Ang Genetikong Pagbabago—Dakilang Pangako na May Lumalaking Pagkabahala
ANG genetikong pagbabago ay lumalabas sa laboratoryo at nagtutungo sa pang-araw-araw na buhay. Naapektuhan ka na ba nito? Isaalang-alang:
▲ Ang baktiryang genetikong binago ay maaari na ngayong saganang gumawa ng mahahalagang gamot na gaya ng insulin, hormone sa paglaki ng tao, at isang bakuna para sa hepatitis
▲ Sinimulan na ang klinikal na mga pagsubok sa Estados Unidos sa dalawang potensiyal na mga bakuna laban sa AIDS, kapuwa ginawa sa pamamaraang genetiko.
▲ Nagiging posible na ang prenatal na pagsusuri sa maraming namamanang sakit, bilang “mga palatandaan” sapagkat ang mga sakit na iyon ay nasusumpungan sa DNA ng tao. Isang napakasensitibo at napakabilis na prenatal na pagsusuri para sa sickle-cell anemia ay ipinakilala.
▲ Ang aktuwal na genes na nagiging dahilan ng ilang namamanang sakit ay natiyak na at, sa ilang kaso, pinarami sa paraang cloning o pagkopya sa pamamagitan ng genetikong inhinyerya.
▲ Tuwang-tuwa dahil sa tagumpay sa pagkasumpong sa mga gene, iginigiit ng ilang siyentipiko ang ideya tungkol sa genetikong pagkalaki-laking proyekto upang tiyakin ang eksaktong pagsasakodigo ng lahat ng 100,000 o higit pang mga gene sa 23 pares ng chromosome na siyang bumubuo ng DNA ng tao. Ang pederal na gobyerno ng E.U. ay sumang-ayon na susuportahan ang proyekto. Kung sasang-ayunan ng Kongreso, ito’y inaasahang kukuha ng 15 taon at magkakahalaga ng ilang bilyong dolyar.
▲ Noong 1987 ang U.S. patent office ay nagsabi na handa nang isaalang-alang nito ang mga aplikasyon para sa mga patente ng mga hayop na binago sa pamamagitan ng teknolohiya ng genetikong inhinyerya, sinisimulan ang isang masiglang pagtatalo sa gitna ng mga siyentipiko at ng mga etisista. Noong Abril 1988 ang gayong patente ay ipinagkaloob sa isang daga.
Maramihang Produksiyon ng Gamot
Marahil ang kaagad na pakinabang ng pagdurugtong ng gene (gene-splicing) ay sa produksiyon ng gamot. Ang benta ng gamot na gawa sa genetikong paraan ay inaasahang lalampas ng isang bilyong dolyar sa isang taon sa malapit na hinaharap. Subalit ang tagumpay na ito ay hindi dumating sa loob ng magdamag.
Kunin halimbawa, ang insulin. Isa sa maagang praktikal na resulta ng teknolohiyang recombinant-DNA ay hanapin ang gene (na nasa chromosome 11) para sa insulin ng tao at pagkatapos ay kopyahin ito sa ordinaryong baktiryang E. coli. Ang baktiryang ito na binago ay maaaring gumawa ng maraming insulin na kahawig na kahawig ng molekula ng insulin ng tao. Kahanga-hanga!
Gayunman, kumuha ng mga ilang taon upang ang teknolohiyang ito ay lumabas sa laboratoryo, sa mga pagsubok sa klinika, makapasa sa U.S. FDA na pagsang-ayon sa gamot, at sa wakas ay tungo sa ganap na produksiyon at malaganap na pamamahagi. Ang pagiging madaling makuha ng insulin na ito ay hindi nangangahulugan na ang lunas para sa diabetes ay nasumpungan na, gaya ng sasabihin sa iyo ng sinumang maysakit na diabetes. Sa katunayan, bagaman ang produkto ay “may ilang pakinabang sa mga tao na bago pa lamang ginagamot ng insulin o alerdyik sa karaniwang insulin ng karne ng baka/karne ng baboy [ito] ay hindi kinakailangan para sa karamihan ng mga tao na kumukuha ng tradisyunal na mga paghahanda,” sang-ayon kay Dr. Christopher D. Saudek, direktor ng Johns Hopkins Diabetes Center.
Kabilang sa iba pang inaasahang mabiling gamot na gawa sa genetikong paraan ay ang TPA (tissue plasminogen activator) at IL-2 (interleukin-2). Ang TPA ay tumutulong upang tunawin ang namuong dugo. Ito’y sinang-ayunan ng FDA para sa emergency na paggamot sa mga biktima ng atake sa puso. Ang IL-2 ay kabilang sa pamilya ng mga salik na pangunahing kumikilos sa pagitan ng puting mga selula ng dugo. Ito ang nagpapalaki at gumagawa ng mga selulang T, na, siya namang tumutulong sa paglaban sa mga sakit. Panahon ang magsasabi kung tutuparin ng bagong mga gamot na ito ang kanilang pangako.
Genetikong Pagsusuri sa Sakit
Noong 1986 nasumpungan ng mga mananaliksik ang kaugnayan sa pagitan ng genetiks at ng kanser. Ibinukod nila (ang chromosome 13) at kinopya ang isang gene na inaakala nilang hahadlang sa isang namamanang kanser sa mata na tinatawag na retinoblastoma. Ang pinaghihinalaang gene ay sinisiyasat din para sa posibleng mga kaugnayan sa kanser sa buto at talamak na myeloid leukemia.
Dumarami ang katibayan na ang mga gene ay maaaring magpaunlad ng kanser at maaari ring sugpuin ito. Nasumpungan ng mga doktor sa UCLA (University of California sa Los Angeles) na ang isang normal na selula ay maaaring may isa o dalawang oncogenes (gumagawa ng tumor), subalit ang isang selula ng kanser ay maaaring sampung ulit ang dami. Ang mas maraming oncogene ay waring nangangahulugan ng mas mapanganib na mga tumor, kaya binibilang na ngayon ng mga mananaliksik na ito ang mga oncogene sa kanilang mga pasyente upang alamin kung paano pinakamabuting magagamot sila.
Ang lahat ng ito ay kapana-panabik, ngunit ang kanser ay hindi lamang sakit na may genetikong sangkap. Itinatala ng isang report sa Science ang hindi kukulanging 21 diperensiya sa sistema nerbiyosa at ang mga gene o chromosome na waring nasasangkot sa mga sakit na ito. Kabilang sa talaan ang mga mamamatay-tao na gaya ng Alzheimer’s disease, Huntington’s disease, at Duchenne’s muscular dystrophy; ni humihinto man ang talaan sa mga sakit sa sistema nerbiyosa. Nasumpungan din ang mga palatandaang genetiko para sa cystic fibrosis, polycystic na sakit sa atay at marami pang ibang sakit.
Lahat ng ito ay nagbabangon ng nakatatawag-pansing hinaharap may kaugnayan sa genetikong pagsusuri na makapagsasabi sa atin kung tayo, o ang ating mga anak, ay nanganganib na magkaroon ng isa sa mahigit na 3,000 kilalang namamanang sakit. Subalit hindi iyan ganiyan kadali. Hindi lahat ng mga sakit na iyon ay pinangyayari ng iisang gene. Kapag maraming gene at iba pang salik ang nasasangkot, gaya ng sa kaso ng Alzheimer’s disease, ang pagsusuri ay mahirap. Sa iba pang kaso ang aktuwal na mga gene na sanhi ng sakit ay nasumpungan at kinopya pa nga, subalit kadalasang ang kanilang panlahat na kinaroroonan lamang ang nalalaman. Ang naituro ay hindi ang gene mismo kundi ang kalapit na bahagi ng DNA na tinatawag na isang genetikong palatandaan.
“Ang mapa ng genome ng tao na gaya ng umiiral ngayon ay may kalabuan,” ulat ni Jan Hudis, Science Information Editor para sa March of Dimes Birth Defects Foundation. Sabi pa niya na ito “ay maihahambing sa isang larawang kuha ng satelayt kapag tinatabingan ng mababang ulap ang lahat maliban sa tuktok ng pinakamatataas na bundok.”
Ang Problema ng Genetikong Pagsusuri
Ang pangako ng malawakang genetikong pagsusuri ay marami. “Sa ilang kaso,” sabi ng The New York Times, “ginawa ng mga tuklas na posibleng kilalanin ang malulusog na mga tagapagdala ng sakit na maaaring ipasa ito sa kanilang mga anak o gumawa ng prenatal na rikonosi ng kalagayan.” Tiyak na ito ay mahalagang impormasyon, subalit, gaya ng pagkakasabi rito ng Times: “Ang mga ito ay tagumpay ng siyensiya, subalit hindi nito ipinahihiwatig ang mabilis na paggapi sa mga sakit.” Isang bagay na makilala ang sakit na namamana. Ibang bagay naman ang paggamot nito.
Nariyan ang pag-asa na, balang araw, masusumpungan din ang aktuwal na mga gene na sanhi ng mas maraming namamanang sakit. Ang pagkaunawa sa kung ano ang dapat gawin ng mga gene at kung ano ang nagkamali ay maaaring umakay sa mga paraan ng paggamot na hindi pa naiisip.
Samantala, nakakaharap ng mga magulang na dumaranas ng genetikong pagsusuri ang mahirap na pagpapasiya, marahil pati na ang panggigipit na ilaglag ang kanilang di pa naisisilang na sanggol. Para sa ilan sa kanila, ang aborsiyon ay labas na sa usapan, subalit para sa iba ang pagpili ay masalimuot kapag ang mga palatandaan ang nasuri at hindi ang aktuwal na mga gene. Ang pagkanaroroon ng palatandaan ay hindi laging nangangahulugan na naroroon ang gene.
“Sa bawat taon nakikita namin ang higit at higit na genetikong mga palatandaan para sa mga sakit na isa-ang-gene,” sabi ni Jeremy Rifkin, isang masalitang kritiko ng bioteknolohiya. “Saan mo ilalagay ang hating-guhit? May ilang libong nagtatagong mga katangian. Maaaring patayin ng leukemia ang inyong anak sa gulang na tatlo, ng sakit sa puso sa gulang na tatlumpo, at ng Alzheimer’s sa gulang ng limampu. Sa anong punto masasabi mong hindi? Maaari pa ngang isabatas o pilitin ng lipunan ang mga magulang na huwag ipasa ang ilang katangian dahil sa maaaring ibayad nito sa kalusugan.” Tunay na magiging isang malungkot na kabalighuan kung isang teknolohiya na binalak upang magligtas ng buhay at bawasan ang paghihirap ay magiging sanhi naman ng kamatayan ng di pa isinisilang na mga sanggol sapagkat inaakala ng isa na ang kanilang genetikong mga katangian ay “hindi kanais-nais.”
Ipaubaya Mo Ito sa mga Abugado
Kapuna-puna, ang tagumpay mismo ng bagong bioteknolohiya ay lumikha ng bagong mga problema—labanan dahil sa perang kikitain. “Ang pagdedemanda ba ay nagiging pangunahing produkto ng bioteknolohiyang pagbabago?” tanong ng Science News, binabanggit na ang malalaking kompaniya ng gamot ay nagdedemandahan na sa isa’t isa at ang maliliit na kompaniya na nagdurugtong-ng-gene ay nagdedemandahan naman para sa karapatan na gumawa ng IL-2, isang hormone ng tao sa paglaki na ginagawa sa genetikong paraan, at ng iba pang maipagbibiling gamot.
Ang mga pagtatalo sa pagpapatente ng mga gamot ay masalimuot na nga, ano pa kaya kung simulan ng mga taong ipapatente ang mga hayop na binago sa genetikong paraan, gaya ng ipinahintulot ng pasiya ng U.S. patent office noong nakaraang taon? Ang mga mananaliksik sa San Diego ay nagtagumpay sa pagdurugtong ng mga gene ng alitaptap sa halamang tabako, gumagawa ng mga halamang nagbabaga sa dilim! Ang ibang halamang tabako ay binigyan ng isang gene mula sa isang baktirya upang gumawa ng isang proteinang lason sa mga uod na kumakain-halaman. Ang mga siyentipiko sa Maryland ay nakagawa ng isang transgenic na baboy—isang baboy na may hormone sa paglaki na gene mula sa isang baka.
Pagkabahala sa mga Kausuhan
Ang hilig na ito na paghaluin ang mga gene mula sa hindi magkaugnay na mga uri ay nakabahala sa maraming tao. Ang ilang pangkat ng mga magsasaka “ay nakikita ang genetikong inhinyerya bilang isa pang teknolohiya sa [isang] mahabang linya ng mga teknolohiya na pabor sa malalaking sakahan ng mga korporasyon kaysa maliliit na mga sakahan.” Ang mga pangkat para sa mga karapatan-ng-hayop “ay nakikita ito bilang sukdulang insulto sa integridad ng mga hayop,” sabi ng The New York Times.
“Hindi natin nalalaman kung ano ang buhay,” sulat ni Dr. Erwin Chargaff, propesor emeritus ng biochemistry sa Columbia University medical school, “gayunman ay pinakikialaman natin ito na para bang ito’y isang walang buhay na solusyon ng asin.” Si Dr. Chargaff ay nagpapatuloy: “Ang nakikita kong dumarating ay isang pagkalaki-laking matadero, isang molekular na Auschwitz, kung saan ang mahahalagang enzyme, hormone, at iba pa ang bubunutin sa halip ng gintong ngipin.”
Ang iba naman ay nangangamba sa kung ano ang ipinalalagay nilang di-kilalang mga panganib na nasasangkot kapag ang mga organismong binago sa genetikong paraan ay makawala sa kapaligiran. Noong 1985 isang kompaniya sa California ang nagmulta ng $13,000 nang pakawalan nito nang walang pahintulot ang baktirya na binago. Nang sa wakas ay sang-ayunan ng mga hukuman sa California ang kahawig na mga paglalabas ng baktirya sa dalawang pagsubok sa larangan noong 1987, mabilis na binunot ng mga taong mapanira ang mga halaman. Ang pagkabahala ng publiko ay muling itinampok noong 1987 nang iniksiyunan ng isang patologo ng halaman sa Montana ang ilang puno ng elm ng baktiryang binago sa genetikong paraan. Ang siyentipiko sa kasong ito ay kinagalitan sapagkat pinili niyang huwag inantala ang kaniyang eksperimento para sa isang pagsusuri ng Environmental Protection Agency.
Ang “Banal na Paghanap”?
Samantala, ang genetikong pananaliksik ay bumibilis. Sinimulan na ng Kagawaran ng Enerhiya ng E.U. ang panimulang mga imbestigasyon na nilayon upang tiyakin ang eksaktong pagkakasunud-sunod ng lahat ng tatlong bilyong kemikal na mga saligan ng DNA ng tao. Ito ay isang makapigil-hininga sa laki na proyekto. Ang inimprentang impormasyon ng DNA ng tao ay pupunô ng 200 malalaking aklat ng telepono. Sa kasalukuyang bilis, ang proyekto ay magkakahalaga ng di-mabilang na bilyun-bilyong dolyar at mangangailangan ng mga dantaon upang makompleto, subalit inaasahang pabibilisin pa ng mabilis na mga pagsulong sa teknolohiya ng pagkakasunud-sunod ang mga bagay, binabawasan ang panahon tungo sa 15 taon, sang-ayon sa pinakabagong kalkulasyon. Ang Kagawaran ng Enerhiya ay humiling ng $40 milyon para sa proyekto, at umaasang daragdagan nito ang pondo ng hanggang $200 milyon sa bawat taon. Ito ay dapat sang-ayunan ng Kongreso.
Ano ang mabibili ng lahat ng salaping ito? Inihambing ng ilang siyentipiko ang detalyeng kaalaman tungkol sa DNA ng tao sa “Banal na Paghanap” ng genetiks ng tao. Kumbinsido sila na ito ay magiging isang napakahalagang kasangkapan sa pag-unawa sa bawat kilos ng tao. Subalit ang iba ay hindi nakatitiyak.
“Samantalang kinukuwestiyon ng ilang imbestigador ang pakinabang ng pagkakasunud-sunod ng isang kinawiwilihang gene, may malubhang katanungan tungkol sa kagyat na halaga ng pag-alam sa eksaktong nucleotide na pagkakasunud-sunod ng buong genome,” sabi ni Jan Hudis, na ang sabi pa ay na sa panahong ito “kaunti lamang ng kabuuang genome ang inaasahang magbibigay ng impormasyon na magkakaroon ng kagyat na halaga sa medisina.”
Magiging isang malungkot na kabalintunaan nga kung ang mga laang salaping kailangang-kailangan para sa medikal na pananaliksik ay kunin para sa isang pagkalaki-laking siyentipikong proyekto na di-tiyak ang halaga.
“Gusto Namin ng Sakdal na mga Sanggol”
Saan patungo ang genetikong pagbabago? Walang alinlangan, ito ay naglalaman ng dakilang potensiyal sa kabutihan sa anyo ng mas mahusay na mga gamot, mas mahusay na medikal na pangangalaga, at mas mabuting pagkaunawa sa kung paano kumikilos ang nabubuhay na mga bagay. Subalit may iba pang panig ang pagbabago.
“Gusto namin ng sakdal na mga sanggol,” sabi ni Jeremy Rifkin. “Gusto namin ng sakdal na mga halaman at mga hayop. Nais namin ng mas mahusay na ekonomiya. Wala namang masama rito. Ang daan tungo sa Matapang na Bagong Daigdig ay nabuksan taglay ang mabuting mga intensiyon.
“Baitang-baitang, tayo’y nagpapasiyang baguhin ang mga bahagi ng genetikong kodigo ng nabubuhay na mga bagay. Dalawang mahalagang katanungan ang bumabangon: Kung babaguhin natin ang genetikong kodigo, anong mga pamantayan ang itinatayo ng lipunang ito upang alamin kung ano ang mabuti at masama, ang kapaki-pakinabang at hindi gumaganang mga gene? At nais kong malaman kung baga may institusyon na mapagkakatiwalaan ng sinumang naririto ng sukdulang autoridad upang pagpasiyahan ang genetikong mga blueprint o plano ng isang nabubuhay na bagay?”
Ang mga tanong na ito ay humihiling ng mga kasagutan. Sino pa ang higit na nakakaalam kaysa ang Maylikha ng DNA upang alamin kung ano ang mabuti o masamang gene? Siya ang nakakaalam ng kaloob-loobang kayarian ng genetikong kodigo, gaya ng ipinakikita ni David sa Awit 139:13-16: “Iyo akong tinakpan sa bahay-bata ng aking ina. Pupurihin kita sapagkat kagila-gilalas ang pagkagawa sa akin sa kakila-kilabot na paraan. Kamangha-mangha ang iyong mga gawa, gaya ng nalalamang mabuti ng aking kaluluwa. Ang mga buto ko ay hindi nakubli sa iyo nang ako’y gawin sa lihim, nang ako’y yariin sa mga pinakamababang bahagi ng lupa. Nakita ng iyong mga mata pati nang ako’y binhing sumisibol pa lamang, at sa iyong aklat ay pawang napasulat ang lahat ng bahagi, tungkol sa mga araw nang mabuo ang mga ito at wala pa kahit anuman sa kanila.” Pipiliin mo bang magtiwala sa Kaniya na may sukdulang autoridad na pagpasiyahan ang genetikong mga blueprint o plano ng lahat ng nabubuhay na bagay?
[Blurb sa pahina 13]
Sino ang magpapasiya kung aling gene ang mabuti at kung alin ang masama?