Mga Tagapamayapa o mga Tagasulsol ng Digmaan?
“ANG isang Kristiyano ay hindi dapat makibahagi sa pakikidigma.” Binubuod ng pangungusap na iyan ang sinaunang pangmalas ng mga Kristiyano sa digmaan, ang sabi ni Thoko at Malusi Mpulwana sa Echoes, isang magasing inilalathala ng World Council of Churches (WCC). “Pagkatapos na makipagkaisa ang Simbahang Kristiyano sa pulitikal na pamahalaan,” ang susog nila, saka lamang nagsimulang sumang-ayon ang simbahan na “tanggapin ang pangangailangan ukol sa digmaan.” Ang resulta? Naging palasak ang pagsuporta ng Sangkakristiyanuhan sa mga digmaan sa buong panahong nagdaan anupat pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig, ang United Church of Christ sa Hapon ay nakadama pa nga ng pangangailangang magpalabas ng isang opisyal na “Kapahayagan ng Responsibilidad sa Digmaang Pandaigdig II.”
Sa ngayon, mga 50 taon pagkalipas ng digmaan, ang paladigmang reputasyon ng Sangkakristiyanuhan ay nagbago nang kaunti. “Kung itatanong namin kung kami, bilang mga Kristiyano, ay talagang nagsabi ng isang matatag at kapani-paniwalang Hindi sa argumento ng digmaan at Oo sa pag-ibig ni Kristo,” ang pag-amin ni Dr. Roger Williamson, na nagtatrabaho para sa Church of England, “maliwanag na kami . . . ay marami pang dapat na ipagtapat.” Bagaman idineklara ng WCC noong 1948 na “ang digmaan bilang isang pamamaraan ng paglutas sa di-pagkakaunawaan ay hindi katugma ng mga turo at halimbawa ng ating Panginoong Jesu-Kristo,” ang mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan, ang sabi ni Williamson, ay madalas na nagiging sanhi ng “pagkapanatiko, kawalang-pagpaparaya, paghihigpit sa kalayaan ng tao at paglala ng mga alitan.” Hindi kataka-taka na maghinuha siya na ang “relihiyon . . . ay madalas magpalubha sa halip na magpahinto ng alitan.”
Ang digmaan na nagwatak-watak sa dating Yugoslavia ay isang angkop na halimbawa. Sa kabila ng mga kawalang-katarungan at kalupitan na nagaganap nang maraming taon, ang mga simbahan ay nahirapan nang husto na magkaroon ng iisang paninindigan tungkol sa alitan sa bansang iyon. Bakit? Sinabi ni Dr. Williamson na sa kabila ng kanilang ipinalalagay na pagkakaisang Kristiyano, ang mga klerong Serbiano at Croatiano ay nababahagi rin na gaya ng mga pulitiko sa kanilang bansa. Doon man o sa ibang lugar, ang mga klero ng Sangkakristiyanuhan, sila man ay Katoliko, Ortodokso, o Protestante, ay gumagawi hindi bilang mga tagapamayapa kundi bilang “mga kapelyan sa kanilang mga kapanalig.” Bagaman mahigit na 300 simbahan ngayon ang kabilang sa WCC, inamin ni Dr. Williamson na “talagang napakahirap makahanap ng mga huwarang simbahan na aktuwal na . . . nakikipagpayapaan.”
Mahirap, oo. Subalit di-tulad ng mga miyembrong simbahan ng WCC, na nag-uusap lamang tungkol sa pakikipagkasundo, may isang relihiyon na nagtagumpay na mapagkasundo ang dating mga miyembro ng iba’t ibang relihiyon at natulungan ang mga ito na maging tunay na mga Kristiyano. Sa ngayon, palibhasa’y pinakilos ng kanilang pag-ibig sa Diyos at ng kanilang hangaring ‘itaguyod ang pakikipagpayapaan sa lahat ng tao,’ ang mahigit na 5.8 milyong mga Saksi ni Jehova sa 233 lupain ay tumatangging makibahagi sa mga digmaan ng mga bansa—ito man ay ipinaglalaban sa mga lugar na gaya ng Asia, Latin Amerika, ang Gitnang Silangan, Hilagang Ireland, Rwanda, o ang dating Yugoslavia. (Hebreo 12:14; Mateo 22:36-38) Sa halip, tinutupad nila ang hula ng Bibliya sa pamamagitan ng ‘pagpukpok sa kanilang mga tabak upang maging mga sudsod’ at ‘hindi na pag-aaral ng pakikipagdigma.’—Mikas 4:3.
[Mga larawan sa pahina 31]
Ang ilan sa mga Saksi ni Jehova sa Aprika ay binugbog nang husto dahil sa kanilang neutralidad o naging mga nagsilikas