Mayo
Huwebes, Mayo 1
Malapit nang magkaroon ng malaking taggutom.—Gawa 11:28.
Isipin kung gaano kalaki ang naging epekto sa mga Kristiyano noong unang siglo ng matinding taggutom “sa buong lupa” noon. Malamang na nag-alala ang mga magulang kung paano paglalaanan ang pamilya nila. At paano naman ang mga kabataan na nagpaplanong palawakin ang ministeryo nila? Naisip kaya nilang hintayin munang matapos ang taggutom bago nila ituloy ang plano nila? Anuman ang kalagayan ng mga Kristiyano noon, nag-adjust sila. Nangaral pa rin sila sa abot ng makakaya nila, at masaya silang nagbigay ng tulong sa mga kapatid sa Judea. (Gawa 11:29, 30) Nakita ng mga tumanggap ng tulong na sinusuportahan sila ni Jehova. (Mat. 6:31-33) Siguradong mas napalapit sila sa mga kapatid na nagbigay ng donasyon at tumulong. At naranasan mismo ng mga kapatid na iyon ang kaligayahan sa pagbibigay.—Gawa 20:35. w23.04 16 ¶12-13
Biyernes, Mayo 2
Alam natin na tatanggapin natin ang mga bagay na hiniling natin, dahil hiniling natin ang mga iyon sa kaniya.—1 Juan 5:15.
May mga pagkakataong ginagamit ni Jehova ang mga hindi sumasamba sa kaniya para sagutin ang mga panalangin ng mga lingkod niya. Halimbawa, pinakilos niya si Haring Artajerjes para payagan si Nehemias na bumalik sa Jerusalem at itayong muli ang lunsod. (Neh. 2:3-6) Sa ngayon, puwede ring pakilusin ni Jehova ang mga hindi sumasamba sa kaniya para tulungan tayo kung kinakailangan. Hindi laging sinasagot ni Jehova ang mga panalangin natin sa pambihirang paraan. Pero ang mga sagot niya ang kailangan natin para makapanatiling tapat sa kaniya. Kaya sikaping makita ang sagot niya sa mga panalangin mo. Kaya paminsan-minsan, huminto at pag-isipan kung paano sinasagot ni Jehova ang mga panalangin mo. (Awit 66:19, 20) Bukod sa pananalangin, maipapakita rin natin ang pananampalataya kung tatanggapin natin anuman ang sagot ni Jehova sa panalangin natin.—Heb. 11:6. w23.05 11 ¶13; 12 ¶15-16
Sabado, Mayo 3
O aking Diyos, kaligayahan kong gawin ang kalooban mo.—Awit 40:8.
Nang mag-alay tayo kay Jehova, nanata tayo na sasambahin natin siya at gagawin ang kalooban niya. Dapat nating tuparin ang pag-aalay natin. Hindi iyon pabigat. Ang totoo, nilalang tayo ni Jehova para gawin ang kalooban niya. (Apoc. 4:11) Binigyan niya tayo ng espirituwal na pangangailangan at nilalang ayon sa larawan niya. Dahil diyan, puwede tayong mapalapit sa kaniya at maging masaya sa paggawa ng kalooban niya. At kapag ginagawa natin ang kalooban ng Diyos at sinusundan ang Anak niya, ‘nagiginhawahan tayo.’ (Mat. 11:28-30) Mapapatibay mo ang pag-ibig mo kay Jehova kung pag-iisipan mong mabuti ang lahat ng ginawa niya para sa iyo at ang mga pagpapalang ibibigay niya sa iyo sa hinaharap. Habang mas minamahal mo ang Diyos, magiging mas madali sa iyo na sundin siya. (1 Juan 5:3) Nagawa ni Jesus ang kalooban ng Diyos dahil humingi siya ng tulong kay Jehova sa panalangin at nagpokus siya sa tatanggapin niyang gantimpala. (Heb. 5:7; 12:2) Gaya ni Jesus, humingi ng lakas kay Jehova sa panalangin at laging isipin ang pag-asang buhay na walang hanggan. w23.08 27-28 ¶4-5
Linggo, Mayo 4
Hinahamak mo ba ang laki ng kaniyang kabaitan, pagtitimpi, at pagtitiis, dahil hindi mo alam na sinisikap kang akayin ng Diyos sa pagsisisi dahil sa kabaitan niya?—Roma 2:4.
Gusto natin ang mga taong matiisin. Humahanga tayo sa mga taong hindi agad naiinip. Masaya tayo kapag pinagtitiisan tayo ng iba kapag nagkakamali tayo. At nagpapasalamat tayo dahil naging matiisin at matiyaga ang nag-Bible study sa atin noong nahirapan tayong matutuhan, tanggapin, o isabuhay ang isang turo ng Bibliya. Higit sa lahat, nagpapasalamat tayo sa Diyos na Jehova dahil matiisin siya sa atin! Gusto natin na matiisin ang iba, pero baka may mga sitwasyon na nahihirapan tayong magtiis. Halimbawa, kapag nagmamadali na tayo at napaka-traffic, baka nahihirapan tayong manatiling kalmado. Baka uminit agad ang ulo natin kapag may nang-iinis sa atin. At baka minsan, naiinip na tayo sa paghihintay sa pangako ni Jehova na bagong sanlibutan. Pero sa lahat ng kalagayang ito, kailangan nating maging mas matiisin. w23.08 20 ¶1-2
Lunes, Mayo 5
Kaya 300 mandirigma lang ang pinaiwan ni Gideon at pinauwi niya ang iba pang lalaki sa Israel.—Huk. 7:8.
Sa utos ni Jehova, pinauwi ni Gideon ang halos lahat ng mandirigma. Baka naisip niya: ‘Kailangan ba talagang gawin ito? Ano na ang mangyayari?’ Pero sumunod pa rin si Gideon. Matutularan ng mga elder ngayon si Gideon kung susundin nila ang mga bagong tagubilin na natatanggap nila. (Heb. 13:17) Sumunod si Gideon kay Jehova kahit na natatakot siya at mapanganib ang atas niya. (Huk. 9:17) Pinatibay ni Jehova si Gideon, kaya naging kumbinsido siya na tutulungan siya ng Diyos na maprotektahan ang bayan Niya. Tulad ni Gideon, malakas din ang loob ng mga elder na nasa mga lugar na ipinagbabawal ang gawain natin. Nangunguna sila sa mga pulong at ministeryo kahit puwede silang maaresto, pagtatanungin, mawalan ng trabaho, o makaranas ng pananakit. Sa malaking kapighatian, kailangan ng mga elder ang lakas ng loob para masunod ang mga tagubiling matatanggap nila gaano man iyon kadelikado. w23.06 5-6 ¶12-13
Martes, Mayo 6
Ang mga nagpaparangal sa akin ay pararangalan ko.—1 Sam. 2:30.
Ipinasulat ni Jehova sa Bibliya ang magagandang ginawa ng mataas na saserdoteng si Jehoiada para matuto tayo. (Roma 15:4) At nang mamatay si Jehoiada, binigyan siya ng espesyal na karangalan nang ilibing siya “sa Lunsod ni David kasama ng mga hari, dahil gumawa siya ng mabuti sa Israel para sa tunay na Diyos at sa bahay Niya.” (2 Cro. 24:15, 16) Matutulungan tayo ng ulat tungkol kay Jehoiada na magkaroon ng takot sa Diyos. Matutularan ng mga Kristiyanong tagapangasiwa si Jehoiada kung mananatili silang tapat at alerto habang pinoprotektahan nila ang kawan ng Diyos. (Gawa 20:28) Mapapatibay rin kay Jehoiada ang mga may-edad na. Kasi kung may takot sila kay Jehova at mananatiling tapat sa kaniya, gagamitin niya sila para mangyari ang kalooban niya. Kaya magandang pag-isipan ng mga kabataan kung paano tinrato ni Jehova si Jehoiada. Gaya ni Jehova, dapat nilang tratuhin nang may dignidad at paggalang ang mga may-edad na, lalo na ang matatagal nang tapat na naglilingkod sa kaniya. (Kaw. 16:31) Suportahan din natin ang “mga nangunguna” sa atin at maging masunurin sa kanila.—Heb. 13:17. w23.06 17 ¶14-15
Miyerkules, Mayo 7
Ang salita ng matuwid ay nagpapalusog sa marami.—Kaw. 10:21.
Sa mga pulong, gaano kadalas tayo dapat magtaas ng kamay? Kung taas tayo nang taas ng kamay, mape-pressure ang konduktor na tawagin tayo kahit marami pa ang hindi nakakasagot. Dahil diyan, baka mawalan ng ganang magkomento ang ibang kapatid at hindi na sila magtaas ng kamay. (Ecles. 3:7) Kapag marami ang nagtataas ng kamay, baka hindi tayo laging matawag. Baka nga hindi tayo matawag kahit isang beses. Totoo, nakakalungkot iyon, pero iwasang magtampo sa konduktor. (Ecles. 7:9) Kapag hindi ka natatawag sa tuwing nagtataas ka, pakinggan mong mabuti ang ibang nagkokomento at pasalamatan sila pagkatapos ng pulong. Bukod sa pagkokomento, mapapatibay rin natin ang mga kapatid kung bibigyan natin sila ng komendasyon. w23.04 23-24 ¶14-16
Huwebes, Mayo 8
Matatag ang puso ko, O Diyos.—Awit 57:7.
Pag-aralan ang Salita ng Diyos at bulay-bulayin ito. Magiging matatag ang isang puno kung malalim ang ugat nito. Makakapanatili rin tayong matatag kung matibay ang pananampalataya natin kay Jehova. Habang lumalaki ang isang puno, mas lumalalim at lumalawak ang mga ugat nito. Habang nag-aaral tayo at nagbubulay-bulay, mas tumitibay rin ang pananampalataya natin at nagiging mas kumbinsido tayo na ang paraan ng Diyos ang pinakamabuti. (Col. 2:6, 7) Pag-isipan kung paano nakatulong sa mga lingkod ni Jehova noon ang tagubilin niya, patnubay, at proteksiyon. Halimbawa, nakatinging mabuti si Ezekiel habang sinusukat ng isang anghel ang templo sa pangitain. Napatibay ng pangitaing ito si Ezekiel. Itinuturo nito sa atin kung paano natin masusunod ang pamantayan ni Jehova sa dalisay na pagsamba. (Ezek. 40:1-4; 43:10-12) Makikinabang din tayo kung maglalaan tayo ng panahon para pag-aralan at bulay-bulayin ang malalalim na bagay sa Salita ng Diyos. Magiging matatag ang puso natin kung buo ang tiwala natin kay Jehova.—Awit 112:7. w23.07 18 ¶15-16
Biyernes, Mayo 9
Ingatan mo . . . ang kakayahang mag-isip.—Kaw. 3:21.
Maraming magagandang halimbawa sa Bibliya na dapat tularan ng mga kabataang brother. Minahal nila ang Diyos at humawak sila ng iba’t ibang pananagutan para pangalagaan ang mga lingkod niya. May mga brother din na mahusay na halimbawa sa loob ng pamilya at kongregasyon ninyo. (Heb. 13:7) At siyempre, nandiyan ang perpektong halimbawa ni Jesu-Kristo. (1 Ped. 2:21) Habang pinag-aaralan mo ang mga halimbawa nila, pag-isipan mo ang magaganda nilang katangian at kung paano mo sila matutularan. (Heb. 12:1, 2) Ang taong may kakayahang mag-isip ay hindi padalos-dalos. Nag-iisip muna siya bago magdesisyon. Kaya sikapin mong magkaroon ng kakayahang mag-isip at panatilihin ito. Pag-aralan mo ang mga prinsipyo sa Bibliya at alamin kung bakit makakabuti sa iyo ang mga ito. Pagkatapos, sundin mo ang mga prinsipyong ito kapag gumagawa ka ng mga desisyon para mapasaya mo si Jehova. (Awit 119:9) Mahalagang hakbang iyan para sumulong at maging maygulang ka.—Kaw. 2:11, 12; Heb. 5:14. w23.12 24-25 ¶4-5
Sabado, Mayo 10
[Maging] handang ipagtanggol ang inyong pag-asa sa harap ng lahat ng humihingi ng paliwanag tungkol dito, pero ginagawa iyon nang mahinahon at may matinding paggalang.—1 Ped. 3:15.
Puwedeng turuan ng mga magulang ang mga anak nila kung paano sasagot nang mahinahon kapag may kumuwestiyon sa paniniwala nila. (Sant. 3:13) May mga practice session ang ilan sa family worship nila. Pinag-uusapan nila ang mga paksa na puwedeng itanong sa school, at pinapraktis nila kung paano sasagot nang mahinahon. Makakatulong sa mga kabataan ang mga practice session para maging kumbinsido sila sa paniniwala nila at maipaliwanag nila ito sa iba. Sa serye na “Tanong ng mga Kabataan” na nasa jw.org, mayroon ding mga worksheet para sa mga tin-edyer. Tutulong iyon sa mga kabataan na maging kumbinsido sa mga paniniwala nila at makapagpaliwanag sa sarili nilang salita. Kung pag-aaralan natin ang seryeng ito bilang pamilya, matututuhan nating lahat kung paano ipagtatanggol ang pananampalataya natin sa mahinahong paraan. w23.09 17 ¶10; 18 ¶15-16
Linggo, Mayo 11
Huwag tayong tumigil sa paggawa ng mabuti, dahil mag-aani tayo sa takdang panahon kung hindi tayo titigil.—Gal. 6:9.
Mayroon ka bang goal pero nahihirapan kang abutin iyon? Nararanasan din iyan ng iba. Halimbawa, gusto ni Philip na mapasulong ang mga panalangin niya at gawin pa ito nang mas madalas, pero laging kulang ang oras niya para dito. Goal naman ni Erika na dumating nang maaga para sa mga pagtitipon bago lumabas sa larangan, pero lagi pa rin siyang nale-late. Kung may goal ka ngayon na hindi mo pa naaabot, huwag kang masiraan ng loob. Tandaan na kailangan ang panahon at pagsisikap kahit sa isang simpleng goal. Kapag sinisikap mong abutin ang goal mo, ibig sabihin, mahalaga sa iyo ang kaugnayan mo kay Jehova at gusto mong ibigay sa kaniya ang best mo. Pinapahalagahan ni Jehova ang mga pagsisikap mo. Hindi niya hihilingin sa iyo ang hindi mo kayang ibigay. (Awit 103:14; Mik. 6:8) Kaya umabot ng mga goal na talagang kaya mong abutin. w23.05 26 ¶1-2
Lunes, Mayo 12
Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang lalaban sa atin?—Roma 8:31.
Natatakot din kung minsan ang mga taong malakas ang loob. Pero hindi nila hinahayaan na mapigilan sila nito na gawin ang tama. Malakas ang loob ni Daniel. Pinag-aralan ni Daniel ang isinulat ng mga propeta ng Diyos, kasama na ang mga hula ni Jeremias. Dahil doon, nalaman ni Daniel na malapit nang magwakas ang pagkabihag ng mga Judio sa Babilonya. (Dan. 9:2) Nakita ni Daniel na natutupad ang mga hula ni Jehova, kaya tumibay ang pagtitiwala niya sa Kaniya. Masasabing malakas ang loob ng mga nagtitiwala sa Diyos. (Ihambing ang Roma 8: 32, 37-39.) At ang pinakamahalaga, madalas manalangin si Daniel sa kaniyang Ama sa langit. (Dan. 6:10) Ipinagtapat niya kay Jehova ang mga kasalanan niya at sinabi ang mga nararamdaman niya. Humingi rin ng tulong si Daniel. (Dan. 9:4, 5, 19) Gaya nating lahat, hindi ipinanganak si Daniel na may lakas ng loob. Pero nagkaroon siya nito dahil sa pag-aaral, pananalangin, at pagtitiwala kay Jehova. w23.08 2 ¶4; 4 ¶7
Martes, Mayo 13
Pasikatin . . . ninyo ang inyong liwanag sa mga tao, para makita nila ang mabubuting ginagawa ninyo at purihin ang inyong Ama na nasa langit.—Mat. 5:16.
May magandang epekto sa atin at sa iba ang pagsunod natin sa nakatataas na mga awtoridad. Halimbawa, naiiwasan natin ang masamang resulta ng hindi pagsunod sa batas. (Roma 13:1, 4) Kapag sumusunod tayo sa mga awtoridad, nakakaapekto ito sa tingin nila sa mga Saksi ni Jehova. Halimbawa, tingnan ang nangyari sa Nigeria maraming taon na ang nakakaraan. Pinasok ng mga sundalo ang isang Kingdom Hall sa panahon ng pulong. Hinahanap nila ang mga nagpoprotesta sa pagbabayad ng buwis. Pero sinabihan ng nangangasiwang opisyal ang mga kasama niyang sundalo na umalis na sila dahil lagi namang nagbabayad ng buwis ang mga Saksi ni Jehova. Kapag sumusunod ka sa batas, nakakatulong ka para mapanatili ang magandang reputasyon ng mga Saksi ni Jehova. Baka balang-araw, makatulong ang reputasyong ito para maprotektahan ang mga kapatid natin. w23.10 9 ¶13
Miyerkules, Mayo 14
Kailangan ninyo ng pagtitiis, para kapag nagawa na ninyo ang kalooban ng Diyos, matanggap ninyo ang katuparan ng pangako.—Heb. 10:36.
Matagal nang hinihintay ng ilang lingkod ni Jehova ang wakas ng sistemang ito. Iniisip ng ilan na noon pa dapat nangyari iyon. Pero alam ni Jehova ang nararamdaman ng mga lingkod niya. Sinabi nga niya kay propeta Habakuk: “Ang pangitain ay naghihintay pa sa takdang panahon nito, at ito ay nagmamadali papunta sa wakas nito, at hindi ito magiging kasinungalingan. Kahit na nagtatagal ito, patuloy mo itong hintayin! Dahil ito ay tiyak na magkakatotoo. Hindi ito maaantala!” (Hab. 2:3) Para lang ba ito kay Habakuk? O para din sa atin? Sinipi ni apostol Pablo ang mensaheng iyan para sa mga Kristiyano, na naghihintay sa pagdating ng bagong sanlibutan. (Heb. 10:37) Kaya kung nagtataka tayo kung bakit hindi pa dumarating ang pangako ng Diyos, tandaan: “Ito ay tiyak na magkakatotoo. Hindi ito maaantala!” w23.04 30 ¶16
Huwebes, Mayo 15
Lahat ng Israelita ay nagsimulang magbulong-bulungan laban [kay] Moises.—Bil. 14:2.
Kahit malinaw na ginagamit ni Jehova si Moises bilang kinatawan Niya, hindi pa rin siya pinakinggan ng mga Israelita. (Bil. 14:10, 11) Dahil paulit-ulit nilang tinanggihan si Moises, hindi nakapasok ang henerasyong iyon ng mga Israelita sa Lupang Pangako. (Bil. 14:30) Pero may mga Israelita na sumunod sa patnubay ni Jehova. Halimbawa, nakita ni Jehova na ‘patuloy na sumunod si Caleb sa kaniya nang buong puso.’ (Bil. 14:24) Pinagpala siya ni Jehova, at pinapili pa nga siya ng lupain sa Canaan na gusto niya. (Jos. 14:12-14) Nagpagabay rin sa patnubay ni Jehova ang kasunod na henerasyon. Nang maging lider ng mga Israelita si Josue kapalit ni Moises, “iginalang nila siya nang husto habang siya ay nabubuhay.” (Jos. 4:14) Kaya pinagpala sila ni Jehova at ibinigay sa kanila ang Lupang Pangako.—Jos. 21:43, 44. w24.02 21 ¶6-7
Biyernes, Mayo 16
Ang umiibig sa Diyos ay dapat na umiibig din sa kapatid niya.—1 Juan 4:21.
Gaya ng doktor na nalalaman ang kondisyon ng puso ng isang tao kapag sinusuri ang pulso nito, malalaman din natin kung gaano natin kamahal ang Diyos kapag sinuri natin ang pag-ibig natin sa iba. Kapag napansin natin na nabawasan na ang pag-ibig natin sa mga kapatid, baka senyales iyan na nababawasan na rin ang pag-ibig natin sa Diyos. Pero kapag lagi tayong nagpapakita ng pag-ibig sa kanila, nakikita natin kung gaano natin kamahal ang Diyos. Bakit dapat tayong mag-alala kung nababawasan na ang pag-ibig natin sa mga kapatid? Kasi ibig sabihin nito, nanganganib ang kaugnayan natin kay Jehova. Nilinaw iyan ni apostol Juan nang sabihin niya: “Ang hindi umiibig sa kapatid niya, na nakikita niya, ay hindi makaiibig sa Diyos, na hindi niya nakikita.” (1 Juan 4:20) Ano ang aral? Matutuwa lang sa atin si Jehova kung ‘iniibig natin ang isa’t isa.’—1 Juan 4:7-9, 11. w23.11 8 ¶3; 9 ¶5-6
Sabado, Mayo 17
Ang iyong ama at ina ay magsasaya.—Kaw. 23:25.
Lumaki si Haring Jehoas na walang ama. Pero pinalaki siya ng mataas na saserdoteng si Jehoiada na parang sarili niyang anak at tinuruan tungkol kay Jehova. Kahit bata pa lang si Jehoas, nakagawa siya ng tamang desisyon. Nagpagabay siya kay Jehoiada, at dahil dito, nagdesisyon si Jehoas na manguna sa paglilingkod at pagsamba kay Jehova. Ipinakumpuni pa nga niya ang templo ni Jehova. (2 Cro. 24:1, 2, 4, 13, 14) Kung may nagtuturo sa iyo na mahalin si Jehova at mamuhay sa mga pamantayan niya, tumatanggap ka ng isang mahalagang regalo. (Kaw. 2:1, 10-12) Puwede kang turuan ng mga magulang mo sa iba’t ibang paraan. Kapag sinunod mo ang mga payo mula sa Bibliya, mapapasaya mo ang mga magulang mo. At ang mas mahalaga, mapapasaya mo ang Diyos at magiging mas malapít ka sa kaniya. (Kaw. 22:6; 23:15, 24) Hindi ba magandang dahilan iyan para tularan mo si Jehoas noong bata pa siya? w23.09 8-9 ¶3-5
Linggo, Mayo 18
Pakikinggan ko kayo.—Jer. 29:12.
Nangangako si Jehova na papakinggan niya ang mga panalangin natin. Mahal ng Diyos ang mga tapat na lingkod niya, kaya hindi niya babale-walain ang mga panalangin nila. (Awit 10:17; 37:28) Pero hindi ibig sabihin nito na ibibigay niya ang lahat ng ipinapanalangin natin. Baka nga kailangan pa nating maghintay hanggang sa bagong sanlibutan bago natin matanggap ang ilang hinihiling natin. Isinasaalang-alang ni Jehova ang layunin niya kapag pinapakinggan ang mga panalangin natin. (Isa. 55:8, 9) Kasama sa layunin niya na mapuno ang lupa ng mga taong masaya at nagkakaisa sa ilalim ng pamamahala niya. Pero inaangkin ni Satanas na magiging mas masaya ang mga tao kung sila ang mamamahala sa sarili nila. (Gen. 3:1-5) Para mapatunayang sinungaling ang Diyablo, hinayaan ni Jehova na pamahalaan ng mga tao ang sarili nila. Marami sa mga problema natin ngayon ay dahil sa pamamahala ng tao. (Ecles. 8:9) Alam natin na hindi pa aalisin ni Jehova ang lahat ng problemang ito sa ngayon. w23.11 21 ¶4-5
Lunes, Mayo 19
Inatasan kita bilang ama ng maraming bansa.—Roma 4:17.
Ipinangako ni Jehova na pagpapalain ang maraming bansa sa pamamagitan ni Abraham. Pero kahit 100 taóng gulang na si Abraham at 90 naman si Sara, hindi pa natutupad ang pangako na magkakaanak sila. Sa pananaw ng tao, parang imposible nang magkaanak sina Abraham at Sara. Kaya nasubok ang pananampalataya ni Abraham. Pero “umasa pa rin siya at nanampalataya na magiging ama siya ng maraming bansa.” (Roma 4:18, 19) At nangyari nga ang inaasahan niya. Matapos ang matagal na paghihintay, naging anak niya si Isaac. (Roma 4:20-22) Gaya ni Abraham, puwede tayong sang-ayunan ng Diyos at ituring na matuwid at kaibigan niya. Iyan ang punto ni Pablo nang sabihin niya: “Isinulat ang mga salitang ‘itinuring siyang matuwid’ hindi lang para [kay Abraham], kundi para din sa atin na ituturing ding matuwid, dahil naniniwala tayo sa Kaniya na bumuhay-muli kay Jesus.” (Roma 4:23, 24) Dapat na may kasamang gawa ang pananampalataya natin at umasa tayo kay Jehova gaya ng ginawa ni Abraham. w23.12 7 ¶16-17
Martes, Mayo 20
Nakita mo ang pagdurusa ko; alam mo ang paghihirap ng kalooban ko.—Awit 31:7.
Kapag natatakot ka dahil sa mga problema mo, tandaan na nakikita ni Jehova ang mga pinagdadaanan mo at ang epekto nito sa iyo. Halimbawa, nakita ni Jehova, hindi lang ang pagmamalupit ng mga Ehipsiyo sa mga Israelita, kundi pati na ang “hirap na dinaranas nila.” (Ex. 3:7) Kapag natatakot ka dahil sa pinagdadaanan mo, baka hindi mo makita kung paano ka tinutulungan ni Jehova. Ano ang puwede mong gawin? Hilingin sa kaniya na tulungan kang makita kung paano ka niya sinusuportahan. (2 Hari 6:15-17) Pagkatapos, pag-isipan: Mayroon bang pahayag o komento sa pulong na nakapagpatibay sa iyo? Mayroon bang publikasyon, video, o original song na nakapagpalakas sa iyo? Mayroon bang nag-share sa iyo ng nakakapagpatibay na punto o teksto? Baka hindi natin masyadong napapahalagahan ang pagmamahal ng mga kapatid at ang espirituwal na pagkain na natatanggap natin. Pero espesyal na mga regalo ito ni Jehova. (Isa. 65:13; Mar. 10:29, 30) Patunay ang mga ito na nagmamalasakit siya sa iyo at na dapat tayong magtiwala sa kaniya.—Isa. 49:14-16. w24.01 4-5 ¶9-10
Miyerkules, Mayo 21
Tulungan mo ang iyong mga alipin na patuloy na ihayag ang iyong salita nang walang takot.—Gawa 4:29.
Bago bumalik si Jesus sa langit, ipinaalala niya sa mga alagad niya ang atas nilang magpatotoo tungkol sa kaniya “sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8; Luc. 24:46-48) Di-nagtagal, inaresto ng mga Judiong lider sina apostol Pedro at Juan at dinala sila sa harap ng Sanedrin. Inutusan silang tumigil sa pangangaral, at pinagbantaan pa nga sila. (Gawa 4:18, 21) Sinabi nina Pedro at Juan: “Kung sa tingin ninyo ay tama sa paningin ng Diyos na makinig kami sa inyo sa halip na sa Diyos, nasa sa inyo iyon. Pero kami, hindi namin kayang tumigil sa pagsasalita tungkol sa mga bagay na nakita namin at narinig.” (Gawa 4:19, 20) Pagkalaya nina Pedro at Juan, nanalangin sila kasama ng iba pang mga alagad. Sinagot iyon ni Jehova.—Gawa 4:31. w23.05 5 ¶11-12
Huwebes, Mayo 22
Ito ang Anak ko, ang minamahal ko.—Mat. 17:5.
Sa buong uniberso, si Jehova at ang Anak niya ang may pinakamatagal na pinagsamahan. Sa loob ng bilyon-bilyong taon na magkasama sila sa langit, naging napakalapit nila sa isa’t isa. Malinaw na sinabi ni Jehova na mahal niya si Jesus, gaya ng mababasa natin sa teksto sa araw na ito. Puwede namang sabihin lang ni Jehova, ‘Ito ang kinalulugdan ko.’ Pero gusto niyang malaman natin kung gaano niya kamahal si Jesus, kaya sinabi rin niya, “Ito ang Anak ko, ang minamahal ko.” Ipinagmamalaki ni Jehova si Jesus, lalo na dahil handa siyang ibigay ang buhay niya. (Efe. 1:7) At siguradong-sigurado si Jesus na mahal siya ni Jehova. Paulit-ulit niyang sinabi na mahal siya ng kaniyang Ama.—Juan 3:35; 10:17; 17:24. w24.01 28 ¶8
Biyernes, Mayo 23
Ang magandang pangalan ay mas dapat piliin kaysa sa malaking kayamanan.—Kaw. 22:1.
Isipin ito: Siniraan ka ng isang tao na mahalaga sa iyo. Alam mong hindi totoo iyon, pero naniwala pa rin ang ilan. Ang mas malala pa, sinabi nila iyon sa iba at marami pa ang naniwala. Ano ang mararamdaman mo? Malamang na malulungkot ka dahil sa paninirang iyon. Matutulungan tayo ng halimbawang iyan para maintindihan natin ang naramdaman ni Jehova nang siraan ang pangalan niya. Isa sa mga anghel ang nagsinungaling tungkol sa kaniya sa unang babae na si Eva. Naniwala si Eva. Dahil sa kasinungalingang iyan, nagrebelde sina Adan at Eva kay Jehova, kaya nagkakasala at namamatay ang lahat ng tao. (Gen. 3:1-6; Roma 5:12) Ang lahat ng problema ngayon, gaya ng kamatayan, mga digmaan, at pagdurusa, ay dahil sa mga kasinungalingang sinabi ni Satanas. Ano ang naramdaman ni Jehova sa paninira sa kaniya at sa mga resulta nito? Siguradong nasaktan siya. Pero hindi siya nagkimkim ng sama ng loob. Ang totoo, “maligayang Diyos” pa rin siya.—1 Tim. 1:11. w24.02 8 ¶1-2
Sabado, Mayo 24
Paano ko magagawa ang napakasamang bagay na ito at magkasala nga laban sa Diyos?—Gen. 39:9.
Paano mo matutularan si Jose? Ngayon pa lang, puwede mo nang pag-isipan kung ano ang gagawin mo kapag may dumating na tukso. Tanggihan agad ang mga bagay na ayaw ni Jehova, at huwag mo man lang isipin ang mga iyon. (Awit 97:10; 119:165) Kapag ginawa mo iyan, hindi ka na madadala sa tukso. Baka alam mong ito na ang katotohanan at gusto mong maglingkod kay Jehova nang buong puso. Pero baka pakiramdam mo, hindi ka pa rin handang mag-alay at magpabautismo. Puwede mong tularan si Haring David. Sabihin mo rin kay Jehova: “Siyasatin mo ako, O Diyos, at alamin mo ang laman ng puso ko. Suriin mo ako, at alamin mo ang mga ikinababahala ko. Tingnan mo kung mayroon akong anumang masamang saloobin, at akayin mo ako sa landas ng walang hanggan.” (Awit 139:23, 24) Pinagpapala ni Jehova ang mga “humahanap sa kaniya nang buong puso.” Nakikita ni Jehova na ginagawa mo iyan kasi sinisikap mong maabot ang goal mo na mag-alay at magpabautismo.—Heb. 11:6. w24.03 6 ¶13-15
Linggo, Mayo 25
Hindi niya kailangang mag-alay ng mga handog araw-araw.—Heb. 7:27.
Ang mataas na saserdote ang kumakatawan sa bayan sa harap ng Diyos. Inatasan ni Jehova ang unang mataas na saserdote ng Israel, si Aaron, nang pasinayaan ang tabernakulo. Pero ipinaliwanag ni apostol Pablo: “Dahil namamatay ang mga saserdote, hindi sila nakapagpapatuloy sa paglilingkod, kaya kailangang may pumalit sa kanila.” (Heb. 7:23-26) At dahil hindi sila perpekto, kailangan din nilang maghandog para sa sarili nilang mga kasalanan. Ibang-iba ang dakilang Mataas na Saserdoteng si Jesu-Kristo! Bilang ating Mataas na Saserdote, si Jesu-Kristo ay “isang lingkod . . . sa tunay na tolda, na itinayo ni Jehova, at hindi ng tao.” (Heb. 8:1, 2) Ipinaliwanag ni Pablo na “dahil [si Jesus] ay mananatiling buháy magpakailanman, hindi kailangan ng mga kahalili sa pagkasaserdote niya.” Sinabi pa ni Pablo na si Jesus ay “walang dungis, hindi gaya ng mga makasalanan.” At di-gaya ng mga mataas na saserdote ng Israel, “hindi niya kailangang mag-alay ng mga handog araw-araw” para sa sarili niyang mga kasalanan. w23.10 26 ¶8-9
Lunes, Mayo 26
Ang dating langit at ang dating lupa ay lumipas na.—Apoc. 21:1.
Tumutukoy ang “dating langit” sa mga gobyerno na naimpluwensiyahan ni Satanas at ng mga demonyo. (Mat. 4:8, 9; 1 Juan 5:19) Sa Bibliya, puwedeng tumukoy ang “lupa” sa mga nakatira dito. (Gen. 11:1; Awit 96:1) Kaya tumutukoy ang “dating lupa” sa masasamang tao ngayon. Hindi lang basta aayusin ni Jehova ang kasalukuyang “langit” at “lupa”; papalitan niya ito. Ibig sabihin, magkakaroon ng isang bagong gobyerno na mamamahala sa matuwid na mga tao. Paano gagawing bago ni Jehova ang lupa at ang mga tao? Gagawin niyang perpekto ang mga ito. Gaya ng inihula ni Isaias, magiging kasingganda ng hardin ng Eden ang buong lupa. Pati tayo gagawing bago—lubusan tayong pagagalingin ni Jehova. Pagagalingin niya ang mga pilay, bulag, at bingi. Bubuhayin ding muli ang mga namatay.—Isa. 25:8; 35:1-7. w23.11 4 ¶9-10
Martes, Mayo 27
Maging handa . . . kayo.—Mat. 24:44.
Biglang magsisimula ang “malaking kapighatian.” (Mat. 24:21) Pero di-gaya ng ibang mga sakuna, inaasahan na natin na darating iyon. Mga 2,000 taon na ang nakakaraan, nagbabala si Jesus sa mga tagasunod niya para mapaghandaan nila iyon. Kung handa tayo, mas makakayanan natin ang mahirap na panahong iyon at matutulungan natin ang iba na makapagtiis. (Luc. 21:36) Kailangan natin ang pagtitiis para masunod si Jehova at magtiwalang poprotektahan niya tayo. Paano kung mangailangan ang mga kapatid natin? (Hab. 3:17, 18) Dahil nagmamalasakit tayo sa kanila, tutulungan natin sila. Paano kung umatake na ang koalisyon ng mga bansa at kailangan nating pansamantalang tumira sa isang lugar kasama ng mga kapatid? (Ezek. 38:10-12) Kung masidhi ang pag-ibig natin sa kanila, makakayanan natin ang mahirap na panahong iyon. w23.07 2 ¶2-3
Miyerkules, Mayo 28
Bantayan ninyong mabuti kung kumikilos kayo na gaya ng marunong at hindi gaya ng di-marunong; gamitin ninyo sa pinakamabuting paraan ang oras ninyo.—Efe. 5:15, 16.
May matututuhan ang mga mag-asawa kina Aquila at Priscila, isang mag-asawa na nirerespeto ng maraming Kristiyano noon. (Roma 16:3, 4) Magkasama silang nagtrabaho, nangaral, at tumulong sa iba. (Gawa 18:2, 3, 24-26) Ang totoo, laging magkasama ang pangalan nina Aquila at Priscila tuwing binabanggit sila sa Bibliya. Paano sila matutularan ng mga mag-asawa? Imbes na magkaniya-kaniya, isipin ang mga bagay na puwede ninyong gawing magkasama. Halimbawa, magkasamang nangaral sina Aquila at Priscila. Regular din ba ninyong ginagawa iyan? Magkasama ring nagtrabaho sina Aquila at Priscila. Pero paano kung magkaiba kayo ng trabaho ng asawa mo? Baka puwede ninyong magkasamang gawin ang mga gawaing-bahay. (Ecles. 4:9) Kapag nagtutulungan kayo, para kayong isang team at siguradong makakapag-usap kayo. w23.05 22-23 ¶10-12
Huwebes, Mayo 29
Kapag natatakot ako, sa iyo ako nagtitiwala.—Awit 56:3.
May mga pagkakataong natatakot tayo. Halimbawa, noong tinutugis ni Haring Saul si David para patayin, tumakas siya papunta sa Gat, isang lunsod ng mga Filisteo. Di-nagtagal, nalaman ng hari ng Gat na si Akis na si David ang binanggit sa isang awit na nagpabagsak ng ‘sampu-sampung libong’ Filisteo. Kaya ‘natakot nang husto’ si David. (1 Sam. 21:10-12) Nag-alala siya sa puwedeng gawin sa kaniya ni Akis. Paano nagkaroon ng lakas ng loob si David? Sa Awit 56, sinabi ni David ang nararamdaman niya noong nasa Gat siya. Sinabi niya kung bakit siya natatakot. Pero sinabi rin niya kung ano ang nakatulong sa kaniya na madaig iyon. Nang matakot si David, nagtiwala siya kay Jehova. (Awit 56:1-3, 11) May magagandang dahilan si David para magtiwala kay Jehova. Sa tulong ni Jehova, nakaisip si David ng kakaiba pero epektibong paraan: Nagkunwari siyang baliw! Kaya imbes na patayin siya ni Akis, nairita ito sa kaniya at gusto nitong umalis na lang siya doon. Kaya nakatakas si David.—1 Sam. 21:13–22:1. w24.01 2 ¶1-3
Biyernes, Mayo 30
Magtatagumpay . . . ang mga kasama niyang tinawag at pinili at tapat.—Apoc. 17:14.
Sino ang mga binabanggit sa teksto sa araw na ito? Ang mga binuhay-muling pinahiran! Kaya kapag nasa langit na ang lahat ng pinahiran sa bandang dulo ng malaking kapighatian, ang isa sa mga una nilang gagawin ay makipaglaban. Pag-akyat nila sa langit, sasama sila kay Kristo at sa mga anghel para makipaglaban sa huling digmaan laban sa mga kaaway ng Diyos. Pag-isipan ito: Habang nasa lupa pa ang mga pinahirang Kristiyano, may ilan sa kanila na may-edad at mahina na. Pero kapag nasa langit na sila, magiging mga espiritung nilalang sila na makapangyarihan at imortal, at inatasan silang makipaglaban kasama ng Mandirigmang-Hari nila, si Jesu-Kristo. Pagkatapos ng digmaan ng Armagedon, makakasama sila ni Jesus sa pagtulong sa mga tao na maging perpekto. Kaya kapag nasa langit na sila, mas marami silang maitutulong sa mga kapatid nila sa lupa kaysa noong mga tao pa sila at di-perpekto. w24.02 6-7 ¶15-16
Sabado, Mayo 31
Patuloy na lumakad ayon sa espiritu at hindi ninyo kailanman maisasagawa ang inyong makalamang mga pagnanasa.—Gal. 5:16.
Kahit handa na ang ilan, natatakot pa rin silang mag-alay at magpabautismo. Baka iniisip nila, ‘Paano kung makagawa ako ng malubhang kasalanan at matiwalag?’ Kung ganiyan ang nararamdaman mo, makakapagtiwala ka na tutulungan ka ni Jehova ‘para makapamuhay ka nang karapat-dapat sa harap niya at sa gayon ay lubusan mo siyang mapalugdan.’ (Col. 1:10) Bibigyan ka rin niya ng lakas para magawa ang tama. Marami na siyang natulungan na magawa iyan. (1 Cor. 10:13) Isa iyan sa mga dahilan kung bakit kaunti lang ang natitiwalag sa mga kongregasyon. Tinutulungan ni Jehova ang mga lingkod niya na makapanatiling tapat. Lahat ng di-perpektong tao, natutuksong gumawa ng mali. (Sant. 1:14) Pero nasa sa iyo kung magpapadala ka sa tukso. Ang totoo, ikaw ang may kontrol sa buhay mo. Sinasabi ng ilan na hindi natin kayang kontrolin ang nararamdaman at ginagawa natin. Pero mali iyon. Matututuhan nating kontrolin ang maling mga pagnanasa natin. w24.03 5-6 ¶11-12