Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 9/22 p. 26-27
  • “Sadyang Isinulat ang Gumising! na Ito Para sa Amin”!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Sadyang Isinulat ang Gumising! na Ito Para sa Amin”!
  • Gumising!—1999
  • Kaparehong Materyal
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1999
  • Ingatan ang Dignidad ng Pasyente
    Gumising!—1998
  • Kung ano ang Magagawa ng mga Tagapag-aruga
    Gumising!—1998
  • Pagharap sa Alzheimer’s Disease
    Gumising!—1998
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 9/22 p. 26-27

“Sadyang Isinulat ang Gumising! na Ito Para sa Amin”!

ITINAMPOK ng labas ng Setyembre 22, 1998 na Gumising! ang serye sa pabalat na “Alzheimer’s Disease​—Iniibsan ang Kirot.” Maraming mambabasa ang nagpahayag ng kanilang matinding pagpapahalaga sa nakatutulong na mga mungkahi na nasa seryeng ito. Ang sumusunod ay ilan sa kanilang mga komento.

“Mula nang masuri ang kundisyon ng aking asawang lalaki na may Alzheimer’s disease mahigit na dalawang taon na ang nakalipas, marami na akong nabasa may kinalaman sa paksang ito. Ang Gumising! ang may pinakamainam na materyales. Maikling binuod nito ang lahat ng iba pang bagay na nabasa ko na. Ibinahagi namin ang mga kopya nito sa mga doktor at iba pa sa ospital kung saan pasyente ang aking asawa.”​—M. L., Estados Unidos.

“Dalawang taon na ang nakalipas nang mamatay si nanay sa gulang na 83. Naging tapat na Saksi siya mula pa noong 1937. Isang masakit na karanasan ang makita na humihina ang kaniyang isip at katawan. Salamat sa kapaki-pakinabang at nakaaaliw na impormasyong ito. Magiging napakahalaga ang mga artikulong ito sa pagtulong sa mga ganitong maysakit at sa mga tagapag-aruga sa kanila upang makayanan nila ang kalunus-lunos at nakatatakot na kalagayan.”​—D. C., Estados Unidos.

“Waring inaakala ng kanilang doktor at ng ibang propesyonal na ang aking ina at ang kaniyang kapatid na babae ay may Alzheimer’s disease, kaya ipinadala ko ang magasin sa aking tiyo. Sumagot siya: ‘Nasumpungan ko ang napakaraming impormasyon tungkol sa AD [Alzheimer’s disease] sa aking paggamit ng computer​—napakarami anupat wala na akong panahon upang suriin ang lahat. Binasa ko ang mga artikulo sa Gumising! na ipinadala mo sa akin, at totoong masasabi ko sa iyo na ang mga ito’y naglalaman ng tamang dami ng impormasyon na isinulat din sa paraang madaling maunawaan! Puwede bang ipasa ko ito sa iba pa sa pamilya pagkatapos kong basahin itong muli?’”​—B. E., Canada.

“Ako’y isang estudyante ng narsing na nasa ikaapat na taon, at nais kong purihin kayo sa inyong serye tungkol sa AD. Nagbigay ito ng maraming makabagong mga mungkahi na katulad ng mga lektyur namin sa Gerontology-Alzheimer’s. Binabalak kong gamitin ang mga artikulong ito kapag nag-aalaga sa aking mga pasyente at kapag tumutulong sa mga tagapag-aruga sa kanila.”​—G. L., Estados Unidos.

“Namatay ang aking ina noong Agosto 18, 1998. Natanggap ko ang magasing ito noong linggo ring iyon. Ang AD ay isang napakasakit na karamdaman, lalo na sa dakong huli​—hindi lamang para sa mga biktima kundi para rin naman sa kanilang mga minamahal. Tiyak na pinatunayan ng mga artikulo na nakikita ni Jehova ang nararanasan namin. Labis naming pinahahalagahan ang kaniyang maibiging pagmamalasakit!”​—M. S., Estados Unidos.

“Nais ko kayong pasalamatan nang buong puso sa mga artikulong ito. Nag-aaral ako upang tumulong sa mga taong apektado ng karamdamang ito. Talagang kapaki-pakinabang sa akin ang impormasyon.”​—T. N., Italya.

“Ang aking lola, na pinahihirapan ng dementia, ay kapisan ko sa nakalipas na taon. Lumalâ pa siya anupat naging magagalitin at lubhang masama ang loob niya sa akin. Nadama ko na parang binigo ko ang aking pamilya at si Jehova. Matapos kong basahin ang inyong mga artikulo, natiyak ko ang aking mga pagkakamali at nakita ko kung paano ko mababago ang aking pakikitungo sa kaniyang kalagayan. Naunawaan ko ngayon kung gaano kahalaga na magpakita sa tuwina ng konsiderasyon sa kaniyang mga limitasyon.”​—S. S., Estados Unidos.

“Kaming mag-asawa ay mga payunir, buong-panahong mga ebanghelisador, sa loob ng maraming taon. Masakit para sa amin na huminto, subalit kailangan naming tumulong upang alagaan ang aking ina. Nakabasa na ako ng ibang mga aklat at mga artikulong may kinalaman sa paksang Alzheimer’s disease, subalit labis na naantig ang aking puso nang dumating ang kapaki-pakinabang na impormasyon mula sa organisasyon ni Jehova. Itatabi ko ang mga artikulong ito upang mabasa ko ang mga ito nang maraming ulit.”​—P. M., Estados Unidos.

“Ako po ay 12 taóng gulang. Napukaw po ang interes ko sa mga artikulo tungkol sa Alzheimer’s disease sapagkat ang aking lolo sa tuhod ay pinahihirapan ng karamdamang ito at gayundin ang isang mahal na may edad nang Kristiyanong kapatid na babae na kilala ko. Natulungan ako ng mga artikulong ito na makita kung ano ang magagawa ko, at nagbigay ito sa akin ng mas mabuting pagkaunawa hinggil sa karamdamang ito. Anong laking ligaya ko kapag dumating na ang araw na ‘walang sinumang tumatahan ang magsasabi: “Ako ay may-sakit”’!” (Isaias 33:24)​—P. W., Estados Unidos.

“Agad naming tinalakay ng aking 15-anyos na anak na babae ang pangunahing mga punto sa labas na ito. Ang mga mungkahi na magkaroon ng magiliw na ekspresyon ng mukha, magsalita sa banayad na tinig, ingatan ang dignidad ng maysakit sa pamamagitan ng hindi pagtutuwid sa mga pagkakamali, at iba pa, ay lalo nang kapaki-pakinabang. Hangad kong ipamahagi ang magasing ito sa mga manggagawa sa day-care.”​—Y. K., Hapón.

“Hindi maipahayag ng mga salita ang laki ng pasasalamat ng aming pamilya sa inyong napakagandang mga artikulo. Nang hindi na mapangalagaan ng aking biyenang-babae ang kaniyang sarili, dinala namin siya sa Estados Unidos upang manirahang kasama namin. Siya’y 80 anyos, at ang pagbabago ay lubhang nakapinsala sa kaniya. Hindi namin maintindihan kung bakit siya lumala hanggang sa nabasa namin ang mga artikulo sa Gumising! Ang masusing paliwanag hinggil sa karamdamang ito at kung paano pakikitunguhan ang pasyente ang sumagot sa maraming katanungan na hindi masagot kahit ng kaniyang mga doktor. Pakisuyong tanggapin ninyo ang aming pasasalamat, at harinawang patuloy na pagpalain ni Jehova ang inyong mga pagsisikap upang tulungan kaming lahat.”​—O. S., Estados Unidos.

“Nais ko kayong batiin sa masusing paliwanag ng mga artikulong ito. Dumating ang mga ito nang kailangan naming alagaan ang aming lola. Inaakala ng aming pamilya na sadyang isinulat ang Gumising! na ito para sa amin sapagkat nagbigay ito sa amin ng kaaliwan at tulong nang kailanganin namin ito. Salamat sa mga artikulong gaya nito. Lagi itong dumarating sa tamang panahon.”​—R. N., Zambia.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share