PARTO, MGA
[Ng (Mula sa) Parthia].
Ang mga Judio at mga proselita mula sa Parthia ang unang nakatala sa mga dumalaw sa Jerusalem para sa Kapistahan ng Pentecostes, 33 C.E. Dahil sa banal na espiritu ng Diyos na ibinuhos sa grupo ng mga 120 alagad na Kristiyano ay naihayag nila ang mabuting balita sa wika o diyalekto ng mga Parto, anupat tiyak na ang ilan sa kanila ay tumugon, naging mga Kristiyano, at malamang na nagpalaganap ng mensahe sa kanilang mga kababayan pagkabalik nila sa Parthia. (Gaw 1:15; 2:1, 4-12, 37-47) Nagkaroon ng likas na mga Judio sa Parthia dahil sa Pangangalat; ang “mga proselita” (Gaw 2:10) ay mga di-Judio na nakumberte sa Judaismo.
Ang Imperyo ng Parthia ay nagmula sa TS ng Dagat Caspian ngunit sa kalaunan ay lumawak mula sa Eufrates hanggang sa India. Ang mga Parto ay naging sakop ng mga Persiano mula noong panahon ni Haring Ciro. Nang pamunuan sila ng Gresya, naghimagsik sila laban sa mga kahalili ni Alejandrong Dakila at napanatili nila ang kanilang kasarinlan sa loob ng ilang siglo, kahit noong panahon ng pananakop ng Roma. Napamunuan nila ang Judea nang ilang taon bago ito naagaw ng mga Romano. Ang mga Parto ay isa pa ring independiyenteng bansa noong unang siglo, at bagaman isinagawa nila ang nangingibabaw na relihiyong Persiano, nagparaya sila sa mga relihiyon ng mga Judio at ng iba pa.