Panghabang-Buhay na Pagbabago Alang-alang kay Jehova
Ibinida ni Smith Bell
“ANG landas ng mga matuwid ay parang maningas na liwanag na sumisikat na paliwanag nang paliwanag hanggang sa malubos ang araw.”—Kawikaan 4:18.
Ang tekstong ito ay nagpapakita ng pagbabago at pagsulong, at habang pinag-iisipan ko ang isang daang taon ng aking buhay, nakikita ko kung paano tunay ngang patuloy na pinaliwanag ni Jehova ang landas ng katotohanan. Kinailangan dito ang pagkukusa na tumanggap ng gayong pagbabago at pagsulong sa ganang sarili ng mga nagsisikap na maglingkod sa kaniya.
Ibinawal ang Aklat Tungkol sa Bibliya
Ang unang malaking pagbabago sa aking buhay ay dumating noong panahon ng Digmaang Pandaigdig I. Nakikita ko pa hanggang ngayon ang mga salitang nakalimbag sa lokal na mga peryodiko sa Saskatchewan, Canada, noong 1918: “BANNED: THE FINISHED MYSTERY, BY C. T. RUSSELL.” Marahil ay hindi ako gaanong naapektuhan nito maliban sa bagay na ito rin ang autor ng mga sermon sa Bibliya na kinaugalian na ng aking ama na basahin nang ako ay lumalaki malapit sa White Water, Manitoba. Lalo kong natatandaan pa kung papaano sumang-ayon siya sa mga sermon ni Mr. Russell na nagpapaliwanag buhat sa Bibliya at nagsasabi na walang pagpaparusa sa apoy ng impierno.
Ngayon lahat ay waring nag-uusap-usap tungkol sa aklat na ito, at lubhang napukaw ang aking interes. Bakit nga ba ang isang komentaryo tungkol sa Bibliya, higit sa lahat ng bagay, ay ipagbabawal na basahin ng publiko? Sa kabilang panig, hindi baga sinabi ng artikulo na ito umano ay mayroong mga sidisyoso at anti-giyerang mga pangungusap? Gayumpaman, kailangan ko ang aklat na iyon! Subalit anuman ang gawin kong pagsisikap, wala akong matagpuan. Sa halip, binigyan ako ng iba pa sa serye ding iyon na pinamagatang The Divine Plan of the Ages. Nang natapos kong basahin iyon at ihambing ko sa aking Bibliya, ganiyan na lang ang aking katuwaan. Ito nga ang katotohanan!
Bago nang panahong ito ang aking interes sa relihiyon ay hindi gaano, bagama’t nabasa ko ang Bibliya nang minsanan. Ang totoo, ito ay isiniksik lamang ni inay sa aking mga dala-dalahan nang lisanin ko ang Manitoba upang pumakanluran at magtungo sa Saskatchewan upang magsimulang magsaka sa aking sariling homestead sa edad na 22 anyos. Noong 1905 nang ang aking mga binabasang materyal ay nababawasan sa panahon ng unang taglamig na iyon, dibdiban kong sinuri ang Bibliya pati ang katotohanan na taglay nito. Ang aking nahinuha ay walang magagawang pagsulong sa daigdig hangga’t hindi ginagapos si Satanas at ibinubulid sa kalaliman gaya ng sinasabi sa Apocalipsis 20:1-3.
Dapat Akong Mangaral
Ang sumunod na mga ilang taon ay lumipas na madali samantalang ako ay nag-asawa na at nagkapamilya. Subalit ngayon, pagkatapos na mabasa ko ang Divine Plan, natalos ko na hindi pala ako maaaring maupo na lamang at hintayin na mangyari ang mga bagay na ito at umasang kakamtin ko ang lahat ng pagpapala. Kailangang ibalita ko sa iba ang mga kahanga-hangang bagay na ipinangako ni Jehova.
Natural lamang na ang aking mga kapitbahay ang una kong pangaralan, iyan ang nasa isip ko, at tiyak na sila’y matutuwa na kagaya ko rin nang unang marinig ko ang mabuting balita. Isinaayos ko ang isang pag-aaral sa Bibliya sa aking tahanan at inanyayahan ko ang aking mga kaibigan mula sa karatig na mga sakahan upang makisali sa akin. Gayumpaman, imbis na matuwa sila, nahalata ko na inakala nila na ako ay nababaliw! Kanilang iminungkahi na mas mabuti raw mapaglilingkuran ko ang komunidad kung tatanggapin ko ang puwesto ng superintindente ng lokal na Sunday school ng iba’t ibang denominasyon. Sumang-ayon ako na pumaroon sa susunod na Linggo at pagkatapos ay magpasiya.
Nang dumating nga ako roon ay sinabi sa akin na ang pag-uusapan para sa araw na iyon ay ang paksang “Sino ba ang Lalong Relihiyoso—ang mga Lalaki o mga Babae?” Hindi ko na hinintay ang sermon, ako ay umalis agad, upang huwag nang bumalik kailanman. Paano nga ako masisiyahan sa gayong walang kawawaang pag-uusap gayong ang aking mga mata ay nabuksan na sa tunay na kahulugan ng mga katotohanan na nagpalaya sa akin buhat sa takot sa walang-hanggang pagpaparusa at naliwanagan ko ang tulad natutulog na kalagayan ng mga patay, ang dakilang pag-asa na mabuhay magpakailanman? Ang turo ng Bibliya tungkol sa pagkabuhay na mag-uli ay isang dakilang kaaliwan sa aking maybahay at sa akin, yamang dalawa sa aming mga anak na babae ang namatay na. Ang aming kadalamhatian ay naparam nang maunawaan namin na hindi pala ang Diyos ang kumuha sa kanila upang dalhin sa langit at isama sa mga anghel.—Eclesiastes 9:5, 10; Isaias 25:8; Juan 5:29; Apocalipsis 21:3-5.
Halos nang panahong ito, may nakilala akong mga iba pang interesadong Bible Students sa lugar ng Wilkie, na siyang pinakamalapit na bayan, at isang kongregasyon na binubuo ng humigit-kumulang labindalawa ang itinatag. Halos agad-agad ay inatasan ako na manguna sa lingguhang pag-aaral ng The Watch Tower kung Linggo. Ang pananagutang ito ay binigay sa akin nang hindi pa ako nababautismuhan!
Pagbabago sa Aking Paniwala
Noong 1922 ay nabautismuhan ako. Sinundan ito ng pagbabautismo ng aking maybahay makalipas ang kaunting panahon kung kaya’t nagkaroon ng isa na namang pagbabago. Nagbitiw ako sa tungkulin ko sa konseho munisipal. Natalos ko na hindi ako dapat magdalawang-isip kung tungkol sa katapatan. Hindi ako maaaring mangaral sa mga tao doon sa aming palibot at ibalita sa kanila kung paano aalisin ng Kaharian ng Diyos ang mga kasamaan sa daigdig samantalang patuloy pa rin akong sumasali sa mga pagsisikap ng tao. At lalo na ngayong ipinakita ng Bibliya nang buong linaw na ang mga ito ay babagsak.—Apocalipsis 19:11-18.
Ang transportasyon nang panahong iyon ay medyo mabagal, kaya ang aming pangangaral ay medyo naiiba kaysa pangangaral ngayon. Kami’y pumipili ng isang purok na may paaralan at dinadalaw namin ang mga tahanan ng lahat ng naroroon. Ang maghapon ay ginugugol namin sa pag-anyaya sa kanila na pumaroon sa eskuelahan kung Linggo upang makinig ng isang pahayag sa Bibliya. Natatandaan ko pa isang araw ng Linggo na isang kapatid at ako ang nagbabahay-bahay sa bukid at inaanyayahan ang mga tao na pumaroon sa eskuelahan nang gabing iyon at nagharap din ako sa kanila ng anim na mga pantulong na aklat sa pag-aaral sa Bibliya sa abuloy na $3. Kami’y tumuktok sa isang pintuan at isang babae ang lumabas at sinabi niyang talagang hindi siya maaaring bumasa ng lahat ng mga aklat na ito. Ang kapatid ay tumugon, “Ale, hindi lamang kakailanganin ninyo na basahin ang mga aklat na ito kundi kakailanganin din ninyo na matutuhan ang lahat ng naririto kung ibig ninyong mabuhay!” Ngayon ay mayroon tayong lalong mataktikang paglapit sa mga tao, subalit sa papaano man ang aming kataimtiman ay maliwanag na nakilala sa pamamagitan ng ganoong magaspang na panlabas.
Nang sumunod na mga ilang taon mayroong mga kaugnay sa aming kongregasyon na nagbangon ng mga alinlangan tungkol sa ating wastong dako sa kaayusan ni Jehova. Anong tuwa namin nang, noong 1935, ang liwanag ay higit na sumikat upang ipakita kung sino sa atin ang bumubuo ng “malaking pulutong” na binanggit sa Apocalipsis 7:9-17. Sila’y hindi isang pangalawang uring makalangit at sa gayo’y hindi makikibahagi sa emblemang alak at tinapay na walang lebadura sa taunang Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Anong laking ginhawa na asam-asamin ang katuparan ng pag-asang makapamuhay sa lupang paraiso magpakailanman, bilang bahagi ng “mga maaamo” na sinabi ni Jesus na magmamana ng lupa, ang kaniyang “mga ibang tupa.”—Mateo 5:5, King James Version; Juan 10:16; Isaias 65:17-25.
Ibinawal Uli ang mga Babasahin sa Bibliya!
Noong 1940, noong Pandaigdig na Digmaan II, ang relihiyosong mga mananalansang, na gumagawa sa pamamagitan ng mga sistema pulitikal, ay minsan pang nagkaroon ng kanilang pagkakataon na ipagbawal ang ating mga aktibidades. Ito’y ginawa nang walang anumang abiso. Nang panahong iyon, nangyari na kaming mag-anak ay dumadalaw sa Manitoba. Nang kami’y umuwi at pinakakain na namin ang mga kabayo, hindi lamang mga pagkaing-kabayo, mga oats, ang naroon sa labangan! Marahil nagkaroon ang mga kapatid ng pagkakataon na alisin ang literatura ng kongregasyon sa aming dakong pulungan at kanilang itinago iyon sa aming labangan upang huwag makumpiska. Kinandado ng mga may kapangyarihan ang gusaling iyon at sinamsam ang aming naiimpok na pera sa bangko. Kaya’t lihim na isinaayos namin na ilipat ang mga pulong sa iba’t ibang tahanan bawat linggo.
Noong 1941 ang aking maybahay, anak na babae at ako ay naparoon sa British Columbia, at ang aming anak na lalaki ang iniwan namin sa bukid. Isinaplano namin na gugulin ang taglamig sa baybaying dagat. Yamang ang aming gawain ay bawal pa rin, maingat na nag-impake kami ng pinakamaraming literatura na maaari naming dalhin sa aming pickup truck. Nang kami’y dumating sa White Rock, agad na nagkatrabaho ako bilang isang karpintero at, yamang walang kongregasyon doon, gumawa ako ng mga biglaang pagtatanong upang alamin kung mayroon doong mga kapananampalataya. Parang ganito ang kinauuwian ng aming usapan: Sasabihin ko, “Ano ba ang palagay ninyo tungkol sa pagbabawal na ito sa mga Saksi ni Jehova?” Ganito naman marahil ang isasagot nila, “Wala akong gaanong nalalaman hinggil diyan, pero sa palagay ko si ganoo’t-ganire na doon nakatira ay may simpatiya sa kanila.” Pagkatapos ay pupuntahan ko ang taong iyon at makikipagkilala at hindi nagtatagal isang grupo ng anim o pito katao sa amin ang nagdadaos na ng linggu-linggong Pag-aaral sa Watchtower.
Yamang ang White Rock ay naroon sa hangganang Amerikano at ang pagbabawal naman ay hindi abot sa Estados Unidos, iba’t iba sa amin ang tumatawid sa hangganan at pagkatapos ay babalik na dala na ang pinakahuling kopya ng The Watchtower. Mas malamang na ikaw ay halughugin kung ikaw ay nakasakay sa sasakyan, kaya sa ganoong paraan ay nakuha namin na maipuslit at makinabang sa pinakabagong espirituwal na pagkain. Bagama’t ang aming gawain at literatura ay ibinawal noon, ang talagang nasa likod ng pagbabawal, ang klero, ay walang kapangyarihan na ipagbawal pati ang Bibliya. Kaya’t kami’y nagbabahay-bahay noon na ang ginagamit lamang ay ang Salita ng Diyos.
Minsan kami’y nagplano ng isang biglaang paggawa sa White Rock, isang bayan na may humigit-kumulang 1,500 katao nang panahong iyon. Tinipon namin ang lahat ng mga pulyeto na naitago at naibaon ng mga kapatid at dinagdagan pa namin iyon ng aking mga iniuwi nang ako’y manggaling sa Saskatchewan. Binalot namin ang mga tatlo nito sa selopeyn at nilagyan ng lastiko, at isang gabi makalipas ang hatinggabi ay ipinamahagi namin sa mga pintuan ng mga bahay.
Kinaumagahan ako ay pumaroon sa aking trabaho gaya nang dati, at waring ang mga usap-usapan ay naroroon sa mga nangyari noong nakaraang gabi. Bawat isa ay waring kumbinsido na tiyak na napakarami ang mga “Saksi” sa palibot yamang silang lahat ay tumanggap ng mga pulyeto saanmang panig ng bayan sila nakatira.
Masamang Trato Buhat sa mga Relihiyoso
Hindi nagtagal pagkatapos na alisin ang pagbabawal noong 1943 isang kongregasyon ang itinatag sa White Rock at pinasiya naming mag-anak na manatili roon. Kami’y umupa ng isang gusali upang gamiting isang dakong pulungan, subalit ang mga mananalansang ay patuloy na gumawa ng nakagagambalang mga ingay kung kaya’t hindi kami nakapagpako ng aming atensiyon sa ginaganap doon na mga pag-aaral. Nakarinig kami ng mga ingay buhat sa mga tambol, sa mga kawaling bakal at sa mga auto na binubusina buhat sa kalye, at sa mga kapitbahay ay katakut-takot na kalabugan at pukpukan. Kaya’t natanto namin na ayaw nila na kami ay dumoon.
Lumipat kami sa ibang gusaling inupahan sa labas ng bayan na doo’y matahimik, at nang panahong ito ang aming kongregasyon ay mayroon nang humigit-kumulang 50 mamamahayag. Makalipas ang kaunting panahon kami’y nakapagtayo ng isang bagong Kingdom Hall sa bayan, ngunit pagkatapos ng mga pitong taon ay masikip na ito. Mabuti naman at naipagbili namin ang hall na iyon sa katamtamang halaga at kami’y nakabili ng lote sa gitna ng bayan. Kaya’t nakapagtayo kami ng aming bagong Kingdom Hall nang hindi kami nangungutang ng anuman.
Malalaking Pagbabago
Noong mga taon ng 1950 ay nagkaroon ng isa pang malaking pagbabago sa aking buhay na, kung hindi sa tulong ni Jehova, hindi ko sana nagawa. Ito’y ang supilin kong lubusan ang paninigarilyo. Marami ring taon na ako’y naging isang maninigarilyo na “part-time,” bagama’t hindi ko tinulutan na ito’y makahadlang sa akin sa paglilingkod kay Jehova ngunit hindi ko naman lubusang maiwanan ito. Nagambala ang aking budhi paminsan-minsan, subalit yamang ang nakalipas na impormasyon ay mataktikang nagharap ng pagkaseryoso ng di-mabuting ugaling ito, ako ay nagpatuloy pa rin.
Hindi nangyari kundi nang ilathala sa mga publikasyon ng Watchtower na ‘walang sinumang papayagang magsalita sa plataporma kung siya’y naninigarilyo,’ kaya muli kong binasa ang mga teksto sa 2 Corinto 7:1, Roma 12:1, 2 at Kawikaan 3:5. Batid ko na kailangang ihinto ko ang aking bisyo na paninigarilyo. Nang sa wakas ay manalangin ako kay Jehova na taglay ang tamang saloobin, siya’y naglaan ng “tulong sa tamang panahon,” at minsanan at magpakailanman na naihinto ko na iyon. At siyanga pala, hindi na uli ako naghangad ng isa pa uling sigarilyo.—Hebreo 4:16.
Patuloy na pinagpala ni Jehova ang pagsisikap ng aming grupo sa paggawa ng mga alagad, at noong 1967 ang aming kongregasyon sa White Rock ay umabot na sa humigit-kumulang isang daang mamamahayag. Sa panahong ito napatunayan ko na patuloy na lumalabo ang aking paningin at hindi na ako makapagmamaneho ng anumang kotse kaya’t hinimok kami ng aking anak na babae, manugang at mga apo na lumipat sa Whidbey Island, Washington, para kami mapalapit sa kanila. Talagang malungkot na iwanan namin ang lahat naming kaibigan, subalit lahat sa aming bagong kongregasyon ay galak na galak na kami’y tanggapin, at agad naman kaming nagkaroon ng mga kaibigan doon. Ang aking maybahay ay namatay noong 1973; kami’y nagkaroon ng kahanga-hangang pagsasama bilang mag-asawa sa loob ng halos 67 taon, at inaasam-asam ko ang araw na siya’y muling mabubuhay at nasa mabuting kalusugan.
Samantala, kaylaki-laki ng dapat kong ipagpasalamat kay Jehova, at ang isa nito’y ang pribilehiyo na makita na ‘ang munti ay naging isang libo at ang maliit ay naging isang makapangyarihang bansa.’ Gayundin, sa kabila ng aking katandaan anong laki ng aking kagalakan na naglilingkod pa ako sa aking mga kapatid bilang isang matanda sa lokal na kongregasyon. At nakakasama rin ako sa aking sambahayan sa pagbabahay-bahay upang hanapin ang higit pang mga tao na interesado sa bagay na mas mabuti kaysa inihahandog ng lilipas na sistemang ito ng mga bagay. Tunay na pinadali ni Jehova ang kaniyang gawain “sa kaniyang takdang panahon,” gaya ng kaniyang ipinangako, at tunay na pinagpala niya ako sa pagsunod sa kaniyang maibiging pangunguna.—Isaias 60:22.