Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 5/8 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Matatabang Alagang Hayop
  • Pagkasiphayo sa Bakasyon
  • Mas Maraming Anak sa Ligaw
  • Ang mga Putakti ay Nagtatayo sa Pamamagitan ng mga Magnet
  • Mga Kabataang Babae at Osteoporosis
  • Maligaya at Malusog sa Edad 100
  • Pamumuhay Nang Nag-iisa
  • Mga Tin-edyer na Aktibo sa Sekso
  • Inaantok na mga Drayber
  • Osteoporosis—Isang Tahimik na Sakit
    Gumising!—2010
  • “Osteoporosis”—Ang Sakit na ‘Paglutong ng Buto’
    Gumising!—1997
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—2003
  • Kailangan Mo ba Talagang Mag-ehersisyo?
    Gumising!—2005
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 5/8 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Matatabang Alagang Hayop

“Ang labis na katabaan ang pangunahing problema sa kalusugan na nakaaapekto sa mga aso at pusa,” ang ulat ng The Globe and Mail sa Canada. “Pareho ang dahilan sa mga tao at sa mga hayop: di-mabuting mga kinaugalian sa pagkain at kakulangan ng ehersisyo.” Sinisisi ni Berney Pukay, ng konseho ng Canadian Veterinary Medical Association, ang istilo ng pamumuhay ng mga may-ari ng alagang hayop: “Hindi tayo nakapag-eehersisyo nang sapat dahil labis tayong abala. Ang aso ay hindi nakapag-eehersisyo nang sapat dahil ang may-ari ay labis na abala. Kailangan natin ng pagkain na nakagiginhawa sa sikolohikal na paraan upang makakain ang ating mga alagang hayop ng pagkain na nakagiginhawa sa sikolohikal na paraan.” Nagbababala ang Globe na “ang mga alagang hayop na labis ang timbang ay mas nanganganib na magkaroon ng diyabetis, sakit sa puso, alta-presyon at artritis. . . . Mas maaga silang namamatay kaysa sa malulusog na hayop.” Kadalasang kalakip sa paggagamot ng mga beterinaryo sa mga alagang hayop na labis ang katabaan ang limitadong pagkain at, para sa mga aso, higit na ehersisyo.

Pagkasiphayo sa Bakasyon

“Kung nag-iimpake ka para sa pinakamaliligayang linggo ng taon, mag-ingat!” ang babala ng diyaryo sa Hamburg na Die Welt. Ang alitan at pagtatalu-talo ay sumisira sa maraming bakasyon ng pamilya. Ayon sa isang pag-aaral sa Alemanya, “isang diborsiyo sa bawat tatlo ang isinusumite pagkatapos ng sama-samang pagbabakasyon.” Bakit? Ang isang salik ay maaaring ang hindi nakaugaliang pagiging malapit at pagiging magkakasama, na nagiging dahilan upang mairita ang mga miyembro ng pamilya sa bawat isa. Upang maiwasan ang isang krisis, iminumungkahi ng mga sikologo na patiunang iplano ang mga bakasyon, na iniiskedyul ang mga gawaing magkakasama nang may sapat na lugar upang mapagbigyan ang mga kahilingan ng bawat isa. “Ang pag-asa nang labis-labis ay gumaganap ng papel [sa mga suliranin sa bakasyon],” ang sabi ng Die Welt. “Yamang ang taon ay binubuo ng labing-isang buwan ng paggawa at pang-araw-araw na rutin, tatlo hanggang apat na linggo ng bakasyon ang inaasahan na sasapat sa lahat ng bagay na napabayaan sa ibang bahagi ng taon.”

Mas Maraming Anak sa Ligaw

Ayon sa Eurostat, isang ahensiya ng estadistika sa Europa, sa kasalukuyan ay 1 sa bawat 4 na sanggol sa European Union ang anak sa ligaw, ang ulat ng diyaryo sa Alemanya na Westdeutsche Allgemeine Zeitung. Noong 1980 ang dami ay wala pang 1 sa bawat 10. Ang pinakamababang insidente ng isinisilang na anak sa ligaw​—4 na porsiyento​—ay matatagpuan sa Gresya. Sa kabaligtaran naman, sa Sweden ay mahigit sa kalahati ng lahat ng isinisilang ay anak sa ligaw. Naranasan ng Ireland ang pinakamalaking pagbabago. Ang bilang ng mga isinilang na anak sa ligaw ay tumaas mula sa 5 porsiyento lamang noong 1980 tungo sa 31.8 porsiyento noong 2000. Ang gayong kapansin-pansing pagdami ay “nagpapatunay na nagkaroon ng malaking pagbabago sa saloobin ng mga Europeo tungkol sa pag-aasawa at pamilya,” ang sabi ng ulat.

Ang mga Putakti ay Nagtatayo sa Pamamagitan ng mga Magnet

“Ang mga putakti (hornet) ay mahuhusay na tagapagtayo na gumagamit ng pinaka-nibel ng mga insekto upang tiyakin na wasto ang pagkakapantay ng kanilang mga pugad,” ang sabi ng diyaryo sa London na The Daily Telegraph. Isang pangkat ng mga siyentipiko mula sa Tel Aviv University, sa Israel, na nag-aral sa mga oriental hornet ang nakatuklas na idinidikit ng mga insektong ito ang isang maliit na magnetikong kristal​—na may diyametro na 0.1 milimetro at naglalaman ng titanium, iron, at oksiheno​—sa bubong ng bawat hugis-hexagon na kuwarto sa isang bahay-pukyutan. “Ang mga pugad ng putakti ay kadalasang gawa sa mga suson ng pahalang na mga saray (honeycomb) na sinusuportahan ng mga tukod,” ang sabi ng ulat. Kung paano gumagana ang mga magnet ay hindi pa alam, ngunit maliwanag na “ang kawing na ito ng mga kristal ay tumutulong sa mga insekto na makita ang kanilang dinaraanan sa dilim at tumitiyak na ang pugad ng mga putakti ay hindi labis na nakatagilid. Isang pag-aaral ang isinasagawa ngayon upang malaman kung ang ibang putakti, o maging ang mga pukyutan, ay gumagamit ng katulad na mga pamamaraan.”

Mga Kabataang Babae at Osteoporosis

Isinasapanganib ng dumaraming kabataang babae ang kanilang sarili sa osteoporosis habang nagkakaedad sila dahil sa labis na pagdidiyeta, ang babala ng diyaryo sa Hapon na Asahi Shimbun. Dahil sa osteoporosis, isang sakit na dinaranas ng maraming may-edad na babae, ang density (pagiging masinsin) ng buto ay nagiging napakababa anupat madaling mabali ang mga buto. Ang paglaki ng buto ng mga babae ay may malapit na kaugnayan sa mga hormon ng babae. Mula sa pasimula ng pagreregla, ang density ng buto ay mabilis na tumataas at umaabot sa pinakamataas sa mga edad 20, bago ito magsimulang bumaba mula sa mga edad 40. “Mientras mas mataas ang inabot na density ng buto, kahit na bumaba pa ito sa dakong huli, mas matagal itong umabot sa punto na madaling mabali ang mga buto,” ang paliwanag ni Propesor Ikuko Ezawa ng Japan’s Women’s University. Kung gayon, dagdag pa niya: “Napakahalaga na maabot ang pinakamataas na density ng buto hangga’t posible pagsapit ng edad 20.” Gayunman, hindi gaanong ikinababahala ng mga kabataang babae ang tungkol sa osteoporosis. “Sa pangkalahatan, hindi sila kumakain nang may sapat na nutrisyon,” ang sabi ni Ezawa. “Partikular na, ang kakulangan ng kalsiyum at kakulangan ng ehersisyo ay may tuwirang epekto sa mga buto.”

Maligaya at Malusog sa Edad 100

Ayon sa isang ulat ng diyaryong Yomiuri Shimbun, “80 porsiyento ng mga taong mahigit sa 100 taóng gulang ang nakadarama na sila ay malusog at mabuti sa araw-araw.” Ang bilang ng mga sentenaryo sa Hapon ay unang lumampas sa 1,000 noong 1981, at umabot ito sa 13,000 noong taóng 2000. Kamakailan lamang, ang Japan’s Foundation of Health and Stamina ay nagsagawa ng isang surbey sa mahigit na 1,900 sentenaryo, na maliwanag na ang pinakamalaking pag-aaral na isinagawa kailanman hinggil sa “kalidad ng buhay” ng mga may-edad na mahigit sa 100 taóng gulang. “Ang mas malaking bilang ng mga lalaki, 43.6 porsiyento, kung ihahambing sa mga babae, 25.8 porsiyento, ang nagsasabi na sila ay ‘may layunin sa buhay,’ ” ang iniulat ng diyaryo. Binanggit ng karamihan sa mga sentenaryo na kabilang sa kanilang mga layunin sa buhay ang “pamilya,” “mahabang buhay,” at “pagtatamasa ng mabuting kalusugan at pamumuhay nang maligaya.” Kaya, iminumungkahi ng Yomiuri Shimbun na “ang pagkakaroon ng dahilan upang mabuhay ay umaakay tungo sa mahabang buhay.”

Pamumuhay Nang Nag-iisa

Isiniwalat ng isang sensus kamakailan na sa Pransiya ay 1 sa bawat 8 tao ang nabubuhay ngayon nang nag-iisa. Ang proporsiyon na ito ay doble ng dating bilang 30 taon na ang nakalilipas, ang ulat ng diyaryo sa Pransiya na Le Monde. Kabilang sa estadistika ang mga kabataan na wala pang kapareha gayundin ang mga may-edad. Mas maraming babae ang namumuhay nang nag-iisa kaysa sa mga lalaki, at binanggit ng artikulo na “mientras mas mataas ang katayuan sa lipunan ng isang babae, mas malamang na mamuhay siyang nag-iisa.” Isinisiwalat din ng sensus na mula 1990, nagkaroon ng 22-porsiyentong pagtaas sa bilang ng mga pamilyang may nagsosolong magulang at 16-na-porsiyentong pagtaas sa bilang ng mga mag-asawang walang mga anak. “Sa kabuuan,” ang pagtatapos ng artikulo, “mas marami na ngayong mga mag-asawa na walang mga anak at mga taong namumuhay nang nag-iisa kaysa sa mga sambahayan na may mga anak.”

Mga Tin-edyer na Aktibo sa Sekso

Isang ulat ng Britain’s Family Matters Institute ang nagpapakita na ang mga tin-edyer ay “dalawang beses na mas malamang na nakipagtalik na kung ang kanilang mga magulang ay hiwalay o kung ang kanilang mga magulang ay nagli-live-in sa halip na kasal,” ang sabi ng The Guardian sa London. Sangkapat ng mga edad 13 na aktibo sa sekso ay nagkaroon na ng di-kukulangin sa apat na katalik, at 1 sa bawat 5 batang tin-edyer ang lasing nang maiwala nila ang kanilang pagkabirhen. Idiniriin ng ulat ang pangangailangan na “lubhang idiin ang pag-aasawa bilang huwarang uri ng yunit ng pamilya para sa pagpapalaki ng mga anak.” Bumabangon ang mga problema kapag may ‘mahinang kaugnayan sa pagitan ng magulang at ng tin-edyer, madalang na pag-uusap, at hindi gaanong nasusubaybayan.’ Ang ulat ay nagtatapos: “Hanggang sa hindi maging mas responsable ang mga magulang ng mga batang tin-edyer sa paggawi ng kanilang mga anak, ang bilang ng mga batang tin-edyer na nakikipagtalik ay hindi bababa at ang pagbubuntis ng mga tin-edyer at ang sakit na naisasalin sa pagtatalik ay patuloy na tataas.”

Inaantok na mga Drayber

Pinapayuhan ng mga eksperto hinggil sa pagtulog, pati na ng mga tagapagtaguyod ng kaligtasan sa sasakyan, ang mga motorista na huwag magmaneho kapag sila ay hapung-hapo, ang ulat ng Fleet Maintenance & Safety Report. Bagaman inirerekomenda ng mga mananaliksik hinggil sa pagtulog ang di-kukulangin sa walong oras na pagtulog bawat gabi, ipinakikita ng mga pag-aaral na maraming tao ang nagkakasiya na sa hamak na mas kaunting oras ng pagtulog. Ipinakikita rin ng mga surbey na ang mga drayber na nasa pagitan ng edad 19 at 29 ay mas malamang na magmaneho nang inaantok kaysa sa ibang grupo ng mga tao na iba ang edad at mas nakahilig na magpatakbo nang mas mabilis kapag inaantok sila. “Pinalulubha rin ng alkohol ang panganib na makatulog habang nagmamaneho,” ang sabi ng ulat. Tinukoy ni David Willis, presidente ng American Automobile Association Foundation for Traffic Safety, na ang pagpapatugtog ng radyo o bahagyang pagbubukas ng bintana ay hindi makapagpapanatili sa iyong gising, ngunit ang sandaling pag-idlip ay maaaring makatulong sa iyo na mawala ang iyong antok. Idiniin ni Willis: “Ang tanging lunas sa pagkaantok ay pagtulog.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share