Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 3/12 p. 12-14
  • Ain Jalut—Isang Labanang Bumago sa Kasaysayan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ain Jalut—Isang Labanang Bumago sa Kasaysayan
  • Gumising!—2012
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Si Qutuz at ang mga Mamluk
  • Ang Ain Jalut sa Palestina
  • Ang Resulta ng Labanan sa Ain Jalut
  • Mga Lagalag na Asiano na Nagtatag ng Imperyo
    Gumising!—2008
  • Talaan ng mga Nilalaman
    Gumising!—2012
  • Ain
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Lod
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Gumising!—2012
g 3/12 p. 12-14

Ain Jalut​—Isang Labanang Bumago sa Kasaysayan

ISANG hukbo ng malulupit na mandirigmang nakakabayo mula sa Mongolia ang lumusob, anupat winawasak ang bawat lunsod na ayaw sumuko. Noong Pebrero 1258, sinalakay nila ang Baghdad at winasak ang mga pader nito. Pumaslang sila at nandambong sa loob ng isang linggo. Ang lahat ng mga bansang Muslim ay takót na takót sa mga Mongol.a

Noong Enero 1260, nang lumusob pakanluran ang mga Mongol, sinalakay din nila at winasak ang Aleppo, Sirya. Noong Marso, kusang sumuko sa mga Mongol ang Damasco. Di-nagtagal, sinakop nila ang Nablus (malapit sa sinaunang Sikem) at Gaza, na mga lunsod sa Palestina.

Si Hülegü, ang heneral ng mga Mongol, ay nag-utos na sumuko rin sa kanila si Sultan al-Muzaffar Sayf al-Din Qutuz, ang Muslim na tagapamahala ng Ehipto. Nagbanta si Hülegü na kung hindi sila susuko, masama ang sasapitin ng Ehipto. Halos 15 beses na mas marami ang mga kawal ni Hülegü kaysa sa hukbo ng Ehipto na may 20,000 kawal lang. “Nanganganib na malipol noon ang mga Muslim,” ang sabi ni Propesor Nazeer Ahmed, isang istoryador ng Islam. Ano kaya ang gagawin ni Sultan Qutuz?

Si Qutuz at ang mga Mamluk

Si Qutuz ay isang Mamluk, isang alipin na may lahing Turko. Ang mga Mamluk ay dating mga kawal na alipin ng mga sultang Ayyubid sa Cairo, Ehipto. Pero noong 1250, pinatalsik ng mga aliping iyon ang kanilang mga panginoon at sila ang naging tagapamahala ng Ehipto. Si Qutuz, na dati ring kawal na alipin, ay nang-agaw ng kapangyarihan at naging sultan noong 1259. Isa siyang mahusay na mandirigma na hindi basta-basta susuko. Pero parang malabong matalo niya ang mga Mongol. Gayunman, may ilang sunud-sunod na pangyayari na makaaapekto sa takbo ng kasaysayan.

Nabalitaan ni Hülegü na si Möngke, ang dakilang khan ng mga Mongol, ay namatay sa Mongolia. Sa pangambang magkaroon ng agawan ng kapangyarihan doon, umuwi si Hülegü kasama ang karamihan sa kaniyang hukbo. Mga 10,000 hanggang 20,000 kawal lang ang iniwan niya sa pag-aakalang kaya nang sakupin ng mga ito ang Ehipto. Nakakita ngayon si Qutuz ng pag-asa. Naisip niyang ito na ang pagkakataon para talunin ang mga kaaway.

Gayunman, nasa pagitan ng Ehipto at ng mga Mongol ang isa pang kaaway ng mga Muslim​—ang hukbo ng mga krusado na nagpunta sa Palestina upang angkinin ang “Banal na Lupain” para sa mga Kristiyano. Humingi si Qutuz sa kanila ng permisong dumaan at makabili ng mga suplay na gagamitin sa pakikipaglaban sa mga Mongol sa Palestina. Pumayag naman ang mga krusado. Si Qutuz lang kasi ang inaasahan nilang makapagpapaalis sa mga Mongol, na banta sa kanila at sa mga Muslim.

Handa na ngayon ang mga Mamluk at mga Mongol para sa isang labanang babago sa takbo ng kasaysayan.

Ang Ain Jalut sa Palestina

Ang mga hukbo ng mga Mamluk at mga Mongol ay naglaban noong Setyembre 1260 sa Ain Jalut na nasa Kapatagan ng Esdraelon. Sinasabing ang Ain Jalut ay malapit sa sinaunang lunsod ng Megido.b

Ayon sa istoryador na si Rashid al-Din, tinambangan ng mga Mamluk ang mga Mongol sa Megido. Pinagtago ni Qutuz ang karamihan sa kaniyang mga mangangabayo sa mga burol sa paligid ng kapatagan at inutusan ang isang maliit na pangkat na lumusob para umatake ang mga Mongol. Sa pag-aakalang ang pangkat na iyon ang buong hukbo ng mga Mamluk, ang mga Mongol ay sumalakay. Saka ngayon inutusan ni Qutuz ang nagtatagong mga mangangabayo na lumabas at umatake sa mga Mongol. Natalo ang mga mananakop.

Ito ang unang pagkatalo ng mga Mongol mula nang sumalakay sila pakanluran mula sa Mongolia 43 taon na ang nakalilipas. Bagaman di-gaanong malaki ang mga hukbong naglaban, ang Ain Jalut ay itinuturing na isa sa pinakaimportanteng labanan sa kasaysayan. Dahil sa labanang iyon, hindi nalipol ang mga Muslim, napatunayan na puwedeng matalo ang mga Mongol, at nabawi ng mga Mamluk ang kanilang dating mga teritoryo.

Ang Resulta ng Labanan sa Ain Jalut

Ilang beses na bumalik ang mga Mongol sa Sirya at Palestina, pero hindi na sila naging banta sa Ehipto. Ang mga inapo ni Hülegü ay nanirahan sa Persia, nakumberte sa Islam, at nang maglaon ay naging tagapagtaguyod ng kulturang Islam. Ang kanilang mga teritoryo ay tinawag na Persianong ilkhanate, na ibig sabihin, “mas mababang khanate.”

Pero hindi nagtagal ang maliligayang araw ni Qutuz dahil pinatay siya ng kaniyang mga karibal. Isa na rito si Baybars I, ang unang sultan ng muling nagsanib na kaharian ng Ehipto at Sirya. Itinuturing ng marami na siya ang tunay na tagapagtatag ng rehimeng Mamluk. Ang kaniyang bagong estado​—organisado at mayaman​—ay tumagal nang dalawa at kalahating siglo, hanggang noong 1517.

Sa halos 250 taóng iyon, pinaalis ng mga Mamluk ang mga krusado mula sa Banal na Lupain, pinasigla ang kalakalan at industriya, tinangkilik ang mga sining, at nagtayo ng mga ospital, moske, at paaralan. Sa ilalim ng kanilang pamamahala, ang Ehipto ang naging sentro ng mga bansang Muslim.

Ang labanan sa Ain Jalut ay nakaapekto hindi lang sa Gitnang Silangan kundi pati rin sa sibilisasyon sa Kanluran. “Kung nasakop ng mga Mongol ang Ehipto, baka nakapanakop din sila, pagbalik ni Hülegü, sa Hilagang Aprika hanggang sa Kipot ng Gibraltar,” ang sabi ng magasing Saudi Aramco World. At dahil nakarating din noon sa Poland ang mga Mongol, madali na sana nilang masasakop ang Europa.

“Sa gayong kalagayan, posible kayang nagkaroon ng Renaissance sa Europa?” ang tanong ng magasing iyon. “Baka ibang-iba ang kalagayan ng daigdig ngayon.”

[Mga talababa]

a Para sa higit pang impormasyon tungkol sa mga Mongol at sa kanilang pananakop, tingnan ang Gumising!, isyu ng Mayo 2008.

b Dahil maraming malalaking labanan ang naganap sa lugar na ito, ang salitang “Megido” ay iniugnay sa bantog na digmaan na tinatawag na Armagedon​—Har–Magedon sa Hebreo. Iniuugnay ng Bibliya ang Armagedon sa “labanan sa dakilang Araw ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat.”​—Pahayag (o, Apocalipsis) 16:14, 16, Magandang Balita Biblia.

[Mapa sa pahina 12]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Damasco

SIRYA

Bdk. Tabor

Kapatagan ng Esdraelon

Ain Jalut (malapit sa Megido)

Nablus (Sikem)

Jerusalem

Gaza

EHIPTO

[Larawan sa pahina 12]

Lokasyon ng sinaunang lunsod ng Megido

[Larawan sa pahina 13]

Ang mga hukbo ng mga Mamluk at mga Mongol ay naglaban noong Setyembre 1260 sa Ain Jalut, na nasa Kapatagan ng Esdraelon

[Credit Line]

Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.

[Larawan sa pahina 14]

Mga guho ng sinaunang lunsod ng Sikem; nasa likuran ang isang bahagi ng modernong lunsod ng Nablus

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share