Alam Mo Ba?
(Ang mga sagot sa maikling pagsusulit na ito ay masusumpungan sa binanggit na mga teksto sa Bibliya, at ang buong talaan ng mga sagot ay nasa pahina 19. Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang publikasyong “Insight on the Scriptures,” na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.)
1. Upang mapagtakpan ang kasalanan niya may kaugnayan kay Bat-sheba, ano ang ginawa ni David bilang huling solusyon? (2 Samuel 11:15-17)
2. Mula sa ano inanyuan ang unang babae? (Genesis 2:22)
3. Sa paggawi ng anong mga hayop inihambing ni Pedro ang paggawi niyaong mga tumatalikod sa “landas ng katuwiran”? (2 Pedro 2:21, 22)
4. Sa kapanahunan nino pinasimulan ang “pagtawag sa pangalan ni Jehova”? (Genesis 4:26)
5. Sino ang unang hari ng Israel, at ano ang pangalan ng kaniyang ama? (Gawa 13:21)
6. Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, ilan ang pinakamababang bilang ng mga saksi na kailangan upang mahatulan ng kamatayan ang isang tao? (Deuteronomio 17:6)
7. Sino ang tinukoy ni Pablo na “siyang pinagkakautangan ng pangalan ng bawat pamilya sa langit at sa lupa”? (Efeso 3:14, 15)
8. Sa ano napabantog ang mga anak ni Lamec na sina Jabal at Jubal? (Genesis 4:20, 21)
9. Gaya ng pinatotohanan kapuwa nina Santiago at Pedro, kanino ibinibigay ng Diyos ang “di-sana-nararapat na kabaitan”? (Santiago 4:6; 1 Pedro 5:5)
10. Sa kaniyang ilustrasyon tungkol sa magpapalayok at sa luwad nito, anong mga pananalita ang ginamit ni Pablo upang tukuyin ang mga balakyot at ang mga matuwid? (Roma 9:22-24)
11. Kanino sa mga Cesar umapela si Pablo? (Gawa 25:11, 21)
12. Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, anong dalawang bagay ang kailangang totoo tungkol sa isang hayop upang maibilang itong malinis at wastong kainin? (Levitico 11:2, 3)
13. Ano ang unang titik ng alpabetong Hebreo? (Awit 119, superskripsiyon)
14. Ano ang dapat gawin ng lahat ng Israelita sa mga laylayan ng kanilang mga kasuutan upang magpaalaala sa kanila na sila’y ibinukod bilang bayang banal kay Jehova? (Bilang 15:38-41)
15. Bilang pagsunod sa utos ni Jehova, anong lunsod ang iniwan ni Abram upang maglakbay patungo sa lupain ng Canaan? (Genesis 15:7)
16. Bakit hindi sang-ayon si Simon na Pariseo nang magiliw na halikan ng isang babae ang mga paa ni Jesus at pahiran ang mga ito ng mabangong langis? (Lucas 7:37-39)
Mga Sagot sa Maikling Pagsusulit
1. Isinaayos niyang maipapatay si Uria sa labanan
2. Isang tadyang na kinuha kay Adan
3. Aso at babaing baboy
4. Enos
5. Saul, Kis
6. Dalawa
7. Ang “Ama,” ang Diyos na Jehova
8. Sila ang nagpasimula ng mga pastol na gumagala-gala at ng mga manunugtog
9. Sa “mga mapagpakumbaba”
10. “Mga sisidlan ng poot” at “mga sisidlan ng awa”
11. Nero
12. Ito’y kailangang ngumunguya ng dating kinain at may hati ang kuko
13. Alep
14. Gagawa sila ng mga panggilid na palawit na may panaling asul sa ibabaw ng mga palawit
15. Ur ng mga Caldeo
16. Ang babae ay kilaláng makasalanan, na may imoral na pamumuhay, gayunma’y pinahintulutan ni Jesus na hipuin siya nito