Pagmamasid sa Daigdig
◼ “Napakaraming ebidensiya sa siyensiya na pumapabor sa ebolusyon anupat lumilitaw na isa itong katotohanan na mapanghahawakan natin at lubhang makadaragdag sa nalalaman natin hinggil sa buhay.”—POPE BENEDICT XVI.
◼ “Di-magkamayaw ang mga opisyal . . . sa paghahagilap ng pondo para mainspeksiyon at makumpuni ang humigit-kumulang 74,000 ‘depektibong’ tulay sa Estados Unidos, matapos bumigay ang 40-taóng-gulang na tulay sa Minneapolis [Minnesota]. Bumagsak ang tulay na ito nang 60 talampakan sa Ilog Mississippi. Punô ng dumaraang sasakyan ang tulay nang oras na iyon anupat [13 katao] ang namatay.”—THE WEEK, E.U.A.
Mas Marami ang Lumalabag sa Batas
“Ang pag-aakala na ‘mas marami ang masunurin sa batas’ ay kathang-isip lamang na gusto nating paniwalaan,” ang sabi ng pahayagang Times ng London. “Karamihan ng mga Britano ay umaamin na sinusunod lamang nila ang mga batas na gusto nilang sundin, at kung kailan lamang nila gustong sumunod.” Ipinakikita ng isang surbey ng Centre for Crime and Justice Studies sa King’s College sa London na karamihan ng mga lumalabag sa batas ay mula sa “iginagalang” na sektor ng lipunan. Sangkatlo ng mga tinanong ay nagsabing nagbabayad sila ng cash para makaiwas sa pagbabayad ng buwis. Sangkatlo naman ang hindi nagbabalik ng sobrang sukli, at sangkalima ang umamin na nang-uumit sila ng mga gamit sa trabaho. Sinasabi ng mga mananaliksik na ang mga ito ay “palatandaan na napakababa ng moralidad ng lipunan—marahil, mas malala pa nga kaysa sa antas ng karahasan at krimen sa lansangan.”
Nuklear na mga Sandata “sa mga Kamay ng Diyos”?
Binasbasan ng Simbahang Ruso Ortodokso ang pagsisikap ng mga lalaki’t babae na nag-iimbak at nagmamantini sa nuklear na mga sandata ng Russia. Sa mensaheng binasa sa isang seremonya sa Christ the Savior Cathedral sa Moscow, ganito ang sinabi ng lider ng Simbahang Ruso Ortodokso na si Alexis II: “Idinadalangin ko sa Diyos . . . na ang nuklear na mga sandatang ginawa ninyo at ipinagkatiwala sa inyo ay manatili nawa sa mga kamay ng Diyos at magsilbi lamang na panakot sa mga bansang nagbabalak sumalakay at pangganti sa mga bansang sumasalakay.” Ang mensaheng ito ay iniulat din ng pahayagang Krasnaya Zvezda.
Pulót sa Sinaunang Israel
“Nahukay ng mga arkeologo ang ebidensiya na magpapatunay sa paglalarawan ng Bibliya sa Israel . . . bilang ‘lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan’ (o kahit man lamang bilang lupaing inaagusan ng pulot-pukyutan),” ang sabi ng Hebrew University of Jerusalem Institute of Archaeology. Natagpuan ito sa Tel Rehov sa Beth Shean Valley ng Israel. Binubuo ito ng tatlong hanay ng bahay-pukyutan na hugis-silinder, gawa sa putik, at nakasalansan nang di-kukulangin sa tatlong patong. Mula pa ito noong “ika-10 hanggang sa pasimula ng ika-9 na siglo B.C.E.” at “malamang na naglalaman ito ng mga 100 bahay-pukyutan,” ang sabi ng ulat. Tinataya ng mga tagapag-alaga ng bubuyog na maaaring makakuha noon ng “mga kalahating tonelada ng pulot” bawat taon sa mga bahay-pukyutang iyon.
Mga Alagang Hayop Muna
Ayon sa isang surbey sa Internet, “isa sa apat na Australiano ang nagsasabing ang kanilang alagang hayop ang pinakamahalagang miyembro ng kanilang pamilya, at di-hamak na mas mahalaga kaysa sa kanilang asawa o kinakasama, o maging sa kanilang mga magulang,” ang sabi ng isang pahayagan sa Internet na The Sydney Morning Herald. Ayon sa surbey ng isang kompanyang nag-aasikaso ng pananalapi ng mga tao sa Australia, isa sa bawat tatlong taong tinanong ang gumugugol ng “mas maraming panahon at pera sa kanilang mga alagang hayop kaysa sa kanilang sariling pagpapagamot.” Kasama sa pagpapagamot sa mga alagang hayop ang paggamit ng magnetic resonance imaging, mga sopistikadong paraan ng pag-oopera, paghuhugpong ng buto, chemotherapy, organ transplant, pagpapalit ng balakang ng hayop, at maging ang pagpapaopera sa utak ng mga ito.