Ipinakikipag-usap Mo ba ang Tungkol sa Relihiyon?
“Pakisuyo, palitan natin ang paksa. May dalawang bagay na hindi ko ipinakikipag-usap—relihiyon at pulitika!”
“Ipinauubaya ko na lamang ang relihiyon kay misis at sa mga bata.”
“Ayaw kong pag-usapan ang relihiyon ngayon. Kagagaling ko lang sa simbahan.”
PAMILYAR ba sa iyo ang mga komentong ito? Ayaw ng iba na pag-usapan ang relihiyon dahil minamalas nila ito bilang isang bagay na para lamang sa pagitan nila at ng Diyos. Sinabi ni Jesus mismo: “Kapag mananalangin ka, pumasok ka sa iyong pribadong silid at, pagkatapos na maisara ang iyong pintuan, manalangin ka sa iyong Ama na nasa lihim; sa gayon ang iyong Ama na tumitingin sa lihim ay gagantihin ka.”—Mateo 6:6.
Sa kabilang panig, hindi naman nadama ni Jesus at ng kaniyang mga alagad na lahat ng aspekto ng relihiyon ay pampribado. Malaya at hayagan silang nakikipag-usap tungkol sa iba’t ibang paksang pang-espirituwal, at nagbunga ito ng paglaganap ng kanilang mga turo sa buong daigdig. (Gawa 1:8; Colosas 1:23) Sabihin pa, hindi lahat ng tao ay gustong makipag-usap sa kanila, at ang ilan na nakipag-usap ay nanatiling nagdududa.
Maging sa ngayon, ang mga saloobin hinggil sa pakikipag-usap tungkol sa relihiyon ay nagkakaiba-iba sa mga tao at sa mga kultura. Halimbawa, sa maraming Kanluraning lupain, lubhang nababahala ang mga tao sa sekular na mga bagay—edukasyon, trabaho, isport, computer, TV, at iba pa. Sa ibang kultura, mas gusto ng mga tao na makipag-usap tungkol sa kanilang mga paniniwala. Gayunman, anuman ang pinagmulan ng mga tao, may mga nangyayari sa buhay nila na nagpapakilos sa ilan na dating hindi interesado sa relihiyon na muling suriin ang kanilang espirituwal na pangangailangan.
Nakasisira ng Loob sa Marami ang Kawalang-Pagpaparaya
Yaong mga tumatangging makipag-usap tungkol sa relihiyon ay maaaring nakakita o nasangkot sa isang talakayan na humantong sa mainitang pagtatalo. “Ang di-pagkakaunawaan sa relihiyon ay nagbubunsod ng mas maraming away kaysa sa di-pagkakaunawaan sa pulitika,” ang sabi ng isang kilalang orador. Gayundin, sinabi ni Richard M. Johnson, isang bise-presidente ng Amerika noon: “Ang sigasig sa relihiyon ang pinakamalakas pumukaw ng pagtatangi sa isip ng tao; at, kapag mali ang pagkakagamit, ginigising nito ang pinakamasamang silakbo ng damdamin ng ating pagkatao sa ilalim ng nakapanlilinlang na balat-kayo ng paglilingkod sa Diyos.”
Balintuna ba para sa iyo na ang isang bagay na posibleng magpasulong at magpadakila na gaya ng mga turo ng Bibliya ay gagamitin nang di-tama upang itaguyod ang kawalang-pagpaparaya, pagkapanatiko, at pagkakapootan? Ang totoo, hindi ang mga turo ng Bibliya ang dahilan ng kawalang-interes ng ilan sa relihiyon. Sa halip, ito ay ang pagbabanto sa mga ito. Kuning halimbawa ang Kristiyanismo.
Sa salita at sa gawa, pinasigla ng Tagapagtatag ng Kristiyanismo, si Jesu-Kristo, ang pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa kapuwa, hindi ang kawalang-pagpaparaya at panatisismo. Ang mga pamamaraang ginamit ni Kristo at ng kaniyang mga tagasunod sa kanilang ministeryo ay ang pangangatuwiran at panghihikayat. (Mateo 22:41-46; Gawa 17:2; 19:8) At nanalangin sila para sa kanilang mga kaaway at tagapag-usig.—Mateo 5:44; Gawa 7:59, 60.
Ang tunay na relihiyon ay nagdudulot ng kaliwanagan sa isip at puso, at pinagbubuklod nito ang mga tao. Kaya, para sa taimtim na mga naghahanap ng katotohanan, ang may-dignidad na pag-uusap tungkol sa relihiyon ay maaaring maging totoong mabunga, gaya ng makikita natin.
[Kahon sa pahina 3]
Kung ano ang Sinabi ng mga Prominenteng Tao
“Kung si Jesus ang daan patungo sa Diyos, kailangang ibahagi ito ng mga tagasunod ni Jesus sa ibang tao.”—Ben Johnson, propesor sa pag-eebanghelyo sa Columbia Theological Seminary.
“Itinuro ni Jesus sa kaniyang mga alagad na ipaabot ang ebanghelyo sa mga tao. Ang Pinakadakilang Atas ay humihiling na tayo ay humayo sa buong daigdig. Inutusan ng Panginoon ang kaniyang mga tagasunod na humayo sa lahat ng dako.”—Kenneth S. Hemphill, direktor ng Southern Baptist Center for Church Growth.
“Malibang tayo’y mga saksi, hindi tayo maaaring maging tunay na mga Kristiyano. . . . Ang bawat Kristiyano ay hinihilingang maging isang misyonero at saksi.”—Pope John Paul II.
“Napakaraming mangangaral . . . ang mas interesado sa pagtatayo ng malalaking kongregasyon at mga proyekto sa konstruksiyon ng simbahan at sa kanilang susunod na atas na paglilingkuran kaysa sa pangangaral tungkol sa di-nagbabago at nakayayamot na mensahe na nasa Ebanghelyo.”—Cal Thomas, awtor at kolumnista.
“Tayo ay kailangang kumatok sa mga pintuan . . . Tulad ng mga Saksi (ni Jehova) at ng ilan sa mga iba pa, kailangan tayong humayo at maghayag ng Ebanghelyo ni Jesu-Kristo.”—Thomas V. Daily, obispong Katoliko.