Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 10/8 p. 14-15
  • Tuklas sa Red Bay

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Tuklas sa Red Bay
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Pambihirang Kasaysayan Nito
  • Paano Natin Nalaman Ito?
  • Ito Kaya ang San Juan?
  • Isang Kawili-wiling Panonood sa mga Abuhing Balyena
    Gumising!—2003
  • Puerto Rico—Kayamanan sa Ilalim ng Araw
    Gumising!—2008
  • Pagdalaw sa Look ng Lumulusong na Dragon sa Vietnam
    Gumising!—1999
  • Kilalanin ang mga Balyena!
    Gumising!—2015
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 10/8 p. 14-15

Tuklas sa Red Bay

Mula sa manunulat ng Gumising! sa Canada

“HINDI ito ang dulo ng daigdig, pero matatanaw mo iyon mula rito,” baka sabihin ng ilan. Kung nakapasyal ka na sa Red Bay, sa silangan ng Canada, malamang na sasabihin mo ring halos dulo na nga ng daigdig ang lugar na ito. Ang maliit na komunidad na ito ay masusumpungan sa magandang baybayin ng Labrador, malapit sa Kipot ng Belle Isle. Bakit kakaiba at kaakit-akit ang tahimik na Red Bay pati na ang protektado nitong daungan?

Ang Pambihirang Kasaysayan Nito

Napakaraming namamasyal sa bayang ito kapag panahon na ng panonood ng mga balyena. Subalit noon, hindi ito ang dinarayo ng mga tao rito. Mahigit 400 taon na ang nakalilipas, ang mga right whale at bowhead whale rito ay hinuhuli dahil sa napakamahal nitong langis. Ayon sa isang reperensiya, “kapag nagkakaubusan . . . , $10,000 bawat bariles ang presyo [ng langis ng balyena] sa kasalukuyang halaga ng salapi.” Ang mga Basque na nanghuhuli ng balyena mula sa hangganang rehiyon ng Pransiya at Espanya ay kabilang sa kauna-unahang mga Europeo na gumamit sa likas na yaman ng Canada. Langis ng balyena ang pangunahing ginagamit sa mga lampara sa Europa noon. Ginawa rin itong lubrikante ng makina, sangkap ng sabon at kosmetik, at ginamit sa pagpoproseso ng katad, lana, at pintura. Sa huling kalahatian ng ika-16 na siglo, ang Red Bay ang pinakamalaking daungan ng mga nanghuhuli ng balyena sa daigdig. Kaya ang isa sa mga kilaláng kauna-unahang industriya ay naitatag sa Canada​—ang industriya ng panghuhuli ng balyena.

Paano Natin Nalaman Ito?

Dahil sa ebidensiyang dokumento na nasumpungan sa mga artsibo ng mga Basque, naakay ang pansin ng mga arkeologo at istoryador sa Red Bay. Ipinahihiwatig ng mga rekord na isang galeon ng mga Kastila na tinatawag na San Juan ang lumubog dito nang bumagyo noong 1565.

Dahil sa mga paghuhukay sa Saddle Island, malapit lamang sa baybayin ng Red Bay, natuklasan ang sinaunang mga kasangkapan na nauugnay sa sinaunang industriya ng panghuhuli ng balyena, gaya ng salapang na may dobleng simà sa dulo. Sa katunayan, makikita pa rin ng mga namamasyal sa kahabaan ng dalampasigan ang salansan ng mga pulang tisang ginamit na pambubong ng mga Kastila. Sa loob ng maraming taon, pinaglalaruan lamang ito ng mga bata roon. Ganito ang sinabi ng isang residente, “Ginamit naming pandrowing at pangulay ng mga larawan sa mga bato ang mga pulang tisa, anupat walang kamalay-malay kung ano ang pinaglalaruan namin!”

Noong tag-araw ng 1978, gamit ang isang lantsang de-deskarga sa layong humigit-kumulang 30 metro mula sa baybayin ng Saddle Island, nakakuha ng isang tablang ensina ang mga arkeologong nagsusuri sa ilalim ng karagatan. Mahalagang tuklas ito, yamang ang ensina ang kahoy na pinakamadalas gamitin ng mga Basque na tagagawa ng mga barko at hindi ito masusumpungan sa baybayin ng Labrador na walang mga pananim. Nang maglaon, natuklasan nila sa kanilang pagsisid ang mga labí ng barko na pinaniniwalaan nilang San Juan. Napreserba ang sasakyang pandagat dahil sa napakalamig na katubigan ng Red Bay. Natatakpan ito ng mga suson ng banlik sa sahig ng dagat na mga sampung metro ang lalim. Lumilitaw na nahati nang pahaba ang barko sa paglipas ng panahon dahil sa bigat ng mga kimpal ng yelo, anupat napatag ito na gaya ng isang nakabukas na aklat. Tuwang-tuwa ang mga arkeologo sa tuklas na ito, yamang ito ang kauna-unahang barkong pangkalakal noong ika-16 na siglo na halos buo pa rin nang mahukay sa mga lupain ng Amerika sa hilaga ng Florida.

Ito Kaya ang San Juan?

Nagkumayod ang mga maninisid upang mahukay ang sasakyang pandagat nang paisa-isang piraso at nilagyan nila ng numero ang bawat isa nito. Pagkatapos ng masusing pag-aaral, ibinalik muli ang sasakyang pandagat sa sahig ng karagatan upang mapreserba pa ito. Ano ang natuklasan? Ang barkong ito, na tinatayang 300 tonelada ang bigat, ay ginawa upang makatagal sa dagat, hindi upang hangaan ang kagandahan nito o bilang luho. Ang magkabilang dulo nito ay ginawang pakuwadrado upang matiyak na mailululan dito ang pinakamaraming kargamentong langis ng balyena na mailuluwas pabalik sa Espanya. Ipinahihiwatig ng sinaunang mga rekord hinggil sa lumubog na San Juan na punung-puno ito ng kargamentong langis ng balyena. Ang karamihan sa mga ito ay naisalba ng mga tripulante. Sa mas mabababang palapag ng nawasak na barko, natuklasan ng mga maninisid ang mga labí ng mga 450 bariles, maliwanag na ito ang mga naiwan dahil napakahirap isalba ng mga ito. Walang nasumpungang bangkay sa barko. Walang binabanggit sa dokumento ng mga Basque na may namatay nang lumubog ang barko. Ang mga pagkakatulad na ito ang dahilan kung bakit naniniwala ang mga mananaliksik na ang sasakyang pandagat na ito ay ang lumubog na San Juan. Bukod diyan, samantalang hinuhukay ang lumubog na galeon, natuklasan ang isang bangkang ginamit ng mga Basque sa paghuli ng balyena, na tinatawag na chalupa. Ang chalupa ay “isa sa mga pambihirang tagumpay ng tao sa teknolohiya ng paggawa ng barko,” ang sabi ni Robert Grenier, pinuno ng arkeolohiyang pandagat sa Parks Canada.

Sino ang mag-aakalang dating maunlad na sentro ng industriya ng panghuhuli ng balyena ang tahimik na Red Bay? Nagbago na talaga ang panahon. Gayunman, may munting mga bakas pa rin ng kasaysayan dito na maaaring makita ng lahat.

[Mga mapa sa pahina 14]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Labrador

Red Bay

Kipot ng Belle Isle

Isla ng Newfoundland

[Larawan sa pahina 15]

Modelo ng ipinapalagay na “San Juan” na pinaliit nang sampung beses

[Credit Line]

Parks Canada Agency, Photographer Denis Pagé

[Larawan sa pahina 15]

Dulong kanan: Maninisid na humuhukay sa lumubog na sasakyang pandagat

[Credit Line]

Bill Curtsinger/National Geographic Images Collection

[Larawan sa pahina 15]

Dulong kanan: Ang “right whale” ay isang nanganganib na uri

[Credit Line]

NOAA

[Larawan sa pahina 15]

Bangkang ginamit ng mga Basque sa paghuli ng balyena, isang “chalupa,” na natuklasan sa Red Bay

[Credit Line]

Parks Canada/Shane Kelly/1998

[Larawan sa pahina 15]

Red Bay

[Credit Line]

Photo courtesy of the Viking Trail Tourism Association

[Larawan sa pahina 15]

Pulang tisang ginamit na pambubong ng mga Kastila na malimit tangayin ng mga alon sa dalampasigan

[Credit Line]

Parks Canada/Doug Cook/1997

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share