Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 11/8 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Ang Taon Nang Masunog ang Daigdig”
  • Higit Pang Kalsiyum ang Kailangan
  • Namamayaning Dolyar
  • Lisensiyadong Mangulimbat
  • Baon sa Utang
  • Ipinagwawalang-Bahala ang Kamatayan
  • Nakatatakot na Ulat
  • Pinabulaanan ang Alamat Tungkol sa mga Lemming
  • Ninanakawan ang mga Pasyente
  • Bakas ng Tainga
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1993
  • Pera​—Panginoon Mo ba o Alipin?
    Gumising!—2009
  • Paano Ako Matututong Humawak ng Pera?
    Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1998
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 11/8 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

“Ang Taon Nang Masunog ang Daigdig”

Sinabi ni Jean-Paul Jeanrenaud, pinuno ng programa ng World Wide Fund for Nature International ukol sa kagubatan, na “ang 1997 ay aalalahanin bilang ang taon nang masunog ang daigdig.” Matitinding sunog ang naganap sa bawat kontinente maliban sa Antarctica. Halimbawa, ang iniingatang kakahuyan sa Indonesia at Brazil, na kasinlaki ng sukat ng lupa ng Switzerland, ay natupok. Dahil daw ito sa sinadyang paghahawan ng lupa para sakahin o kaya’y dahil sa tagtuyot, na inaakalang resulta ng paglubha ng klima bunga ng El Niño. Dahil sa mataas na antas ng carbon dioxide mula sa nag-aalab na gatong mula sa labí ng mga halaman at hayop, nadagdagan ang polusyon sa hangin at lalong nanganib na mag-init ang globo, ulat ng pahayagang The Independent ng London. Nagbabala si G. Jeanrenaud: “Tayo’y lumilikha ng masamang siklo ng pagkawasak, kung saan ang dumaraming sunog ay dahil sa pagbabago sa klima at isa ring salik na tumutulong sa mga pagbabagong ito.”

Higit Pang Kalsiyum ang Kailangan

“Dahil sa paglaki ng kanilang mga buto, kailangang-kailangan ng mga kabataan ang kalsiyum,” babala ng newsletter sa Alemanya na Gesundheit in Wort und Bild (Kalusugan sa Salita at Larawan). Ang inirerekomendang pagkain nito araw-araw ay 1,200 miligramo, ngunit 56 na porsiyento lamang ng mga kababaihang tin-edyer at 75 porsiyento ng kalalakihang tin-edyer sa Alemanya na nasa pagitan ng edad 15 at 19 ang nakaaabot sa antas na ito. “Ang suplay ng kalsiyum sa mga batang babae sa buong Europa ay hindi sapat,” sabi ni Mary Fraser, ng European Foundation for Osteoporosis. Bagaman malaon na itong hindi napapansin, ang gayong kakulangan ay maaaring maging dahilan ng osteoporosis kapag tumanda na. “Ang mga pagkaing mayaman sa kalsiyum ay keso, gatas, yogurt, buto ng sesame, buto ng amaranth, balatong, berdeng gulay, mani, at isda,” sabi ng artikulo.

Namamayaning Dolyar

“Maaaring kakaunting Amerikano lamang ang nakababatid nito, pero mas maraming salapi ng Estados Unidos ang lumalaganap sa labas kaysa sa loob,” sabi ng U.S.News & World Report. “Sa $450 bilyon ng salaping papel at barya na ngayo’y nasa pitaka ng mga tao, nasa kahon ng mga tindahan, nasa kaha-de-yero ng mga bangko, at nasa mga kutson, mga dalawang-katlo​—o $300 bilyon​—ang nasa ibang bansa.” At ang halagang iyan ay lumalaki pa nang $15 bilyon hanggang $20 bilyon bawat taon. Bagaman ang salaping umiikot sa Estados Unidos ay pangunahin nang nasa tig-$20, karamihan naman ng salaping nasa ibang bansa ay nasa tig-$100, na nagpapahiwatig na ang salapi ay ginagamit, hindi para sa pang-araw-araw na maliitang pamimili, kundi para sa pag-iimpok at para sa mga transaksiyon sa negosyo. Ito’y totoo lalo na sa mga lupaing napakababa ng halaga ng salapi at ang mga tao’y wala nang tiwala sa mga bangko. Halos 60 porsiyento ng inimprentang mga bagong $100 noong isang taon ang deretsong ipinadala sa iba’t ibang bansa. Mula sa pangmalas ng Estados Unidos, ang malaking halaga ng salaping umiikot sa ibang bansa ay maihahalintulad sa pagpapautang sa Estados Unidos nang walang interes na hindi na kailangang tubusin kapalit ng mga paninda o mga serbisyo, anupat bilyun-bilyon ang natitipid ng pamahalaan.

Lisensiyadong Mangulimbat

“Nangatuwiran ang mga lider ng Romano Katoliko sa Brazil alang-alang sa mahihirap at nagugutom, at ipinagtanggol yaong mga nagnanakaw ng pagkain upang mabuhay,” pag-uulat ng ENI Bulletin. Dahil sa matinding tagtuyot sa hilagang-silangan ng Brazil, inaprobahan ang pangungulimbat sa mga supermarket at mga bodega. Ayon sa arsobispo ng Belo Horizonte, si kardinal Serafim Fernandes de Araujo, “hindi hinahatulan ng simbahan ang sinumang kumukuha ng pagkain, saanman nila ito makita, upang hindi magutom.” At ganito naman ang pagkakaulit sa sinabi ni kardinal Paulo Evaristo Arns: “Makikipaglaban kami sa neo-liberalismong ito na wala nang inisip kundi ang payamanin ang ilang pinapaborang tao samantalang lalo namang gumagapang sa hirap ang mahihirap.” Dagdag pa niya: “Panahon na para gumising ang mga nasa siyudad at lalawigan.”

Baon sa Utang

“Ang isang karaniwang [taga-Canada] ay gumugugol ng $1,236 sa mga regalo, paglilibang at paglalakbay kapag may mga okasyon,” pag-uulat ng pahayagang The Vancouver Sun, at “kalimitan sa paggastang ito ay nauuwi sa credit card.” Napakatindi ang paghahangad ng damdamin na gumastos nang gumastos kung Kapaskuhan, sabi ng mga tagapayo ukol sa pinansiyal, at kapag kapos na sa pera, napakadaling ituloy ang paggasta sa pamamagitan ng paggamit ng mga credit card. Naniniwala ang isang tagapayo na ang seguridad sa trabaho ang waring nagbibigay sa mga mamimili “ng tiwala na umutang pa nang umutang sa halip na magbayad.” Sa pagtatapos ng 1997, ang mga taga-Canada ay nagkaroon ng ulat na $20.42 bilyong balanse na di-nababayaran sa credit card​—doble kaysa noong 1991. Tinataya ng mga eksperto na anim na buwan ang kailangan para sa isang karaniwang mamimili bago mabayaran ang inutang noong nakaraang okasyon at na karamihan ay may ilang utang pa rin gayong magsisimula na naman silang “mamili nang mamili” para sa susunod na Kapaskuhan.

Ipinagwawalang-Bahala ang Kamatayan

“Ang mga magulang at mga guro ang dapat sumugpo sa kabayanihang ipinalalabas sa mga pelikula at TV upang huwag ipagwalang-bahala ang kamatayan,” paliwanag ng Jornal do Brasil. Ipinakikita ng isang pag-aaral sa Rio de Janeiro na 10 porsiyento ng krimen ay ginagawa ng mga batang wala pang 13 taon ang edad. “Ito ang mga batang nagdadala ng baril, umaatake, bumabalda, o pumapatay ng mga kaeskuwela, at seksuwal na nang-aabuso sa mga mas nakababata,” sabi ng artikulo. Sabi ng saykayatristang si Alfredo Castro Neto: “Ang isang kultura na gaya ng sa atin ngayon, na ang iniuudyok ay kompetisyon at ipinalalabas sa pelikula na ang isa’y maaaring pumatay upang makuha ang gusto niya, ay magpapatindi lamang sa pagkalito ng mga batang ito.” Kasabay ng pagrerekomenda ng mga edukasyonal na mga laruan sa halip na mga baril, sinabi ng edukador na si Josefa Pech na mahalagang ipakita sa bata na ang “larawang [ito] ng isang bayaning mamamatay-tao ay kahangalan at di-makatotohanan at na ang mga sandata ay hindi palatandaan ng prestihiyo o kapangyarihan kundi, sa halip, ito’y pumapatay ng tao.”

Nakatatakot na Ulat

“Mas maraming Amerikano ang napapatay ng paninigarilyo taun-taon kaysa sa napatay sa pakikipaglaban noong Digmaang Pandaigdig II at Digmaan sa Vietnam,” sabi ng University of California Berkeley Wellness Letter. “Araw-araw ay mahigit na 1,200 Amerikano ang namamatay dahil sa paninigarilyo, katumbas ng tatlo o apat na punung-punong jumbo jet na bumagsak nang walang nakaligtas.”

Pinabulaanan ang Alamat Tungkol sa mga Lemming

Ang mga lemming ba​—maliliit na dagang namumugad sa malalamig na lugar sa hilaga​—ay nagpapakamatay sa pamamagitan ng sabay-sabay na pagpapakalunod? Marami ang naniniwala pa rin dito. Gayunman, nananatili pa rin ang malaon nang pag-aalinlangan ng mga siyentipiko, at ngayon ay isang pangkat ng mga tauhan ng Wildlife on One ng British Broadcasting Corporation, na anim na buwang gumagawa ng pelikula sa Canadian Arctic sa kanluran, ang nagpabulaan sa alamat. Habang may nakakain, ang mga lemming ay patuloy na namumutiktik sa dami. Kung gayon, paano lumitaw ang kuwento ng kanilang maramihang pagpapakamatay? Ito’y dahil sa ang mga lemming sa Norway ay nakikitang nahuhulog sa tubig nang di-sinasadya kapag nandarayuhang pababa sa mga bundok patungo sa malalagong pastulan, pag-uulat ng pahayagang The Guardian ng London.

Ninanakawan ang mga Pasyente

Sinasalot ng mga magnanakaw ang mga ospital sa Alemanya. “Tatlong daang nakawan bawat taon ang iniuulat ng mga ospital sa unibersidad sa Cologne,” pag-uulat ng pahayagang Emsdettener Tageblatt. “Hawak ang isang pumpon ng bulaklak, may magandang ngiti sa mga labi​—at para sa isang magnanakaw sa ospital, nakasisiguro nang may mananakaw.” Yamang nagpapanggap na mga bisita ng pasyente, ang sakop nila ay mula sa mga mesa sa tabi ng kama hanggang sa sabitan ng mga damit. Lalo nang pinadadali ng matatandang pasyente ang trabaho ng mga magnanakaw. Halimbawa, natuklasan na itinatago ng isang matandang lalaki ang kaniyang ilang libong deutsche mark sa ilalim ng unan ng kaniyang kama sa ospital. Palibhasa’y walang pagbabawal sa mga oras ng pagdalaw, malayang-malaya ang mga magnanakaw, at halos lahat ay nakapapasok sa ospital nang tuluy-tuloy. Samakatuwid, pinaaalalahanan ang mga pasyente na susian ang pera at mahahalagang bagay sa kaha-de-yero ng ospital o kung saanman o ibigay ang mga ito sa iba upang itago.

Bakas ng Tainga

Nang mahatulan kamakailan ang isang manloloob sa London, ang nagpahamak sa kaniya ay ang kaniyang tainga. Paano? Bagaman ingat na ingat siyang makapag-iwan ng bakas ng daliri sa pinangyarihan ng krimen, naging ugali na niyang idikit ang kaniyang tainga sa bintana o sa susian upang tiyakin kung may tao sa bahay bago siya pumasok kung kaya nakapag-iwan siya ng bakas ng kaniyang tainga. “Ang mga bakas ng tainga ay walang kaparis gaya ng mga bakas ng daliri,” sabi ni Propesor Peter Vanesis, forensic pathologist sa Glasgow University ng Scotland. Subalit, di-gaya ng mga bakas ng daliri, ang mga tainga ay patuloy na lumalaki sa panahon ng pagiging adulto, gaya ng buhok at kuko, pag-uulat ng The Daily Telegraph ng London. Gayunman, alam ng mga pulis na ang ating tainga, anuman ang sukat ng mga ito, ay walang kaparis, na gaya rin ng sa manloloob na ito. Siya ang kauna-unahang nahatulan sa Britanya dahil sa ebidensiya ng bakas ng tainga, at inamin niya ang limang paratang na panloloob.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share