Ang Kahanga-hangang Puno ng Tule
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA MEXICO
ANG pinakamatataas na punungkahoy sa daigdig ay ang mga redwood ng California, na umaabot sa taas na 110 metro o higit pa. Gayunman, ang sipres ng Mexico, isang kamag-anak ng sequoia, ang humahawak ng rekord sa sirkumperensiya. Ang pinakabantog na ispesimen ng punungkahoy na ito ay makikita walong milya sa silangan ng lunsod ng Oaxaca, Mexico, sa bayan ng Santa María del Tule. Kilala ito bilang ang puno ng Tule. Ang pinakapunò nito ay sumusukat ng kahanga-hangang 46 na metro. Upang magkaroon ka ng ideya sa laki nito, mangangailangan ng di-kukulangin sa 30 kataong nakatayo at nakadipa upang masalikupan ang katawan ng puno, at mahigit na 500 katao ang maaaring manganlong sa lilim nito!
Ang puno ng Tule ay tinatayang mahigit nang 2,000 taóng gulang. Nang ito’y pungusan noong 1996, sampung toneladang natuyong sanga ng kahoy ang naalis. Tinatawag ng mga tagaroon ang punungkahoy na ito na El Gigante (ang Higante). Sa Mexico, ang uring ito ay kilala bilang ang ahuehuete, na sa wikang Nahuatl ay nangangahulugang “ang matanda sa tubig,” yamang karaniwan itong tumutubo malapit sa tubig o sa mga latian.