Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 5/22 p. 16-17
  • Pagdalaw sa Look ng Lumulusong na Dragon sa Vietnam

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagdalaw sa Look ng Lumulusong na Dragon sa Vietnam
  • Gumising!—1999
  • Kaparehong Materyal
  • Shark Bay—Hiwaga sa Karagatan
    Gumising!—2007
  • Tuklas sa Red Bay
    Gumising!—2005
  • Aco
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Malta
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 5/22 p. 16-17

Pagdalaw sa Look ng Lumulusong na Dragon sa Vietnam

ISANG maalinsangang umaga sa Hanoi, sumakay kami sa isang bus at naglakbay ng 165 kilometro pasilangan sa isa sa pinakamagagandang lugar sa Vietnam, ang kilala-sa-buong-daigdig na Ha Long Bay​—o Look ng Lumulusong na Dragon. Madalas naming marinig ang tungkol sa makapigil-hiningang karilagan ng look, at ngayon, sa wakas, makikita na namin iyon.

Tanghali na nang huminto ang aming bus sa gilid ng look. Ngunit hindi pa namin nararating ang aming pupuntahan. Kilalang-kilala ang Ha Long Bay hindi lamang sa tubig nitong kulay-esmeraldang berde kundi dahil din sa likas na kagandahan ng 3,000 isla na nakakalat sa lawak nito na 580 milya kudrado. Dahil hindi pare-pareho ang bawat isla, gusto naming dalawin ang ilan sa mga ito. Kaya sumakay kami ng isang bangka, at hindi nagtagal, tinahak namin ang isang di-malilimutang pakikipagsapalaran.

Mga isang oras na kaming naglalayag nang makarating kami sa isang napakagandang look na napalilibutan ng mumunting isla. Inihulog ng mga bangkero ang angkla. Oras na para sa nakarerepreskong paglangoy sa malamig at kulay-jade na berdeng tubig! Di-nagtagal at ang pagtatampisaw namin ay nakaakit sa isang grupo ng mauusisang bata na sumagwan sakay ng kanilang mumunting bangka upang salubungin kami. Ang mga bata at ang kani-kanilang pamilya ay pawang nakatira sa mga bahay na bangka, o mga junk (bangka ng mga Tsino), na nasa look.

Mahuhulaan mo marahil na ang mga nakatira sa Ha Long Bay ay mga mangingisda. Ngunit baka hindi mo alam na sila rin ay nagsasagawa ng isang naglalaho nang sining​—ang paggawa ng layag. Ganito ang sabi ni Michael Buckley sa Moon Travel Handbook on Vietnam: “Ang Halong ay isa sa mga nalalabing lugar kung saan ang mga layag ng bangka ay gawang-kamay pa rin ng mga pamilyang manggagawa ng layag. Ang magagaspang na panel ng koton ay pinagdurugtong sa pamamagitan ng sinulid na seda, na bawat dugtong ay tinatahi sa kamay. Upang hindi mabulok at amagin, ang nabuong layag ay inilulubog sa isang likido na galing sa isang halamang tugi na kamukha ng ugat ng beet. Ang layag ay inilulubog at pinatutuyo nang tatlo o apat na ulit, isang proseso na nagiging dahilan kung kaya ang layag ay nagiging kulay-pulang kayumanggi.”

Iniisip mo ba kung paano nakuha ng Ha Long Bay ang pangalan nito​—ang Look ng Lumulusong na Dragon? Wala naman kaming napansing dragon sa aming paglalakbay! Gayunman, nalaman namin na ayon sa alamat, ang mga isla ng Ha Long Bay ay likha ng isang malaking dragon na nakatira sa kabundukan. Ganito ang paliwanag ng The Lonely Planet Guidebook on Vietnam: “Habang tumatakbo [ang dragon] patungo sa baybayin, ang kumakampay na buntot nito ay humukay ng mga libis at mga bitak; nang tumalon ito sa dagat, ang mga lugar na hinukay ng buntot ay napuno ng tubig, anupat katiting na bahagi na lamang ng mataas na lupa ang nakikita.”

Sabihin pa, ang tunay na mga halimaw ay yaong hangin at tubig, na humubog sa mga islang ito upang magkaroon ng iba’t ibang hugis at sukat. Halimbawa, kung gagamitin mo ang iyong guniguni, makikita mo na ang Hon Ga Choi, Isla ng Tandang na Pansabong, ay talagang mukhang dalawang tandang na nagsasabong.

Takip-silim na nang makabalik kami sa daungan, anupat nasasabik na sa aming paglilibot sa kinabukasan. Pagkatapos mag-almusal kinaumagahan, naglayag kami upang makita nang mas malapitan ang ilan sa mga kuweba, o groto, sa lugar na iyon. Ang look ay natatakpan ng manipis na ulap, kung kaya ang lahat ay mukhang mahiwaga ang kagandahan. Pinuntahan namin ang ilang kuweba. Ang isa sa mga ito ay tinatawag na Hang Dau Go​—ang Groto ng mga Tulos na Kahoy. Iyon ay binubuo ng tatlong silid na pinagdurugtong ng 90 baytang. Paano nakuha ng kuweba ang pangalan nito? Nagpaliwanag ang aklat na The Lonely Planet Guidebook on Vietnam: “Nakuha ng kuweba ang Vietnames na pangalan nito mula sa ikatlong silid, na sinasabing ginamit noong ika-13 siglo upang pag-imbakan ng matutulis na kawayang tulos na itinanim [ng Vietnames na bayani sa hukbo na si] Tran Hung Dao sa pinakasahig ng Bach Dang River” upang hadlangan ang lumulusob na si Kublai Khan.

Inakyat namin ang kuweba at pumihit upang pagmasdan ang tanawin sa ibaba. Talagang kahanga-hanga ang nakita namin. Bilisan mo, kunin mo ang kamera! Habang nasa harap namin ang mga stalactite sa kuweba at banayad na umuugoy naman ang aming bangka sa kulay-turkesang berdeng look, nakakuha kami ng isang napakagandang litrato! Tunay na isang paraiso ng litratista at pangarap ng isang pintor ang Ha Long Bay.

Pagkaraan sa araw ding iyon, sumakay kami sa isang maliit na bangkang de-motor upang makita nang malapitan ang isang malaking isla. Biglang-bigla, kami’y nabalot ng pusikit na kadiliman. Para bang buung-buo kaming nilulon ng bundok! Dumaraan pala kami sa isang kuweba. Subalit hindi nagtagal, nakarating kami sa kabilang panig. Kamangha-mangha, nasumpungan namin ang aming sarili sa isang malaking lawa. Doon ay may matataas na pader na apog na nakapalibot. Nakakita kami ng mga halaman na nakakapit sa mga pader. Pinatay ng mga bangkero ang makina. Ang katahimikan ay nagagambala lamang ng mga huni ng ibon. Mananatili sa amin nang mahabang panahon ang mga alaala ng tahimik na sandaling iyon.

Bago namin namalayan, oras na pala para magbalik sa Hanoi. Parang hindi pa sapat ang aming pamamasyal. Gayunman, marami kaming dadalhing alaala sa aming pag-uwi​—ang kilu-kilong mga taluktok ng isla, naglalayag na mga bangka at, lalo na, ang Ha Long Bay, na isa lamang halimbawa ng kagandahan ng Vietnam.

Umaasa kaming makita ang iba pang kawili-wiling lugar sa magandang bansang ito. Pinasasalamatan namin ang Maylalang, ang Diyos na Jehova. sa paglalaan ng gayong pagkakasari-sari at kagandahan sa kaniyang mga nilalang at sa kaniyang pangako na balang araw, ang buong lupa ay hindi mababago gaya ng Ha Long Bay.​—Isinulat.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share