Tulungan ang Inyong mga Anak na Maging Malapit sa Diyos
SA MGA isang libong salita ay iniulat sa Bibliya ang unang 30 taon ng buhay ni Jesus. Nguni’t libu-libo ang ginamit sa pag-uulat ng huling tatlo at kalahating taon. Sapagka’t ang ministeryo ni Jesus—hindi ang kaniyang kapanganakan, pagkabata at pagbibinata—ang nangingibabaw sa ulat ng Ebanghelyo. Gayunman, ang manakanakang pagbanggit ng Bibliya ng kabataan ni Jesus ay nagpapakita na kahit ang mga bata ay maaaring maging malapit sa Diyos.
Sa kabanata 2 ng ulat ni Lucas sa Bibliya, sinasabing ang 12-anyos na si Jesus ay nasa templo, “nakaupo sa gitna ng mga guro” ng kautusan ng Diyos. Siya’y “nakikinig sa kanila at tinatanong sila” at sila’y namamangha sa “kaniyang kaunawaan at mga sagot.” (Lucas 2:46, 47) At, habang siya’y lumalaki ay lumalaki rin ang kaniyang karunungan at kaunawaan.—Lucas 2:40, 52.
Ano’t mayroon si Jesus ng ganitong katangian? Ang kaniyang mga magulang ang isa sa mga dapat purihin dito. Bilang mga Judio ay obligado sila na sundin ang payo ni Jehova tungkol sa pagpapalaki sa anak. Sinabi ng propeta ng Diyos na si Moises: “Ang mga salitang ito na iniuutos ko sa iyo sa araw na ito ay sasa-iyong puso; at ikikintal mo sa isipan ng iyong anak at sasalitain mo ang mga yaon kapag ikaw ay nakaupo sa iyong bahay at kapag ikaw ay lumalakad sa lansangan at kapag ikaw ay nahihiga at kapag ikaw ay bumabangon.” (Deuteronomio 6:6, 7) Oo, pinapangyari ng Diyos na ipagkatiwala ang kaniyang Anak sa isang pamilya na susunod sa kaniyang payo. Ang ganiyan ding interes ang dapat ipakita ng mga magulang sa kanilang mga anak. Tinutulungan ba ninyo sila na makilala si Jehova at maghangad na maglingkod sa kaniya?
“Mula sa Pagkasanggol”
Hindi dapat hintaying magkaedad ang mga anak bago sila turuan ng katotohanan. Si Timoteo ay lumaki na isang maygulang na Kristiyano. Siya’y tinuruan sa Banal na Kasulatan “mula sa pagkasanggol.” (2 Timoteo 3:15) May mga inang Kristiyano na nananalangin nang malakas sa paghingi ng pagpapala ni Jehova bago pasusuhin ang kanilang mga sanggol. Hindi nagtatagal at sa katapusan ng gayong panalangin ang mga sanggol ay nagsasabi ng “amen”! Isang maliit na hakbang ito para matulungan sila na pahalagahan ang lahat ng espirituwal at materyal na kaloob buhat sa Diyos.
Si Michael (pitong taon) at si Sephorah (walong taon) ay nakitaan ng bunga ng pagkasanay sa kanila ng mga magulang nila. Minsan, nang silang mag-anak ay naglalakbay, ang mga bata’y kusang nanalangin sa Diyos na patnubayan sila at iligtas. At nang dumating sila sa kanilang paparoonan hindi nakaligtaan ng mga bata na pasalamatan si Jehova.
Si Christian at si Eric (edad tatlo at anim na taon) ay kasama ng kanilang mga magulang sa pamamasyal sa parke. Napawaglit ang dalawang ito. Kailan sila natagpuan ng kanilang mga magulang? Nang katatapus-tapos lamang na manalangin kay Jehova ang mga batang ito!
Bagaman musmos na musmos pa ang mga bata sila’y maaaring sanayin. Sa isang malaking asambleang Kristiyano sa Belgium, ang tres-anyos na si Gino ay dinala sa plataporma at pinaupo sa isang mataas na upuan. Ipinasalaysay sa kaniya ng tagapagpahayag ang pangalan ng lahat ng 66 na mga aklat ng Bibliya. Ikaw, magagawa mo ba ito? Nagawa ito ni Gino! Patuloy na sinanay siya ng kaniyang mga magulang at ngayon ay isa siyang naglalakbay na tagapangasiwa ng mga Saksi ni Jehova. Hindi lahat ng bata ay may pare-parehong kakayahan sa pagkatuto, nguni’t ipinakikita nito ang kabutihan ng pagtuturo sa kanila ng Bibliya.
Maipauunawa rin sa maliliit na bata ang mga turo ng Bibliya. Sa isang paaralan ng nursery sa Grand Duchy of Luxembourg, ang kuwatro-anyos na si Kai ay hindi sumali sa panalangin ng mga ibang bata. Sinabi niya: “Hindi kami naniniwala sa tatlong-sulok na diyos!” Bagaman medyo kulang ang kaalaman ni Kai sa aral-Katolikong iyon, alam niya na hindi siya dapat manalangin doon!—Marcos 12:29.
Ginagawang Bahagi ng Kanilang Buhay ang Diyos
May mga problema rin ang mga bata. Imbis na sarilihin, dapat ipagtapat iyon sa kanilang magulang. Dapat ding himukin ang mga bata na ‘ilagak kay Jehova ang kanilang pasanin.’ (Awit 55:22) Tulungan sila na maunawaan na hindi hahamakin ni Jehova ang kanilang pakiusap, sapagka’t sinabi ni Jesu-Kristo: “Pabayaan ninyong magsilapit sa akin ang maliliit na bata; huwag ninyo silang pagbawalan.” (Marcos 10:14) At ang mga bata ay dapat turuang manalangin sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.—Juan 14:6.
Pagka ang mga bata ay natutong dumipende sa tulong ni Jehova at nakita nila ang resulta, malaki ang nagagawa nito sa kanilang pananampalataya. Si Jacquy ay isang binatang naglilingkod ngayon sa isa sa mga tanggapang sangay ng Watch Tower Society at may ganitong karanasan nang siya’y 14 anyos: “Ang aming circuit assembly ay naka-iskedyul sa dulo-ng-sanlinggo bago ng katapusang eksamen namin. Ang materyal na rerepasuhin ay hindi ibinigay sa amin ng titser kundi noong Biyernes. Ipinasiya namin ng aking mga magulang na dadalo ako sa assembly, bagaman magkaroon ako ng bahagya lamang panahon na mag-aral. [Hebreo 10:24, 25] Nanalangin ako kay Jehova na tulungan ako sa paghahanda para sa eksamen.
“Lunes noon ng umaga, at lahat ng estudyante ay totoong ninenerbiyos sapagka’t, sa unang pagkakataon, ang eksamen ay oral. Ako’y nanalangin na naman kay Jehova na tulungan ako. Ano ang nangyari? Nakakuha ako ng pinakamataas na marka sa mga asignatura sa eksamen nang araw na iyon. Isang titser na isa sa hurado ang nagsabi pa, ‘Ibig kong makita kung hanggang saan siya makakarating.’ Gayunman ay nasasagot ko ang kaniyang mga tanong.”
Ano ang natutuhan ni Jacquy sa mainam na resultang ito? “Nang maranasan ko ang tulong ni Jehova ay naging lalong malapit ako sa kaniya. Hindi pala tayo dapat mabahala sa anuman kundi dapat na lumapit tayo sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng laging pananalangin at pagsusumamo.”—Filipos 4:6, 7.
Oo, tulungan natin ang ating mga anak na “makilala” si Jehova, at gawin siyang bahagi ng kanilang araw-araw na pamumuhay. Pagka nadama nila na sumasa-kanila si Jehova sa kanilang pakikitungo, hindi ba lalo silang magaganyak na patuloy na maglingkod sa kaniya kaysa kung naririnig at nababasa lamang nila ang tungkol sa kaniya? Nguni’t, ang pagsasanay sa kanila ang hindi madali. Hindi agad makakalimutan ng mga bata ang sigla at sipag ng kanilang mga magulang sa pagtuturo sa kanila ng kaalaman kay Jehova. At hindi rin makakalimutan iyon ni Jehova. (Hebreo 6:10-12) Tulungan sana nating mga magulang ang ating mga anak na kamtin ang gantimpalang ibibigay ng ating makalangit na Ama sa mga nakakakilala sa kaniya at nakikilala naman niya—ang “buhay na walang hanggan.”—Juan 17:3.