipin ninyo. Subalit isang pangkat ng kinikilalang siyentipikong mga dalubhasa ng Amerika ay tumututol. Labing-apat sa kilalang siyentipiko ang hiniling ni Harold Varmus, ang puno ng National Institutes of Health (NIH), na repasuhin ang larangang ito. Sinabi nila sa isang report na inilathala noong nakaraang linggo pagkatapos ng pitong buwan ng pagbubulay-bulay na, bagaman may-maaasahan sa gene therapy, ang mga nagawa nito hanggang sa kasalukuyan ay ‘pagpapalabis’.” Ang mga pagsubok ay isinagawa na nagsasangkot sa 597 pasyente na pinahihirapan ng kakulangan ng adenosine deaminase (ADA) o ng isa sa maraming iba pang sakit na inaakalang angkop sa paggamot sa pamamagitan ng pagdaragdag ng ibang mga gene. “Ayon sa pangkat,” sabi ng The Economist, “walang isa man sa mga pasyente ang maliwanag na nakinabang sa pakikibahagi sa gayong pagsubok.”

[Mga larawan sa pahina 7]

Sa kabila ng maaaring sinasabi ng ilan tungkol sa henetikong pagtatadhana, mapipili ng mga tao kung paano sila kumilos

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share