Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 5/22 p. 3-6
  • Kailangan Mo ba Talagang Mag-ehersisyo?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kailangan Mo ba Talagang Mag-ehersisyo?
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Teknolohiya​—Isang Pagpapala o Sumpa?
  • Ang mga Panganib ng Palaupong Istilo ng Pamumuhay
  • Isang Pangglobong Problema
  • Sapat ba ang Iyong Ehersisyo?
    Gumising!—2005
  • Maaari Kang Patayin ng Hindi Pagkilos ng Katawan
    Gumising!—1994
  • Kung Paano Iingatan ang Iyong Kalusugan
    Gumising!—1999
  • Mabuting Kalusugan—Ano ang Magagawa Mo Rito?
    Gumising!—1989
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 5/22 p. 3-6

Kailangan Mo ba Talagang Mag-ehersisyo?

“Mag-ehersisyo nang dalawang beses sa isang linggo upang manatiling malusog. Mag-ehersisyo nang 30 minuto araw-araw. Umiwas sa inuming de-alkohol upang hindi magkakanser. Uminom ng inuming de-alkohol upang mabawasan ang panganib na magkasakit sa puso. Naguguluhan ka na ba dahil sa napakaraming payo na may mabuti namang intensiyon? Isang araw ay ganito ang mababasa sa ulong-balita, at sa susunod na linggo ay kabaligtaran naman ang sinasabi nito. . . . Bakit nagkakasalungatan ang mga siyentipiko? Bakit sa isang linggo ay sinasabing nakapipinsala ang kape at sa susunod na linggo naman ay sinasabing hindi ito nakapipinsala?”​—Barbara A. Brehm, Ed.D., propesora sa ehersisyo at mga pag-aaral hinggil sa isport.

MALIMIT na hindi nagkakasundo ang mga eksperto sa kalusugan hinggil sa mga bagay na may kaugnayan sa nutrisyon at kalusugan. Marami ang nalilito dahil sa dami ng impormasyon tungkol sa mga dapat at hindi dapat gawin para manatiling malusog. Gayunman, pagdating sa pangangailangan na magkaroon ng katamtamang pisikal na gawain, waring nagkakaisa ang lahat ng siyentipiko​—kung gusto mong maging mas malusog, dapat kang mag-ehersisyo nang regular!

Ang hindi gaanong pagkilos ay naging isang malubhang problema sa makabagong panahon, lalo na sa industriyalisadong mga bansa. Noon, mabibigat at manu-mano ang trabaho ng mga tao sa mga bansang iyon, pagsasaka man, pangangaso, o konstruksiyon. Totoo, ang mabibigat na pisikal na trabahong kailangang gawin ng ating mga ninuno para lamang mabuhay ay kadalasang napakahirap, anupat nakapagpaikli pa nga ng kanilang buhay. Ayon sa Encyclopædia Britannica, “ang katamtamang inaasahang haba ng buhay sa sinaunang Gresya at Roma ay mga 28 taon.” Sa kabaligtaran, sa pagtatapos ng ika-20 siglo, ang inaasahang haba ng buhay sa mauunlad na bansa ay mga 74 na taon. Bakit nagbago ito?

Teknolohiya​—Isang Pagpapala o Sumpa?

Mas malulusog at mas mahahaba ang buhay ng mga tao sa ngayon kaysa sa mga taong nabuhay maraming siglo na ang nakalilipas. Ang isa sa mga dahilan nito ay ang mabilis na pagsulong ng teknolohiya. Nagbago na ang mga pamamaraan natin ng paggawa sa mga bagay-bagay dahil sa modernong mga imbensiyon, at naging mas magaan na ang maraming trabaho na dati’y nakapapagod. Malaki ang isinulong ng medisina sa paglaban sa mga sakit, anupat naging mas malusog ang karamihan sa mga tao. Gayunman, may kabalintunaan hinggil sa bagay na ito.

Bagaman mahalagang salik sa mas mabuting kalusugan ang modernong teknolohiya, sa paglipas ng panahon, naging dahilan din ito kung kaya’t maraming tao ang nagkaroon ng palaupong istilo ng pamumuhay. Sa kanilang inilathalang ulat kamakailan na pinamagatang International Cardiovascular Disease Statistics, ipinaliwanag ng American Heart Association na “ang pagsulong sa ekonomiya, urbanisasyon, industriyalisasyon at globalisasyon ay naging sanhi ng mga pagbabago sa istilo ng pamumuhay na humahantong sa pagkakasakit sa puso.” Binanggit ng ulat na kabilang sa pangunahing mga salik na nagdudulot ng panganib ang “hindi gaanong pagkilos at mga pagkaing nakasásamâ sa katawan.”

Sa maraming lupain 50 taon pa lamang ang nakalilipas, ang isang masikap na lalaki ay nagpapagal sa pag-aararo, nagbibisikleta sa nayon patungo sa bangko, at nagkukumpuni ng kaniyang bahay sa bandang gabi. Gayunman, ibang-iba ang istilo ng pamumuhay ng kaniyang mga apo. Ang isang makabagong manggagawa ay maaaring halos maghapong nauupo sa harap ng computer, nagmamaneho patungo sa halos lahat ng lugar na kailangan niyang puntahan, at nanonood ng telebisyon sa gabi.

Ayon sa isang pag-aaral, ang mga magtotroso sa Sweden na dating sumusunog ng 7,000 kalori bawat araw sa pagputol ng mga puno at pagbuhat ng mga troso ay nangangasiwa na lamang ngayon sa makabagong mga makinarya na siyang gumagawa ng kalakhang bahagi ng mabibigat na trabaho. Noon, marami sa mga kalsada sa daigdig ang ginagawa at minamantini ng mga lalaki gamit ang mga piko at pala. Subalit ngayon, maging sa papaunlad na mga lupain, mga buldoser at iba pang malalaking makinarya na ang ginagamit na panghukay at pangpala.

Sa ilang bahagi ng Tsina, ang mga bisikleta ay unti-unting napapalitan ng de-motor na scooter bilang mas nagugustuhang anyo ng transportasyon. Sa Estados Unidos, kung saan 25 porsiyento ng lahat ng paglalakbay ay hindi hihigit sa isang milya ang layo, hanggang 75 porsiyento ng maiikling distansiyang ito ay nilalakbay pa sa pamamagitan ng kotse.

Naging palaupo rin ang istilo ng pamumuhay ng mga bata dahil sa modernong teknolohiya. Napansin sa isang pag-aaral na habang nagiging “mas kasiya-siya at mas makatotohanan [ang mga video game], ang mga bata ay . . . gumugugol ng mas mahabang oras sa paglalaro sa computer.” Gayundin ang naging konklusyon hinggil sa panonood ng TV at iba pang anyo ng pambatang libangan na hindi gaanong nangangailangan ng pagkilos ng katawan.

Ang mga Panganib ng Palaupong Istilo ng Pamumuhay

Ang biglang pag-unti ng pisikal na mga gawain ay humantong sa maraming pisikal, mental, at emosyonal na mga problema sa kalusugan. Halimbawa, ganito ang iniulat kamakailan ng isang ahensiyang pangkalusugan sa Britanya: “Ang mga bata na hindi gaanong nagkikikilos ay nanganganib na magkaroon ng mas mababang pagtingin sa sarili, mas matinding kabalisahan at kaigtingan. Ang mga batang ito ay mas malamang din na manigarilyo at gumamit ng droga kaysa sa mga batang madalas magkikilos. Mas malimit lumiban sa trabaho ang mga manggagawang hindi gaanong nagkikikilos kaysa sa mga manggagawang madalas magkikilos. Sa huling bahagi ng buhay, naiwawala ng mga taong hindi gaanong nagkikikilos ang kinakailangang lakas at kakayahang makibagay sa pang-araw-araw na mga gawain. Dahil dito, naiwawala ng marami ang kanilang kalayaan at nagiging mas mapurol ang kanilang pag-iisip.”

Ipinaliwanag ni Cora Craig, presidente ng Canadian Fitness and Lifestyle Research Institute, na ang “mga taga-Canada ay hindi na gaanong nagkikikilos ngayon sa kanilang trabaho kaysa noon . . . Sa pangkalahatan, nabawasan ang kanilang pisikal na mga gawain.” Ganito ang iniulat ng pahayagang Globe and Mail ng Canada: “Mga 48 porsiyento ng mga taga-Canada ay sobra sa timbang, kasali na ang 15 porsiyento na napakataba.” Idinagdag pa ng pahayagan na sa Canada, 59 na porsiyento ng mga adulto ang may palaupong istilo ng pamumuhay. Nagbabala si Dr. Matti Uusitupa ng University of Kuopio, sa Finland, na “mabilis na dumarami ang kaso ng type 2 diabetes sa buong daigdig dahil dumarami ang nagiging napakataba at may palaupong istilo ng pamumuhay.”

Sa Hong Kong, ipinakikita ng isang kamakailang pag-aaral na mga 20 porsiyento ng lahat ng kaso ng pagkamatay ng mga taong edad 35 pataas ay maiuugnay sa hindi gaanong pagkilos. Ipinahihiwatig ng pag-aaral, na pinangunahan ni Propesor Tai-Hing Lam ng University of Hong Kong at inilathala noong 2004 ng Annals of Epidemiology, na “ang panganib [sa populasyon] na dulot ng hindi gaanong pagkilos ay mas mataas kaysa sa paninigarilyo” ng mga Tsinong nakatira sa Hong Kong. Tinataya ng mga mananaliksik na “marami ring mamamatay sa [iba pang lugar sa Tsina] sa gayunding dahilan.”

Makatuwiran ba ang gayong pagkabahala? Talaga kayang higit na makapipinsala sa ating kalusugan ang hindi gaanong pagkilos kaysa sa paninigarilyo? Tinatanggap ng karamihan na ang mga taong hindi gaanong nagkikikilos ay karaniwan nang mas mataas ang presyon ng dugo, mas nanganganib na maistrok at atakihin sa puso, mas nanganganib na magkaroon ng ilang uri ng kanser at osteoporosis, at mas malaki ang tsansang maging napakataba, kung ihahambing sa mga taong madalas na nagkikikilos.a

Ganito ang iniulat ng The Wall Street Journal: “Sa bawat kontinente ng daigdig, pati na sa mga rehiyon kung saan laganap ang malnutrisyon, nakababahala ang pagdami ng mga taong sobra sa timbang o napakataba. Ang pangunahing sanhi: ang kombinasyon ng mga pagkaing mataas sa kalori at ugaling palaupo na nagdulot ng epidemya ng labis na katabaan sa E.U.A.” Sinang-ayunan ito ni Dr. Stephan Rössner, propesor ng mga kaugaliang pangkalusugan sa Karolinska Institute sa Stockholm, Sweden, at iginiit pa nga niya: “Dumarami ang mga taong napakataba saanmang bansa sa daigdig.”

Isang Pangglobong Problema

Maliwanag, mahalaga sa ating kalusugan ang regular na iskedyul ng katamtamang pisikal na gawain. Gayunman, kahit balitang-balita na ang mga panganib ng hindi gaanong pagkilos, maraming tao pa rin sa daigdig ang nagpapatuloy sa halos hindi pagkilos. Naniniwala ang World Heart Federation na “hindi sapat ang pisikal na pagkilos [ng 60 hanggang 85 porsiyento ng populasyon sa daigdig] para maging malusog sila, lalo na ang mga batang babae at kababaihan.” Iginigiit ng organisasyong ito na “hindi rin sapat ang pisikal na pagkilos ng halos dalawang katlo ng mga bata para maging malusog ang mga ito.” Sa Estados Unidos, mga 40 porsiyento ng mga adulto ay may palaupong istilo ng pamumuhay at mga kalahati ng mga kabataan na edad 12 hanggang 21 ay hindi regular na gumagawa ng mabibigat na gawain.

Natuklasan sa isang pag-aaral, na nagsuri sa pagiging laganap ng palaupong istilo ng pamumuhay sa 15 bansa sa Europa, na ang dami ng mga taong hindi gaanong nagkikikilos ay mula 43 porsiyento sa Sweden hanggang 87 porsiyento sa Portugal. Sa São Paulo, Brazil, mga 70 porsiyento ng populasyon ay may palaupong istilo ng pamumuhay. Iniulat ng World Health Organization (WHO) na ang “mga impormasyong nakalap sa mga surbey hinggil sa kalusugan sa buong daigdig ay kapansin-pansing nagkakatulad.” Kaya hindi natin dapat ipagtaka na tinatayang dalawang milyon katao ang namamatay taun-taon dahil sa mga sanhing nauugnay sa hindi gaanong pagkilos.

Ikinababahala ng mga eksperto sa kalusugan ang kalagayang ito. Bilang tugon, sinimulan ng mga ahensiya ng gobyerno sa buong daigdig ang iba’t ibang programa sa layuning turuan ang mga tao hinggil sa mga kapakinabangan ng katamtamang pisikal na gawain. Pagsapit ng taóng 2010, umaasa ang Australia, Hapon, at Estados Unidos na mapasusulong nila nang 10 porsiyento ang antas ng pisikal na gawain ng kanilang mga mamamayan. Tunguhin ng Scotland na pagsapit ng taóng 2020, 50 porsiyento ng mga adultong mamamayan nito ay makikibahagi nang regular sa pisikal na gawain. Ipinaliliwanag ng isang ulat mula sa WHO na ang “iba pang bansa na nagbigay ng priyoridad sa kanilang pambansang mga programa para sa pisikal na gawain ay ang Mexico, Brazil, Jamaica, New Zealand, Finland, Russian Federation, Morocco, Vietnam, Timog Aprika, at Slovenia.”

Sa kabila ng mga pagsisikap ng mga gobyerno at organisasyong pangkalusugan, ang bawat isa sa atin ang talagang may pangunahing pananagutan sa pangangalaga sa ating kalusugan. Tanungin ang iyong sarili, ‘Sapat ba ang aking pagiging aktibo sa pisikal? Nakapag-eehersisyo ba ako nang sapat? Kung hindi, ano ang magagawa ko upang baguhin ang aking palaupong istilo ng pamumuhay?’ Ipakikita sa iyo ng susunod na artikulo kung paano mo mapag-iibayo ang antas ng iyong pisikal na gawain.

[Talababa]

a Ang hindi gaanong pagkilos ay maaaring magsapanganib nang husto sa buhay. Halimbawa, ayon sa American Heart Association, dahil sa hindi gaanong pagkilos, “nadodoble ang panganib na magkaroon ng sakit sa puso at tumataas nang 30 porsiyento ang panganib na magkaroon ng alta presyon. Dahil din dito, nadodoble ang panganib na mamatay dahil sa CVD [cardiovascular disease] at istrok.”

[Kahon sa pahina 4]

Ang Gastos Dahil sa Hindi Gaanong Pagkilos

Nababahala nang husto ang maraming gobyerno at organisasyong pangkalusugan dahil sa pinansiyal na mga kalugihan sa lipunan na dulot ng hindi gaanong pagkilos.

● Australia - Sa bansang ito, ang taunang gastusin para sa pangangalagang pangkalusugan na nauugnay sa hindi gaanong pagkilos ay umaabot nang mga $377 milyon.

● Canada - Ayon sa World Heart Federation, sa loob lamang ng isang taon, gumastos ng mahigit na $2 bilyon ang Canada para sa pangangalagang pangkalusugan na “maisisisi sa hindi gaanong pagkilos.”

● Estados Unidos - Noong taóng 2000, gumugol ang Estados Unidos ng nakagigitlang $76 na bilyon sa medikal na mga gastusin na tuwirang nauugnay sa hindi gaanong pagkilos.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 5]

Kailangan ng mga Bata ang Pisikal na Gawain

Ipinakikita ng kamakailang mga pag-aaral na parami nang paraming bata ang hindi regular na nakikibahagi sa pisikal na gawain. Mas maraming batang babae ang hindi gaanong nagkikikilos kaysa sa mga batang lalaki. Lumilitaw na habang nagsisilaki ang mga bata, nababawasan ang antas ng kanilang pisikal na gawain. Ang sumusunod ay ilan sa mga kapakinabangang matatamo ng mga bata sa regular na gawaing pisikal:

● Tumitibay ang mga buto, kalamnan, at kasukasuan

● Naiiwasan ang sobrang timbang at labis na katabaan

● Naiiwasan o naaantala ang mga problemang sanhi ng alta presyon

● Naiiwasan ang Type 2 diabetes mellitus

● Tumataas ang pagpapahalaga sa sarili at naiiwasan ang kabalisahan at kaigtingan

● Nagkakaroon ng aktibong istilo ng pamumuhay anupat naiiwasan ang palaupong istilo ng pamumuhay kapag naging adulto

[Kahon/Larawan sa pahina 6]

Mas Mabuting Kalusugan Para sa mga May-edad Na

Sinasabing habang nagkakaedad ka, lalo kang makikinabang sa katamtamang programa sa ehersisyo. Gayunman, maraming may-edad na ang nag-aatubiling makibahagi nang regular sa pisikal na mga gawain dahil sa takot na masaktan o magkasakit. Totoo naman, makabubuting kumonsulta muna sa kanilang doktor ang mga may-edad na bago nila pasimulan ang isang programa ng nakapapagod na gawain. Gayunman, naniniwala ang mga eksperto na kung may pisikal na gawain ang nakatatandang mga adulto, mapabubuti nang husto ang kalidad ng kanilang pamumuhay. Ang sumusunod ay ilang pitak na posibleng mapasulong ng mga may-edad na sa pamamagitan ng regular na pag-eehersisyo:

● Pagiging alisto ng isip

● Panimbang at pagiging malambot ng katawan

● Emosyonal na kalusugan

● Mabilis na paggaling mula sa pagkakasakit o pinsala

● Paggana ng sikmura, bituka, at atay

● Metabolismo

● Sistema ng imyunidad

● Tibay ng buto

● Sigla

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share