KEDES
[Banal na Dako].
1. Isang lunsod sa timugang Juda. (Jos 15:21, 23) Posibleng ito rin ang Kades-barnea.—Tingnan ang KADES, KADES-BARNEA.
2. Isang lunsod ng Neptali na ibinigay sa mga Gersonita at ibinukod bilang isang kanlungang lunsod. (Jos 20:7; 21:32, 33; 1Cr 6:71, 76) Dahil sa lokasyon nito, tinawag din itong “Kedes-neptali” (Huk 4:6) at “Kedes sa Galilea.” (Jos 20:7) Yamang sa Kedes naninirahan si Hukom Barak, dito niya tinipon ang kaniyang 10,000 tauhan mula sa Neptali at Zebulon bago sila nagtagumpay sa hukbong Canaanita na pinamumunuan ni Sisera. (Huk 4:6, 10) Pagkaraan ng ilang siglo, ang lunsod ay nilupig ni Haring Tiglat-pileser III ng Asirya noong panahon ng pamamahala ni Haring Peka ng Israel (mga 778-759 B.C.E.).—2Ha 15:29.
Ipinapalagay na ang Kedes ay ang Tell Qades (Tel Qedesh). Iyon ay isang gulod kung saan matatanaw ang isang maliit ngunit matabang kapatagan na mga 20 km (12 mi) sa TK ng Dan.
3. Isang lugar sa Isacar na iniatas sa “mga anak ni Gersom.” (1Cr 6:71, 72) Waring ito rin ang “Kision” na binanggit sa katulad na talaan sa Josue 21:28. Ang Tell Abu Qedeis (Tel Qedesh), na mga 4 na km (2.5 mi) sa TS ng Megido, ay iminumungkahi bilang posibleng lokasyon nito. Waring tutugma ito sa Josue 12:21, 22, kung saan ang Kedes ay lumilitaw na nasa kapaligiran ng Megido at Jokneam. Yamang sa Megido tinalo ni Barak si Sisera (Huk 5:19), maaaring malapit sa Kedes na ito (at hindi sa Blg. 2) pinatay ni Jael, sa loob ng kaniyang tolda, ang pinuno ng hukbong Canaanita na si Sisera.—Huk 4:11, 17, 21.