Kung Paano Iingatan ang Iyong Kalusugan
ANG hamon sa ngayon ay ang pagpasiyahan kung ano ang pahihintulutan nating magdulot ng pinakamalaking epekto sa ating kalusugan. Binaha ang larangan ng negosyo ng maraming impormasyon mula sa media hinggil sa pagdidiyeta, ehersisyo, mga suplementong pagkain, at katakut-takot na iba pang may kinalaman sa kalusugan. Nakalulungkot sabihin, karamihan sa mga ito ay nagkakasalungatan. Ganito ang sabi ng manunulat sa siyensiya na si Denise Grady: “Ang payo sa mamamayan tungkol sa kung ano ang dapat kanin, kung anong gamot ang dapat inumin at, pangunahin na, kung paano mabuhay, ay waring nababaligtad tuwing may bagong pagsusuri na inilalathala sa isang babasahin tungkol sa medisina.”
Ipinapayo ng ilang doktor na ang patuloy na pagsunod sa mga saligang kaalaman ay isang mas matalinong paraan kaysa sa pagsubok sa bawat bagong kausuhan tungkol sa kalusugan. Halimbawa, ganito ang sabi ng The American Medical Association Family Medical Guide: “Makapananatili kang mas malusog sa buong buhay mo sa pamamagitan ng paggawa ng mga positibong pagbabago sa istilo ng pamumuhay at regular na pagpapatingin sa doktor, upang makita at magamot agad ang anumang sakit na maaaring lumitaw.” Subalit ano kayang “mga positibong pagbabago sa istilo ng pamumuhay” ang pinakakapaki-pakinabang? Tingnan natin ang tatlo sa mga ito.
Piliin ang Nakapagpapalusog na Pagkain
Inirerekomenda ng mga awtoridad sa medisina na kumain tayo ng iba’t ibang uri ng pagkain, na ang pinakamaraming bahagi ng ating mga kalori ay mula sa complex carbohydrates, lalo na yaong nasa mga binutil, balatong, gulay, at mga prutas.a Gayunman, ang ating kalusugan ay apektado hindi lamang ng ating kinakain kundi ng dami ng ating kinakain. Mahalaga na kumain lamang nang katamtaman. Ang regular na pagkain ng higit na kalori kaysa sa kayang tunawin ng ating katawan ay hahantong sa labis na pagtaba (obesity). Bilang resulta, maaaring magdulot ito ng pagkapagod ng puso, panghihina ng katawan, at magpapangyari ito upang ang isa’y “mas madaling magkaroon ng sakit sa puso, diyabetis, rayuma, at iba pang karamdaman,” sabi ng isang medikal na aklat-pamatnubay.
Nitong nakalipas na mga taon, higit na binigyang-pansin ang tungkol sa matatabang pagkain. Sinasabi ng maraming propesyonal sa kalusugan na ang pagkaing may maraming taba mula sa hayop ay malamang na maging dahilan ng pagkakaroon ng sakit sa puso at ilang uri ng kanser. Ngunit hindi naman ito nangangahulugan na hindi na tayo dapat kumain ng taba. “Maaari mo namang isama sa nakapagpapalusog na pagkain ang mga gusto mong kanin, sa limitadong dami, halos araw-araw,” sabi ni Mary Abbott Hess, dating presidente ng American Dietetic Association. Ang mahalaga ay panatilihing kaunti lamang ito at bawasan ang iba pang pinagmumulan ng taba.
Ipagpalagay nang nahihirapan kang baguhin ang iyong kinagawian sa pagkain. Sa katunayan, ikinakatuwiran ng ilan na bakit pa kailangang mabuhay kung palagi rin lamang nilang pagkakaitan ang kanilang sarili ng mga pagkaing gustung-gusto nila. Ngunit sa halip na sundin ang mahigpit na pamamaraang ito, sikaping maging katamtaman lamang. Mas makabubuting magbawas lamang sa halip na lubusang alisin ito. Ganito ang sabi ng nabanggit kanina na Family Medical Guide: “Ang pagsunod sa isang malusog na istilo ng pamumuhay ay hindi naman nangangahulugang hindi ka na maaaring masiyahan sa buhay.”
Iminumungkahi ng mga dayetisyan na magiging madali para sa iyo na gumawa ng pagbabago sa iyong pagkain kung unti-unting aalisin ang di-nakapagpapalusog na mga pagkain. Halimbawa, balansehin ang iyong pagkain para sa isang linggo, hindi para sa isang araw lamang. Kung sa ngayon ay kumakain ka ng karneng baboy o baka araw-araw, subukin mong bawasan ito at gawing tatlong beses na lamang sa isang linggo. Gayundin ang gawin sa mga pagkaing maraming taba mula sa hayop, gaya ng mantikilya, keso, sorbetes, at mga pagkaing pangmeryenda na maraming taba. Gawing tunguhin na bawasan ang pagkain ng taba upang ito’y hindi humigit sa 30 porsiyento ng iyong kabuuang kalori.
Nagbabala si Dr. Walter Willett ng Harvard University laban sa pagbabawas ng pagkain ng maraming taba at pagkatapos ay papalitan naman ito ng mga pagkaing mayaman sa arina at asukal. Madalas na nagiging dahilan ito ng pagtaba. Ang mas mabuting gawin ay bawasan kapuwa ang taba at carbohydrates sa iyong pagkain.
Katamtamang Ehersisyo
Kabilang sa malusog na istilo ng pamumuhay ang isang programa ng regular na pag-eehersisyo. Ganito ang sinabi ni Dr. Steven Blair, isang patnugot ng ginawang ulat ng siruhano heneral ng Estados Unidos ukol sa kakayahang pangkatawan: “Binabawasan ng mga taong nagbabago mula sa pagiging palaupo tungo sa katamtamang pagkilus-kilos ng katawan ang kanilang tsansang mamatay dahil sa sakit sa puso nang kalahati.” Nakalulungkot, marami sa ngayon ang wala kahit katamtamang pagkilus-kilos man lamang ng katawan. Halimbawa, sa Estados Unidos, 1 sa 4 katao ang sinasabing hindi talaga nagkikikilos. Sa Canada, natuklasan mula sa isang pagsusuri na pinamagatang 1997 Physical Activity Benchmarks na “63 porsiyento ng mga taga-Canada ang nagkikikilos lamang nang wala pang isang oras sa maghapon,” pag-uulat ng The Toronto Star. At sinasabi ng mga mananaliksik sa Britanya na ang isang grupo ng mga batang sinuri nila ay “talagang hindi nagkikikilos anupat halos walang pagbabago sa pintig ng kanilang puso gising man sila o tulog.”—The Sunday Times.
Dati-rati, inakala na tanging ang mapupuwersang ehersisyong aerobics lamang ang nakapagpapalusog. Ngunit hindi kailangan ang nakapapagod na ehersisyo upang mapasulong ang pangangatawan. Sa katunayan, “ang pagsusunog ng kahit 150 kalori lamang bawat araw [sa pamamagitan ng katamtamang ehersisyo] ay makababawas na ng panganib na magkaroon ng sakit sa puso, alta presyon, kanser, at diyabetis,” ayon sa ulat ng siruhano heneral.
Kapag pumipili ka ng isang uri ng ehersisyo, mahalaga na ang piliin mo ay yaong ikasisiya mong gawin. Kung hindi, tiyak na hindi mo iyon gagawing bahagi ng iyong istilo ng pamumuhay. Ang mahalaga ay hindi kung ano ang ginagawa mong ehersisyo kundi kung gaano kadalas mo ginagawa iyon. Iminumungkahi ng U.S. National Institutes of Health na bilang pangkalahatang patnubay, “dapat na gawing tunguhin kapuwa ng mga bata’t matatanda na makabuo ng di-kukulangin sa 30 minuto ng di-gaanong nakapapagod na pagkilos ng katawan sa pinakamaraming araw, at mas makabubuti pa nga, kung sa lahat ng araw ng sanlinggo.”
Anong uri ng aktibidad ang maituturing na hindi gaanong nakapapagod? Ang paglangoy, maliksing paglalakad, pamimisikleta, paghuhugas at paglalagay ng wax sa kotse, pag-akyat sa hagdan, at paglilinis ng bakuran. Hindi mo kailangang sumali sa gym o health club upang maingatan ang iyong kalusugan. Gayunman, may isang babala: Inirerekomenda ng mga awtoridad sa medisina na kung ikaw ay dati nang may diperensiya sa puso at sa daluyan ng dugo o kung ikaw ay isang lalaking mahigit nang 40 taóng gulang o isang babaing mahigit nang 50, tiyakin mong magpatingin muna sa doktor bago pasimulan ang anumang programa sa pag-eehersisyo.
Kumusta Naman ang Paninigarilyo, Droga, at Alkohol?
Paninigarilyo: Ang usok ng sigarilyo ay naglalaman ng mahigit sa 4,000 sangkap na masama sa kalusugan, na dito’y 200 ang kinikilalang lason. Gayunman, gaano man karami ang lason, hindi na halos pinag-aalinlanganan ang mapanirang epekto ng paninigarilyo sa kalusugan ng isa. Iilan lamang sa mga ipinagbibiling produkto ang maaaring itulad sa tabako sa bilang ng mga namamatay dahil sa mga ito. Halimbawa, sa Estados Unidos, makasampung ulit na mas marami ang namamatay dahil sa mga karamdamang dulot ng tabako kaysa mga namamatay dahil sa mga aksidente sa sasakyan. Tinataya ng World Health Organization na sa buong mundo, ang paninigarilyo ay kumikitil ng tatlong milyong buhay taun-taon!
Bukod pa sa lumalaking panganib ng kanser at sakit sa puso, ang mga naninigarilyo ay mas madalas na may sipon, ulser sa tiyan, malalang brongkitis, at mas mataas na presyon ng dugo kaysa roon sa mga di-naninigarilyo. Binabawasan din ng paninigarilyo ang pang-amoy at panlasa ng isa. Maliwanag, ang pagtigil sa paninigarilyo ay isa sa pinakamahalagang pag-iingat sa kalusugan na maaaring gawin ng isang indibiduwal. Ngunit kumusta naman ang droga at alkohol?
Droga: Ang pag-abuso sa droga ay sumingil ng napakaraming buhay ng tao sa buong daigdig. Ganito ang sabi ng U.S. Department of Health and Human Services: “Taun-taon, ang pag-abuso sa droga ay kumikitil ng 14,000 Amerikano.” Ngunit hindi lamang mga ilegal na gumagamit ng droga ang apektado ng negosyo sa droga. Upang matustusan ang kanilang bisyo, maraming adik ang nagiging marahas at namumuhay nang labag sa batas. Ganito ang sabi ng The Sociology of Juvenile Delinquency: “Dahil sa kumpitensiya sa pag-aahente ng crack [cocaine], ang ilang pamayanan sa loob ng lunsod ay naging pambayang ‘pook patayan,’ kung saan napakataas ng bilang ng pagpatay anupat ang mga ito’y itinuring ng mga pulis na mistulang mga disyertong tigmak ng kaguluhan.”
Mangyari pa, ang pag-abuso sa droga ay hindi lamang sa Estados Unidos naging problema. Ayon sa isang pagtaya, taun-taon, nasa pagitan ng 160,000 hanggang 210,000 katao sa buong daigdig ang namamatay dahil sa pag-iiniksiyon ng droga. Karagdagan pa, milyun-milyon ang gumagamit naman ng ibang uri ng nakapipinsalang droga, gaya ng ikmo (kulay-berdeng-dahong pampasigla), bunga, at cocaine.
Alkohol: Bagaman napapansin ng publiko ang matatapang na drogang gaya ng crack cocaine at heroin, nakahihigit ang pinsala na dulot ng pag-abuso sa alkohol. Ang alkoholismo ay “nakaaapekto sa isa sa 10 taga-Canada,” pag-uulat ng The Medical Post, “at ang gastos sa sistema ng pangangalaga sa kalusugan ay $10 bilyon sa isang taon.” Tinataya na sa Estados Unidos, ang alkohol ang dahilan ng 50 porsiyento ng nakamamatay na mga aksidente sa sasakyan at mga sunog, 45 porsiyento ng pagkalunod, at 36 na porsiyento ng mga aksidente sa mga naglalakad sa kalye. Sangkot din ang pag-abuso sa alkohol sa maraming mararahas na krimen. Yaong mga namamaslang, nananakit, nanghahalay, nang-aabuso ng bata, o nagpapakamatay ay madalas na may espiritu ng alak sa katawan.
Kung ang mahal mo sa buhay ay alipin ng alkohol, tabako, o droga, humingi ng tulong.b Ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, ay nagsasabi na “ang tunay na kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganganak kapag may kabagabagan.” (Kawikaan 17:17) Oo, malaki ang magagawa ng pananalig sa mapagmahal na alalay kapuwa ng pamilya at ng mga kaibigan upang matulungan kang makayanan ang mahirap na kalagayan.
Ngunit upang ikaw ay tunay na maging malusog, higit pa ang kailangan kaysa sa mabuting kalusugan ng katawan. Gumaganap din ng mahalagang papel ang mental at espirituwal na katangian sa pagpapanatili ng isang malusog na istilo ng pamumuhay. Tatalakayin ito ng susunod na artikulo.
[Mga talababa]
a Para sa isang detalyadong pagtalakay hinggil sa isang nakapagpapalusog na pagkain, tingnan ang Gumising!, Hunyo 22, 1997, pahina 7-13.
b Tingnan ang seryeng “Tulong sa mga Alkoholiko at sa Kanilang Pamilya,” sa Mayo 22, 1992, isyu ng Gumising!
[Blurb sa pahina 5]
“Ang pagsunod sa isang malusog na istilo ng pamumuhay ay hindi naman nangangahulugang hindi ka na maaaring masiyahan sa buhay”
[Blurb sa pahina 6]
Tinataya ng World Health Organization na ang paninigarilyo ay kumikitil ng tatlong milyong buhay taun-taon
[Blurb sa pahina 7]
“Maaari mo namang isama sa nakapagpapalusog na pagkain ang mga gusto mong kanin, sa limitadong dami, halos araw-araw”
[Larawan sa pahina 5]
Ang regular na pag-eehersisyo ay maaaring maging bahagi ng isang malusog na istilo ng pamumuhay
[Larawan sa pahina 6]
Tanggihan ang tabako at ilegal na droga
[Larawan sa pahina 7]
Makabubuti sa iyo ang mga prutas at gulay
[Larawan sa pahina 7]
Maging ang pang-araw-araw na gawain sa bahay ay maaaring maging nakapagpapalusog na ehersisyo