Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 4/8 p. 24-25
  • Kilalanin ang “Lola sa Threadneedle Street”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kilalanin ang “Lola sa Threadneedle Street”
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pangangailangan Para sa Isang Pambansang Bangko
  • Mga Pag-unlad at Pagbagsak
  • Nananatiling Abala ang “Lola”
  • Kung Bakit Bumabagsak ang mga Bangko
    Gumising!—1987
  • Gaano Katatag ang mga Bangko?
    Gumising!—1987
  • Bahagi 3—Ipinakikita ng Sakim na Komersiyo ang Tunay Nitong Kulay
    Gumising!—1992
  • Bangko, Bangkero
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 4/8 p. 24-25

Kilalanin ang “Lola sa Threadneedle Street”

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BRITANYA

MALALAKING pader na walang bintana ang pumapalibot sa kaniyang marangyang tirahan. Ang mga bantay ng pintuang-daan na maringal sa kanilang kasuutang kulay-rosas na mga sakolebita (tailcoat), pulang tsaleko, at itim na sombrero ang nagguguwardiya sa mga pasukan. Maingat na minamanmanan ng mga kamera ang mga dumadalaw sa kaniya. Sino ba itong “Lola sa Threadneedle Street,” at bakit kailangan niya ang gayong proteksiyon?

Ang “Lola” ay isa sa pangunahing pinansiyal na institusyon sa buong daigdig​—ang Bank of England. Ngunit bakit nagkaroon ng gayong kakaibang pangalan ang bangko? Ang Threadneedle Street ay nasa lugar ng London kung saan dati’y maraming samahan ng mga negosyante at manggagawa, at ang pangalan nito ay malamang na galing sa tatlong karayom sa eskudo de armas ng Needlemaker’s Company. Mga sandaang taon pagkatapos maitatag ang bangko, tinukoy ito ng pulitiko at manunulat ng dula na si Richard Sheridan sa Parlamento bilang isang “lola sa lunsod na may mabuting reputasyon at matagal nang umiiral.” Agad ginamit ng karikaturista na si James Gillray ang ideya na ang isang bangko ay parang isang lola, at mula noon, popular na itong nakilala bilang Lola sa Threadneedle Street.

Pangangailangan Para sa Isang Pambansang Bangko

Noong ika-17 siglo, kontrolado ng mga panday-ginto ang karamihan sa mga bangko sa London. Naging maganda naman ang takbo ng kaayusang ito hanggang nagsimulang humiram ng pera ang mga hari sa dinastiya ng Stuart at hindi nagbayad. Nang maglaon, nabangkarote ang kilalang mga bangkerong panday-ginto, at dahil dito ay lubhang nangailangan ng salapi ang gobyerno upang suportahan ang pakikidigma nito sa Pransiya.

Nang maluklok sa trono ang mag-asawang sina William III at Mary II noong 1689, may apurahang mga kahilingan para sa isang pambansang bangko na magsisilbing bangkero ng pamahalaan at tagapangilak ng pondo. Mula sa iba’t ibang isinumiteng mungkahi at sa kabila ng matinding pagsalansang, tinanggap sa wakas ng Parlamento ang panukala ng negosyanteng si William Paterson na taga-Scotland. Ang mga mamamayan ng London ay hinilingang magpautang ng pera na inaasahang aabot sa halagang 1,200,000 pound. Kapalit nito, babayaran ng gobyerno ng 8 porsiyentong interes ang mga nagpautang at isasali sila sa Governor and Company of the Bank of England. Sa loob ng dalawang linggo, dumating ang pera, at nagsimula nang magnegosyo ang Bank of England noong 1694.

Makalipas ang apatnapung taon, lumipat ang bangko sa mga gusali sa Threadneedle Street. Ang kasalukuyang gusali, na mula pa noong dekada ng 1930, ay pitong palapag ang taas at may pagkalaki-laking mga kaha-de-yero sa ilalim ng lupa. Okupado nito ang buong 1.2 ektaryang bloke.

Mga Pag-unlad at Pagbagsak

Sa pasimula, ang bangko ay nagbibigay ng sulat-kamay na mga resibong gawa sa papel de-bangko sa mga kostumer na nagdedeposito ng kanilang mga pound, shilling, at pence para itago. Ang mga perang papel na ito ay maaaring papalitan ng ginto o barya ng sinumang nagdadala nito sa bangko bilang pambayad. Sabihin pa, kung sabay-sabay na kukunin ng lahat ang kanilang pera, mababangkarote ang bangko. Ilang beses nang muntik-muntikang mabangkarote ang bangko. Halimbawa, halos mabangkarote na naman ang bansa noong 1797 dahil sa pakikidigma sa Pransiya. Nang bawiin ng mga mamumuhunan ang kanilang ipinatagong pera dahil sa matinding pangamba, naubusan ng pera ang bangko at, dahil dito, kinailangan nitong maglabas ng mga perang papel na mababa ang halaga sa halip na ginto para sa sumunod na 24 na taon. Noong ‘panahong ito ng paghihigpit,’ natamo ng bangko ang bansag nito na Lola sa Threadneedle Street. Ang mga perang papel na ito na minadali ang pagkakagawa ay lubhang nakatukso sa mga gumagawa ng huwad na salapi, subalit matindi ang kaparusahan noong panahong iyon. Mahigit na 300 katao ang binitay dahil sa panghuhuwad.

Napagtagumpayan din ng bangko ang ibang uri ng malubhang problema. Noong 1780, sinikap salakayin ng mga nagra-riot sa London ang gusali. Mula noon, gabi-gabi hanggang noong 1973, nagpapatrolya sa palibot ng gusali ang hukbo ng mga sundalo na may pantanging atas na tiyaking ligtas ang ginto ng bansa.

Noong ika-19 na siglo, ang pound ng Britanya at ang mga perang papel ng Bank of England ay naging pinakamalakas na salapi sa daigdig. Subalit, binago ng Digmaang Pandaigdig I ang kalagayang iyan. Matinding napinsala ang bansa dahil sa napakagastos na digmaan. Nagkumahog ang napakaraming mamumuhunan na ipagpalit ng ginto ang kanilang mga perang papel anupat agad na naubos ang mga baryang ginto. Ang mga ito ay hinalinhan ng mga perang papel na may maliliit na denominasyon. Naglaho na ang mga baryang ginto na ginagamit sa araw-araw. Noong 1931, tuluyan nang hindi ginamit ng Britanya ang pamantayang salaping ginto, na nangangahulugang ang halaga ng pound sterling ay wala nang kaugnayan sa itinalagang dami ng ginto.

Sa buong kasaysayan nito, ang bangko ay isang pribadong kompanya. Subalit noong 1946, ang gobyerno na ang namahala rito.

Nananatiling Abala ang “Lola”

Isang bangko sentral ang Bank of England. Nagsisilbi itong bangkero ng gobyerno, anupat nagpapayo sa gobyerno hinggil sa pinansiyal na patakaran at pinananatili nitong matatag ang pananalapi hangga’t maaari sa pamamagitan ng pagtatakda ng angkop na mga halaga ng interes. Parokyano rin nito ang iba pang komersiyal na mga bangko at mga bangko sentral ng banyagang mga bansa. Iniingatan nito ang mga reserbang ginto ng bansa sa mga kaha-de-yero nito sa ilalim ng lupa. Sa labas ng London, sa isa pang ligtas na lugar, pinangangasiwaan nito ang pag-iimprenta ng bagong mga perang papel ng bangko.

Palibhasa’y malapit sa sentro ng mga sona ng oras, hindi natutulog ang lunsod ng London. Gumaganap ng mahalagang papel ang bangko sa loob ng lunsod. Ang mga gawain sa likuran ng mga pader na iyon na walang bintana ay lubhang nakaaapekto sa pinansiyal na mga institusyon sa buong daigdig. Oo, ang “Lola sa Threadneedle Street” ay aktibo pa rin na gaya noon, anupat kontrolado ang pananalapi ng bansa.

[Larawan sa pahina 24]

Ang unang karta ng bangko, 1694

[Larawan sa pahina 24]

Sulat-kamay na £5 na perang papel, 1793

[Larawan sa pahina 24]

Sa Threadneedle Street, 1794

[Larawan sa pahina 24]

£1 na gintong barya, 1911

[Larawan sa pahina 24]

Bahagi ng unang karikatura ni James Gillray, 1797

[Larawan sa pahina 25]

Perang papel na sampung “shilling,” 1928

[Larawan sa pahina 25]

Kasalukuyang gusali, mula pa noong 1939

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share