TITO, LIHAM KAY
Isang liham na isinulat ng apostol na si Pablo kay Tito, isang kamanggagawa na iniwan ni Pablo sa Creta upang ‘ituwid ang mga bagay na may depekto at mag-atas ng matatandang lalaki’ sa iba’t ibang kongregasyon doon. (Tit 1:1, 4, 5) Ang autentisidad ng liham ay pinatototohanan ng lahat ng namumukod-tanging sinaunang mga katalogo ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, pasimula sa Muratorian Fragment ng ikalawang siglo C.E.
Panahon at Lugar ng Pagsulat. Yamang walang umiiral na rekord na si Pablo ay nagsagawa ng gawaing Kristiyano sa pulo ng Creta bago ang kaniyang unang pagkakabilanggo sa Roma, malamang na naroroon siya, kasama si Tito, noong panahon sa pagitan ng pagpapalaya sa kaniya at ng kaniyang huling pagkakabilanggo. Kung gayon, ang panahon ng pagsulat ng liham ay sa pagitan ng mga 61 at 64 C.E. Maaaring ipinadala ang liham mula sa Macedonia; lumilitaw na doon at noong panahon ding iyon isinulat ni Pablo ang Unang Timoteo.—1Ti 1:3.
Ang Layunin ng Liham. Maliwanag na ang liham ay nilayon na magsilbing isang giya para kay Tito at nagbigay sa kaniya ng apostolikong suporta para sa pagganap ng kaniyang mga tungkulin may kaugnayan sa mga kongregasyon sa Creta. Hindi madali ang kaniyang atas, sapagkat kailangan niyang makipaglaban sa mga taong mapaghimagsik. Gaya nga ng isinulat ni Pablo: “Maraming taong di-masupil, mga nagsasalita ng di-mapapakinabangan, at mga manlilinlang ng isipan, lalo na yaong mga taong nanghahawakan sa pagtutuli. Kinakailangang itikom ang mga bibig ng mga ito, yamang patuloy na iginugupo ng mismong mga taong ito ang buu-buong mga sambahayan sa pamamagitan ng pagtuturo ng mga bagay na hindi nila dapat ituro alang-alang sa di-tapat na pakinabang.” (Tit 1:10, 11) Isa pa, pangkaraniwan sa mga Cretense ang pagsisinungaling, katakawan, at katamaran, at lumilitaw na ipinamamalas ng ilan sa mga Kristiyano ang masasamang ugaling ito. Dahil dito, kailangan ni Tito na sawayin sila nang may kahigpitan at ipakita sa kanila kung ano ang kahilingan sa mga Kristiyano, bata man o matanda, lalaki o babae, alipin o malaya. Siya mismo ay dapat na maging isang halimbawa sa maiinam na gawa at magpakita ng kawalang-kalikuan sa kaniyang turo.—1:12–3:2.
[Kahon sa pahina 1332]
MGA TAMPOK NA BAHAGI NG TITO
Payo sa isang matanda may kinalaman sa pag-aasikaso sa mga situwasyon sa isang napakahirap na atas
Maliwanag na isinulat ng apostol na si Pablo pagkatapos ng kaniyang unang pagkakabilanggo sa Roma
Pag-aatas ng mga tagapangasiwa at pag-aasikaso sa malulubhang problema
Tinagubilinan si Tito na ituwid ang mga bagay-bagay na may depekto at mag-atas ng mga tagapangasiwa sa iba’t ibang lunsod ng Creta (1:5)
Ang isang lalaking inatasan upang maging tagapangasiwa ay dapat na malaya sa akusasyon, uliran kapuwa sa kaniyang pagkatao at sa kaniyang buhay pampamilya, mapagpatuloy, timbang, at mapagpigil sa sarili; dapat na may-kawastuan niyang katawanin ang katotohanan sa kaniyang pagtuturo upang mapayuhan niya at masaway yaong mga sumasalungat (1:6-9)
Ang mga taong di-masupil sa loob ng mga kongregasyon ay dapat patahimikin, lalo na yaong mga nanghahawakan sa pagtutuli, anupat naggugupo ng buu-buong mga sambahayan; kailangan ang mahigpit na pagsaway upang ang lahat ay maging malusog sa pananampalataya (1:10-16)
Ang mga mangmang na pagtatanong, mga talaangkanan, at mga pagtatalo tungkol sa Kautusan ay dapat iwasan; itakwil ang isang nagtataguyod ng isang sekta pagkatapos siyang payuhan nang makalawang ulit (3:9-11)
Nakapagpapalusog na payo sa lahat ng uri ng mga Kristiyano
Ang matatandang lalaki ay pinasisigla na maging uliran sa pagiging katamtaman, pagkaseryoso, katinuan ng pag-iisip, pananampalataya, pag-ibig, at pagbabata (2:1, 2)
Ang matatandang babae ay hinihimok ding maging uliran; sila ay dapat na maging mga guro ng kabutihan, upang matulungan nila ang mga nakababatang babae na magkaroon ng tamang pangmalas sa kanilang mga pananagutan bilang mga asawa at mga ina nang sa gayo’y hindi madusta ang salita ng Diyos (2:3-5)
Ang mga nakababatang lalaki ay pinapayuhang magkaroon ng matinong pag-iisip (2:6-8)
Ang mga alipin ay dapat magpasakop sa mga may-ari sa kanila upang magayakan ang turo ng Diyos (2:9, 10)
Ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos ay dapat mag-udyok sa mga Kristiyano na itakwil ang pagka-di-makadiyos at mamuhay na taglay ang katinuan ng pag-iisip sa sistemang ito ng mga bagay, habang matiyaga nilang hinihintay ang maluwalhating pagkakahayag ng Diyos at ni Jesu-Kristo (2:11-15)
Magpakita ng wastong pagpapasakop sa mga tagapamahala, iwasan ang pagiging palaaway, at linangin ang pagkamakatuwiran at kahinahunan (3:1, 2)
Si Pablo at ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano ay dati ring nagsasagawa ng kasamaan; ngunit dahil sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos ay nailigtas sila at ngayon ay may tiyak na pag-asa sa buhay na walang hanggan; idiin sa tuwina ang mga bagay na ito upang mapasigla ang mga mananampalataya na ituon ang kanilang mga kaisipan sa maiinam na gawa (3:3-8)