Ano ang Magbabago?
“Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa.”
“Walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’”
“Hindi na magkakaroon ng kamatayan.”
PARANG imposibleng magkatotoo ang mga iyan. Pero makatitiyak tayo na hindi lang iyan pangarap. Bakit? Dahil hindi iyan pangako ng mga pulitiko na walang kakayahang baguhin ang ating daigdig. Sa halip, ang mga pangakong iyan ay nasa Bibliya.a
Iniisip ng marami na ang Bibliya ay isang sinaunang aklat na hindi na kapaki-pakinabang ngayon. Ganiyan din ba ang pananaw mo? Kung oo, bakit hindi mo suriin ang nilalaman ng Bibliya? Ang totoo, ang Bibliya ang tanging sagradong aklat na naglalahad ng kasaysayan ng sangkatauhan buhat sa pasimula. Ipinaliliwanag nito ang mga sumusunod:
● Kung paano nasadlak sa pagdurusa ang tao.—Roma 5:12.
● Kung paano lulutasin ng Diyos ang problema.—Juan 3:16.
● Kung bakit hindi mabago ng mga gobyerno ang kalagayan ng daigdig.—Jeremias 10:23.
● Kung bakit tayo makapagtitiwala sa pangako ng Diyos na babaguhin niya ang mga kalagayan.—Josue 23:14.
Talaga bang aalisin ng Diyos ang gutom, digmaan, sakit, at kamatayan? Hindi iyan mahirap paniwalaan kung kumbinsido kang totoo ang mga sumusunod:
1. Nilalang tayo ng Diyos.
2. Nagmamalasakit siya sa atin.
3. May kapangyarihan siyang baguhin ang daigdig.
4. Layunin niyang gawin iyon.
Makatuwiran bang paniwalaan ang apat na puntong ito? Inaanyayahan ka ng mga Saksi ni Jehova, ang tagapaglathala ng magasing ito, na mag-aral ng Bibliya para mapatunayan ito.
Baka may Bibliya ka pero bihira mong basahin iyon o talagang hindi mo iyon binabasa. May mga nagbabasa ng Bibliya pero hindi raw nila iyon gaanong maintindihan. Kung ganiyan ka, inaanyayahan ka naming makipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova para sa isang libreng pag-aaral sa Bibliya. Milyun-milyon sa buong daigdig ang nakikinabang sa ganitong pag-aaral. Paano ba ito ginagawa?
Minsan isang linggo, isa o dalawang Saksi ni Jehova ang pupunta sa inyong bahay o sa isang kumbinyenteng lugar para turuan ka ng Bibliya nang walang bayad. Sa ganitong pag-aaral, malalaman mo ang sagot sa mga tanong na gaya ng, Bakit tayo nagdurusa? Bakit walang kakayahan ang mga gobyerno ng tao na baguhin ang daigdig? Ano ang Kaharian ng Diyos, at paano nito tutuparin ang mga bagay na hindi magawa ng mga gobyerno ng tao?b
Para sa higit pang impormasyon kung paano ka makikinabang sa isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya, makipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar o pumunta sa Web site na www.jw.org. Puwede ka ring sumulat sa angkop na adres na nasa pahina 5 ng magasing ito.
[Mga talababa]
a Ang mga pananalita sa itaas ay kinuha sa Isaias 2:4; Isaias 33:24; at Apocalipsis 21:4.
b Tingnan din ang artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: Sino ang Makapagpapabago sa Ating Daigdig?” sa pahina 26 at 27.