ANTILOPE
[sa Heb., di·shonʹ].
Isang hayop na ngumunguya ng dating kinain at may hati ang kuko, na ang tanging pagbanggit sa Bibliya ay nasa Deuteronomio 14:5, kung saan kasama ito sa talaan ng mga hayop na maaaring kainin ng mga Israelita. Hindi matiyak kung aling hayop ang tinutukoy ng salitang Hebreo na di·shonʹ.
Ipinapalagay ng marami na ang addax antelope (Addax nasomaculatus), na matatagpuan pa rin sa mga disyertong rehiyon ng Hilagang Aprika, ay ang di·shonʹ na binabanggit sa Hebreong Kasulatan. Ang antilopeng ito ay may taas na mga 1 m (40 pulgada) hanggang sa balikat. Ang nakabuka at may-hating mga kuko nito ay bagay na bagay para sa paglalakad sa buhaghag na buhanginan ng disyerto, kung saan maaari itong mabuhay kahit walang tubig sa loob ng mahabang panahon. Ang magkalayong mga sungay ng hayop na ito ay pilipit na parang turnilyo, anupat nakapilipit nang isa’t kalahati hanggang halos tatlong ikot, at may haba na mga 1 m (40 pulgada) kung susundan ang kurba nito. Maliban sa tiyan, buntot, likuran ng mga paa, at mga guhit-guhit sa mukha, na nananatiling puti, ang kulay ng addax antelope ay tumitingkad kapag taglamig at nagbabago mula sa kulay-buhangin tungo sa kayumanggi. Posible rin na ang antilope sa Bibliya ay ang Arabian oryx (Oryx leucoryx), na isa ring antilope sa disyerto.