KAPITBAHAY, KAPUWA
Ang salitang Ingles na neighbor ay isinasalin sa Tagalog sa dalawang paraan. Kapag tumutukoy ito sa isang taong naninirahan sa malapit, siya man ay kaibigan o kaaway, ang ginagamit ay “kapitbahay.” Samantala, mula sa espirituwal na punto de vista, ang taong nagpapakita sa iba ng pag-ibig at kabaitang iniuutos ng Kasulatan, nakatira man siya sa malayo o hindi man siya kamag-anak o kasamahan, ay tinatawag na isang “kapuwa.” Ang isang salitang Hebreo na isinalin bilang “kapitbahay,” “kapuwa,” at “kalapit” ay sha·khenʹ, na nagpapahiwatig ng lokasyon, maaaring ng mga lunsod o ng mga tao, at sumasaklaw sa mga kaibigan at mga kaaway.—Ru 4:17; Aw 31:11; 79:4, 12; Jer 49:18.
Ang iba pang kaugnay na mga terminong Hebreo na isinasaling “kapuwa” o “kapitbahay” sa ilang konteksto ay naiiba nang bahagya ang kahulugan at nagbibigay sa atin ng mas malawak na pangmalas sa mga ugnayang tinutukoy sa Hebreong Kasulatan. Ang reʹaʽ ay nangangahulugang “kapuwa, kasamahan, kaibigan” at maaaring tumukoy sa pagiging malapít ng ugnayan, ngunit karaniwan nang tumutukoy ito sa kapuwa o kababayan ng isa, siya man ay isang malapít na kasamahan, naninirahan sa malapit o hindi. Sa karamihan ng pagkakagamit dito sa Kasulatan, tumutukoy ito sa isang kapuwa miyembro ng bansang Israel o sa isa na naninirahan sa Israel. (Exo 20:16; 22:11; Deu 4:42; Kaw 11:9) Ang ʽa·mithʹ ay nangangahulugang “kapuwa” o “kasamahan” at kadalasang ginagamit upang tumukoy sa isang tao na sa kaniya ay may ilang pakikipag-ugnayan ang isa. (Lev 6:2; 19:15, 17; 25:14, 15) Ang qa·rohvʹ, nangangahulugang “malapit, malapit na, kamag-anak,” ay ginagamit may kaugnayan sa lugar, panahon, o mga tao. Maaari itong magpahiwatig ng ugnayang mas matalik kaysa sa “kapitbahay” at kung minsan ay isinasalin bilang ‘matalik o malapit na kakilala.’ (Exo 32:27; Jos 9:16; Aw 15:3; 38:11) Wala tayong isang salita sa Tagalog na lubusang makapagtatawid ng lahat ng iba’t ibang kahulugang ito.
Gayundin, sa Griegong Kasulatan ay may tatlong salita na bahagyang nagkakaiba-iba ng diwa at kadalasang isinasalin bilang “kapitbahay” o “kapuwa”: geiʹton, na nangangahulugang “isa na naninirahan sa kaparehong lupain” at isinasalin bilang “kapitbahay” (Luc 14:12; Ju 9:8); pe·riʹoi·kos, isang pang-uri na nangangahulugang “tumatahan sa palibot,” ginagamit bilang pangngalan (sa anyong pangmaramihan) at isinasalin bilang “mga kapitbahay” sa Lucas 1:58; ple·siʹon, nangangahulugang “malapit,” ginagamit lakip ang pantukoy na ho (ang), anupat sa literal ay “ang (isa na) malapit,” at isinasalin bilang “kapuwa.” (Ro 13:10; Efe 4:25) Tungkol sa mga salitang Griegong ito, ang Vine’s Expository Dictionary of Old and New Testament Words ay nagsasabi: “Mas malawak ang kahulugan [ng mga salitang ito] kaysa sa salitang Ingles na ‘neighbour.’ Walang mga bahay na nakakalat sa agrikultural na mga lugar sa Palestina; ang mga taong-bayan ay natitipon sa mga nayon at naglalakbay patungo at pauwi mula sa kanilang trabaho. Kaya naman sa araw-araw ay iba’t ibang grupo ng mga tao sa palibot ang maaaring makasalamuha ng isa. Samakatuwid, napakalawak ng saklaw ng mga termino para sa kapitbahay. Makikita ito sa pangunahing mga katangian ng mga pribilehiyo at mga tungkulin ng pagiging magkapitbahay gaya ng isinasaad sa Kasulatan, (a) ang pagkamatulungin nito, halimbawa, . . . Lucas 10:36; (b) ang matalik na ugnayan nito, halimbawa, Lucas 15:6, 9 . . . Heb. 8:11; (c) ang kataimtiman at kabanalan nito, halimbawa, . . . Rom. 13:10; 15:2; Efe. 4:25; San. 4:12.”—1981, Tomo 3, p. 107.
Masasamang “Kapitbahay” o Kalapit na Bayan. Gayunman, maaaring masasama ang ilang kalapit na bayan, gaya ng mga bansang nasa palibot ng Israel. Nang mawasak ang templo sa Jerusalem sa mga kamay ng mga Babilonyo noong 607 B.C.E., ang mga bansang ito, gaya ng Edom, ay nagsaya, anupat ibinigay pa nga nila ang takas na mga Judio sa mga kaaway ng mga ito. (Aw 137:7; Ob 8-14; Mik 4:11) Kaya naman naantig ang salmista na sumulat: “Kami ay naging kadustaan sa aming mga kalapit na bayan [anyong pangmaramihan ng sha·khenʹ], isang kaalipustaan at kakutyaan sa mga nasa palibot namin.” Nanalangin siya: “Iganti mo sa aming mga kalapit na bayan [anyong pangmaramihan ng sha·khenʹ] nang pitong ulit sa kanilang dibdib ang kanilang pandurusta na ipinandusta nila sa iyo.” Dahil ‘tumatahan’ si Jehova sa gitna ng Israel, tinukoy niya ang mga bansang sumasalansang sa kaniyang bayan bilang ang “lahat ng aking masasamang kapitbahay, na gumagalaw sa minanang pag-aari na pinangyari kong ariin ng aking bayan, ng Israel nga.”—Aw 79:4, 12; Jer 12:14; ihambing ang Aw 68:16.
Iniutos ang Pag-ibig sa Kapuwa. Sa buong Bibliya, inuutusan ang isa na magpakita ng pag-ibig, kabaitan, pagkabukas-palad, at pagkamatulungin sa kaniyang kapuwa, ito man ay isang taong naninirahan lamang sa malapit, isang kasamahan, isang matalik na kakilala, o isang kaibigan. Itinagubilin ng Kautusan: “Sa katarungan ay hahatulan mo ang iyong kasamahan [isang anyo ng ʽa·mithʹ]. . . . Huwag mong kapopootan ang iyong kapatid sa iyong puso. Dapat mo ngang sawayin ang iyong kasamahan, upang hindi ka magtaglay ng kasalanan kasama niya . . . at iibigin mo ang iyong kapuwa [isang anyo ng reʹaʽ] gaya ng iyong sarili.” (Lev 19:15-18) (Dito, ang salitang reʹaʽ ay isinalin sa Griegong Septuagint sa pamamagitan ng pananalitang Griego na ho ple·siʹon.) Pinapurihan ni David ang taong “hindi . . . naninirang-puri sa pamamagitan ng kaniyang dila. Sa kaniyang kasamahan [isang anyo ng reʹaʽ] ay wala siyang ginagawang masama, at hindi siya nagsasalita ng pandurusta laban sa kaniyang matalik na kakilala [isang anyo ng qa·rohvʹ].” (Aw 15:3) Paulit-ulit na iniuutos sa Kasulatan na huwag pinsalain ng isang tao ang kaniyang kapuwa (reʹaʽ), anupat huwag man lamang niyang hamakin ito o nasain ang anumang bagay na pag-aari nito.—Exo 20:16; Deu 5:21; 27:24; Kaw 14:21.
Sinabi ng apostol na si Pablo: “Siya na umiibig sa kaniyang kapuwa ay nakatupad na sa kautusan.” Pagkatapos ay binanggit niya ang ilan sa mga utos ng Kautusan at sinabi niya bilang konklusyon: “at anumang iba pang utos, ay nabubuo sa salitang ito, samakatuwid nga, ‘Iibigin mo ang iyong kapuwa [ple·siʹon] gaya ng iyong sarili.’ Ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kaniyang kapuwa [ple·siʹon]; kaya nga ang pag-ibig ang siyang katuparan ng kautusan.” (Ro 13:8-10; ihambing ang Gal 5:14.) Ang utos na ibigin ng isa ang kaniyang kapuwa gaya ng kaniyang sarili ay tinawag ni Santiago bilang “ang makaharing kautusan.”—San 2:8.
Ikalawa sa pinakadakilang utos. Bilang tugon sa isang Judio na nagtanong, “Anong mabuti ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?” palibhasa’y nais nitong malaman kung aling mga utos ang dapat sundin, binanggit ni Jesus ang lima sa Sampung Utos at idinagdag niya ang utos sa Levitico 19:18 nang sabihin niya: “Iibigin mo ang iyong kapuwa [ple·siʹon] gaya ng iyong sarili.” (Mat 19:16-19) Tinukoy rin niya ito bilang ang ikalawa sa pinakamahalagang utos sa Kautusan, anupat kasama sa dalawang utos kung saan nakasalalay ang buong Kautusan at ang mga Propeta.—Mat 22:35-40; Mar 12:28-31; Luc 10:25-28.
Sino ba ang aking kapuwa? Pinalalim din ni Jesus ang pagkaunawa ng kaniyang mga tagapakinig sa kahulugan ng salitang ple·siʹon noong ang isa pang lalaki, udyok ng masidhing pagnanais na patunayang matuwid ang kaniyang sarili, ay magtanong: “Sino ba talaga ang aking kapuwa [ple·siʹon]?” Sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa maawaing Samaritano, mariin niyang ipinakita na kahit naninirahan sa malayo ang isang tao, o hindi ito kamag-anak o kasamahan, ang tunay na kapuwa ay yaong handang magpakita sa iba ng pag-ibig at kabaitang iniuutos ng Kasulatan.—Luc 10:29-37.
Sa Bansang Israel. Sa Hebreo 8:11, isang anyo ng salitang Griego na po·liʹtes, “mamamayan,” ang lumilitaw sa karamihan ng mga tekstong Griego; ang ilang mas huling manuskrito ay kababasahan ng ple·siʹon. Dito ay sumisipi si Pablo mula sa hula ng pagsasauli na nasa Jeremias 31:34, patungkol sa mga kabilang sa bansang Israel: “‘At hindi na sila magtuturo pa, bawat isa ay sa kaniyang kasama [isang anyo ng reʹaʽ] at bawat isa ay sa kaniyang kapatid, na sinasabi, “Kilalanin ninyo si Jehova!” sapagkat silang lahat ay makakakilala sa akin, mula sa pinakamababa sa kanila at maging hanggang sa pinakadakila sa kanila,’ ang sabi ni Jehova.” Ikinapit ito ni Pablo sa espirituwal na “banal na bansa,” ang “Israel ng Diyos,” sa pagsasabing: “At hindi nila sa anumang paraan tuturuan, ng bawat isa ang kaniyang kapuwa mamamayan at ng bawat isa ang kaniyang kapatid . . . ”
Payo Mula sa Mga Kawikaan. Bagaman dapat tulungan at ibigin ng isa ang kaniyang kapuwa, dapat din naman siyang mag-ingat na huwag ipilit ang kaniyang sarili na maging ang pinakamatalik na kasama ng kaniyang kapuwa, anupat iniiwasang maging mapanghimasok o mapang-abuso. Ipinahayag ng kawikaan ang ideyang ito sa ganitong mga pananalita: “Gawin mong madalang ang iyong paa sa bahay ng iyong kapuwa [isang anyo ng reʹaʽ], upang hindi siya magsawa sa iyo at talagang kapootan ka.”—Kaw 25:17.
Gayunman, ipinapayo rin ng Mga Kawikaan ang pagkakaroon ng pananalig at pagtitiwala sa isang kasamahan at ang katalinuhan ng paglapit sa gayong tao sa panahon ng kagipitan: “Huwag mong iwan ang iyong sariling kasamahan o ang kasamahan ng iyong ama, at huwag kang pumasok sa bahay ng iyong sariling kapatid sa araw ng iyong kasakunaan. Mas mabuti ang kapitbahay [sha·khenʹ] na malapit kaysa sa kapatid na malayo.” (Kaw 27:10) Dito, waring sinasabi ng manunulat na ang isang malapít na kaibigan ng pamilya ay dapat pahalagahan at dapat na ito ang asahang mas makapagbibigay ng tulong kaysa sa isang napakalapit na kamag-anak gaya ng isang kapatid, kung nasa malayo ang kapatid na iyon, sapagkat maaaring hindi ito handa o wala ito sa tamang kalagayan upang tumulong na gaya ng nabanggit na kasamahan ng pamilya.