Isang Punungkahoy na Umaawit
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA KENYA
SA NAPAKALAWAK na damuhan ng Aprika ay nakatayo ang isang punungkahoy na kadalasa’y umaawit. Ang punungkahoy ay kabilang sa uri ng akasya at kilala bilang ang sumisipol na tinik. Bakit? Sapagkat kapag humihip ang hangin sa maseselan na sanga, waring lumalakas ang boses ng punungkahoy.
Lumalabas ang isang maganda at maindayog na tunog kapag ang mga tinik ng punungkahoy na may di-karaniwang haba at payat ay lumalagitik sa hangin. Bilang dagdag sa melodiya ng mga tinik, ang mga hungkag na umbok sa punungkahoy ay naglalabas ng tunog na gaya ng tunog ng isang basyong bote kapag hinipan ang bunganga nito. Ang “mga instrumento” na ito ay likha ng mga langgam, na siyang sinasabing nagpapahungkag sa mga umbok, ang pabilog na tahanan ng mga langgam, at nag-uukit ng munting mga pasukan at mga labasang butas sa mga ito. Dahil sa magkakaiba ang sukat ng mga umbok at butas, naglalabas ang mga ito ng iba’t ibang tono ng tunog. Ang mga tunog na ito ay nakadaragdag sa pagiging natatangi at sa kagandahan ng sumisipol na tinik.
Ipinaaalaala sa atin ng punungkahoy na ito ang mga salita ng salmista na nagsabi sa makasagisag na paraan: “Hayaang bumulalas nang may kagalakan [sa pag-awit] sa harapan ni Jehova ang lahat ng mga punungkahoy sa kagubatan.” (Awit 96:12, 13) Oo, kapag humihip ang hangin sa mga tinik at sa tulad-plutang mga umbok, ito’y naglalabas ng himig ng isang marikit at nakapupukaw-damdaming awitin ng Aprika.