ABEL-MEHOLA
[Daanang-tubig ng Pagsasayaw].
Ang sariling bayan ni Eliseo, kung saan siya nasumpungan ni Elias habang nag-aararo siya at kung saan siya pinahiran nito bilang kahaliling propeta.—1Ha 19:16-19.
Mas maaga rito, binanggit ang Abel-mehola sa ulat hinggil sa pagkatalo ng mga Midianita sa kamay ng maliit na pangkat ng mga mandirigma ni Gideon. Dahil sa magulong pagtakas ng mga Midianita, iniulat na nakarating sila “hanggang sa mga hangganan ng Abel-mehola sa tabi ng Tabat.”—Huk 7:22.
Dahil ang Tabat ay nasa S ng Ilog Jordan, mula noong 1951 ay may mga nagsikap na iugnay ang Abel-mehola sa Tell el-Maqlub na nasa Wadi el-Yabis. Bilang karagdagang argumento para rito, binabanggit na matapos lisanin ni Elias ang Horeb, tumigil siya sa Abel-mehola upang pahiran si Eliseo at maglalakbay pa siya patungo sa “ilang ng Damasco” upang pahiran si Hazael bilang hari sa Sirya. (1Ha 19:15) Ang pangunahing sinaunang lansangang-bayan mula sa Horeb hanggang sa Damasco ay nasa S ng Jordan, bagaman kung minsan ay kontrolado ng mga taong pagala-gala ang rutang ito.
Gayunman, sa katunayan ay ipinahihiwatig ng ulat hinggil sa pagtugis ni Gideon sa mga Midianita na ang mga ito ay nasa K (sa halip na nasa S) ng Jordan nang maganap ang pangyayaring tinutukoy sa Hukom 7:22. (Tingnan ang Huk 7:24.) At, kung tungkol naman sa paglalakbay ni Elias patungo sa Ilang ng Damasco, ipinakikita ng ulat na hindi ito kaagad isinagawa, kundi sa halip ay isinagawa ito ng kaniyang kahaliling si Eliseo pagkalipas ng ilang panahon. (1Ha 19:15-19; 2Ha 8:7-13) Dahil dito, patuloy na inirerekomenda ng ilang tekstong heograpiko ang isang lugar sa K ng Jordan sa halip na sa S nito. (The Geographical and Topographical Texts of the Old Testament, ni J. Simons, Leiden, 1959; The Geography of the Bible, ni D. Baly, 1957; at Atlas of the Bible, ni L. H. Grollenberg, 1956) Ipinapalagay nina Jerome at Eusebius ng unang mga siglo ng Karaniwang Panahon na ang Abel-mehola ay isang lugar na 10 milyang Romano (15 km; 9 na mi) sa T ng Bet-sean (sa K ng Jordan). Ang The Land of the Bible, ni Y. Aharoni, ay nagsasabi: “Ang Abel-mehola ay mas tiyakan na ngayong iniuugnay sa Tell Abu Sus na nasa [kanlurang] pampang ng Jordan, 15 km. sa timog ng Bet-sean.” (Isinalin at inedit ni A. Rainey, 1979, p. 313) Ang kalapit na kapatagan ng Bet-sean ay angkop na angkop sa malawakang pagsasaka.—Ihambing ang 1Ha 19:19.
Bilang karagdagang indikasyon na ang Abel-mehola ay isang lugar sa K ng Jordan, naging bahagi ito ng ikalimang administratibong distrito ni Solomon nang dakong huli at nakatalang kasama ng iba pang mga lugar sa K ng Jordan. (1Ha 4:12) Maliwanag na ito ang sariling bayan ni Adriel na Meholatita, isang manugang ni Saul. (1Sa 18:19; 2Sa 21:8) Posibleng ang pagsasayaw sa mga pista kapag ipinagdiriwang ang pag-aani ang pinagmulan ng pangalang Abel-mehola.