ABANA
Isa sa dalawang ilog ng Damasco na tinukoy ng Siryanong kumandante ng hukbo na si Naaman nang hamakin niya ang mga tagubilin ni Eliseo na maligo siya sa tubig ng Jordan upang gumaling ang kaniyang ketong.—2Ha 5:12.
Ipinapalagay ng karamihan na ang ilog na ito ay ang Nahr Barada, na nagmumula sa kabundukan ng Anti-Lebanon sa dakong HK ng Damasco at, matapos bumagtas sa kabundukan, lumalabas ito mula sa isang bangin na di-kalayuan sa K ng Damasco. Pagkatapos ay dumaraan ito sa hilagaang bahagi ng lunsod at nagsasanga-sanga upang tubigan ang isang malaking lugar bago ito maging isang dako ng mga latian sa gawing S ng lunsod. Ang tubig nito, na ginagamit upang tubigan ang mga bukid at mga taniman sa pamamagitan ng mga kanal at mga padaluyan, ay lumilikha ng isang malawak at luntiang oasis. Masasabi ngang umiiral ang Damasco dahil sa Barada. Matagal na itong pinagkukunan ng tubig para sa mga imbakang-tubig, mga fountain, at mga paliguan ng lunsod. Ang tawag dito ng mga klasikal na manunulat ay Ginintuang Ilog (Chrysorrhoas). Kaya lumilitaw na may matibay na saligan ang mataas na pagtingin ni Naaman sa ilog na ito.
Sa halip na “Abana,” ang salitang “Amana” o “Amanah” ang ginagamit sa 2 Hari 5:12 sa An American Translation at sa salin na inilathala ng The Jewish Publication Society of America, at ganito rin ang mababasa sa panggilid ng tekstong Masoretiko at sa Syriac na Peshitta. Sa maraming salin, may binabanggit na “Amana” sa Awit ni Solomon 4:8, at kinikilalang tumutukoy ito sa kabundukan ng Anti-Lebanon kung saan nagmumula ang ilog na tinatalakay rito. Samakatuwid, maaaring isinunod ang pangalan ng ilog sa kabundukang pinagmumulan nito.