Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 7/8 p. 20-22
  • Ano ang Masama sa Pakikipagligaw-Biro?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ano ang Masama sa Pakikipagligaw-Biro?
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kapag May-Asawa ang Isa
  • Emosyonal na Pakikipagrelasyon
  • Paano Naman ang Walang-Asawa?
  • Anong Masama sa Pag-alembong?
    Gumising!—1991
  • May Masama Ba sa Flirting?
    Tanong ng mga Kabataan
  • 1 Tulong Para Maiwasan ang mga Problema
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2018
  • Manatiling Malinis sa Moral sa Pamamagitan ng Pag-iingat sa Iyong Puso
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 7/8 p. 20-22

Ang Pangmalas ng Bibliya

Ano ang Masama sa Pakikipagligaw-Biro?

“Bakit natin iniisip na ang pakikipagligaw-biro ay mapagsamantala o mapandaya o masama? Hindi! Isa itong laro! At ito’y isang walang-pagkatalong laro sapagkat napaliligaya mo ang iyong kapuwa.”​—Susan Rabin, direktor ng School of Flirting, New York City.

ITINUTURING ng marami na ang pakikipagligaw-biro (flirting) ay normal, inosente, at mahalaga pa nga sa pagbuo at pagpapanatili ng mga relasyon ng tao. Sa Kanluraning mga bansa, dumagsa kamakailan ang mga aklat, mga artikulo sa magasin, at espesyal na mga kurso na nagtuturo ng mga pagkumpas, pagtindig, pagsulyap, at pagtitig na kinakailangan sa “sining ng pakikipagligaw-biro.”

Ano ang pakikipagligaw-biro? May iba’t ibang pakahulugan at interpretasyon. Binigyang-kahulugan ito ng isang diksyunaryo bilang “di-seryosong pagmamahal o mapang-akit sa sekso” na paggawi. Isa pang diksyunaryo ang nagbigay-kahulugan sa pakikipagligaw-biro bilang isang “romantikong pagkilos na wala namang seryosong layunin.” Samakatuwid, waring tanggap na ang karaniwang palagay na ang nakikipagligaw-biro ay isa na nagpapahiwatig ng romantikong interes ngunit wala namang layuning mag-asawa. Ang pakikipagligaw-biro ba ay dapat ituring na hindi nakasasama? Ano ang pangmalas ng Bibliya hinggil sa pakikipagligaw-biro?a

Bagaman ang pakikipagligaw-biro ay hindi tuwirang binanggit sa Kasulatan, maaari nating tiyakin ang pangmalas ng Diyos. Paano? Kung susuriin ang mga simulain ng Bibliya may kaugnayan dito. Sa gayo’y napasusulong natin ang ating “mga kakayahan sa pang-unawa na makilala kapuwa ang tama at ang mali.” (Hebreo 5:14) Una, ating isaalang-alang kung ang pakikipagligaw-biro ay isang angkop na paggawi para sa mga taong may-asawa.

Kapag May-Asawa ang Isa

Likas lamang sa mga mag-asawa na maging romantiko sa isa’t isa kung sila lamang dalawa. (Ihambing ang Genesis 26:8.) Subalit ang pagtutuon ng gayong pansin sa mga taong hindi nila asawa ay salungat sa mga simulain ng Diyos. Layunin ni Jehova na ang mag-asawa ay masiyahan sa isang malapit at may-tiwalang ugnayan. (Genesis 2:24; Efeso 5:21-33) Kaniyang minamalas ang pag-aasawa bilang isang sagrado at namamalaging pagsasama. Sinasabi ng Malakias 2:16 tungkol sa Diyos: “Siya ay napopoot sa pagdidiborsiyo.”b

Ang pakikipagligaw-biro ba ng isang may-asawa ay kasuwato ng pangmalas ng Diyos sa pag-aasawa? Ito’y isang seryosong bagay sapagkat ang pakikipagligaw-biro ng isang may-asawa ay pagpapakita ng kawalang-paggalang sa banal na kaayusan ng Diyos sa pag-aasawa. Gayundin, ang Efeso 5:33 ay nag-uutos sa mga Kristiyanong asawang lalaki na ‘ibigin ang kani-kaniyang asawang babae gaya ng ginagawa niya sa kaniyang sarili’ at ang asawang babae ay dapat na “magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki.” Ang pakikipagligaw-biro ba, na pumupukaw ng paninibugho, ay pagpapakita ng pag-ibig o paggalang sa kabiyak ng isa?

Ang higit pang nakalulungkot ay ang bagay na ang pakikipagligaw-biro ay maaaring humantong sa pangangalunya, isang kasalanan na tuwirang hinahatulan ng Diyos at inilalarawan na mapandaya. (Exodo 20:14; Levitico 20:10; Malakias 2:14, 15; Marcos 10:17-19) Sa katunayan, itinuturing ni Jehova na gayon na lamang kaseryosong bagay ang pangangalunya anupat ipinahihintulot niya ang pagkikipagdiborsiyo ng mga biktima ng kataksilan sa pag-aasawa. (Mateo 5:32) Iisipin ba natin, kung gayon, na sasang-ayunan ng Diyos ang gayong mapanganib na paglilibang gaya ng pakikipagligaw-biro? Hindi ito sasang-ayunan ng Diyos gaya ng hindi pagsang-ayon ng isang maibiging magulang na paglaruan ng kaniyang maliit na anak ang isang matalim na kutsilyo.

Nagbabala ang Bibliya hinggil sa pangangalunya: “Makakukuha ba ng apoy ang tao upang ilagay iyon sa kaniyang sinapupunan at hindi masusunog ang kaniya mismong mga kasuutan? O makalalakad ba ang sinuman sa maiinit na baga, at ang kaniyang mga paa ay hindi mapapaso? Gayon ang sumisiping sa asawa ng kaniyang kapuwa, sinumang humipo ay hindi maaaring di-parusahan.” (Kawikaan 6:27-29) Gayunman, kahit hindi naman makagawa ng pangangalunya, ang taong may-asawa na nakikipagligaw-biro ay nanghihikayat ng higit pang panganib​—ang pagkasangkot sa tinatawag na “emosyonal na pakikipagrelasyon.”

Emosyonal na Pakikipagrelasyon

Ang ilang tao ay nakikipagrelasyon sa hindi nila asawa, anupat nabubuo ang mga damdaming romantiko, bagaman walang seksuwal na pagtatalik. Gayunman, nagbabala si Jesus: “Bawat isa na patuloy na tumitingin sa isang babae upang magkaroon ng masidhing pagnanasa sa kaniya ay nakagawa na ng pangangalunya sa kaniya sa kaniyang puso.” (Mateo 5:28) Bakit hindi sinang-ayunan ni Jesus ang isang masidhing pagnanasa bagaman nananatili lamang sa puso?

Ang isang dahilan ay sapagkat “mula sa puso ay nanggagaling . . . ang mga pangangalunya.” (Mateo 15:19) Gayunman, ang gayong relasyon ay mapanganib bagaman hindi pa ito sumasapit sa punto na ang pangangalunya ay napipintong mangyari. Paano? Isang aklat tungkol sa paksang ito ang nagpapaliwanag: “Anumang gawain o relasyon na umuubos ng maraming panahon at lakas mula sa buhay ninyong mag-asawa ay isang uri ng pagtataksil.” Oo, ang emosyonal na pakikipagrelasyon ay umaagaw ng panahon, atensiyon, at pagmamahal na nauukol sa kaniyang kabiyak. Dahil sa utos ni Jesus na pakitunguhan natin ang iba sa paraang nais natin na tayo’y pakitunguhan, nararapat lamang na itanong sa sarili ng isang may-asawang nakikipagligaw-biro, ‘Ano kaya ang madarama ko kung ang aking asawa ay gumawi nang ganito sa iba?’​—Kawikaan 5:15-23; Mateo 7:12.

Kapag ang isa’y nagkaroon ng di-wastong emosyonal na pakikipag-unawaan na tulad nito, ano ang dapat niyang gawin? Ang isang may-asawa na may di-wastong emosyonal na pakikipag-unawaan ay gaya ng isang tsuper na naidlip habang nagmamaneho. Kailangan niyang magising sa kaniyang kalagayan at agad magpasiya at kumilos bago mawasak ang kaniyang pag-aasawa at ang kaniyang kaugnayan sa Diyos. Inilarawan ni Jesus ang pangangailangan ng marahas na pagkilos nang sabihin niya na kahit ang isang bagay na kasinghalaga ng mata ay dapat dukitin o ang isang kamay ay dapat putulin kung it’y makasisira sa mabuting katayuan ng isa sa Diyos.​—Mateo 5:29, 30.

Matalino kung gayon na takdaan kung saan at kung gaano mo kadalas makikita ang taong iyon. Mangyari pa, iwasang mapabukod na kasama ng indibiduwal, at kung nasa dako ng trabaho, limitahan ang pakikipag-usap. Baka nga kailangan pang putulin ang lahat ng pakikipag-ugnayan sa taong iyon. Pagkatapos, ang mahigpit na pagpipigil sa sarili ay dapat na ikapit ng isa sa kaniyang mga mata, damdamin, at paggawi. (Genesis 39:7-12; Awit 19:14; Kawikaan 4:23; 1 Tesalonica 4:4-6) Ang may-asawang lalaking si Job ay nagbigay ng napakabuting halimbawa nang sabihin niya: “Nakipagtipan ako sa aking mga mata. Kaya paano ako makapagbibigay-pansin sa isang dalaga?”​—Job 31:1.

Maliwanag kung gayon na mapanganib at di-makakasulatan para sa isang may-asawa na masangkot sa pakikipagligaw-biro. Subalit, ano naman ang pangmalas ng Bibliya sa pakikipagligaw-biro ng mga taong walang-asawa? Ito ba ay itinuturing na normal, inosente, o kinakailangan sa pagkakaroon ng relasyon sa di-kasekso? Magbubunga ba ito ng anumang pinsala?

Paano Naman ang Walang-Asawa?

Walang masama kung magpakita ng romantikong interes sa isa’t isa ang isang binata at dalaga kung sila’y nagbabalak nang mag-asawa at kanilang iniiwasan ang maruming paggawi. (Galacia 5:19-21) Ang gayong interes ay maaaring mangyari sa maaagang yugto ng pagliligawan bagaman ang pag-aasawa ay malayo pa namang mangyari. Angkop naman ito kung ang mga layunin ay mabuti. Ang gayong paggawi ay hindi naman talaga pakikipagligaw-biro.

Subalit, paano kung ang mga taong walang-asawa ay magpahiwatig ng pagka-romantiko sa isa’t isa bilang katuwaan lamang? Waring ito’y hindi masama yamang pareho silang walang-asawa. Subalit isaalang-alang ang maaaring idulot na sakit sa damdamin. Kung ang ikinilos ng nakikipagligaw-biro ay higit na sineryoso kaysa sa talagang layunin nito, maaari itong magdulot ng matinding sugat sa damdamin at pighati. Tunay ang mga salita sa Kawikaan 13:12: “Ang paghihintay na ipinagpapaliban ay nagpapangyari sa puso na maghinanakit, ngunit ang bagay na ninanais ay punungkahoy ng buhay kapag ito ay dumating”! Bagaman kapwa nila inaangkin na kanilang nauunawaan na wala naman sa kanilang dalawa ang may seryosong layunin para sa isa’t isa​—sinuman ba sa kanila ay makatitiyak kung ano ang talagang iniisip o nadarama ng isa? Ang Bibliya ay sumasagot: “Ang puso ay higit na mapandaya kaysa anupamang bagay at desperado. Sino ang makakakilala nito?”​—Jeremias 17:9; ihambing ang Filipos 2:4.

Isaalang-alang din ang panganib ng pakikiapid, at ng maaaring ibunga nito na sakit o bawal na pagdadalang-tao. Ang pakikiapid ay ipinagbabawal ng Kasulatan, at yaong mga kusang gumagawa nito ay mawawalan ng pagsang-ayon ng Diyos. May katalinuhang nagbabala si apostol Pablo sa mga Kristiyano na upang mapaglabanan ang tukso, dapat nilang “patayin” ang kanilang “mga sangkap ng katawan . . . may kinalaman sa pakikiapid” at iwasan ang “mapag-imbot na seksuwal na pagnanasa,” na humahantong sa pakikiapid. (Colosas 3:5; 1 Tesalonica 4:3-5) Sa Efeso 5:3, pinapayuhan niya tayo na ang pakikiapid ay “huwag man lamang mabanggit,” alalaong baga, sa paraang mapupukaw ang masamang nasa. Ang pakikipagligaw-biro ay lumalabag sa payong ito. Ipinagbabawal pa man din ng Diyos ang malalaswang usapan tungkol sa sekso.

Ipinakikita ng mga simulain ng Bibliya na ang pakikipagligaw-biro ay nakasasakit sa kapuwa at lumalapastangan kay Jehova, ang Tagapagpasimula ng pag-aasawa. Ang pangmalas ng Bibliya sa di-matuwid na pakikipagligaw-biro ay totoong maibigin at makatuwiran sapagkat ipinagsasanggalang nito ang mga tao mula sa kapinsalaan. Ang mga umiibig sa Diyos kung gayon ay iiwas mula sa di-angkop na pakikipagligaw-biro at makikitungo sa mga di-kasekso nang may kalinisan at paggalang.​—1 Timoteo 2:9, 10; 5:1, 2.

[Mga talababa]

a Ang pakikipagligaw-biro ay hindi dapat ipagkamali sa pagiging palakaibigan o mahilig makihalubilo na walang anumang motibo ng pagkaromantiko.

b Tingnan ang artikulong “Anong Uri ng Pagdidiborsiyo ang Kinapopootan ng Diyos?” sa Pebrero 8, 1994, isyu ng Gumising!

[Picture Credit Line sa pahina 20]

© The Curtis Publishing Company

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share