Kung Paano Mapananatili ang Isang Malusog na Pangmalas
ANG kalakhang bahagi ng ating pisikal na kalusugan ay depende sa ating ipinapasok sa ating katawan. Kung ang isang tao ay laging kumakain ng mga sitsiriya, sa kalaunan ay mapipinsala ang kaniyang kalusugan. Kapit din ang simulaing ito sa ating mental na kalusugan.
Halimbawa, maaari mong maihalintulad ang mga bagay na ating ipinapasok sa ating isip sa isang uri ng mental na pagkain. Mental na pagkain? Oo, ang mga impormasyong nakukuha natin sa mga aklat, magasin, palabas sa telebisyon, video, mga laro sa video, sa Internet, at mga liriko ng mga awitin ay nakaaapekto sa ating pag-iisip at sa ating personalidad kung paanong naaapektuhan ng literal na pagkain ang ating katawan. Paano?
Sumulat ang dating advertising executive na si Jerry Mander hinggil sa epekto ng telebisyon sa ating buhay: “Higit sa iba pang espesipikong epekto, ang telebisyon ay naglalagay ng mga larawan sa ating utak.” Gayunman, hindi lamang tayo inaaliw ng mga larawang iyon sa isip. Ganito ang sabi ng magasing The Family Therapy Networker: “Ang pananalita, mga larawan, tunog, ideya, karakter, situwasyon, pamantayan, opinyon ng media ang nagiging laman ng ating isip, kalooban at mga imahinasyon.”
Oo, napapansin man natin ito o hindi, ang ating isip at kalooban ay maaaring matangay ng ating napapanood sa telebisyon at ng iba pang uri ng libangan nang hindi natin namamalayan. At naririyan ang panganib. Gaya ng sabi ni Mander, “tayong mga tao ay unti-unting nagiging kagaya ng anumang larawang nasa ating isip.”
Lason sa Utak
Maraming tao na bagaman maaaring maingat na sumusubaybay sa kanilang pisikal na pagkain ay walang-ingat na sumasakmal naman sa anumang mental na pagkaing inihahain sa kanila sa pamamagitan ng media. Halimbawa, may narinig ka na bang nagsasabi: “Wala namang magandang mapanood sa TV!” Ang ilan ay waring nagagayuma, anupat walang-tigil sa paglilipat ng mga channel sa pag-asang makakita ng magandang mapapanood. Hindi man lamang sumagi sa kanilang isip na patayin na lamang ang TV!
Bukod pa sa maraming oras na nauubos, maraming palabas ang nagtatampok ng mga temang iniiwasan ng mga Kristiyano. “Bukod sa malalaswang pananalita,” sabi ng manunulat ng sining na si Gary Koltookian, “nagiging mas madalas ngayon ang pagpapalabas ng mga tema tungkol sa kontrobersiya at sekso kaysa noon.” Sa katunayan, natuklasan ng isang pag-aaral kamakailan sa Estados Unidos na ang mga tagpo may kinalaman sa sekso ay lumilitaw sa aberids na 27 ulit bawat oras sa dakong gabi sa panahong maraming nanonood.
Nag-iisip tuloy ang isa hinggil sa nagiging epekto nito sa pag-iisip ng mga tao. Sa Hapon, isang sikat na drama sa telebisyon ang nakabighani ng napakaraming tao anupat sinabi ng media sa bansa na ito’y lumikha ng “biglang pagdami ng pangangalunya.” Isa pa, ganito ang sabi ng mga awtor ng aklat na Watching America: “Karamihan sa mga anyo ng kaugalian sa sekso ngayon ay . . . itinuturing na legal na mga pagpili ng istilo ng pamumuhay.”
Magkagayunman, bahagi lamang ng problema ang mga programa sa TV na nagpopropaganda ng mga tema tungkol sa sekso. Palasak din ang detalyadong mga pagsasalarawan ng karahasan. Ang lalo nang nakababahala ay ang nakapipinsalang epekto na idinudulot ng mararahas na programa sa TV at pelikula sa musmos at madaling maimpluwensiyahang isipan. “Kapag napapanood ng mga bata sa TV na may binabaril, sinasaksak, hinahalay, pinagmamalupitan, inaalipusta, o kaya’y pinapaslang,” sabi ni David Grossman, isang retiradong opisyal ng hukbo at eksperto sa sikolohiya ng pagpatay, “para sa kanila, ito’y para bagang aktuwal na nangyayari.” Bilang komento sa problema ring ito, sinabi ng The Journal of the American Medical Association: “Hanggang sa edad na 3 at 4, maraming bata ang hindi nakauunawa kung alin ang totoo at kung alin ang pantasiya sa mga programa sa telebisyon at nananatiling hindi nakauunawa sa kabila ng pagpapaliwanag niyaong may hustong gulang.” Sa ibang pananalita, kahit na sabihin pa ng isang magulang sa bata na, ‘Hindi naman talagang namatay ang mga taong iyan; nagkukunwari lamang sila,’ hindi pa rin maabot ng isip ng bata ang pagkakaiba. Para sa isang bata, ang karahasan sa TV ay totoong-totoo.
Bilang pagbubuod sa epekto ng “karahasan sa media,” sinabi ng magasing Time: “Ilang mananaliksik na lamang ang tututol na ang pagdanak ng dugo sa TV at sa pelikula ay may epekto sa mga batang nakapapanood nito.” Anong uri ng epekto mayroon ito? “Nagtagumpay ang mararahas na libangan sa loob ng ilang dekada na baguhin ang pangmalas at mga pamantayan ng mga tao,” sabi ng kritiko sa pelikula na si Michael Medved. Dagdag pa niya: “Hinding-hindi na ito maituturing na isang positibong pagsulong para sa isang lipunan kapag naiwala nito ang kakayahang masindak.” Hindi nga kataka-taka na sabihin ng isang manunulat na ang pagsasama sa isang apat-na-taóng-gulang na bata sa mararahas na pelikula “ay lason sa [kaniyang] utak.”
Mangyari pa, hindi naman ibig sabihin nito na lahat ng programa sa telebisyon ay masama. Ganiyan din naman ang mga aklat, magasin, video, mga laro sa computer, at iba pang uri ng libangan. Ngunit maliwanag na karamihan sa tinatawag na libangan ay di-angkop sa mga nagnanais na mapanatili ang malusog na pangmalas.
Piliin ang Libangan Nang May Katalinuhan
Ang mga larawang inihahatid sa ating isip sa pamamagitan ng mga mata ay may makapangyarihang impluwensiya sa ating pag-iisip at pagkilos. Halimbawa, kung palagi nating pupunuin ang ating isip ng imoral na libangan, hihina ang ating determinasyon na sundin ang utos ng Bibliya na “tumakas mula sa pakikiapid.” (1 Corinto 6:18) Sa katulad na paraan, kung natutuwa tayo sa libangan na nagtatampok ng “mga taong nagsasagawa ng bagay na nakasasakit,” mahihirapan tayong ‘makipagpayapaan sa lahat ng tao.’ (Awit 141:4; Roma 12:18) Upang maiwasan ito, dapat nating ibaling ang ating mga mata palayo sa mga “walang-kabuluhang” bagay.—Awit 101:3; Kawikaan 4:25, 27.
Ipagpalagay nang dahil sa di-kasakdalan, tayong lahat ay kailangang makipagpunyagi upang magawa ang tama. Buong-katapatang inamin ni apostol Pablo: “Tunay ngang nalulugod ako sa batas ng Diyos ayon sa aking pagkatao sa loob, ngunit nakikita ko sa aking mga sangkap ang isa pang batas na nakikipagdigma laban sa batas ng aking pag-iisip at dinadala akong bihag sa batas ng kasalanan na nasa aking mga sangkap.” (Roma 7:22, 23) Ibig bang sabihin nito na si Pablo ay napadala sa kaniyang makalamang mga kahinaan? Hinding-hindi! Sabi niya: “Binubugbog ko ang aking katawan at ginagawa itong alipin, upang . . . ako mismo ay huwag maging di-sinang-ayunan sa paanuman.”—1 Corinto 9:27.
Gayundin, hindi natin kailanman idadahilan ang ating di-kasakdalan para sa kasalanan. Sinabi ng manunulat ng Bibliya na si Judas: “Mga iniibig, . . . nasumpungan kong kinakailangang sulatan kayo upang masidhing magpayo sa inyo na makipaglaban nang puspusan ukol sa pananampalataya na ibinigay nang minsanan sa mga banal.” (Judas 3, 4) Oo, kailangan nating “makipaglaban nang puspusan” at layuan ang mga libangan na nag-uudyok sa atin na gumawa ng masama.a
Hanapin ang Patnubay ng Diyos
Ang paglilinang ng isang malusog na pangmalas ay hindi laging madali sa sistemang ito ng mga bagay. Gayunman, tinitiyak sa atin ng Bibliya na posibleng makapanatiling malinis kapuwa sa mental at moral. Paano? Sa Awit 119:11, mababasa natin: “Sa aking puso ay pinakaingatan ko ang iyong pananalita, upang hindi ako magkasala laban sa iyo.”
Ang pag-iingat sa pananalita ng Diyos ay nangangahulugang mamalasin ang mga iyon bilang napakahalaga o bibigyan ang mga ito ng importansiya. Maliwanag, mahihirapan tayong pahalagahan ang Bibliya kung hindi natin alam ang sinasabi nito. Kung kukuha tayo ng tumpak na kaalaman mula sa Salita ng Diyos, mapapasaatin ang pag-iisip ng Diyos. (Isaias 55:8, 9; Juan 17:3) Sa kabilang dako naman, pauunlarin tayo nito sa espirituwal at itataas ang ating pag-iisip.
Mayroon bang mapananaligang panukat upang malaman kung ano ang nakapagpapalusog sa espirituwal o mental? Oo! Nagpayo si apostol Pablo: “Anumang mga bagay na totoo, anumang mga bagay na seryosong pag-isipan, anumang mga bagay na matuwid, anumang mga bagay na malinis, anumang mga bagay na kaibig-ibig, anumang mga bagay na may mabuting ulat, anumang kagalingan ang mayroon at anumang kapuri-puring bagay ang mayroon, patuloy na isaalang-alang ang mga bagay na ito.”—Filipos 4:8.
Ngunit upang makatanggap tayo ng tunay na pakinabang, higit pa ang kailangan kaysa sa basta pagkuha lamang ng kaalaman ng Diyos. Sa ilalim ng pagkasi, sumulat ang propetang si Isaias: “Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang Isa na nagtuturo sa iyo upang makinabang ka, ang Isa na pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran.” (Isaias 48:17) Oo, hindi lamang ang paghanap sa patnubay ng Diyos ang kailangan natin kundi kailangan din na kumilos ayon sa kaalamang iyon.
Ang isa pang paraan upang makinabang sa moral at espirituwal ay ang pagtawag kay Jehova, ang “Dumirinig ng panalangin.” (Awit 65:2; 66:19) Kung tayo’y tapat at mapagpakumbabang lalapit sa ating Maylalang, pakikinggan niya ang ating pagsusumamo. At kung “hahanapin ninyo siya, hahayaan niyang siya ay masumpungan.”—2 Cronica 15:2.
Kaya nga, posible bang mapanatili ang ating mental na kalusugan sa marahas at imoral na daigdig na ito? Posibleng-posible! Kung hindi natin pahihintulutan ang ating isip na maging manhid dahil sa mga libangan ng daigdig na ito, kung pauunlarin natin ang ating kakayahang mag-isip sa pamamagitan ng pag-aaral ng Salita ng Diyos, at kung hahanapin natin ang patnubay ng Diyos, mapananatili natin ang isang malusog na pangmalas!
[Talababa]
a Para sa higit pang impormasyon sa pagpili ng mabubuting libangan, tingnan ang Gumising!, Mayo 22, 1997, pahina 8-10.
[Blurb sa pahina 9]
“Maraming bata ang hindi nakauunawa kung alin ang totoo at kung alin ang pantasiya sa mga programa sa telebisyon”
[Blurb sa pahina 11]
“Nagtagumpay ang mararahas na libangan sa loob ng ilang dekada na baguhin ang pangmalas at mga pamantayan ng mga tao”
[Kahon sa pahina 11]
Bawasan ang Iyong Panganib na Magkasakit sa Puso
Iminumungkahi ng Nutrition Action Healthletter ang sumusunod na mga hakbang upang matulungan kang mabawasan ang iyong panganib na magkasakit sa puso.
● Tigilan ang paninigarilyo. Ang pag-aalis nito ngayon ay magbabawas sa iyong panganib na magkasakit sa puso sa loob ng isang taon, kahit na tumaba ka pa.
● Magbawas ng timbang. Kung ikaw ay sobra sa timbang, malaki ang magagawa ng pagbabawas kahit lima hanggang sampung libra lamang.
● Mag-ehersisyo. Ang regular na pag-eehersisyo (di-kukulangin sa tatlong beses sa isang linggo) ay tumutulong na mapababa ang masamang kolesterol (LDL), maingatan ang pagtaas ng presyon ng dugo, at maalis ang sobrang timbang.
● Bawasan ang pagkain ng taba mula sa hayop. Kapag mataas ang iyong LDL, palitan ng mga laman ng karne at subukin ang 1-percent (low-fat) na gatas o skim (fat-free) na gatas sa halip na 2-percent na gatas.
● Limitahan ang pag-inom ng alak. May mga indikasyon na maaaring mabawasan niyaong mga katamtamang umiinom ng pulang alak ang panganib na magkasakit sa puso.
● Kumain ng mas maraming prutas, gulay, at iba pang pagkaing mayaman sa natutunaw na himaymay.
[Larawan sa pahina 8]
Ang karahasan sa TV ay parang lason sa utak ng isang bata
[Larawan sa pahina 9]
Kung minsan ay tinutularan ng mga bata ang karahasang napapanood nila sa TV
[Larawan sa pahina 10]
Matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak sa pamamagitan ng paglalaan sa kanila ng iba’t ibang mahuhusay na babasahin