“Osteoporosis”—Ang Sakit na ‘Paglutong ng Buto’
“Ang osteoporosis ay isang kalagayan na doon napakakaunti ang himaymay ng buto anupat ang mga buto ay madaling nababali sa kaunting puwersa lamang. Ang isang taong may osteoporosis ay maaaring mabalian ng pupulsuhan o balakang mula sa pagkadulas sa yelo o mabalian ng tadyang mula sa isang mapagmahal na yapos. . . . Sa katunayan, ang dami ng himaymay sa buto ay maaaring napakakaunti anupat ang isang tao ay nababalian ng gulugod dahil lamang sa pagdadala sa bigat ng katawan.”—“Osteoporosis—A Guide to Prevention & Treatment,” ni John F. Aloia, M.D.
IKAW ba’y pinahihirapan ng osteoporosis? Ang pagnipis na ito ng buto ay isang sakit na karaniwan sa mga babae pagkatapos magmenopos. Subalit, maaari ring magkaroon nito ang nakababatang mga babae gayundin ang mga lalaki. Ayon sa U.S. National Institutes of Health, apektado ng osteoporosis ang “kasindami ng 15-20 milyong indibiduwal sa Estados Unidos.” Taun-taon sa Estados Unidos, ang osteoporosis ang may pananagutan sa halos 1.3 milyong mga bali sa mga taong ang edad ay 45 at pataas. Ito’y nagkakahalaga ng $3.8 bilyon taun-taon.
Ganito ang paliwanag ng Health Tips, isang publikasyon ng California Medical Education and Research Foundation: “Bagaman ang mga sintoma ng osteoporosis ay kitang-kita sa pagtanda, ang proseso na nagpapahina sa buto ay aktuwal na nagsisimula 30-40 taon bago nangyayari ang unang pagkabali. Pagkatapos tumuntong sa edad na 35 kapuwa ang mga lalaki at babae ay nagsisimulang mawalan ng himaymay ng buto. Habang gumagaang at numinipis ang mga buto, mas madalas mabalian at maaaring mabagal ang paggaling sapagkat ang katawan ay hindi madaling nakagagawa ng bagong buto na gaya ng dati. Ang eksaktong sanhi ng osteoporosis ay hindi alam, subalit ang hindi sapat na kalsiyum at bitamina D sa pagkain, nabawasang antas ng estrogen sa mga babae at di-sapat na ehersisyo ay maaaring pawang mga sanhi sa pagkakaroon nito.”
Ang aklat na Understanding Your Body—Every Women’s Guide to a Lifetime of Health ay bumabanggit na ang isa sa karaniwang sintoma na nauugnay sa menopos ay ang paghina ng buto. Sabi nito: “Ang osteoporosis, sa literal ay maraming butas na mga buto, ay isang karaniwan at malaking problema sa kalusugan para sa mga babae pagkatapos ng menopos.”
Ipinahihiwatig ng pananaliksik na ang osteoporosis ay maaaring maiwasan at magamot. Ang isang hakbang upang maiwasan ito ay tiyaking ang katawan ay may sapat na dami ng kalsiyum pati ng bitamina D, na mahalaga sa pagsipsip ng kalsiyum. Ang isa pang hakbang upang maiwasan ito ay ang regular na ehersisyo sa pagdadala ng timbang, gaya ng paglakad o jogging.
Ganito ang sabi ni Dr. Carol E. Goodman sa Geriatrics: “Dapat itagubilin ang mga ehersisyong nagtutuwid at nagpapalakas ng tindig—at dapat nating bigyang-pansin ang mga tagubiling ito kung paano tayo nagbibigay-pansin sa mga gamot. Maaaring madaling maunawaan, simpleng isagawa, at ligtas ang isang huwarang programa ng ehersisyo para sa isang mas matandang pasyenteng may osteoporosis.”
Bagaman hindi maaaring mapagaling ang osteoporosis, may makukuhang mga bagong gamot para dito. Bukod pa riyan, maiiwasan ito sa pamamagitan ng tamang nutrisyon, sapat na ehersisyo, at para sa ilan, ang hormone replacement therapy. Upang maging totoong mabisa, ang mga hakbang na ito ay dapat na isagawa bago pa magsimula ang panghihina ng buto at dapat ipagpatuloy habang-buhay.
[Kahon sa pahina 17]
Proteksiyon Laban sa Osteoporosis
1. Kalsiyum
2. Bitamina D
3. Sikat ng araw
4. Mabuting tindig
5. Mga pag-iingat sa pangangalaga sa likod
6. Ehersisyo
7. Hindi paninigarilyo
[Kahon sa pahina 17]
Kalsiyum sa Karaniwang mga Pagkain
Kalsiyum sa Pagkain (miligramo)
Gatas na nonfat, 1 tasa 300
Kesong cheddar, 1-pulgada kubiko 130
Yogurt, 1 tasa 300
Baka, manok, isda, 170 gramo 30-80
De-latang salmon, 85 gramo 170
Tinapay, butil, kanin, 1 tasa 20-50
Tofu (tokwa), 100 gramo 150
Almendro, 1/2 tasa 160
Walnut, 1/2 tasa 50
Broccoli, 1 tangkay 150
Spinach, 1 tasa 200
Talbos ng singkamas, 1 tasa 250
Karamihan ng iba pang gulay, 1 tasa 40-80
Apricot, pinatuyo, 1 tasa 100
Datiles, inalisan ng buto, 1 tasa 100
Rhubarb, 1 tasa 200
Karamihan ng iba pang prutas, 1 tasa 20-70
Mula sa Understanding Your Body, nina Felicia Stewart, Gary Stewart, Felicia Guest, at Robert Hatcher, pahina 596.
[Kahon sa pahina 17]
Ilang Salik sa Panganib sa Osteoporosis
Mga Salik na Namamana
Babae
Hindi itim
Hilagang-Europeong angkang pinagmulan
Maputi
Balingkinitan
Maliit (limang piye dalawang pulgada o mas mababa)
Mga Salik na Istilo-ng-Buhay
Sikat ng araw sa labas ng bahay, wala pang tatlong oras sa isang linggo
Kaunting kinakain na kalsiyum
Malakas sa pagkaing may caffeine at/o phosphate
Mga Gamot
Mga antacid na naglalaman ng aluminyo
Thyroid o levothyroxine
Steroid (cortisone)
Dilantin (matagal na gamutan)
Furosemide (pampaihi)
Medikal na mga Problema
Maaga o wala sa panahong menopos
Amenorrhea (kawalan ng regla)
Anorexia nervosa
Hyperthyroidism (labis-labis na thyroid)
Sakit sa bato o mga bato sa bato
Diyabetis
Kulang ng lactase (hindi magkagatas)
Sakit sa pagdumi (colitis, ileitis)
Alkoholismo
Paghiga o hindi pagkilos nang mahigit sa tatlong linggo
Rheumatoid arthritis