Disyembre
Lunes, Disyembre 1
May . . . pagbuhay-muli sa mga patay.—Luc. 20:37.
May kapangyarihan ba si Jehova na buhaying muli ang mga namatay? Mayroon! Siya ang “Makapangyarihan-sa-Lahat.” (Apoc. 1:8) Kaya may kakayahan siyang talunin ang lahat ng kaaway, kahit ang kamatayan. (1 Cor. 15:26) Isa pa, walang limitasyon ang memorya ng Diyos, kaya magagawa niyang buhaying muli ang mga namatay. Tinatawag niya sa pangalan ang bawat bituin. (Isa. 40:26) Hindi rin niya nakakalimutan ang mga namatay na. (Job 14:13; Luc. 20:38) Naaalala niya kahit ang kaliit-liitang detalye sa mga bubuhaying muli, kasama diyan ang hitsura, mga katangian, at ang mga karanasan nila, pati ang nasa memorya nila. Talagang makakapagtiwala tayo sa pangako ni Jehova na pagkabuhay-muli, kasi alam natin na gusto niya at may kapangyarihan siya na tuparin iyon. Bukod diyan, nagawa na iyan ni Jehova noong panahon ng Bibliya. Binigyan niya ng kapangyarihan ang ilang tapat na lalaki, kasama na si Jesus, para bumuhay-muli ng mga namatay. w23.04 9 ¶7-9
Martes, Disyembre 2
Laging maging mabait sa inyong pananalita, na tinitimplahan ito ng asin.—Col. 4:6.
Kapag mabait tayo at mahinahon, mas malamang na makinig ang kausap natin at magpatuloy ang pag-uusap. Pero kung gusto lang ng isa na makipagtalo o pagtawanan ang paniniwala natin, hindi na natin kailangang ipagpatuloy ang pag-uusap. (Kaw. 26:4) Pero hindi naman ganiyan ang lahat. Ang totoo, baka nga marami ang makinig. Talagang malaki ang maitutulong sa atin ng pagiging mahinahon. Ipanalangin kay Jehova na tulungan kang maging matatag para makapanatili kang mahinahon kapag sumasagot sa kontrobersiyal na mga tanong o kapag may kumukuwestiyon sa paniniwala mo. Kung mahinahon ka, maiiwasan ang pagtatalo kapag magkaiba kayo ng opinyon ng kausap mo. At dahil dito, baka magbago ang pananaw ng iba tungkol sa atin at tanggapin nila ang mga katotohanan sa Bibliya. Kaya maging “laging handang ipagtanggol” ang paniniwala mo, “pero ginagawa iyon nang mahinahon at may matinding paggalang.” (1 Ped. 3:15) Tandaan, hindi kahinaan ang pagiging mahinahon! w23.09 19 ¶18-19
Miyerkules, Disyembre 3
Magpakita kayo ng . . . pagtitiis.—Col. 3:12.
Tingnan ang apat na puwede nating gawin para maipakitang matiisin tayo. Una, ang taong matiisin ay hindi madaling magalit. Nananatili siyang kalmado at hindi gumaganti kapag ginawan siya ng masama, at kapag nai-stress, maganda pa rin ang pakikitungo niya sa iba. (Ex. 34:6) Ikalawa, ang isang taong matiisin ay kayang maghintay nang kalmado. Kung kailangan niyang maghintay nang mas matagal kaysa sa inaasahan, iniiwasan niyang mainis. (Mat. 18:26, 27) Ikatlo, ang isang taong matiisin ay hindi padalos-dalos. Kapag may importanteng bagay na kailangang gawin ang isang taong matiisin, hindi niya minamadaling simulan o tapusin iyon, kundi naglalaan siya ng sapat na panahon para planuhin ang mga gagawin niya. Kaya may panahon siya para magawa nang mabuti at matapos ang mga iyon. Ikaapat, ang isang taong matiisin ay nagsisikap na tiisin ang mga pagsubok nang hindi nagrereklamo. Gagawin ng taong matiisin ang lahat para matiis ang mga problema habang nananatiling positibo. (Col. 1:11) Bilang mga Kristiyano, kailangan nating magsikap na maging matiisin sa mga sitwasyong ito. w23.08 20-21 ¶3-6
Huwebes, Disyembre 4
Si Jehova ang tagasuri ng mga puso.—Kaw. 17:3.
Isang mahalagang dahilan kung bakit dapat nating protektahan ang makasagisag na puso natin ay dahil sinusuri ito ni Jehova. Kaya kilala niya kung sino talaga tayo at alam niya kung ano ang nasa puso natin. Kung lagi nating iisipin ang mga payo niya na nagbibigay-buhay, mamahalin niya tayo. (Juan 4:14) Hindi rin tayo mapipinsala ng mababang moral at mga kasinungalingan ni Satanas at ng mundong ito. (1 Juan 5:18, 19) Habang mas napapalapit tayo kay Jehova, mas lalo natin siyang minamahal at iginagalang. Ayaw natin siyang masaktan, kaya ayaw man lang nating maisip na gumawa ng kasalanan. Sinabi ni Marta, isang sister sa Croatia na pinaglabanan ang tukso na gumawa ng imoralidad: “Nahirapan akong mag-isip nang maayos. Ang hirap labanan ng tukso. Pero pinrotektahan ako ng pagkatakot kay Jehova.” Paano? Sinabi ni Marta na pinag-isipan niya ang masasamang resulta ng paggawa ng imoralidad. Puwede nating tularan si Marta. w23.06 20-21 ¶3-4
Biyernes, Disyembre 5
“Malalaman ng mga bansa na ako si Jehova,” ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova, “kapag napabanal ako dahil sa inyo sa harap nila.”—Ezek. 36:23.
Alam ni Jesus ang layunin ni Jehova na pabanalin ang pangalan Niya—na patunayang hindi totoo ang lahat ng kasinungalingan tungkol sa Kaniya. Kaya itinuro ng Panginoon na ipanalangin ng mga tagasunod niya: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang pangalan mo.” (Mat. 6:9) Alam ni Jesus na ito ang pinakaimportanteng isyu sa buong uniberso. Sa lahat ng nilalang, si Jesus ang pinakamaraming nagawa sa pagpapabanal sa pangalan ni Jehova. Pero nang arestuhin si Jesus, anong akusasyon ang ginamit sa kaniya ng mga kaaway niya? Pamumusong! Alam ni Jesus na ang paninira sa banal na pangalan ng kaniyang Ama ang pinakamalubhang kasalanan, kaya alalang-alala siya sa naging akusasyon sa kaniya. Posibleng iyan ang pinakadahilan kung bakit ‘sobra ang paghihirap ng kalooban’ niya bago siya arestuhin.—Luc. 22:41-44. w24.02 11 ¶11
Sabado, Disyembre 6
Naitatayo ang bahay dahil sa karunungan.—Kaw. 24:3.
Sa takbuhan para sa buhay, dapat na mas mahal natin si Jehova at si Jesus kaysa sa mga kamag-anak natin. (Mat. 10:37) Pero hindi ibig sabihin nito na puwede na nating pabayaan ang obligasyon natin sa pamilya, na para bang hadlang ito sa paglilingkod natin sa Diyos at kay Kristo. Ang totoo, para mapasaya natin si Jehova at si Jesus, dapat nating gampanan ang papel natin sa pamilya. (1 Tim. 5:4, 8) Magiging mas masaya rin tayo kapag ginawa natin iyon. Alam ni Jehova na magiging masaya ang mga pamilya kapag minamahal at nirerespeto ng mag-asawa ang isa’t isa, kapag minamahal at sinasanay ng mga magulang ang mga anak nila, at kapag sinusunod ng mga anak ang mga magulang nila. (Efe. 5:33; 6:1, 4) Anuman ang papel mo sa pamilya, magtiwala sa payo ng Bibliya imbes na sa emosyon mo, kultura, o opinyon ng tinatawag na mga eksperto. Makakatulong sa iyo ang mga publikasyon natin. May makikita ka dito na mga mungkahi kung paano susundin ang mga prinsipyo sa Bibliya. w23.08 28 ¶6-7
Linggo, Disyembre 7
Dapat mo itong basahin nang pabulong araw at gabi, para masunod mong mabuti ang lahat ng nakasulat dito; sa gayon ay magtatagumpay ka at magiging marunong ka sa mga gagawin mo.—Jos. 1:8.
Kailangan ng mga babaeng Kristiyano na matuto ng kapaki-pakinabang na mga kakayahan. May mga kakayahan na matututuhan ang mga batang babae na magagamit nila sa buong buhay nila. Halimbawa, maging mahusay sa pagbabasa at pagsusulat. Sa ilang kultura, hindi mahalaga kung mahusay magbasa at magsulat ang isang babae. Pero mahalaga para sa lahat ng Kristiyano ang mga kakayahang iyan. (1 Tim. 4:13) Kaya kahit mahirap, sikaping maging mahusay sa pagbabasa at pagsusulat. Tutulong iyan sa iyo na magkaroon ng trabaho. Magiging mas madali rin sa iyo na pag-aralan ang Bibliya at ituro ito sa iba. Higit sa lahat, mas mapapalapit ka kay Jehova habang binabasa mo at pinag-iisipan ang Salita niya.—1 Tim. 4:15. w23.12 20-21 ¶10-11
Lunes, Disyembre 8
Alam ni Jehova kung paano iligtas ang mga taong may makadiyos na debosyon mula sa pagsubok.—2 Ped. 2:9.
Hilingin kay Jehova na malabanan ang mga tukso. Dahil hindi tayo perpekto, kailangan nating patuloy na labanan ang mga tukso na gumawa ng masama. Ayaw ni Satanas na gawin natin iyan. Kaya gagawin niya ang lahat para sumuko tayo. Isa sa mga ginagamit niya ay ang masasamang libangan. Pinaparumi nito ang isip natin. At dahil diyan, puwede tayong maging marumi sa harap ni Jehova at makagawa ng malubhang kasalanan. (Mar. 7:21-23; Sant. 1:14, 15) Para malabanan ang mga tukso, kailangan natin ang tulong ni Jehova. Kasama iyan sa mga hiniling ni Jesus sa modelong panalangin: “Huwag mo kaming hayaang mahulog sa tukso, kundi iligtas mo kami mula sa isa na masama.” (Mat. 6:13) Gusto tayong tulungan ni Jehova, pero dapat tayong humingi ng tulong sa kaniya. Dapat din tayong kumilos kaayon ng ating mga panalangin. w23.05 6-7 ¶15-17
Martes, Disyembre 9
Ang panaling gawa sa tatlong hibla ay hindi madaling mapatid.—Ecles. 4:12.
Kung mahalaga sa mag-asawa ang kaugnayan nila sa kanilang Ama sa langit, handa silang sumunod sa mga payo niya. Tutulong iyan para maiwasan nila o masolusyunan ang mga problema na puwedeng maging dahilan para lumamig ang pag-ibig nila sa isa’t isa. Nagsisikap din ang mga taong espirituwal na tularan si Jehova at ang mga katangian niya, gaya ng kabaitan, pagtitiis, at pagiging mapagpatawad. (Efe. 4:32–5:1) Kapag ipinapakita ng mag-asawa ang mga katangiang ito, mas mamahalin nila ang isa’t isa. Sinabi ni Lena, isang sister na mahigit 25 taon nang may asawa, “Madaling mahalin at igalang ang isang taong espirituwal.” Pag-isipan ang isang halimbawa sa Bibliya. Sa lahat ng inapo ni David, bakit sina Jose at Maria ang pinili ni Jehova na maging magulang ng Mesiyas? Kasi parehong matibay ang kaugnayan nila kay Jehova. Alam ni Jehova na uunahin nila siya sa buhay nila. w23.05 21 ¶3-4
Miyerkules, Disyembre 10
Maging masunurin kayo sa mga nangunguna sa inyo.—Heb. 13:17.
Perpekto ang Lider natin na si Jesus, pero hindi ganiyan ang mga brother na inatasan niyang manguna. Baka mahirapan tayong sundin sila, lalo na kapag ayaw natin ang ipinapagawa nila. May pagkakataon na nahirapan ding sumunod si apostol Pedro. Nang utusan siya ng isang anghel na kumain ng mga hayop na marumi ayon sa Kautusang Mosaiko, tatlong beses siyang tumanggi. (Gawa 10:9-16) Bakit? Hindi niya iyon matanggap dahil ibang-iba iyon sa nakasanayan niya. Pero sumunod si apostol Pablo nang sabihan siya ng matatandang lalaking Kristiyano sa Jerusalem na magsama ng apat na lalaki sa templo at linisin ang sarili niya sa seremonyal na paraan para maipakitang sumusunod siya sa Kautusan. Alam naman ni Pablo na wala na sa ilalim ng Kautusan ang mga Kristiyano. At wala siyang ginawang masama. Pero “isinama ni Pablo ang mga lalaki at nilinis ang sarili niya sa seremonyal na paraan kasama nila.” (Gawa 21:23, 24, 26) Dahil sumunod si Pablo, nakatulong siya para mapanatili ang pagkakaisa ng mga kapatid.—Roma 14:19, 21. w23.10 10 ¶15-16
Huwebes, Disyembre 11
Ang mga natatakot kay Jehova ang nagiging matalik niyang kaibigan.—Awit 25:14.
Anong mga katangian ang kailangan para manatiling matalik na kaibigan mo ang isang tao? Hindi man lang siguro sumagi sa isip mo ang pagkatakot. Pero kung gusto nating maging matalik na kaibigan si Jehova, dapat na “natatakot” tayo sa kaniya. Lahat tayo, kailangan nating panatilihin ang tamang pagkatakot kay Jehova, gaano man tayo katagal nang naglilingkod sa kaniya. Pero ano ba ang ibig sabihin ng pagkatakot sa Diyos? Masasabi nating tama ang pagkatakot natin sa Diyos kung mahal natin siya at iniiwasan natin ang anumang makakasira sa kaugnayan natin sa kaniya. Ganiyan si Jesus; mayroon siyang “makadiyos na takot.” (Heb. 5:7) Balanse ang pagkatakot niya kay Jehova—hindi sobra. (Isa. 11:2, 3) Ang totoo, mahal na mahal niya si Jehova at gusto niyang sundin ang mga utos Niya. (Juan 14:21, 31) Gaya ni Jesus, mataas ang paggalang natin kay Jehova kasi maibigin Siya, marunong, makatarungan, at makapangyarihan. Alam din natin na mahal tayo ni Jehova at may epekto sa kaniya kung ginagawa natin o hindi ang mga itinuturo niya sa atin. Puwede natin siyang masaktan o mapasaya.—Awit 78:41; Kaw. 27:11. w23.06 14 ¶1-2; 15 ¶5
Biyernes, Disyembre 12
Nang makapangyarihan na siya, naging mapagmataas siya at ito ang nagpahamak sa kaniya. Hindi siya naging tapat sa Diyos niyang si Jehova.—2 Cro. 26:16.
Nang maging makapangyarihan si Haring Uzias, nakalimutan niya na kay Jehova galing ang lakas at kasaganaan niya. Ang aral? Tandaan natin na galing kay Jehova ang mga pagpapala at pribilehiyo natin. Imbes na ipagyabang ang mga nagagawa natin, ibigay natin ang papuri kay Jehova. (1 Cor. 4:7) Tanggapin natin na hindi tayo perpekto at na kailangan natin ang disiplina. Sinabi ng isang brother na mahigit 60 taóng gulang na: “Kapag napapansin ng iba ang mga pagkakamali ko, hindi na ako masyadong nagdaramdam. Sinisikap kong itama iyon at pagbutihin pa ang paglilingkod ko.” Kung may takot tayo kay Jehova at mananatili tayong mapagpakumbaba, magiging masaya ang buhay natin.—Kaw. 22:4. w23.09 10 ¶10-11
Sabado, Disyembre 13
Kailangan ninyo ng pagtitiis, para kapag nagawa na ninyo ang kalooban ng Diyos, matanggap ninyo ang katuparan ng pangako.—Heb. 10:36.
Kinailangang magtiis ng mga Kristiyano noon. Bukod sa pang-araw-araw na mga problema, marami sa kanila ang nakaranas ng pag-uusig. Hindi lang mga Judiong lider ng relihiyon at mga Romanong awtoridad ang umusig sa kanila, kundi pati na rin ang mismong pamilya nila. (Mat. 10:21) At sa loob ng kongregasyon, kailangan nilang labanan ang impluwensiya at maling turo ng mga apostata. (Gawa 20:29, 30) Pero nakapagtiis ang mga Kristiyanong iyon. (Apoc. 2:3) Paano? Pinag-isipan nila ang mga halimbawa sa Bibliya ng mga nakapagtiis, gaya ni Job. (Sant. 5:10, 11) Nanalangin sila para humingi ng lakas. (Gawa 4:29-31) At nagpokus sila sa mga pagpapalang ibibigay ni Jehova kung magtitiis sila. (Gawa 5:41) Makakapagtiis din tayo kung regular nating pag-aaralan at bubulay-bulayin ang halimbawa ng mga nagpakita ng pagtitiis sa Bibliya at sa mga publikasyon natin. w23.07 3 ¶5-6
Linggo, Disyembre 14
Kaya patuloy ninyong unahin ang Kaharian at ang katuwiran niya, at ibibigay niya sa inyo ang lahat ng ito.—Mat. 6:33.
Hindi tayo susukuan ni Jehova at ni Jesus. Pagkatapos ikaila ni apostol Pedro si Jesus, kinailangan niyang gumawa ng mahalagang desisyon. Titigil na ba siya, o magpapatuloy sa pagsunod kay Jesus? Nagsumamo si Jesus kay Jehova na huwag sanang manghina ang pananampalataya ni Pedro. Sinabi ni Jesus kay Pedro ang panalangin niyang iyon at ipinakita niyang nagtitiwala siya na mapapalakas ni Pedro ang mga kapatid. (Luc. 22:31, 32) Siguradong napapatibay si Pedro kapag naaalala niya ang mga sinabi ni Jesus! Kapag kailangan nating gumawa ng mahahalagang desisyon, puwedeng gamitin ni Jehova ang maibiging mga pastol para patibayin tayo na manatiling tapat. (Efe. 4:8, 11) Kung pinaglaanan ni Jehova ng materyal na pangangailangan si Pedro at ang iba pang apostol, ilalaan din Niya ang materyal na pangangailangan natin kung uunahin natin ang ministeryo sa buhay natin. w23.09 24-25 ¶14-15
Lunes, Disyembre 15
Ang tumutulong sa dukha ay nagpapautang kay Jehova, at babayaran Niya siya dahil sa ginawa niya.—Kaw. 19:17.
Talagang nakikita ni Jehova ang ginagawa natin para sa iba, gaano man kaliit iyon. Para sa kaniya, isa itong handog at isang utang na siya ang magbabayad. Kung dati kang ministeryal na lingkod o elder, natatandaan ni Jehova ang lahat ng ginawa mo noon at ang pag-ibig na nagpakilos sa iyo na gawin iyon. (1 Cor. 15:58) Napapansin din niya ang pag-ibig na patuloy mong ipinapakita. Gusto ni Jehova na lumalim ang pag-ibig natin sa kaniya at sa iba. Mapapalalim natin ang pag-ibig kay Jehova kung babasahin natin ang kaniyang Salita at bubulay-bulayin ito at kung regular tayong mananalangin. Mapapalalim naman natin ang pag-ibig sa mga kapatid kung tutulungan natin sila sa praktikal na mga paraan. Habang mas lumalalim ang pag-ibig natin, mas mapapalapit tayo kay Jehova at sa mga kapatid. At puwede natin silang maging kaibigan magpakailanman! w23.07 10 ¶11; 11 ¶13; 13 ¶18
Martes, Disyembre 16
Ang bawat isa ang magdadala ng sarili niyang pasan.—Gal. 6:5.
Ang bawat Kristiyano ang dapat magpasiya kung paano niya papangalagaan ang kalusugan niya. Pagdating sa pagpili ng paraan ng paggamot, iilan lang ang espesipikong utos sa Bibliya, gaya ng pag-iwas sa dugo at espiritismo. (Gawa 15:20; Gal. 5:19, 20) Pero bukod diyan, ang bawat isa na ang magpapasiya kung anong uri ng paggamot ang tatanggapin niya. Anuman ang pananaw natin sa isang espesipikong paraan ng paggamot, dapat nating igalang ang karapatan ng mga kapatid na pumili ng gusto nila. Tungkol dito, ito ang mga dapat nating tandaan: (1) Kaharian lang ng Diyos ang permanenteng makakapagpagaling sa lahat ng sakit. (Isa. 33:24) (2) Dapat na “lubusang kumbinsido” ang isang Kristiyano sa pipiliin niya. (Roma 14:5) (3) Hindi tayo manghuhusga o gagawa ng anuman na makakatisod sa iba. (Roma 14:13) (4) Nagpapakita ng pag-ibig ang mga Kristiyano, at alam nila na mas mahalaga ang pagkakaisa ng kongregasyon kaysa sa opinyon nila.—Roma 14:15, 19, 20. w23.07 24 ¶15
Miyerkules, Disyembre 17
Banal siya para kay Jehova sa lahat ng araw ng kaniyang pagiging Nazareo.—Bil. 6:8.
Mahal na mahal mo ba si Jehova? Sigurado iyan! Ang totoo, marami ang nagmamahal kay Jehova mula pa noon. (Awit 104:33, 34) At nagsasakripisyo sila sa pagsamba sa kaniya. Ganiyang-ganiyan ang mga Nazareo, o mga nakaalay, sa Israel noon. Bagay na bagay ang terminong ito sa mga Israelita na nagsasakripisyo para mapaglingkuran si Jehova sa espesyal na paraan. Sa Kautusang Mosaiko, puwedeng piliin ng isang lalaki o babae na maging Nazareo sa loob ng ilang panahon. Pantanging panata niya iyan kay Jehova. (Bil. 6:1, 2) Dahil sa panatang iyan, may sinusunod siyang mga utos na hindi kailangang sundin ng iba pang Israelita. Kaya bakit gugustuhin ng isang Israelita na maging Nazareo? Siguradong dahil iyon sa matinding pagmamahal niya kay Jehova at sa pagpapahalaga niya sa maraming pagpapala ng Diyos sa kaniya.—Deut. 6:5; 16:17. w24.02 14 ¶1-2
Huwebes, Disyembre 18
Si Jehova [ay] nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa mga nagmamahal sa kaniya at sumusunod sa mga utos niya.—Dan. 9:4.
Sa Bibliya, ang salitang Hebreo para sa “tapat,” o “tapat na pag-ibig,” ay may ideya ng pag-ibig na ipinapakita ng Diyos sa mga lingkod niya. Ginamit din ang salitang iyan para sa pag-ibig ng mga lingkod ng Diyos sa isa’t isa. (2 Sam. 9:6, 7) Sa paglipas ng panahon, puwedeng mas tumibay ang determinasyon natin na maging tapat. Tingnan natin kung paano iyan pinatunayan ni Daniel. Maraming pangyayari sa buhay ni Daniel na sumubok sa katapatan niya. Pero ang isa sa pinakamahirap ay noong mahigit 90 na siya. Ayaw ng mga opisyal niya kay Daniel, at wala silang respeto sa Diyos nito. Kaya nagplano sila na ipapatay si Daniel. Nagpagawa sila ng batas na susubok kung kanino siya magiging tapat, sa kaniyang Diyos o sa hari. Para mapatunayan ni Daniel na tapat siya sa hari, kailangan niyang itigil ang pananalangin kay Jehova sa loob ng 30 araw. Pero pinili ni Daniel na maging tapat kay Jehova.—Dan. 6:12-15, 20-22. w23.08 5 ¶10-12
Biyernes, Disyembre 19
Patuloy nating ibigin ang isa’t isa.—1 Juan 4:7.
Gusto ni Jehova na patuloy nating mahalin ang mga kapatid. Kapag pinakitunguhan tayo nang hindi maganda ng isang kapatid, puwede nating isipin na hindi naman niya iyon sinasadya at na sinisikap pa rin niyang gawin ang tama sa paningin ni Jehova. (Kaw. 12:18) Mahal ng Diyos ang tapat na mga lingkod niya kahit hindi sila perpekto. Kapag nakakagawa tayo ng pagkakamali, hindi niya tayo itinatakwil; hindi rin siya nagtatanim ng sama ng loob. (Awit 103:9) Napakahalaga nga na tularan natin ang mapagpatawad nating Ama! (Efe. 4:32–5:1) Tandaan din na habang papalapit ang wakas, kailangan natin na manatiling malapít sa mga kapatid. Asahan na natin na lalo pang titindi ang pag-uusig. Posible pa nga tayong makulong dahil sa pananampalataya natin. Kapag nangyari iyan, mas kakailanganin natin ang mga kapatid.—Kaw. 17:17. w24.03 15-16 ¶6-7
Sabado, Disyembre 20
Pinapatnubayan ni Jehova ang mga hakbang ng tao.—Kaw. 20:24.
May mga halimbawa sa Bibliya ng mga kabataan na naging kaibigan ni Jehova. Minahal sila ng Diyos, at naging masaya ang buhay nila. Isa na diyan si David. Bata pa lang siya, pinaglingkuran na niya ang Diyos. Nang maglaon, naging tapat na hari siya. (1 Hari 3:6; 9:4, 5; 14:8) Kung pag-aaralan mo ang buhay ni David, mapapatibay ka na maglingkod nang tapat kay Jehova. Puwede mo ring gawing study project ang halimbawa ni Marcos o ni Timoteo. Mula pagkabata, naglingkod sila nang tapat kay Jehova. Napasaya nila si Jehova. Nakadepende sa ginagawa mo ngayon ang magiging kinabukasan mo. Kung magtitiwala ka kay Jehova at hindi sa sarili mo, papatnubayan niya ang mga hakbang mo. Puwedeng maging masaya at makabuluhan ang buhay mo. Tandaan na pinapahalagahan ni Jehova ang ginagawa mo para sa kaniya. Magagamit mo sa pinakamabuting paraan ang buhay mo kung paglilingkuran mo ang ating mapagmahal na Ama, si Jehova. w23.09 13 ¶18-19
Linggo, Disyembre 21
Patuloy [na] lubusang patawarin ang isa’t isa.—Col. 3:13.
Alam ni apostol Pablo na hindi perpekto ang mga kapatid. Halimbawa, noong bago pa lang siya sa kongregasyon, hinusgahan siya ng ilan. (Gawa 9:26) Paglipas ng ilang panahon, may mga nanira naman sa reputasyon niya. (2 Cor. 10:10) Nakita rin ni Pablo ang maling desisyon ng isang tagapangasiwa na posibleng nakatisod sa iba. (Gal. 2:11, 12) At talagang nadismaya siya kay Marcos, isa sa mga kasama niya sa paglalakbay. (Gawa 15:37, 38) Puwede sanang iwasan na lang ni Pablo ang mga nakasakit sa kaniya. Pero hindi nawala ang pagpapahalaga niya sa mga kapatid, at patuloy siyang naglingkod kay Jehova. Ano ang nakatulong kay Pablo? Mahal ni Pablo ang mga kapatid. Kaya nagpokus siya, hindi sa mga kahinaan nila, kundi sa magaganda nilang katangian. Nakatulong din sa kaniya ang pag-ibig para masunod ang binabanggit sa teksto sa araw na ito. w24.03 15 ¶4-5
Lunes, Disyembre 22
Ang alipin ng Panginoon ay hindi kailangang makipag-away, kundi kailangang maging mabait sa lahat.—2 Tim. 2:24.
Makikita sa maraming ulat sa Bibliya kung bakit mahalaga ang kahinahunan. Halimbawa, noong tumira si Isaac sa Gerar na teritoryo ng mga Filisteo, nainggit sila sa kaniya kaya tinabunan nila ang mga balon na hinukay ng mga lingkod ng kaniyang ama. Imbes na ipaglaban ni Isaac ang karapatan niya, lumipat na lang sila ng pamilya niya sa ibang lugar at doon naghukay ng balon. (Gen. 26:12-18) Pero inangkin din ng mga Filisteo ang tubig sa lugar na iyon. Kahit ganoon, naging mapagpayapa pa rin si Isaac. (Gen. 26:19-25) Bakit nakapanatili siyang mahinahon kahit na sinasadya siyang galitin? Siguradong natuto siya sa kahinahunan ni Abraham at sa “tahimik at mahinahong espiritu” ni Sara.—1 Ped. 3:4-6; Gen. 21:22-34. w23.09 15 ¶4
Martes, Disyembre 23
Ang layunin kong ito ay isasakatuparan ko.—Isa. 46:11.
Isinugo ni Jehova ang panganay niyang Anak dito sa lupa. Itinuro ni Jesus sa mga tao ang tungkol sa Kaharian at ibinigay ang buhay niya para tubusin tayo sa kasalanan at kamatayan. Matapos siyang buhaying muli, bumalik siya sa langit para maging Hari sa Kaharian ng Diyos. Ang pinakatema ng Bibliya ay ang pagbabangong-puri sa pangalan ni Jehova habang tinutupad niya ang layunin niya sa lupa. Gagamitin niya ang Kaharian na pinamamahalaan ni Kristo para matupad ito. Hindi mababago ang layunin ni Jehova. Sinigurado niyang matutupad ito. (Isa. 46:10, tlb.; Heb. 6:17, 18) Magiging paraiso ang lupa at ‘mabubuhay magpakailanman’ dito ang perpekto at matuwid na mga supling nina Adan at Eva. (Awit 22:26) Pero hindi lang ito ang kasama sa layunin ni Jehova. Pagkakaisahin din niya ang lahat ng lingkod niya sa langit at sa lupa, at magpapasakop silang lahat sa pamamahala niya. (Efe. 1:8-11) Hindi ka ba namamangha kung paano tinutupad ni Jehova ang layunin niya? w23.10 20 ¶7-8
Miyerkules, Disyembre 24
“Magpakalakas kayo, . . . dahil ako ay sumasainyo,” ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.—Hag. 2:4.
Pagdating sa Jerusalem ng mga Judiong umalis ng Babilonya, naging problema agad nila ang paglalaan sa pamilya nila, ang magulong sitwasyon sa politika, at ang pag-uusig mula sa nakapalibot na mga bansa. Dahil dito, nahirapan ang ilan na magpokus sa muling pagtatayo ng templo ni Jehova. Kaya, isinugo ni Jehova ang mga propetang sina Hagai at Zacarias para tulungan ang bayan na maibalik ang sigasig nila sa pagsamba at nagawa naman iyon ng mga propetang ito. (Hag. 1:1; Zac. 1:1) Pero pagkalipas ng halos 50 taon, kailangan ulit patibayin ang mga Judio. Kaya mula sa Babilonya, pumunta sa Jerusalem ang mahusay na tagakopya ng Kautusan na si Ezra para tulungan ang bayan ng Diyos na gawing pangunahin sa buhay nila ang tunay na pagsamba. (Ezra 7:1, 6) Natulungan ng mga hula nina Hagai at Zacarias ang bayan ng Diyos noon na patuloy na magtiwala kay Jehova sa panahon ng pag-uusig. Matutulungan din tayo ngayon ng mga hulang ito na magtiwalang susuportahan tayo ni Jehova sa mahihirap na sitwasyon.—Kaw. 22:19. w23.11 14-15 ¶2-3
Huwebes, Disyembre 25
Magpakita kayo ng pag-ibig, dahil lubusan nitong pinagkakaisa ang mga tao.—Col. 3:14.
Paano natin maipapakita sa mga kapatid na mahal natin sila? Ang isang paraan ay ang pagbibigay ng kaaliwan sa kanila. Magagawa nating “patuloy [na] aliwin ang isa’t isa” kung maawain tayo. (1 Tes. 5:11, tlb.) Paano natin mapapanatiling masidhi ang pag-ibig sa isa’t isa? Kung papatawarin natin ang mga kapatid kahit na napakahirap nitong gawin kung minsan. Bakit kailangang-kailangan ngayon na magpakita ng pag-ibig sa isa’t isa? Sinabi ni Pedro: “Ang wakas ng lahat ng bagay ay malapit na. Kaya . . . magkaroon kayo ng masidhing pag-ibig sa isa’t isa.” (1 Ped. 4:7, 8) Ano ang aasahan natin habang papalapit ang wakas ng masamang sanlibutang ito? Inihula ni Jesus tungkol sa mga tagasunod niya: “Kapopootan kayo ng lahat ng bansa dahil sa pangalan ko.” (Mat. 24:9) Para makayanan natin iyon, kailangan nating manatiling nagkakaisa. Kung mahal natin ang mga kapatid, mabibigo si Satanas na sirain ang pagkakaisa natin, dahil lubusan tayong pinagkakaisa ng pag-ibig.—Fil. 2:1, 2. w23.11 13 ¶18-19
Biyernes, Disyembre 26
Kami ay mga kamanggagawa ng Diyos.—1 Cor. 3:9.
Makapangyarihan ang mga katotohanan na nasa Salita ng Diyos. Kapag itinuturo natin sa mga tao ang tungkol kay Jehova, hindi na sila mabubulag ni Satanas at makikita nila ang magagandang katangian Niya. Hahanga sila sa walang-hanggang kapangyarihan ng ating Ama. (Isa. 40:26) Matututuhan nilang magtiwala sa kaniya dahil makatarungan siya. (Deut. 32:4) Marami silang matututuhan sa karunungan niya. (Isa. 55:9; Roma 11:33) At magiginhawahan sila kapag nalaman nila na siya ay pag-ibig. (1 Juan 4:8) Habang mas napapalapit sila kay Jehova, nagiging mas totoo sa kanila ang pag-asang buhay na walang hanggan bilang mga anak niya. Kaya isang malaking pribilehiyo para sa atin na tulungan ang mga tao na mapalapit sa kanilang Ama! Kapag ginawa natin iyan, ituturing tayo ni Jehova na “kamanggagawa” niya.—1 Cor. 3:5. w24.02 12 ¶15
Sabado, Disyembre 27
Mas mabuti pang hindi ka manata kaysa manata ka at hindi tumupad.—Ecles. 5:5.
Kung nagba-Bible study ka ngayon o kung pinalaki ka ng mga magulang mo sa katotohanan, pinag-iisipan mo na bang magpabautismo? Napakagandang goal niyan! Pero bago ka magpabautismo, kailangan mo munang ialay ang sarili mo kay Jehova. Paano mo iaalay ang sarili mo kay Jehova? Ipapangako mo sa kaniya sa panalangin na siya lang ang sasambahin mo at uunahin mo siya sa buhay mo. Ipapangako mo rin sa kaniya na iibigin mo siya “nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong pag-iisip mo at nang buong lakas mo.” (Mar. 12:30) Ang pag-aalay ay ginagawa nang mag-isa, walang ibang nakakaalam nito kundi si Jehova. Pero ang bautismo, ginagawa sa harap ng mga tao; ipinapakita nito sa iba na nag-alay ka na kay Jehova. Seryosong pangako ang pag-aalay. Dapat mong tuparin iyan. At talagang inaasahan ni Jehova na gagawin mo iyan.—Ecles. 5:4. w24.03 2 ¶2; 4 ¶5
Linggo, Disyembre 28
Mahalin ng bawat isa sa inyo ang kaniyang asawang babae gaya ng sarili niya; ang asawang babae naman ay dapat magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki.—Efe. 5:33.
Sinasabi ng Bibliya na ang lahat ng mag-asawa ay magkakaroon ng “karagdagang mga problema sa buhay.” (1 Cor. 7:28) Bakit? Dahil parehong hindi perpekto ang mag-asawa. Posibleng magkaiba rin ang personalidad, kagustuhan, kultura, o pinagmulan nila. Baka may lumabas silang ugali na hindi nakita ng asawa nila bago sila ikasal. Imbes na aminin na may pagkakamali ang bawat isa sa kanila at ayusin ang problema, baka magsisihan sila. Baka isipin pa nga nila na maghiwalay o magdiborsiyo na lang. Pero iyon ba ang solusyon? Hindi. Gusto ni Jehova na igalang ng mga may asawa ang kaayusan niya kahit mahirap pakisamahan ang asawa nila. w24.03 16 ¶8; 17 ¶11
Lunes, Disyembre 29
Hindi mabibigo ang pag-asa natin.—Roma 5:5.
Pagkatapos ng pag-aalay at bautismo mo, lalong nagiging totoo sa iyo ang pag-asa mo na mabuhay magpakailanman sa isang paraisong lupa habang lumalalim ang kaalaman mo at sumusulong ka sa espirituwal. (Heb. 5:13–6:1) Malamang na naranasan mo na ang prosesong binanggit sa Roma 5:2-4. Nagdusa ka dahil sa iba’t ibang pagsubok, pero tiniis mo ang mga iyon at nakuha mo ang pagsang-ayon ng Diyos. Dahil diyan, naging mas totoo sa iyo ang mga pangako ng Diyos. Naging mas kumbinsido ka na matutupad ang mga iyon. Mas malapít na sa puso mo ang pag-asa mo at mas pinapanabikan mo na ito, kaya may epekto ito sa bawat bahagi ng buhay mo. Binago nito ang paraan ng pagtrato mo sa pamilya, ang paggawa mo ng mga desisyon, at kahit ang paggamit mo ng panahon. May mahalaga pang sinabi si apostol Pablo tungkol sa pag-asang ibinigay sa iyo ng Diyos dahil sinasang-ayunan ka Niya. Sinisigurado ng apostol na magkakatotoo ang pag-asa mo.—Roma 15:13. w23.12 12-13 ¶16-19
Martes, Disyembre 30
[Si Jehova] ang magpapatatag sa iyo.—Isa. 33:6.
Kapag may mabigat tayong pinagdadaanan, baka mahirapan tayong kontrolin ang nararamdaman, iniisip, at reaksiyon natin. Baka maging pabago-bago ang emosyon natin. Paano tayo tinutulungan ni Jehova kapag nadadaig tayo ng emosyon natin? Tinitiyak niya sa atin na patatatagin niya tayo. Kapag may bagyo, puwedeng tumaob ang isang barko dahil sa malalakas na hampas ng alon. Kaya maraming barko ang may mga stabilizer sa magkabilang gilid. Nasa ilalim ito ng tubig, at nakakatulong ito para mabawasan ang pag-alog ng barko. Kaya mas ligtas ang mga pasahero at mas komportable ang biyahe. Pero marami sa mga stabilizer ang magagamit lang nang husto kung patuloy na umaandar ang barko. Ganiyan din ang ginagawa ni Jehova. Patatatagin niya tayo kung patuloy tayong maglilingkod nang tapat kahit may mga problema. w24.01 22 ¶7-8
Miyerkules, Disyembre 31
Sa Diyos ako nagtitiwala; hindi ako natatakot.—Awit 56:4.
Kapag natatakot ka, pag-isipan, ‘Ano na ang mga nagawa ni Jehova?’ Bulay-bulayin ang mga nilalang niya. Halimbawa, kung ‘titingnan nating mabuti’ ang pangangalaga ni Jehova sa mga ibon at bulaklak—kahit hindi sila nilalang ayon sa kaniyang larawan at hindi sila sumasamba sa kaniya—titibay ang pagtitiwala natin na pangangalagaan niya rin tayo. (Mat. 6:25-32) Pag-isipan din kung ano na ang mga nagawa ni Jehova para sa mga lingkod niya. Puwede mong pag-aralan ang isang karakter sa Bibliya na may matibay na pananampalataya o basahin ang karanasan ng isang lingkod ni Jehova sa panahon natin. Isipin din kung ano na ang mga nagawa ni Jehova para sa iyo. Paano ka niya inakay sa katotohanan? (Juan 6:44) Paano niya sinagot ang mga panalangin mo? (1 Juan 5:14) Paano ka nakikinabang araw-araw sa sakripisyong ginawa ng minamahal niyang Anak?—Efe. 1:7; Heb. 4:14-16. w24.01 3 ¶6; 7 ¶17