ANTI-LEBANON
Ang mas silanganin sa dalawang hanay ng mga bundok na bumubuo sa mga kabundukan ng Lebanon. Ang Kabundukan ng Anti-Lebanon ay kahilera ng Kabundukan ng Lebanon sa distansiyang mga 100 km (60 mi), anupat sumasaklaw mula sa talampas ng Basan, sa S ng Dan, hanggang sa malawak na Kapatagan ng Emesa, di-kalayuan sa lugar ng Ribla. Sa pagitan ng dalawang kabundukang ito ay may isang mahabang libis na nalikha ng mga ilog ng Orontes at Litani at tinatawag na Coele-Sirya (“Malalim na Sirya”) o Beqaʽ.—Jos 11:17.
Ang tagaytay ng Anti-Lebanon sa H ay makitid at may sunud-sunod na matataas na taluktok. Ang bandang gitna nito ay mas malapad, mas mataas, at mas baku-bako, samantalang ang timugang bahagi naman ay binabagtas ng mahahabang agusang libis na patungo sa S at T. Sa dakong S ng pangunahing tagaytay nito ay may sunud-sunod na palusong na mga talampas na papababa nang unti-unti hanggang sa pumantay sa Kapatagan ng Damasco. Kasama sa timugang bahagi nito ang Bundok Hermon, na umaabot sa taas na 2,814 na m (9,232 piye). Ang kayarian ng mga bundok na ito ay katulad niyaong sa Kabundukan ng Lebanon, at ang mga ito ay pangunahin nang batong-apog, anupat may kulay-abong mga dalisdis at pabilog na kulay-abong mga taluktok.
Maliwanag na ang Kabundukan ng Anti-Lebanon ang tinutukoy sa Hebreo ng pangalang “Amanah” na nasa Awit ni Solomon 4:8, kung saan binabanggit ito may kaugnayan sa Bundok Hermon. Bagaman ipinapalagay ng ilan na ang Amanah ay isang partikular na taluktok ng bundok, waring tumutukoy ito alinman sa buong Kabundukan ng Anti-Lebanon o sa isang bahagi nito. Ang mga kabundukan ng “Libana” at “Ammanana” ay magkasamang binabanggit sa mga inskripsiyon ng mga Asiryanong monarka na sina Tiglat-pileser III at Senakerib. Ang Ilog Abana (makabagong Barada) ay tinatawag ding “Amanah” sa 2 Hari 5:12 sa Syriac na Peshitta at sa mga Aramaikong Targum, at ang ilog na ito, na pangunahing ilog ng Damasco, ay nagmumula sa timugang bahagi ng kabundukan ng Anti-Lebanon. Kaya ang pangalang ito ay maaaring tumutukoy sa bahaging iyon ng kabundukan o sa buong kabundukan mismo.
Yamang ang kalakhang bahagi ng Kabundukan ng Anti-Lebanon ay hindi nababalutan ng niyebe, iilan lamang ang ilog o batis doon. Kakaunting pananim ang tumutubo roon, ngunit may maninipis na kagubatan ng bansot na mga puno ng ensina at enebro sa iba’t ibang bahagi ng mga dalisdis niyaon. Iilang sedro na lamang ang natitira roon ngayon. Ang mabababang dalisdis ng kabundukan ay mayroon pa ring mga ubasan at mga taniman ng olibo at iba pang mga punungkahoy, gaya noong panahon ng Bibliya.