Ang Kakaibang Guyabano
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA MEXICO
GUNIGUNIHIN ang masarap na lasa ng mga strawberry, kanela, mangga, at pinya na pinagsama-sama! Ganiyan inilalarawan ng ilan ang guyabano. Kung hindi ka nakatira sa tropiko, malamang na hindi mo pa ito natitikman. Ang guyabano (Annona muricata) ay prutas na biluhaba at berde ang balat na may mga nakausling tulis-tulis at may makatas na maputing lamukot na bumabalot sa makintab at matingkad na kulay-kapeng mga buto.
Ang puno ng guyabano ay isang halaman na laging berde ang dahon sa buong taon at hindi nito nakakayanan ang matinding lamig. Ang polinasyon sa mga bulaklak nito ay pinangyayari ng maliliit na insekto, gaya ng langgam at ilang uwang. Yamang wala itong nektar at walang matitingkad na kulay, hindi naaakit ng mga bulaklak nito ang maraming insekto na nagpapangyari ng polinasyon. Isa pa, ang mga bulaklak ay gumagawa ng mga elemento sa pagpaparami sa iba’t ibang panahon, na nangangahulugang ang mga pistil at istamen ay sumasapit sa hustong gulang nito sa magkakaibang panahon. Kaya para sa komersiyal na mga layunin, kailangang isagawa ang polinasyon sa pamamagitan ng kamay. Kung hindi, ang puno ay magbubunga lamang sa pagitan ng 12 at 20 prutas sa bawat panahon. Ang mga guyabano ay inaani kapag ito’y malapit nang gumulang at napakabilis nitong mahinog. Kaya, ang mga ito ay madaling mabulok.
Tumitimbang nang hanggang limang kilo, ang guyabano ay isang mahusay na pinagmumulan ng niacin, riboflavin, at bitamina C at humigit-kumulang 12 porsiyentong asukal. Gayunman, para sa karamihan ng mga tao ang prutas ay medyo may kaasimang kainin nang walang pampatamis. Ang nakakaing lamukot ay minamasa at sinasala at pangunahin nang ginagamit sa nakarerepreskong mga inumin at mga sherbet. Karaniwan na, ang tsa na gawa sa nilagang mga dahon nito ay ginagamit para sa disintirya, sipon, at impatso. Sa Mexico, ang nilagang dahon ay ginagamit bilang panlaban sa hilab at bilang astringent. Ang mga ugat ng halaman ay ginagamit bilang pamuksa o pantaboy sa parasitong mga bulati, at ang mga buto nito ay ginagamit bilang pantaboy ng parasito o pamatay-insekto.
Kung may guyabano sa inyong lugar, baka nais mong tikman ito. Tiyak na masisiyahan ka sa lasa nito!
[Kahon/Mga larawan sa pahina 15]
Guyabano Sherbet
2 tasang minasang guyabano
1 kutsarang katas ng lemon
200 gramong asukal
1 tasang tubig
1 tasang krema
1. Masahin at katasin ang lamukot ng guyabano sa isang salaan, o pigain ito sa isang katsa. 2. Haluin ang asukal at tubig, at pakuluin ito sa loob ng limang minuto. Palamigin hanggang maging maligamgam. 3. Idagdag ang minasa at kinatas na guyabano, krema, at katas ng lemon. 4. Ibuhos ang halo sa isang mababaw na sisidlan, takpan ito, at palamigin hanggang halos tumigas. Batihin nang husto. Ibalik sa freezer, at palamigin ito hanggang tumigas.
[Credit Lines]
Pahina 14 itaas: Geo Coppens, CIRAD-FLHOR/IPGRI; pahina 15 itaas sa kanan: IPGRI-Americas