Paggamot na Walang Dugo—Kung Ano ang Sinasabi ng mga Eksperto
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA NORWAY
“KAHIT na makalimutan ko ang lahat sa konggresong ito, hindi ko kailanman malilimutan ang inyong booth.” Ganiyan ang sabi ng isang doktor na dumalo sa 25th Congress of the International Society of Blood Transfusion, na idinaos sa Oslo, Norway, noong nakaraang tag-araw (Hunyo 27 hanggang Hulyo 2, 1998). Katatapos lamang niyang dalawin ang information booth na itinayo ng mga Saksi ni Jehova bilang sinang-ayunang kalahok sa eksibit.a
Mahigit na 1,700 doktor mula sa 83 bansa ang dumalo sa konggresong ito. Maraming delegado ang kumatawan sa mga bangko ng dugo, ngunit mayroon ding mga hematologo, siruhano, at anestisyologo. Anong impormasyon ang ibinahagi ng mga propesyonal sa napakahalagang pulong na ito? Ano ba ang ipinakita ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang eksibit, at ano ang tugon ng mga delegado?
Panghaliling Walang Dugo
Kabilang sa mga paksang tinalakay ang pagsasalin ng dugo, pagsusuri sa dugo, at medikal na mga panghalili sa dugo ng tao. Nagsalita si Dr. C. V. Prowse, ng Scottish National Blood Transfusion Service, tungkol sa “Mga Panghalili sa Dugo ng Tao at mga Pinagkukunan ng Dugo.” Binanggit niya ang iba’t ibang pinaghalong (sintetikong) sangkap na maaaring magpataas sa antas ng selula ng dugo sa pamamagitan ng pagpapabilis sa paggawa ng mga selulang ito sa katawan. Halimbawa, ang erythropoietin ay ginagawa ng mga bato at nagpapabilis sa pagbuo ng mga pulang selula ng dugo. Ngunit maaari nang gawin ito ngayon sa mga laboratoryo. Sinabi ni Dr. Prowse na ang sintetikong “erythropoietin ay napatunayan na isang gamot para sa iba’t ibang uri ng anemya.”
Isang kahawig na sangkap ang nabuo upang pabilisin ang paggawa sa katawan ng mga platelet ng dugo. Sinabi ni Dr. Prowse: “Ang pinakabagong mga tuklas sa larangang ito ay ang mga sangkap na thrombopoietic. Ang Interleukin 11 ay may pahintulot na dahil sa epekto nito sa pagpapasulong ng bilang ng platelet . . . , at waring malamang na ang thrombopoietin at ang katulad na sangkap nito na rh-PEG-MGDF, ay malapit nang pahintulutan.”
Binanggit din ni Dr. Prowse ang sintetikong mga sangkap sa pamumuo ng dugo (mga plasma protein) na napatunayang malaking tulong sa mga hemophiliac: “Ang pinaghalong mga katumbas ng ilang plasma protein ay pinahintulutan na, at sa ilang kaso ay napatunayan na mas pinipiling therapy dahil sa mga pagkabahala tungkol sa pagkahawa sa virus ng mga produktong galing sa plasma.” Sinabi pa ni Dr. Prowse na “maraming iba pang sangkap sa pamumuo ng dugo ang inihahanda ngayon para sa produksiyon.”
Si N. S. Faithfull, na kasapi sa isang korporasyon ng gamot, ay nagbigay ng isang presentasyon tungkol sa mga perfluorocarbon (PFC) compound. Ang ilang perfluorocarbon ay nakapaghahatid ng oksiheno sa sistema ng daluyan ng dugo. Ang unang grupo ng mga kemikal na ito ay hindi mahusay bilang “artipisyal” na dugo. Nagkaroon na ba ng pagsulong? Sinabi ni Faithfull: “Sa nakalipas na ilang taon, ang karagdagang pagsulong sa teknolohiya ng PFC ay tumaas at ang mga pagsubok sa mga laboratoryo ay ginawa na gumagamit ng [dalawang pangalawang] grupo ng mga PFC emulsion.” Nag-ulat siya tungkol sa mga pagsubok sa isa sa mga ito na ginawa sa 256 na pasyente na sumasailalim sa operasyon para sa pag-aayos ng buto, sakit ng mga babae, o sakit sa pag-ihi—mga pamamaraan na kadalasang humahantong sa pagkaubos ng maraming dugo. Ang resulta? “Ipinakikita ng impormasyong nakuha sa dalawang pag-aaral na ang Oxygent ay kapansin-pansing mas mabuti kaysa sa dugo sa pagpigil sa mga gatilyong ito [ang gatilyo ay nagpapahiwatig ng pangangailangang magsalin ng dugo] at na ang mga gatilyo ay napipigil nang mas matagal kaysa sa pagpigil na ginagawa ng sariling dugo.”
Narinig din ng konggreso na ang sukat ng mga piraso ng PFC sa gayong mga emulsion “ay napakaliit . . . , mga 40 beses na mas maliit kaysa sa diyametro ng isang RBC [pulang selula ng dugo]. Ang maliit na sukat na ito ay nagpapangyari sa mga piraso ng PFC na makatawid sa mga ugat na doo’y hindi dumadaloy ang mga RBC.” Waring makaaasa ng kapakinabangan dito sa kaso ng ilang napinsala at kulang-sa-dugo na tisyu.
Idiniin ng isang Britanong manggagamot ang pangangailangang bawasan ang paggamit ng dugo sa mga operasyon. Ipinayo niya ito dahil sa kakapusan ng dugo at dahil sa mga panganib na nauugnay sa mga pagsasalin. Upang ilarawan kung gaano karami ang magagawa para mabawasan ang paggamit ng dugo, binanggit niya ang tungkol sa isang siruhano na gumamit ng dugo sa 10 porsiyento lamang ng mga operasyon sa balakang na isinagawa niya. Ang ibang siruhano sa ospital ding iyon ay gumamit ng dugo sa 70 porsiyento ng mga operasyon sa balakang.
Kumatawan sa mga Saksi ni Jehova
Ang mga impormasyon tungkol sa maraming gayong panghalili at pamamaraan ay makukuha sa booth ng mga Saksi ni Jehova. Ipinakita ng isang poster na sa buong daigdig, 120 pagamutan ang gumagamit ngayon ng walang-dugong medisina, at ang mga nilimbag na pulyeto ay naglalaman ng mga halaw mula sa mga 1,000 artikulong medikal. Nagharap ng impormasyon upang ipakita ang iba’t ibang pamamaraan ng pag-iwas sa pagsasalin ng dugo—mga pamamaraan na maaaring gamitin bago, sa panahon, at pagkatapos ng operasyon.
Maganda ang naging pagtugon. Sa panahon ng konggreso, nakausap ng mga Saksi sa booth ang mga 480 manggagamot—marami sa kanila ang bumalik pa para sa karagdagang impormasyon, anupat nagsama pa nga ng mga kapuwa doktor. Ganito ang sabi ng isang propesor sa anestesyolohiya at pag-oopera mula sa California: “Kahanga-hanga ito.” Sabi ng isang propesor mula sa Alemanya: “Magagamit ko ang impormasyong ito sa pagtuturo sa aking mga estudyante.” Ganito naman ang sabi ng isang doktor na kumakatawan sa pinakamalaking bangko ng dugo sa Tsina: “Kailangang-kailangan namin ang gayong impormasyon dahil sa kakulangan ng suplay ng dugo.”
Isang araw matapos makatanggap ng inilimbag na pulyeto, ang pinuno ng bangko ng dugo sa isang ospital sa Norway ay nagbalik at nagsabi: “Puwede bang makakuha ako ng dalawa o tatlo pa? Ibibigay ko ito sa mga siruhano at anestisyologo at sasabihin ko sa kanila na gamitin ang mga pamamaraang ito upang mabawasan o maiwasan ang pagsasalin ng dugo sa mga operasyon.” Isa pang doktor ang nagsabi: “Ito ang pinakainteresanteng booth sa konggreso.”
Ang mga Saksi ni Jehova ay aktibo sa buong daigdig sa pagtulong sa mga indibiduwal na makatagpo ng mga doktor na makagagamot at gagamot sa mga pasyente nang walang pagsasalin ng dugo. Naglalaan din ang mga Saksi ng pinakabagong impormasyon tungkol sa medikal na mga panghalili sa pagsasalin ng dugo. Sa konggreso, daan-daang doktor, pati mga siruhano, at iba pang medikal na mga tauhan, mula sa maraming lupain, ang nagpahayag ng interes sa gayong impormasyon. Dapat itong magkaroon ng positibong epekto habang sinisikap ng mga indibiduwal na ito na gumamit ng maraming pamamaraan at produkto upang hindi na kailanganin pa ang pagsasalin ng dugo.
[Talababa]
a Sa relihiyosong mga kadahilanan, ang mga Saksi ni Jehova ay tumatanggi sa pagsasalin ng dugo, sa halip ay humihiling ng kahaliling paggamot na walang dugo. (Gawa 15:28, 29) Para sa impormasyon hinggil sa mga kadahilanan at sa pagiging makatuwiran nito, tingnan ang Papaano Maililigtas ng Dugo ang Inyong Buhay?, na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.