Kingdom News No. 35
Mag-iibigan Pa Kaya sa Isa’t Isa ang Lahat ng Tao?
Lumalamig Na ang Pag-ibig sa Kapuwa
MILYUN-MILYON ang nakadarama ng kawalan ng pag-asa at panlulumo, at ni wala man lamang matakbuhan. Sabi ng isang retiradong negosyanteng babae: ‘Isang gabi kumatok sa aming pinto ang isang biyuda na nakatira sa palapag na aming tinitirhan at nagsabing siya’y nalulumbay. Sa magalang ngunit tahasang pananalita ay sinabi ko sa kaniya na napakarami kong ginagawa. Humingi siya ng paumanhin sa pagkakaabala niya sa akin at umalis na lamang.’
Nakalulungkot, nang gabi ring iyon, ang biyuda ay nagpatiwakal. Pagkaraan nito, sinabi ng negosyanteng babae na naging “malaking leksiyon” ito sa kaniya.
Ang kawalan ng pag-ibig sa kapuwa ay madalas na nagiging kalunus-lunos. Noong panahon ng pag-aalitan ng lipi sa Bosnia at Herzegovina, dating bahagi ng Yugoslavia, mahigit na isang milyon ang sapilitang pinaalis sa kanilang mga tahanan at sampu-sampung libo ang pinatay. Nino? “Ng mismong mga kapitbahay namin,” hinagpis ng isang batang babae na pinalayas sa kanilang nayon. “Kilala namin sila.”
Daan-daang libo katao sa Rwanda ang pinaslang, kadalasan na ng kanilang sariling mga kapitbahay. Ang “Hutu at Tutsi [ay nakatirang] sama-sama, nagiging mag-asawa, anupat hindi man lamang nila inaalumana ni nakikilala kung sino ang Hutu at kung sino naman ang Tutsi,” iniulat ng The New York Times. “Nang walang-anu-ano’y bigla na lamang nabago ang lahat,” at “nagsimula na nga ang pagpapatayan.”
Kahalintulad nito, ang mga Judio at Arabe sa Israel ay magkakasamang naninirahan sa iisang lugar, ngunit marami ang namumuhi sa isa’t isa. Ganito rin ang kalagayan ng maraming Katoliko at Protestante sa Ireland at dumaraming bilang ng mga tao sa iba pang mga bansa. Ngayon lamang sa buong kasaysayan naging ganito kalaganap ang kawalan ng pag-ibig sa sanlibutan.
Bakit Kaya Lumamig Na ang Pag-ibig sa Kapuwa?
Sinasagot ito ng ating Maylalang. Ang panahong kinabubuhayan natin ay tinatawag ng kaniyang Salita, ang Bibliya, na “mga huling araw.” Ito’y isang yugto ng panahon na kung saan, ayon sa hula ng Bibliya, ang mga tao ay “walang likas na pagmamahal.” Hinggil sa ganitong “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan,” na tinatawag din sa Kasulatan na “ang katapusan ng sistema ng mga bagay,” inihula ni Jesu-Kristo na “ang pag-ibig ng nakararami ay lalamig.”—2 Timoteo 3:1-5; Mateo 24:3, 12.
Kung gayon, ang kawalan ng pag-ibig sa ngayon ay bahagi ng ebidensiya na tayo’y nabubuhay na nga sa mga huling araw ng sanlibutang ito. Nakatutuwa naman, nangangahulugan din ito na ang sanlibutang ito ng masasamang tao ay malapit nang palitan ng isang matuwid na bagong sanlibutan na inuugitan ng pag-ibig.—Mateo 24:3-14; 2 Pedro 2:5; 3:7, 13.
Subalit may katuwiran nga kaya tayong maniwala na magiging posible ang pagbabagong iyan—na lahat ng tao ay matututong mag-ibigan sa isa’t isa at sama-samang mamuhay nang payapa sa isa’t isa?
Pag-ibig sa Kapuwa—Nagkakatotoo Na
“SINO bang talaga ang aking kapuwa?” tanong kay Jesus ng isang abogado noong unang siglo. Walang-alinlangang ang inaasahan niyang sasabihin ni Jesus ay, ‘Ang iyong mga kapuwa Judio.’ Ngunit sa kuwento tungkol sa isang mapagkapuwang Samaritano, ipinakita ni Jesus na ang mga taong may ibang nasyonalidad ay mga kapuwa rin natin.—Lucas 10:29-37; Juan 4:7-9.
Idiniin ni Jesus na, pangalawa sa pag-ibig sa Diyos, ang pag-ibig sa kapuwa ay dapat na siyang umugit sa ating buhay. (Mateo 22:34-40) Subalit nagkaroon na nga ba ng anumang grupo ng mga tao na talagang umibig sa kanilang kapuwa? Ganiyan nga ang mga sinaunang Kristiyano! Sila’y napabantog dahil sa taglay nilang pag-ibig sa iba.—Juan 13:34, 35.
Kumusta naman sa ngayon? Mayroon bang nagpapamalas ng tulad-Kristong pag-ibig? Ganito ang sabi ng Encyclopedia Canadiana: “Ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay ang pagpapanauli at muling-pagtatatag ng sinaunang Kristiyanismo na ginawa ni Jesus at ng kaniyang mga alagad . . . Lahat ay magkakapatid.”
Ano ang ibig sabihin niyan? Nangangahulugan iyan na hindi hinahayaan ng mga Saksi ni Jehova ang anuman—maging ang lahi, nasyonalidad, ni liping pinagmulan—na maging dahilan upang kamuhian ang kanilang kapuwa. Ni papatay man sila ng sinuman, sapagkat sa diwa’y pinanday na nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit. (Isaias 2:4) Sa katunayan, ang mga Saksi ay kilala sa kanilang pagkukusa na makatulong sa kanilang kapuwa.—Galacia 6:10.
Hindi nga kataka-taka na sabihin ito ng isang editoryal sa Sacramento Union ng California: “Sapat nang sabihin na kung susundin lamang ng buong daigdig ang paniniwala ng mga Saksi ni Jehova tiyak na magwawakas ang pagdanak ng dugo at pagkamuhi, at maghahari ang pag-ibig.” Sinabi ng isang manunulat sa magasing Ring ng Hungary: “Sumapit ako sa konklusyon na kung ang nabubuhay sa lupa ay pawang mga Saksi ni Jehova lamang, mawawala na ang digmaan, at ang magiging tungkulin na lamang ng mga pulis ay ang pangasiwaan ang trapiko at magpalabas ng mga pasaporte.”
Gayunman, di-maikakaila na kakailanganin ang isang napakalawak, buong-daigdig na pagbabago upang mangyaring ang lahat ng tao ay mag-ibigan sa isa’t isa. Paano kaya sasapit ang pagbabagong iyan? (Pakitingnan ang huling pahina.)
Kapag Lahat ng Tao ay Umiibig Na sa Isa’t Isa
SA ISANG panalanging itinuro ni Jesu-Kristo ay ipinakikitang malapit na ang isang napakalaking pagbabago. Sa kaniyang bantog na Sermon sa Bundok, tinuruan tayo ni Jesus na manalangin: “Dumating nawa ang kaharian mo. Gawin nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.”—Mateo 6:10, King James Version.
Ano ba ang Kaharian ng Diyos? Ito’y isang tunay na pamahalaan, isa na mamamahala mula sa langit. Kaya nga tinawag itong “ang Kaharian ng mga langit.” Si Jesus, ang “Prinsipe ng Kapayapaan,” ang inatasan ng kaniyang Ama na maging tagapamahala nito.—Mateo 10:7; Isaias 9:6, 7; Awit 72:1-8.
Kapag dumating na ang Kaharian ng Diyos, ano ang mangyayari sa tigib-ng-poot na sanlibutang ito? “Dudurugin at wawasakin” ng “kaharian” ang lahat ng tiwaling pamahalaan ng sanlibutang ito. (Daniel 2:44) Nagpapaliwanag ang Bibliya: “Ang sanlibutan ay lumilipas . . . , ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”—1 Juan 2:17.
Hinggil sa bagong sanlibutan ng Diyos, sinasabi ng Bibliya: “Ang mga matuwid mismo ang magmamay-ari sa lupa, at sila’y maninirahan doon magpakailanman.” (Awit 37:9-11, 29; Kawikaan 2:21, 22) Tunay na magiging kasiya-siya ang panahong iyon! “Hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.” (Apocalipsis 21:4) Maging ang mga patay ay muling mabubuhay, at ang buong lupa ay babaguhin upang maging isang literal na paraiso.—Isaias 11:6-9; 35:1, 2; Lucas 23:43; Gawa 24:15.
Upang mabuhay sa bagong sanlibutan ng Diyos, dapat nating ibigin ang isa’t isa, na siya mismong itinuro ng Diyos sa atin na gawin. (1 Tesalonica 4:9) Isang taga-Silangang estudyante sa Bibliya ang nagsabi: “Pinananabikan ko ang panahon na, gaya ng pangako sa Bibliya, lahat ng tao ay natuto nang umibig sa isa’t isa.” At makatitiyak tayong tutuparin ng Diyos ang kaniyang mga pangako! “Aking sinalita,” sabi niya, “akin namang gagawin.”—Isaias 46:11.
Subalit upang matamasa ang mga pagpapala sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, dapat na kumuha ka ng kaalaman mula sa Bibliya, gaya ng ginagawa ng milyun-milyong tapat-pusong mga tao sa buong daigdig. (Juan 17:3) Ang 32-pahinang brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? ay makatutulong sa iyo. Kumuha ng isang kopya sa pamamagitan ng pagsulat sa kupon na inilaan sa sinundang pahina at ipadala ito sa direksiyong pinakamalapit sa inyong tahanan.
□ Nais kong tumanggap ng brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin?
□ Pakisuyong makipag-alam sa akin para sa isang libreng pantahanang pag-aaral ng Bibliya.
[Picture Credit Line sa pahina 2]
Sniper at libing sa Bosnia: Reuters/Corbis-Bettmann