Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 8/8 p. 16-19
  • Marabou—Ang Ibong Hinatulan Nang Mali

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Marabou—Ang Ibong Hinatulan Nang Mali
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Higante sa mga Ibon
  • Responsableng mga Magulang
  • Mga Tagapaglinis
  • Ang Kinabukasan ng Marabou
  • Talaan ng mga Nilalaman
    Gumising!—2001
  • Mga Inspektor Pangkalinisan sa Himpapawid
    Gumising!—1993
  • Ibon
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Pagmamasid-ibon—Isa Bang Kawili-wiling Libangan Para sa Lahat?
    Gumising!—1998
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 8/8 p. 16-19

Marabou​—Ang Ibong Hinatulan Nang Mali

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA KENYA

“Kung may ibon man na nagdadala ng kamalasan na higit pa sa marabou . . . , hindi ko pa ito nakikita.”​—The World’s Wild Places​—Africa’s Rift Valley.

SA DINAMI-RAMING ibon na masusumpungan sa Aprika, iilan ang sumailalim ng matinding pagpuna na gaya ng dinanas ng marabou. Ang ibon ay karaniwang inilalarawan na mabalasik at pangit at walang mabuting motibo. Maliwanag, ang marabou ay may malaking suliranin hinggil sa kaugnayang pangmadla.

Naaakit ka ba sa mga ibon na may eleganteng hitsura at magagandang himig? Buweno, ang marabou ay wala ng gayong katangian. May malarosas na ulo at leeg na walang mga balahibo, ang ibon ay mukhang malungkot at kaawa-awa. Sa mga adulto, isang mamula-mula’t mapintog na lukbutan na parang isang makapal at pabilog na kurbata ang nakalambitin sa lalamunan nito. Inaakala ng karamihan sa mga tao na ang lukbutan ay hindi nakapagpapaganda sa kinapal. Gayunman, si Dr. Leon Benun, pinuno ng Ornithology Department sa National Museums of Kenya, ay nagpapaalaala sa atin: “Dahil lamang sa ang lukbutan ay pangit sa ating paningin ay hindi nangangahulugan na ito’y pangit sa marabou.” Magkagayunman, hanggang sa ngayon, walang isa man ang nakaaalam sa biyolohikal na gamit ng lukbutang ito.

Ang mga kaugalian ng ibon sa pagkain ay wala ring gaanong nagagawa upang mapamahal ito sa mga nagmamasid. Sa isang bagay, ito ay kumakain ng nabubulok na karne. Kapag walang masumpungang mga patay na hayop, napag-alaman na pumapatay ito ng ibang ibon upang masapatan ang malakas na gana nito. Hindi kataka-taka na maraming tao ang waring galit na galit dito.

Gayunman, sa kabila ng hindi magandang hitsura at mga kaugalian nito, ang marabou ay maraming kahanga-hangang mga katangian. Sumama ka sa amin habang kinikilala natin nang higit ang ibong ito na labis na siniraan.

Isang Higante sa mga Ibon

Ang marabou ay sinasabing ang pinakamalaki sa pamilya ng siguwanas (stork). Ang isang hustong-gulang na lalaki ay maaaring umabot sa taas na 150 sentimetro at tumimbang ng mahigit sa 8 kilo. Ang mga babae ay mas maliit nang kaunti. Ang mabigat at hugis-kalso na tukâ ng ibon ay maaaring humaba nang mahigit sa 30 sentimetro​—isang mabisang katangian nito sa pagkuha ng mga piraso ng karne mula sa isang patay na hayop.

Bagaman napakalaki nito, ang siguwanas na ito ay mahusay lumipad. Taglay ang lapad ng pakpak na mahigit sa dalawa at kalahating metro, nagagawa ng marabou na sumalimbay na kasama ng pinakamahuhusay lumipad. Kapag lumilipad, larawan ito ng kagandahan na ang ulo nito ay bahagyang nakabaluktot sa mga balikat at ang mahahabang paa nito ay nakaunat nang husto sa likuran ng katawan. Dalubhasa na ito sa paggamit sa mainit na mga daloy ng hangin, o mga thermal, at nakalilipad nang napakataas anupat kung minsan ito ay halos hindi makita mula sa lupa! Aba, ang mga marabou ay napag-alamang lumilipad hanggang sa taas na 4,000 metro!

Responsableng mga Magulang

Gayunman, lalo nang kahanga-hanga ang ginagawa ng marabou bilang isang magulang. Tunay, ang pagiging magulang ay isang mahirap na gawain na nagsisimula sa paggawa ng isang pugad. Pagkatapos pumili ng isang angkop na lugar, ang lalaki, at sa dakong huli’y kasama na ang isang babae, ang nagsisimula sa paggawa ng pugad. Ang pugad ay hindi naman kagandahan na kung minsan ay ginagawa mga 30 metro mula sa lupa. Ang kayarian na isang metro ang lapad ay basta isang bukás na plataporma ng mga tuyong patpat, mga sanga ng puno, at mga dahon. Sa katunayan, kung minsan ay minamana ng isang nangingitlog na ibon ang isang lumang pugad, na ginagawa itong bago sa pamamagitan ng pagdaragdag ng maliliit na sanga at ng iba pang mga materyales. Ang ilang kawan ng mga marabou ay napag-alamang nagpapanatili ng isang dakong pinagpupugaran sa loob ng 50 taon.

Habang ang isang bagong tirahan ay ginagawa pa, sinisimulan na ng lalaking marabou ang paghahanap ng isang kapareha. Kabaligtaran sa kaugalian ng maraming uri ng ibon, ang lalaki ang naghihintay na lapitan ng babae. Inihaharap ng ilang magiging kapareha ang kanilang sarili na umaasang makukuha ang pansin ng lalaki. Karaniwan na ang mga pagtanggi. Subalit ang pagtitiyaga ay nagbubunga, at sa wakas isang babae ang tatanggapin. Sa kasunod na ligawan, ang dalawang ibon, na namimintog ang mga lukbutan sa kanilang leeg, ay huhuni upang itaboy ang hindi naiibigang mga kasama. Ang mga ito ay inilarawan bilang mga pag-unga, pag-ungol, at pagsipol​—ang tanging nalalaman na mga tunog ng mga marabou, maliban sa paminsan-minsang pag-iingay ng kanilang malalaking tukâ. Nagkakaroon ng malapit na ugnayan, na lalo pang pinatitibay ng isang popular na “taas-baba” na pagbati na ipinakikita kailanma’t bumabalik ang isang kapareha sa pugad pagkatapos umalis. Kalakip dito ang pagbaluktot ng ulo palikod, pagtungô nito, at pagkatapos ay matagal na pag-iingay ng tukâ.

Magkasamang tinatapos ng magkapareha ang pugad. Ang paglilimlim sa itlog ay isang atas din na pagsasaluhan. Pagkatapos ng paglilimlim sa loob ng isang buwan, dalawa o tatlong mapuputing itlog ang mapipisa tungo sa mumunting mga inakay na malarosas at kakaunti ang balahibo na pagtutuunan ng pansin ng kapuwa mga magulang. Kahanga-hanga ang pangangalagang ginagawa sa mga inakay na marabou. Magsisimula ang puspusang pagpapakain na kinabibilangan ng lubhang masustansiyang mga pagkain, gaya ng isda. Sa mga latian, kung saan madalas makita ang mga marabou, ang mga magulang ay nakakakuha ng maraming panustos na mga palaka, isa pang karaniwang pagkain ng mga ibon. Ang mga inakay ay nakakakain sa pamamagitan ng pagtitipon ng mga piraso ng pagkain na iniluluwa ng mga magulang sa pugad. Mabagal ang paglaki ng mga inakay, at kapag sila ay apat na buwang gulang na​—kapag kaya na nilang makalipad mula sa pugad​—saka sila nagsisimulang mamuhay sa ganang sarili nila.

Mga Tagapaglinis

Bagaman ang marabou ay kadalasang hinahamak dahil sa pagkain nito ng nabubulok na karne, ito sa katunayan ay may nagagawang kapaki-pakinabang na paglilingkod. Iniiwan ng mga hayop na maninila ang nabubulok na mga patay na hayop sa mga kapatagan ng Aprika. Kung pababayaan, madaling maikakalat ng mga patay na hayop na ito ang sakit at magiging mapanganib kapuwa sa tao at sa hayop. Gayunman, ang marabou ay nagsasagawa ng kapaki-pakinabang na gawain ng pag-aalis ng basura. Kasama ng mga buwitre​—mga ibong maninila na magana ring kumain​—hinahanap nila ang mga naiwang patay na hayop sa mga kapatagan. Kapag nakita ang isa, hihintayin ng mga marabou ang mas agresibong mga buwitre na siyang lalaplap sa patay na hayop sa pamamagitan ng kanilang malalakas at nakakurbang mga tukâ. Sa isang kombinyenteng pagkakataon, isang marabou, na may mahabang tukâ na parang kutsilyong pantistis, ang susugod sa patay na hayop, susunggab ng isang pirasong laman, at bahagyang lalayo anupat maghihintay ng isa pang pagkakataon. Kapag nabusog na ang mga buwitre, panahon na para sa mga marabou na magkagulo sa anumang natitirang laman. Uubusin ng mga marabou ang halos lahat na maipapasok nito sa kanilang mga lalamunan, maliban sa mga buto. Ang mga piraso ng karne na tumitimbang ng mga 600 gramo ay walang kahirap-hirap na nilulunok.

Nitong nakalipas na mga taon napalawak pa ng marabou ang gawain nitong paglilinis nang lampas pa sa ilang. Halos hindi na natatakot ang ibon sa tao at ngayon ay madalas makita sa mga tambakan ng basura sa lunsod at nayon. Ang resulta? Isang mas malinis na kapaligiran. Sinasala pa nga ng mga marabou ang maruming tubig mula sa mga katayan ng hayop, na naghahanap ng anumang natitirang piraso ng karne. Kung gaano nga kalakas ang ibong ito ay maipakikita ng sumusunod na halimbawa. Habang naghahalukay ng mga tira-tira sa isang katayan ng hayop sa kanlurang bahagi ng Kenya, nalunok ng isang marabou ang isang kutsilyo ng magkakatay. Pagkaraan ng ilang araw, ang kutsilyo​—malinis at makintab​—ay nasumpungang malapit sa dako ring iyon, samantalang ang marabou na nagluwa nito ay nagpapatuloy sa gawain nito gaya ng dati, na hindi man lamang nasaktan!

Ang Kinabukasan ng Marabou

Bagaman ang pinakamalapit na kamag-anak nito, ang mas malaking ayudanteng siguwanas ng Asia, ay naglalaho, dumarami naman ang marabou ng Aprika. Wala itong kilalang mga kaaway sa iláng. Noon, ang pinakamalupit na kaaway ng marabou ay ang tao. Ang malaking siguwanas ay binabaril, at ang malambot na mga balahibo nito sa likod ay binubunot upang pagandahin ang mga palamuti sa ulo ng mga babae. “Halos hindi maisip,” ang sabi ng aklat na Storks, Ibises and Spoonbills of the World, “na ang gayong pino at magagandang balahibo, kapag nakapalamuti sa isang pamaypay o sa ilang marangyang hiyas na gustung-gusto ng isang babae, ay produkto ng napakalaki, payat at pangit na basurerong hayop na ito.” Nakatutuwa naman para sa mga ibong ito, ang gayong walang-habas na paglipol ay nabawasan sa nakalipas na mga taon, at muli na namang dumami ang kanilang bilang. Walang alinlangan na isiniwalat ng ating maikling pagmamasid sa marabou na hindi ito nararapat hamakin at siraang-puri. Lubha tayong nakikinabang sa kahusayan at kasipagan nito sa paglilinis sa kapaligiran. Bagaman hindi ito ang pinakamaganda sa mga ibon, nagbibigay pa rin ito ng kaluwalhatian sa Maylalang nito sa kaniyang abang paraan.​—Awit 148:7, 10.

[Larawan sa pahina 16]

Ang mabigat, hugis-kalso na tukâ ng ibon ay maaaring humaba nang mahigit sa 30 sentimetro

[Larawan sa pahina 16, 17]

Ang lapad ng pakpak ng marabou ay mahigit na dalawa at kalahating metro

[Credit Line]

© Joe McDonald

[Larawan sa pahina 17]

Kahanga-hanga ang pangangalagang ginagawa sa mga inakay na marabou

[Credit Line]

© M.P. Kahl/VIREO

[Larawan sa pahina 18]

Hindi pa alam kung ano ang biyolohikal na gamit ng lukbutan ng marabou

[Larawan sa pahina 19]

Ang pugad kung minsan ay ginagawa mga 30 metro mula sa lupa

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share