Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Ano ba ang Masama sa Pagpuslit sa Gabi?
“Pumupuslit kami sa hatinggabi at pumupunta sa isang kapihan upang makasama ang iba pa. Pagkatapos ay nagbababád kami sa isang buról. Lahat ng mga kabataan ay naninigarilyo, bagaman hindi ko ginawa iyon kailanman. Nauupo kami at pinag-uusapan namin ang kahit na anong bagay at nakikinig kami sa musikang heavy metal. Pagkatapos ay uuwi kami nang 5:00 n.u. bago gumising ang aking mga magulang.”—Tara.a
“Kapag nagtungo na sa trabaho ang aking itay at tulog na ang aking inay, pumupuslit ako sa harapang pintuan ng aming bahay. Iniiwan ko itong bukas upang hindi marinig ni inay kapag isinasara ko ito—bakal kasi ang pintuan. Nagbababád ako kasama ang aking mga kaibigan nang buong magdamag. Pagkatapos, sa umaga, kapag umaraw na, sinisikap kong muling pumasok sa bahay nang palihim. Kung minsan ay natutuklasan ni inay na wala ako at ikinakandado niya ang pintuan para hindi na ako makapasok.”—Joseph.
PAGPUSLIT SA GABI—tila kapana-panabik at kasiya-siya ito. Ito ang pagkakataon mo na maranasang mabuhay nang nagsasarili sa loob ng ilang oras, isang pagkakataon upang magawa mo ang gusto mo at makasama ang gusto mong makasama nang hindi mananagot sa kaninuman. Tutal, baka narinig mong ipinagmamalaki ng iyong mga kasamahan ang mga bagay na ginagawa nila at ang kasiyahan na natatamasa nila kapag pumupuslit sila sa gabi. Kaya baka lubhang kaakit-akit para sa iyo na subukang sumama sa kanila.
Sa isang surbey sa 110 estudyante na nasa kategoryang junior at senior sa haiskul sa Hilagang Amerika, 55 ang umamin na sila’y pumuslit sa gabi nang di-kukulangin sa isang beses. Karamihan sa kanila ay unang gumawa ng ganito sa edad na 14. Napakalubha ng problemang ito anupat ilang eksperto ang nagrekomenda na maglagay ang mga magulang ng mga electronic alarm system sa kanilang mga tahanan upang mapigilan ang pag-alis ng kanilang mga anak nang walang paalam. Bakit ba napakaraming kabataan ang pumupuslit sa gabi sa kabila ng panganib na sila’y mapagalitan ng kanilang mga magulang?
Kung Bakit ang Iba ay Pumupuslit sa Gabi
Kung minsan, pumupuslit ang mga kabataan dahil lamang sa sila’y nababagot at nagnanais na magsaya kasama ng kanilang mga kaibigan. Ipinaliliwanag ng aklat na Adolescents and Youth na baka pumupuslit ang mga kabataan “dahil sa isang pagbabawal, halimbawa, dahil sa maagang curfew o paghihigpit na humahadlang sa kanila sa pagpunta sa isang sosyal na pagtitipon. Magkagayunman ay tumutuloy pa rin ang kabataan at kung minsan ay nakababalik siya sa bahay nang hindi nabibisto.” Isang 16-taóng-gulang na kabataang babae ang nagpaliwanag hinggil sa kaniyang mga dahilan sa pagpuslit sa gabi. “Para bang ako’y isang sanggol at wala akong kalayaan na mamuhay na gaya ng gusto ko,” sabi niya. “Higit na mas maaga ang aking curfew kaysa sa kaninuman. At hindi ako pinapayagan ng aking mga magulang na pumunta sa mga lugar na pinupuntahan ng aking mga kaibigan . . . Kaya siyempre, pumupunta rin ako at nagsisinungaling.” Si Joseph, na binanggit sa pasimula, ay nagsimulang pumuslit sa gabi sa edad na 14 nang pumunta siya sa isang rap concert na ipinagbawal ng kaniyang mga magulang na puntahan niya.
Totoo, ang karamihan sa mga kabataan ay wala namang masamang mga motibo sa pagpuslit sa gabi. Si Tara, isa sa mga kabataan na sinipi sa pasimula, ay nagsabi: “Ang unang nasa isip namin ay hindi naman ang ‘Tayo na at gumawa tayo ng malubhang kasalanan.’ Gusto ko lamang makasama ang aking kapatid na babae, at gusto niyang lumabas at magsaya kasama ng kaniyang mga kaibigan.” Sinabi ni Joseph: “Nagbababád lamang kami sa isang lugar. Gusto kong makausap at makasama ang aking mga kaibigan.” Subalit bagaman ang pagbababád kasama ng mga kaibigan ay maaaring bihirang umakay sa malulubhang krimen, maraming kabataan ang talagang napapasangkot sa malulubhang problema.
Ang mga Panganib
Nangatuwiran ang isang propesyonal sa mental na kalusugan na si Dr. Lynn E. Ponton: “Normal para sa mga tin-edyer na sumuong sa mga panganib.” Ipinaliwanag pa ni Dr. Ponton na normal at baka nakabubuti pa nga para sa mga kabataan na maghangad na maging malaya, na sumubok ng mga bagong bagay, na masangkot sa mga bago at kawili-wiling mga situwasyon. Bahagi ito ng paglaki. Ngunit maraming kabataan ang sumusuong sa panganib na higit sa makatuwirang mga hangganan—lalo na kapag sila ay malayo sa paningin ng kanilang mga magulang. Sabi ng magasing Teen: “Isang pormula ng panggigipit ng mga kasamahan, pagkabagot, lakas na di-naiuukol sa tamang layunin at marahil ay iba pang pangganyak tulad ng serbesa . . . ang maaaring umakay sa mga tin-edyer na may-kamaliang sumuong sa panganib—at kapalit nito ay ang kanilang buhay.” Inilista ng isang surbey ang ilan sa mga mapanganib na gawain ng mga tin-edyer, tulad ng matuling pagmamaneho, bandalismo, pagmamaneho nang lasing, at pagnanakaw.
Minsang sinubukan mong sumuway, madali ka nang masangkot sa mas malulubhang kasalanan. Tulad ito ng sinabi ni Jesus sa Lucas 16:10: “Ang taong di-matuwid sa pinakakaunti ay hindi rin matuwid sa marami.” Hindi kataka-taka kung gayon na ang pagpuslit sa gabi na kasama ng mga kaibigan ay maaaring umakay sa malulubhang kasalanan. Si Tara ay nakiapid. Si Joseph naman ay nagsimulang magbenta ng droga, naaresto, at nabilanggo. Isang kabataang Kristiyano na nagngangalang John ang nagsimulang mag-abuso sa droga at magnakaw ng mga kotse. Nakalulungkot, maraming kabataan ang umaani rin ng pisikal na pinsala na resulta ng gayong paggawi—di-ninanais na pagdadalang-tao, sakit na naililipat sa pagtatalik, o pagkasugapa sa inuming de-alkohol o droga.—Galacia 6:7, 8.
Ang Pinsala
Ang higit na mapangwasak kaysa sa pinsala sa iyong katawan ay maaaring ang pinsala sa iyong damdamin. Maaaring makapagpahirap nang husto sa iyo ang isang nababagabag na budhi. (Awit 38:3, 4) Sabi ni Joseph: “May kasabihan na hindi mo alam kung gaano kahalaga ang isang bagay na taglay mo hangga’t hindi mo ito naiwawala. Kung minsan ay ginugunita ko ang nakaraan at hindi ako makapaniwalang napakasarado ng isip ko.”
Hindi rin dapat kaligtaan ang posibleng pinsala sa iyong reputasyon. Sabi ng Eclesiastes 10:1: “Mga patay na langaw ang nagpapabaho at nagpapabula sa langis ng manggagawa ng ungguento. Gayon ang ginagawa ng kaunting kamangmangan sa isa na pinahahalagahan dahil sa karunungan at kaluwalhatian.” Noong sinaunang panahon, ang mahalagang ungguento o pabango ay maaaring masira ng isang bagay na kasinliit ng isang patay na langaw. Gayundin naman, ang mabuting reputasyon na pinaghirapan mo ay maaaring masira dahil lamang sa “kaunting kamangmangan.” At kung ikaw ay isang Kristiyano, ang gayong maling paggawi ay walang alinlangang hahadlang sa iyo sa pagkakaroon ng mga pribilehiyo sa kongregasyon. Kung sa bagay, paano mo mapasisigla ang iba na sumunod sa mga simulain ng Bibliya kung alam ng iba na hindi mo rin iyon ginagawa?—Roma 2:1-3.
Sa wakas, isaalang-alang ang kirot na maidudulot sa iyong mga magulang kapag natuklasan nila na ikaw ay wala. Isang magulang ang naglahad ng kaniyang pagkatakot nang matuklasan niya na ang kaniyang 15-taóng-gulang na anak na babae ay wala sa bahay. Inilalarawan niya na silang mag-asawa ay ‘halos mawala sa kanilang sarili’ sa pag-aalala dahil hindi nila alam kung saan nagpunta ang kanilang anak. Gusto mo bang magdulot ng gayong kirot at pighati sa iyong mga magulang?—Kawikaan 10:1.
Pagtatamo ng Higit na Kalayaan
Mauunawaan naman, nakasisira ng loob kung ang iyong mga magulang ay tila sobrang istrikto. Ngunit ang pagpuslit ba sa gabi ang sagot? Halos kadalasan ay mabibisto ka rin sa dakong huli. Kahit na talagang tuso ka sa panlilinlang sa iyong mga magulang, nakikita ng Diyos na Jehova ang iyong mga gawa, kahit na yaong ginagawa sa kadiliman ng gabi. (Job 34:21) Sa malao’t madali ay mahuhuli ka, na malamang na makasisira sa anumang tiwala ng mga magulang mo sa iyo bago ang gayong pangyayari. Ang resulta? Maiwawala mo ang mismong bagay na hinahangad mo—kalayaan!
Tandaan: Upang matamasa ang kalayaan, kailangang makamit mo ang tiwala ng iyong mga magulang. At ang pinakamahusay na paraan upang magawa iyan ay ang maging masunurin lamang sa kanila. (Efeso 6:1-3) Kung sa tingin mo ay tila hindi makatuwiran ang iyong mga magulang, ipakipag-usap ito nang prangkahan—at nang may paggalang—sa kanila. Maaaring lubos na isaalang-alang nila ang sasabihin mo. Sa kabilang dako naman, maaaring malaman mo na may mabubuting dahilan sila kung bakit ka nila pinagbabawalan. Kahit na hindi ka sumasang-ayon, huwag mong kalilimutan na mahal ka nila at nasa isip nila ang pinakamabuti para sa iyo. Patuloy mong palakihin ang pagtitiwala nila sa iyo, at sa takdang panahon ay matatamo mo ang kalayaang hinahangad mo.b
‘Huwag Kang Sumama sa Kanila’
Noong sinaunang panahon, madalas na tinutukso ang mga kabataang may takot sa Diyos na makisali sa mahalay na paggawi ng kanilang mga kasamahan. Kaya hinimok ni Solomon ang mga kabataan: “Anak ko, kung hihikayatin ka ng mga makasalanan, huwag kang pumayag. . . . Huwag kang yumaong kasama nila sa daan.” (Kawikaan 1:10, 15) Sundin ang payong iyan kapag hinihikayat kang pumuslit sa gabi ng diumano’y mga kaibigan. Higit pang nagbabala si Solomon: “Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli, ngunit ang mga walang-karanasan ay dumaraan at daranas ng kaparusahan.”—Kawikaan 22:3.
Kung pumupuslit ka na sa gabi, ihinto mo na ito! Pipinsalain mo lamang ang iyong sarili sa kalaunan. Ipaalam mo sa iyong mga magulang ang ginagawa mo, at harapin ang anumang kaparusahan o pagbabawal na maaaring ipataw nila. Kung kinakailangan, pumili ng bagong mga kaibigan—mga kaibigan na magiging mabuting impluwensiya sa iyo. (Kawikaan 13:20) Humanap ng higit na kapaki-pakinabang at hindi mapanganib na mga paglilibang.
Higit sa lahat, patibayin mo ang iyong espirituwalidad sa pamamagitan ng pagbabasa ng Bibliya at pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong. “Paano lilinisin ng isang kabataang lalaki ang kaniyang landas?” tanong ng salmista. Sumagot siya: “Sa pananatiling mapagbantay ayon sa . . . salita [ng Diyos].” (Awit 119:9) Habang unti-unti mong binabago ang iyong pag-iisip upang gawin ang tama, iyong mahihinuha na bagaman ang pagpuslit sa gabi ay maaaring kasiya-siya at kapana-panabik, hindi talaga sulit ang mga panganib nito.
[Mga talababa]
a Binago ang mga pangalan.
b Para sa impormasyon sa pagkakamit ng higit pang kalayaan, tingnan ang kabanata 3 ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Blurb sa pahina 27]
“Hindi ako pinapayagan ng aking mga magulang na pumunta sa mga lugar na pinupuntahan ng aking mga kaibigan . . . Pumupunta pa rin ako at nagsisinungaling”
[Larawan sa pahina 26]
Madalas na umaakay sa malulubhang suliranin ang pagpuslit sa gabi